Mensahe ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan sa gitna ng lumalalang pandaigdigan at lokal na krisis

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 26, 2013

BASAHIN sa INGLES

Sa ika-45 anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikong batayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ipinagdiriwang natin ang natipon at bagong mga tagumpay ng Partido at mamamayang Pilipino sa bagong demokratikong rebolusyon laban sa naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupang sunud-sunuran sa imperyalismong US.

Determinado tayong isulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa batayan ng ating lakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, pangibabawan ang ating mga pagkakamali at kahinaan, ilatag ang ating mga tungkulin at isakatuparan ang mga iyon upang ibunsod ang mas malalaking tagumpay sa rebolusyonaryong pakikibaka.


Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagtatagal at lumalala. Bunga nito, patuloy ang paglalim at paglubha ng palagiang krisis ng lokal na naghaharing sistema. Ang kundisyon ng krisis ay nagdudulot ng di mabatang pagdurusa sa mamamayan at nagtutulak sa kanila na lumaban sa lahat ng paraan.

Alinsunod sa disenyo ng US, layunin ng Oplan Bayanihan na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan o pawalansaysay ito sa pagkukumbina ng papatinding mga brutal at mapanupil na kampanyang militar at ng huwad na paglalarawan sa rehimeng Aquino bilang modelo ng mabuting pamamahala, pag-unlad ng ekonomya at tagapamigay ng limos sa pinakanagdarahop, laluna sa mga larangang gerilya.

Subalit sa ngayon, ang lubhang pagkabigo ng Oplan Bayanihan ay napakalinaw. Patuloy na lumalawak at lumalakas ang digmang bayan. Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamaya'y umaasa na sa pamamagitan ng walang kapagurang pagsisikap at pakikibaka, susulong sila mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

Ang rehimen ni Aquino ay inilalantad at kinukundena ng mamamayan dahil sa paglilingkod nito sa interes ng mga nagsasamantalang uri, na kinabibilangan din niya, sa pangangayupapa niya sa imperyalistang US, sa pagpapalala ng atrasadong katangian ng ekonomya at sa pagiging korap dahil sa pagnanakaw ng pondong publiko at pagtanggap ng suhol mula sa malaking negosyo.

Ang imperyalistang US at ang mga lokal na nagsasamantalang uri ay umasa noon na mapipigilan ng rehimeng Aquino ang rebolusyonaryong kilusan, mapagkakasundo ang nagriribalang reaksyunaryong pwersa at mapatatatag ang naghaharing sistema. Subalit pinalalala nito ang krisis sosyo-ekonomiko at pampulitika at itinutulak ang mamamayan na mag-alsa. Ang panawagan para sa pagpapatalsik o pagbibitiw ng rehimeng Aquino ay lumalawak at tumatalas.

I. Nagtatagal at nagbubunsod ng gera ang pandaigdigang krisis

Ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pangunguna ng US ay nakatuon sa pagpapanatili ng neoliberal na patakaran sa ekonomya. Kinakapitan nila ang dogma na ang maksimisasyon ng pribadong tubo at ang pinabilis na akumulasyon at konsentrasyon ng kapital sa kamay ng monopolyong burgesya at ng oligarkiya sa pinansya nito sa pamamagitan ng pagbababa ng sahod, liberalisasyon ng pamumuhunan, kalakalan at pinansya, ang pribatisasyon ng mga pag-aari ng estado, ang deregulasyon ng mga restriksyong panlipunan at pangkapaligiran at ang denasyunalisasyon ng mga atrasadong bansa ang siyang daan para sa pag-unlad ng ekonomya, paglikha ng empleyo at kasiyahan sa lipunan.

Pinagtatakpan nito ang katotohanan na ang kapitalistang sistema ng pagmamaksimisa sa pribadong tubo sa pamamagitan ng pagpapaliit ng pondong pansahod ay di maiiwasang magresulta sa krisis ng sobrang produksyon sa tunay na ekonomya at na may limitasyon ang paggamit ng pautang at mga derivative at pagpapalobo sa pinansya para suportahan ang ekonomya at maghatid ng lalong malaking tubo sa monopolyong burgesya sa isang siklo ng pag-unlad at pagbagsak. Sa harap ng pagtirik ng ekonomya, nagngangalit ang mamamayan sa US at iba pang imperyalistang bansa dahil sa labis na tagibang na kita ng 5% nasa tuktok at ng natitirang bahagi ng lipunan at dahil sa lumalalang kahirapan dulot ng disempleyo, kawalan ng bahay at pumapaimbulog na presyo ng saligang mga kalakal at serbisyo.

Mula nang mangyari ang pagguhong pinansyal noong 2008, wala nang tigil ang krisis at ang pagdausdos ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa kabila ng panaka-nakang pagsigla ng mga pamilihang pampinansya. Nagpapatuloy ang pandaigdigang depresyon at ang pinakabiktima'y ang mamamayan ng ikatlong daigdig. Ang mga imperyalistang kapangyariha'y wala pang nakikitang solusyon sa krisis, manapa'y pinalalala pa iyon sa pagsasalba sa malalaking burgesya gamit ang salaping publiko at pagdaragdag sa ari-arian ng malalaking bangko at korporasyon at lalo pang pagpasa ng krisis sa masang anakpawis at sa mga atrasadong bansa sa pamamagitan ng mga hakbanging pagtitipid.

Ang paulit-ulit at lumalalang krisis sa ekonomya at pinansya bunga ng neoliberal na patakaran sa ekonomya ay malalim nang bumabagbag at nagpapahina sa US sa loob ng ilang dekada. Kumitid ang base nito sa manupaktura bunga ng pag-“outsource” o paglilipat ng produksyon ng maraming pangkonsumong kalakal sa China at sa ilang tinaguriang sumisibol na mga ekonomya habang nakatuon sa produksyon ng malalaking produkto (tulad ng telekomunikasyon, mga eroplano at sandatang may mataas na teknolohiya), pagpapalapad sa sektor ng serbisyo at pinansyalisasyon ng ekonomya ng US.

Ang litaw na anyo ng krisis sa US at sa pandaigdigang sistemang kapitalista ay ang krisis ng pampublikong utang na dagdag pa sa di gaanong litaw na problema sa utang ng mga korporasyon at ng daan-daang trilyong dolyar na halaga ng mga papeles sa pinansya. Humina ang pinagkukunan ng buwis ng mga imperyalistang estado dulot ng pagtirik ng ekonomya, paglaki ng disempelyo, malalaking kaltas sa buwis ng mga korporasyon at mayayaman, burukratikong korapsyon at mataas na gastusing militar.

Sa bigong tangkang lutasin ang krisis sa pampublikong pautang at lumalaking depisit ng gubyerno, ipinapasa ng mga imperyalista sa mamamayan ang bigat ng krisis. Ipinatutupad ng pederal na gubyernong US ang tinaguraing "quantitative easing" o pagbabawas ng pondong nakalaan sa pagbili ng mga pribadong sapi at mga instrumentong pampinansya at ang pag-iimprenta ng salapi, habang litaw ang mga hakbanging pagtitipid ng mga lokal na estado. Ipinapataw ng European Union ang pagtitipid sa mga kasapi nitong estado, laluna yaong lantarang nagdeklara ng pagkabangkarote, tulad ng Greece, Spain at Portugal. Kabilang sa pagtitipid ang pagbabawas ng sahod at pensyon, mga serbisyong panlipunan at mga kawaning ineempleyo ng estado.

Pinangungunahan ng US ang mga imperyalistang bansa sa pagturing sa produksyong militar bilang pampabuhay ng ekonomya, sa aktwal na pagtataas ng gayong produksyon, sa pagpapakat ng mga pwersang militar nito sa ibayong dagot at paglulunsad ng mga gerang agresyon. Ang US at ang mga alyado nito sa NATO ay lantarang nagkakaisa na kailangang imantine ang superyoridad sa ekonomya upang suportahan at ipagtanggol ang dayuhang pamumuhunan. Kasabay nito, walang awat ang pagkakaltas sa mga serbisyong panlipunan (tulad ng edukasyon, kalusugan at murang pabahay).

Upang itago ang realidad ng depresyon ng ekonomya at palabasing simpleng resesyon lamang ito bagamat nag-uulit, kada anim na buwan ay nagpapasok ang mga imperyalistang estado ng pampublikong pondo sa sektor pampinansya upang likhain ang ilusyon ng muling pagbangon. Pinagtatakpan ng monopolyong burgesya at ng naghahari sa pinansya ang responsibilidad nila sa krisis sa pamamagitan ng nakapaghaharing mga partidong pampulitika, masmidya, mga paaralan at simbahan. Pinalalaganap nila ang mga reaksyunaryong kaisipan tulad ng sobinismo, rasismo, panatisismo sa relihyon, mga patakarang kontra-imigrante, anti-komunismo, pasismo at panunulsol ng gera upang alisin sa mamamayan ang kakayahang kilalanin ang mga kapitalistang ugat ng krisis at ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pakikibakang makauri.

Gayunpaman, nilalabanan ng uring manggagawa at iba pang mamamayan sa mga imperyalistang bansa ang tumitinding pagsasamantala at pang-aapi, sa kabila ng pagtatangka ng malaking burgesya na lituhin sila't siluin sa mga tunggaliang elektoral ng mga lantad na reaksyunaryo at repormista. Naglulunsad ng mga pag-aaklas at protestang masa ang mga manggagawa, kasama ang kabataan, kababaihan, matatanda, migrante at mga refugee. Habang lumalala ang krisis, mas nagiging militante ang mga aksyong masa. Kaliwa't kanan ang kundisyon para sa pag-unlad ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado at ng mga progresibong organisasyong masa sa iba't ibang sektor.

Laging sinusubukan ng mga imperyalistang kapangyarihan na pangibabawan ang mga kontradiksyon sa kanilang hanay sa pamamagitan ng pagbubuklod laban sa mga bansa at mamamayan ng ikatlong daigdig at pagsasalin dito ng bigat ng krisis sa pamamagitan ng pinatinding pagsasamantala, pribilehiyo sa pamumuhunan, di pantay na kalakalan, pagpapataw ng patakaran sa dayong pananalapi, mas malalaking pautang at pinabilis na pagdambong sa likas na yaman at pagwasak sa kapaligiran. Laging pandaigdigan ang saklaw ng modernong imperyalismo. Subalit sa ilalim ng patakarang neoliberal, ang pangunahing diin ng imperyalistang globalisasyon ay ang denasyunalisasyon ng mga ekonomya ng ikatlong daigdig, bagay na labag sa pambansang kasarinlan, pambansang patrimonya at sa makatwirang hangarin para sa pag-unlad ng pambansang industriya.

Nilalabanan ng mamamayan ng Asia, Africa at Latin America at mga bansang atrasado sa Eastern Europe at mga republika ng Russia ang tumitinding pagsasamantala at pang-aapi. Ang ligalig sa lipunan at pulitika ay sumasaklaw sa buu-buong mga kontinente sa buong mundo. Naglulunsad ng walang katulad na mga protestang masa ang malawak na masa ng sambayanan. Sa makabuluhang bilang ng mga bansa, ang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay naglulunsad ng digmang bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya, tulad sa Pilipinas, India, Bangladesh, Turkey, North Kurdistan, Colombia, Peru at iba pa.

Napakarami ng kundisyon para sumibol ang mga digmang bayan sa dagdag pang mga bansa habang nagtatagal at lumalala ang krisis. Maaaring umasa ang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado at mamamayan na makukumpleto ang pakikibaka para sa panlipunang paglaya at demokrasya at pagkatapos niyo'y tumuloy sa sosyalistang rebolusyon kung kanilang mawawasak ang makinaryang militar at burukratiko ng reaksyunaryong estado. May malilinaw na aral na mahuhugot ang lahat ng rebolusyonaryo kung paano ginamit ang mga kasunduang pangkapayapan para biguin ang mga rebolusyong panlipunan sa Nicaragua, El Salvador, Nepal at Tamil Eelam.

May ilang estado sa ikatlong daigdig tulad ng Democratic People's Republic of Korea, Cuba, Venezuela, Syria at Iran na naggigiit ng kanilang pambansang kalayaan at nakapaninindigan laban sa mga banta, panunulsol at pamamarusang ipinapataw ng mga imperyalista sa pamumuno ng US. Sa iba't ibang antas, natutunan nila ang mga aral mula sa malungkot na karanasan ng mga estado, na sa simula'y lumaban sa mga imperyalistang dikta at paglao'y nakipagkasundo sa mga imperyalista at naglantad ng kanilang mga bulnerabilidad kaya tuluyan silang napabagsak at nasakop.

Ang US at NATO ay nakapagtayo ng mga papet na rehimen, nagkaroon ng mga base militar at nakapandambong sa mga bansang pinaglunsaran nito ng gerang agresyon o panghihimasok-militar. Subalit patuloy na lumalaban ang mamamayan doon. Patuloy ang mga armadong tunggalian sa Iraq, Afghanistan, mga bahagi ng Pakistan at Libya. Anumang oras ay maaaring sumiklab ang Balkans. Ang tinaguriang "Arab spring" sa Tunisia at Egypt ay nagtagumpay sa pagbabagsak ng mga diktador gaya nina Zine el Abadine Ben Ali at Hosni Mubarak at nagbigay-daan sa paghahari ng Salafi at Muslim Brotherhood. Kinailangan ng US na muling magluklok ng maka-US na naghaharing pangkating militar sa Egypt para ikalugod kapwa ng Israel at ng burgesyang militar sa Egypt na iniluwal ng US matapos ang pagkakanulo ng noo'y president ng Egypt na si Anwar Sadat sa Camp David noong 1977.

Isinagawa ng US at ng NATO ang kampanyang pambobomba na tumibag sa istrukturang pandepensa ng rehimeng Qaddafi at nagbigay-daan sa pagbabagsak dito ng mga anti-Qaddafi na grupong milisya. At muli, sa pakikipagsabwatan sa Israel, Turkey, Saudi Arabia at Qatar, sinulsulan at inarmasan nila ang mga grupong milisya para labanan ang rehimeng Assad sa Syria at nagpakana ng atakeng panghihimpawid laban dito sa huwad na paratang na gumagamit ito ng mga sandatang kemikal. Sa tantya rin nila, ang pagpapalit ng rehimen sa Syria ay magbibigay-daan sa pag-atake sa Iran.

Subalit ginamit ng Russia at China ang kanilang boto sa UN Security Council para harangin ang planong pambobomba ng US at NATO at bigyang-daan ang diplomasya para sikaping makapagbuo ng kasunduan kaugnay ng pag-aalis ng nakaimbak na sandatang kemikal sa Syria at pagpipigil sa US at NATO na bombahin ito. Matapos ito, nagtulak ang Russia at China ng kasunduan para ilimita sa antas na 5% ang paglikha ng Iran ng uranium para sa produksyon ng kuryente kapalit ng pagbawas ng mga paghihigpit ng mga kapangyarihang imperyalista sa ekonomya nito. Tulad ng mga naunang kaso, ang mga kasundua'y maaaring pansamantalang humadlang sa US at NATO na bombahin ang isang kaaway na estado. Subalit kalaunan, maaari nilang sabihing hindi sinusunod ang kasunduan o pwede rin silang gumamit ng iba pang pangatwiran para bigyang-matwid ng US at NATO ang agresyon.

Ang lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay gumagatong sa kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan gaanupaman nila sikaping plantsahin ang mga gusot at magkaisa laban sa mga bansa ng ikatlong daigdig at sa masang anakpawis. Mula nang lantarang maging kapitalista ang China at Russia at napabilang sa mga mayor na kapitalistang estado, lumiit na sa pangmatagalan ang puwang para sa pagbibigayan ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Dahil sa pamana ng kanilang sosyalistang nakaraan, may tradisyon ng paggigiit ng pambansang kasarinlan, makabulahang antas ng industriyalisasyon at mataas na antas ng syensya at teknolohiya at mga sandatang nukleyar ang China at Russia kaya kahit mga bagong sampa sa sirkulo ng mga imperyalistang kapangyarihan ay malalakas sila. Hindi sila mapasusunod sa mga dikta ng US nang hindi tumututol o umiiwas. Kaya umuusbong ang kontradiksyong inter-imperyalista sa masaklaw na mga isyu: sa pamumuhunan, kalakalan, pinansya, seguridad, pang-eespiya at sa kapaligiran.

Ang China at Russia ay mga mayor na kasapi ng UN Security Council, ng IMF, World Bank, ng WTO at ng Group of 20. Subalit sandigan din sila ng BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa), isang blokeng pang-ekonomya na may malawak na saklaw ng produkto at isang napakalaking merkado. Sandigan din sila ng Shanghai Cooperation Organization (SCO), isang kaayusang panseguridad na sumasaklaw sa mas malaking populasyon at lupa kumpara sa NATO. Umusbong ang SCO bilang kontra-pwersa sa US at NATO, laluna sa Asia, dahil sa labis na kayabangan at agresyon ng US matapos ito makakuha ng suporta para sa tinaguriang anti-teroristang digma nito.

Noong 1989-1991 at mga taon paglipas nito, nang lantarang yakapin ng mga rebisyunistang rehimen ang kapitalismo at todo-largang isaligal ang mga burukratikong nakaw at isapribado ang ari-arian ng estado, ipinroklama ng mga imperyalista at kanilang mga tagasunod ang kamatayan ng sosyalismo. Wala sa kanilang hinagap kung papaano mapalalala ng China at Russia bilang mga bagong kapangyarihang kapitalista ang inter-imperyalistang mga kontradiksyon, mapalulubha ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at di sinasadyang maibubunsod sa katagalan ang muling pagbangon ng mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista.

Kahit pa nababahura sa ilang nilikha nitong pulitiko-militar na kumunoy sa West Asia, Africa, Central Asia at South Asia at humaharap pa rin sa ilang maaaring sumiklab na armadong tunggalian sa ibang lugar, pumipihit ngayon ang US sa Asia alinsunod sa di maitagong iskemang kumprontahin at pigilan ang China. Binabago ng US ang balanse ng pwersa nito sa pagdeploy ng 50% ng buong militar nito at 60% ng mga pwersang nabal nito sa rehiyong Asia-Pacific. Ginagamit nito ang pagtatambak ng pwersang militar kakombina ng Trans Pacific Partnership Agreement (na ngayo'y pumupwera pa sa China) upang itulak ang China na lubos na isapribado ang natitirang empresang pag-aari ng estado at bigyang-daan ang tinaguriang kilusang demokratiko, na ang ibig sabihi'y paglahok ng iba't ibang partido sa eleksyon mula sa lokal hanggang sa pambansang antas at pagwawakas sa mga pribilehiyo ng huwad na partido komunista na sa katotohana'y isang diktador na partidong burges.

Sinasamantala rin ng US ang mga tunggalian sa pagitan ng China at mga bansa sa Southeast Asia kaugnay ng mga bahagi ng South China Sea maging yaong sa pagitan ng China at Japan kaugnay ng mga islang Diaoyu sa East China Sea. Malinaw na ang Kalayaan o Spratlys at iba pang maliliit na isla, bahura at buhanginan na pag-aari ng Pilipinas ay nasa saklaw ng 200-milyang eksklusibong sona na isinasaad ng UN Convention on the Law of the Sea na pirmado kapwa ng China at Pilipinas. Subalit sa kaso ng mga islang Diaoyu, ang mga iyon ay sa China dahil higit na malapit iyon sa China kaysa Japan at pinakamahalaga, upisyal na kinilala iyon ng Japan na pag-aari ng China noong 1886 at sinaklaw lamang bilang dambong ng gera noong 1895, matapos matalo ang China sa unang gerang China-Japan noong 1894-95. Di makatwirang pumapanig ang US sa Japan, para lamang samantalahin ang kaguluhan, at nakipagkaisa sa Japan para hamunin ang pagsasaklaw ng China sa mga isla ng Diaoyu sa air defense identification zone nito.

Ang pagpihit ng US sa East Asia ay katumbas ng ibayong pagyurak sa pambansang kasarinlan at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Katumbas din ito ng mas malalim na pagbabase ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas at kalaunan, ng muling pagtatatag dito ng mga base militar ng US. Inihahanda na ng US ang pagbabalik ng mga base militar nito sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga istasyon sa loob at labas ng mga kampo militar ng papet na hukbo ng Pilipinas, pagrerelyebo ng mas malalaki pang yunit-militar, papadalas na paglalabas-masok ng mga sasakyang panghihimpapawid at pandagat at pagpapaunlad ng pakikipagtulungan sa papet na mga tropa at ng mobilisasyon ng suplay.

Maaasahan natin ang papalaking pagsangkot at paglahok ng mga pwersang militar ng US sa armadong kontra-rebolusyon laban sa rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Pilipino. Ang kasalukuyang antas ng panghihimasok-militar ng US sa mga usapin sa Pilipinas ay paghahanda sa tahasang agresyong militar. Ito ay kaakibat ng estratehikong iskema ng US na magkaroon ng matatag na base sa Pilipinas para sa paglulunsad ng mga aksyong militar at maniobra laban sa China at iba pang bansa sa rehiyon. Sa estratehiya ng US, kabilang ang Pilipinas sa unang linya ng depensa laban sa China at DPRK, na may mas malalim na sekundaryong linya ng mga pwersang militar ng US sa Pacific Islands at Oceania.

II. Susuray-suray ang naghaharing sistema dahil sa krisis at korapsyon

Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay may mapangwasak na epekto sa ekonomya ng Pilipinas at nagpapalala sa palagiang krisis nito. Bumagsak nang husto ang pagluluwas ng mga semi-conductor at iba pang mala-manupakturang may mababang dagdag na halaga. Marami na sa mga pabrikang sangkot sa maliitang pagpoproseso at muling pag-aasembol ang nagsara na. Binabagbag ang produksyong agrikultural ng pagtatambak at iligal na pag-aangkat ng bigas at mais sa bansa at ng kakulangan ng suporta ng estado, na nagkukunwang mga produktong lokal ang mga inismagel na kalakal.

Tulad ng mga sinundan nito, tutol ang rehimeng Aquino sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang neoliberal na patakaran sa ekonomya'y patuloy na nagpapalala at nagpapalalim sa atrasado, agraryo at malapyudal na katangian ng ekonomya na dinodominahan ng mga imperyalista, malalaking kumprador, panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista.
 
Ipinagmamalaki ng rehimen na dahil sa paglaki ng mga remitans ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat (OFW o overseas Filipino workers), paglaki ng kita ng mga call center at paglawak ng pribado at pampublikong konstruksyon, pagmimina, mga plantasyon, kasino at iba pang pasilidad panturista, ang Pilipinas ang siyang may pinakamabilis na lumalagong ekonomya.

Ang patuloy na lumalaking mga remitans ng mga OFW ay nagmumula pangunahin sa mga Pilipinong nars at caregiver sa North America. Sa iba pang lugar, ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo, ang anti-migranteng kiling at kaguluhang panlipunan ay nagpapabawas na sa empleyo sa ibayong dagat. Ang pribadong konstruksyon ay namomroblema na sa sobrang kapasidad at isa itong bulang puputok oras na itaas ng mga imperyalistang bangko ang interes sa pautang upang kontrahin ang implasyon at iuwi ang mga pamumuhunang portfolio (hot money) sa mga bansang pinanggalingan nito. Ang naantalang alokasyon para sa pampublikong konstruksyon ay sa kalakha'y mga iskemang pampork barrel, kung saan ibinubulsa ang pondong publiko, ipinupuhunan sa mga mamahaling lupa't bahay o itinatago ng mga burukrata-kapitalista sa mga dayuhang bangko.

Ang mga dayuhan at lokal na korporasyon ay nagkakandarapa sa pagmimina sa buong bansa. Nagsasagawa sila ng open-pit mining na matinding gumagamit ng nakalalasong mga kemikal para pabilisin ang pagkuha ng mineral sa kapinsalaan ng agrikultura, pangisda at ng kalikasan. Iniluluwas ang mga hilaw na mineral at mamahaling metal. Napakaliit ng ibinabayad na buwis sa gubyerno. Ang mga plantasyon para sa produksyon at pag-eeksport ng pinya, saging, goma at palm oil at nagkakait ng lupa para sa produksyon ng kinakailangang pagkain at para sa reporma sa lupa. Ang mga kasino at iba pang pasilidad panturista ay di naghahatid ng tunay na pag-unlad sa ekonomya.

Sa kabila ng kawalan ng tunay na kaunlarang industriyal o paglago ng manupaktura, ipinagmamalaki ni Aquino na nakagawa siya ng milagro sa ekonomya dahil nakapagrehistro ito ng pinakamalaking tantos ng paglago sa buong mundo. Ang totoo, ang diumano'y milagrong pang-ekonomya'y isa lamang bula. Ang ipinamamaraling mahigit 7% paglago ng GDP na US$250 bilyon ay ibinunsod pangunahin ng "hot money" sa kalakalan ng pera at ng walang patumanggang pangungutang at paggastos ng gubyerno para sa mga bagay na di produktibo. Ang "hot money" mula sa ibang bansa ay dumadaloy pangunahin sa merkado ng sapi at salapi; at sa pinakamabuti'y nagagamit para pondohan ang sobrang produksyon at bula sa pribadong konstruksyon.

Lumala ang depisit sa badyet dahil nabawasan ang kita ng reaksyunaryong gubyerno bunsod ng aktwal na depresyon ng ekonomya, ng pribatisasyon ng mga kumikitang ari-arian, ng pagpapababa ng buwis ng mga dayuhang namumuhunan, ng di pagbabayad ng buwis ng malalaking negosyo at mayayaman at ng paglabas-masok sa bansa ng mga kontrabandong kalakal; at dahil ang mga kita sa buwis ay napupunta sa burukratikong korapsyon, ipinambabayad sa lumalaking panlabas at lokal na utang at ipinantutustos sa lumalaking gastusing militar at iba pang bagay na kontra-produktibo. Lumaki rin ang depisit sa kalakalan dahil sa malaking gastos sa pag-aangkat ng mga luho at iba pang pangangailangang nililikha sa ibang bansa; at dahil lumiit nang husto ang kita sa eksport. Tuluy-tuloy na pinalalaki ng reaksyunaryong gubyerno ang lokal at pampublikong utang at nagpapatupad ng pagtitipid nang hindi na iniaanunsyo.

Tuwing nagmamalaki ang rehimeng Aquino hinggil sa paglago ng ekonomya, nagngangalit ang malawak na masa ng mamamayan sa kasinungalingang ito, dahil ang malaking bahagi ng GDP ay kinabibilangan ng mga operasyon ng mga korporasyong multinasyunal na humuhuthot ng supertubo at ng pag-angkin ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata-kapitalista ng panlipunang yamang nililikha ng masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka. Tinutukoy nila ang lumalaking malawakang disempleyo, ang pagbagsak ng kita, ang pumapaimbulog na presyo ng langis, pagkain at iba pang saligang pangangailangan, ang lumalaking singilin sa mga pampublikong yutiliti at serbisyong panlipunan at ang litaw na paglawak ng karalitaan, kagutuman at pagdurusa. Ang ligalig panlipuna'y lumalawak at lumalalim. Kaya nag-aalsa ang bayan sa mga protestang masa. At dumarami ang mamamayang lumalahok sa armadong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.

Ang naghaharing sistemang pampulitika ang instrumento ng US at ng lokal na mga mapagsamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa na kinakatawan ng mga burukrata-kapitalista. Ang mga burukrata-kapitalista mismo ay kabilang sa mga mapagsamantalang uri, tulad ng kasalukuyang presidenteng si B.S. Aquino na isang malaking kumprador-panginoong maylupa mula sa dinastiyang Cojuangco-Aquino. Ang ibang mga burukrata-kapitalista ay nirerekrut ng mga naghaharing uri mula sa intelihensyang petiburges ng kalunsuran at, tulad ng kanilang mga amo sa ekonomya at pulitika, ay karaniwang naghahangad na umangat ang katayuan sa ekonomya at lipunan at makapagkamal ng kayamanan sa kapital at lupa.

Nagkakamal ng pribadong kayamanan ang mga burukrata-kapitalista sa pamamagitan ng paggamit nila ng kanilang mga pusisyon sa gubyerno. Nagpapairal sila ng mga patakaran at alituntuning sadyang nagbibigay ng mga pribilehiyo sa mga tagapagpondo ng kanilang mga kampanyang elektoral, mga kamag-anak at kaibigan at tumatanggap sila ng suhol sa mga kontrata sa negosyo at gumagamit ng pondo ng gubyerno para sa sariling kapakinabangan. Kabaligtaran ng sinasabi ng mga ipokrito na malinis at matapat ang kanyang rehimen, si Aquino ay nalantad na bilang Hari ng Pork Barrel na may bilyun-bilyong pisong pondong ginagastos na siya lang ang nagpapasya at ipinamumudmod para sa sariling pakinabang at para makapamadrino sa pulitika. Ang isa sa kanyang mga kapatid ay binatikos na rin ng isang kumpanyang Czech dahil sa paghingi ng suhol.

Lalong nagalit ang mamamayang Pilipino sa korapsyon ng rehimeng Aquino nang malantad ang pagkawala ng mga pondong pangkalamidad para sa mga biktima ng mga natural na sakuna, ang kriminal na kabiguan nitong maghanda bago tumama ang sakuna para matiyak ang kaligtasan ng mamamayan at magsagawa ng napapanahon at sapat na "rescue and relief" sa milyun-milyong taong hinagupit ng napakalalakas na hangin ng superbagyong Yolanda (Haiyan) at mga pagdaluyong ng dagat. Libu-libo ang namatay at nangawasak ang mga tahanan, kabuhayan at imprastrukturang panlipunan at milyun-milyong mamamayan ang nangagutom, nangauhaw, nilamig dahil sa kawalan ng masisilungan, kinulang sa gamot, nangagkasakit at nangamatay. Kaya lumalakas ang sigaw ng mamamayan para sa pagbibitiw o pagpapatalsik kay Aquino at sa buo niyang korap na naghaharing pangkatin.

Sa pagkakalantad ng pagkamapandambong ng rehimeng Aquino at mga gawaing korap nito ay nalantad din ang iskema ng US at karamihan ng mga seksyon ng lokal na mapagsamantalang uri na itanghal siya bilang simbulo ng mabuting pamamahala para mapatatag ang naghaharing sistema at malabanan ang armadong rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kahit ang reaksyunaryong midya na sa loob ng mahigit tatlong taon ay nagtanghal kay Aquino bilang lider na malinis at may mabuting intensyon ay nagsisimula nang maglathala ng mga pahayag at artikulo na naglalantad sa korap na katangian ng kanyang rehimen.

Nitong huling eleksyon ng 2012, mistulang namayani ang rehimeng Aquino at namayagpag dahil sa suporta ng midya at mga kumpanyang nagsasarbey at dahil walang seryosong oposisyon mula sa anumang karibal na burgis na partido. Nagawa ng naghaharing Liberal Party na makipagkoalisyon sa Nacionalista Party, Nationalist People's Coalition, LDP and mga seksyon ng PDP-Laban at Laban-NUCD. Maging ang partido oposisyon, ang PDP-Laban ay itinuring na huwad na oposisyon dahil malaon nang kilala si Vice President Jejomar Binay bilang alaga ni Aquino at direkta siyang hinahawakan ng isa sa mga tiyuhin ni B.S. Aquino. Bago ang eleksyon ng 2012, tinipon ni Aquino ang lahat ng mayor na mga reaksyunaryong partido, gamit ang pork, upang hatulang maysala si Supreme Court Justice Corona.

Sa kabila ng kanyang "popularidad" na inimbento ng reaksyunaryong midya at ng mga tagasarbey, dati nang niluto nina Aquino at ng kanyang pangkatin ang mga resulta ng eleksyong pansenador ng 2012 sa pamamagitan ng pagpoprograma ng padrong 60-30-10 pabor sa kanyang mga kandidato at pagpapapasok nito sa de-kompyuter na sistemang elektoral na pinatatakbo ng dayuhang kumpanyang Smartmatic at ng lokal na partner nito sa Pilipinas na Total Information Management (TIM). Napatunayan nang husto ng mga napakarespetadong syentista sa kompyuter na kabilang sa AES Watch ang pandaraya sa eleksyon. Ipinakikita nito na naiboto si Aquino di lamang dahil sa tulong pampinansya ng malalaking negosyante tulad nina Eduardo Cojuangco, Lucio Tan, Manny Pangilinan at Jaime Zobel de Ayala kundi dahil sa manipulasyon din ng de-kompyuter na sistemang elektoral.

Sa pagsasakompyuter ng sistemang elektoral ay lalong naging madaya ang eleksyon at mas kontrolado ng mga dayuhan at malalaking kumprador, bagay na labag sa kasarinlan ng mamamayan. De-kompyuter man o hindi, hindi demokratiko ang mga reaksyunaryong eleksyon dahil kalahok dito ang mga ahente sa pulitika ng mga mapagsamantalang uri subalit ipinupwera ang mga patriyotiko at progresibong kinatawan ng mga manggagawa at magsasaka sa pamamagitan ng mga salik na dumedehado na dati sa kanila tulad ng mapanupil at mapanirang mga aksyon ng mga ahensyang militar at pulisya, napakamahal na gastos sa pangangampanya at pagpipihit ng upinyong publiko laban sa kanila na gawa ng midya, simbahan at mga paaralan. Kahit ang sistemang party-list na nagbigay-daan sa paghalal sa sandakot na progresibong myembro ng Kongreso na kumakatawan sa pinagsasamantalahang mga uri ay lubos nang masasapawan ng mga pampulitikang dinastiya at mga reaksyunaryong partido bunga ng desisyon ng Korte Suprema kamakailan na nagpapahintulot sa mga ito na gamitin ang sistemang party-list.

Mabuting bagay para sa rebolusyonaryong kilusan na mismong ang mga reaksyunaryo ay di sinasadyang pumapawi sa ilusyong demokratiko ang mga reaksyunaryong eleksyon. Tutal, inilalantad ng mga reaksyunaryong pulitiko ang kanilang mga antinasyunal at anti-demokratikong katangian kapag ipinagkakanulo na nila ang mamamayan at inaangkin ang mga dambong ng kapangyarihan. Ang buong gubyerno mismo ay humina na dahil sa pagkakalantad ng maka-imperyalista at reaksyunaryong katangian nito, at dahil sa pribatisasyon ng mga kumikita nitong ari-arian sa ilalim ng neoliberal na patakaran, sa di mabatang mga buwis sa mamamayang lugmok na sa kahirapan dahil sa krisis, sa pagkabawas at pagkabulok ng mga serbisyong panlipunan at sa di na makontrol na paglulustay ng mga pondong publiko sa pamamagitan ng burukratikong korapsyon, bayad-utang at gastusing militar.

Hindi kailanman naging seryoso ang rehimeng Aquino na makipagnegosasyon sa National Democratic Front of the Philippines para makamtan ang makatarungang kapayapaan. Sa unang pormal na pulong pa lamang sa Oslo ng negotiating panel ng NDFP at ng hinirang na panel ni Aquino noong 2011, binansagan na ng huli ang The Hague Joint Declaration bilang "dokumento ng habampanahong pagkakahati."

Tinukoy ng NDFP na ito ang pinagkaisahang balangkas na nagbigay-daan sa mahigit sampung kasunduan, kabilang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Patuloy na tumatanggi ang rehimen na palayain ang mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP na inaresto at idinetine labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Noong 2012, idineklara nitong walang bisa ang JASIG at nagmatigas laban sa muling pagbubuo ng listahan ng mga indibidwal na protektado ng JASIG na nasira sa mga reyd ng pulisyang Dutch noong 2007 matapos udyukan ng rehimeng Arroyo ang gubyernong Dutch na arestuhin ang pangunahing konsultant pampulitika ng NDFP sa bisa ng mga gawa-gawang kasong kriminal at samsamin ang mga dokumento at elektronikong media at kagamitan mula sa NDFP Information Office at mga bahay ng mga negosyador, konsultant at istap ng NDFP. Sa gayong dahilan pa lamang ay may batayan na ang NDFP na tapusin ang negosasyong pangkapayapaan alinsunod sa JASIG ngunit nagpasya itong pahabain pa ang pasensya alang-alang sa pagkakamit ng makatarungang kapayapaan.

Ang rehimeng Aquino na ang naglantad sa sarili nito na mas malala pa sa rehimeng Arroyo sa usapin ng paglabag sa CARHRIHL at sa lansakan at sistematikong paglabag sa karapatang-tao. Tumatanggi itong palayain ang daan-daang bilanggong pulitikal na ikinulong ng rehimeng Arroyo labag sa CARHRIHL, at laluna sa doktrinang Hernandez na nagsasaad na ang mga aktibistang pampulitika at mga rebelde ay hindi dapat ikriminalisa at hindi dapat akusahan ng mga komun na krimen kundi mga pagkakasalang pulitikal. Ipinagpapatuloy ng rehimeng Aquino ang pang-aaresto sa mga pinaghihinalang rebolusyonaryo, ang pagtortyur at pagpatay o walang taning na pagdedetine sa daan-daan sa kanila sa bisa ng mga gawa-gawang kaso ng mga komun na krimen.

Alinsunod sa payo ng US, patuloy na sinasalaula ng rehimeng Aquino ang negosasyong pangkapayapaan at itinuturing itong di kinakailangan hangga't kinakaya nitong panatilihin ang ilusyon ng mabuting pamamahala at mahusay na pagbibigay-serbisyo sa mamamayan at sa gayo'y mahusay nitong napagkokombina ang triad na operasyong saywar, paniktik at kombat. Ang payong ito ng US ay malinaw na nakasaad sa US Counterinsurgency Guide. Upang mapalakas ang saywar at paniniktik bilang suporta sa operasyong kombat, muling binubuhay ng rehimeng Aquino ang bigong programang amnestiya at rehabilitasyon nina Aquino at Ramos sa pamamagitan ng Conditional Cash Transfer Program at PAMANA, gamit ang panunuhol at pananakot upang tuksuhin ang buu-buong mga komunidad at maging mga pamilya ng mga rebolusyonaryo ng mga limos kapalit ng impormasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Walang anumang interes ang rehimeng Aquino sa negosasyong pangkapayapaan maliban sa pagpapasuko at pasipikasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa tabing ng "unilateral, sabayan at walang taning na mga tigil-putukan." Tinatanggihan nito ang alok ng NDFP para sa tigil-putukan at alyansa o tulungan sa batayan ng maikli at pangkalahatang komun na intensyong ipatupad at isulong ang pambansang kasarinlan, demokrasya, katarungang panlipunan at kaunlaran sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, kulturang bayan at pandaigdigang pagkakaisa. Layunin ng tigil-putukan at alyansa o tulungan na itaguyod ang pinabilis na negosasyon ng nalalabing mga komprehensibong kasunduan alinsunod sa The Hague Joint Declaration.

Yayamang napatunayan nang ayaw ng rehimeng Aquino na makipagnegosasyon para sa makatarungang kapayapaan, hindi inaasahan ng rebolusyonaryong kilusan ang muling pagbubukas ng pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa rehimen. Wala itong pagpipilian kundi ang hintayin ang susunod na rehimen para seryosong makipagnegosasyon. Hindi pa tiyak kung makabubuo nga ba ng pinal na kasunduang pangkapayapaan ang rehimen sa Moro Islamic Liberation Front nang hindi inuudyok ang pagtutol ng Moro National Liberation Front na pinamumunuan ni Nur Misuari at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Nananalig kami na ipagpapatuloy ng Bangsamoro ang pakikibaka para sa pagpapasya-sa-sarili at lupang ninuno hangga't hindi nakakamit ang mga ito.

Ang rehimeng Aquino ay kahiya-hiyang papet ng imperyalismong US. Pinahihintulutan nito ang mga pwersang militar ng US na labagin ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Duwag nitong pinaniniwalaang masasalba ng US ang bulok na malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa Pilipinas. Kaya sinusuportahan nito ang patakaran ng US na pumihit tungong East Asia. Nakatakda itong pumirma kasama ng US sa Increased Rotational Presence Framework Agreement upang pahusayin ang "interoperability" ng mga tauhan, yunit, kagamitan at komand sa ilalim ng Visiting Forces Agreement ng 1997 at ng US-Philippine Mutual Defense Pact ng 1953.

Ang "increased rotational presence" o mas madalas na pagrerelyebuhan sa Pilipinas ng papalaking bilang ng mga pwersang militar ng US, ang madalas na paglalabas-masok ng mga eroplano at barko nila, ang pagtatayo ng mga "forward station" sa loob at labas ng mga papet na kampo, ang pinaunlad na "interoperability" at pinag-isang mga operasyon ng mga pwersang militar ng US at Pilipinas ay pawang sangkap ng dayuhang panghihimasok-militar at paghahanda para sa muling pagtatayo ng mga base militar ng US at agresyon laban sa mamamayang Pilipino at mga karatig-bayan.

Subalit tulad ng nabubulok na naghaharing sistema sa Pilipinas, ang imperyalismong US ay mabilis nang dumadausdos. Ang US na rin ang may gawa nito sa sarili sa pagpapataw nito sa mundo ng neoliberal na patakaran sa ekonomya, pagpapahina ng base nito sa pagmamanupaktura, pinansyalisasyon sa ekonomya at pagpapalaki ng gastusing militar nito, at pagbibigay ng konsesyon sa China at Russia para sa integrasyon nila sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang dating nagsosolong superpower ay isa na lamang ngayon sa mga sentro ng kapangyarihan sa isang daigdig na multipolar (o maraming sentro). Banat na banat na ito sa mga digmang agresyon upang supilin ang mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan at sa paglaban sa iba pang imperyalistang kapangyarihan.

Sa gayong konteksto, higit kailanma'y maaaring iguhit ngayon ng mamamayang Pilipino ang sariling tadhana at magpatuloy sa paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Maaari silang umasa na sa di malayong hinaharap, ang proletaryado at mamamayan ay dramatikong magbabangong muli at maggigiit ng sarili sa papalawak na saklaw sa pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon sa gitna ng pagkaagnas ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lumalaking mga kontradiksyon ng mga imperyalistang kapangyarihan.

III. Matagumpay na pinamumunuan ng Partido ang bagong demokratikong rebolusyon

Sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, patuloy na nagpapalakas ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang abanteng destakamento ng proletaryado at namumuno sa malawak na masa ng sambayanan sa bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Patuloy at determinado itong nagpapalakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Sinasamantala nito ang matagalan at patuloy na lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema. Malinaw nitong nakikita na matinding paghihirap ang idinudulot ng krisis sa mamamayan at itinutulak silang labanan ang imperyalismong US at ang mga lokal na mapagsamantalang uri. Nagpapalakas ito sa pundasyon ng mga nakamit nitong tagumpay sa loob ng 45 taon at tiwala itong makapagkakamit ng mas malalaki pang tagumpay.

Ipinagmamalaki ng Partido na napamunuan nito ang isa sa pinakamahahalagang armadong rebolusyon sa buong daigdig para sa pambansa at panlipunang paglaya sa panahon ng pansamantalang pagkatalo at estratehikong pag-atras ng pandaigdigang kilusang komunista dahil sa pananabotahe at pagkakanulo ng mga modernong rebisyunista. Subalit ang integrasyon ng Russia at China ngayon sa pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagpapalala sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalista at muling dumadaluyong ang pandaigdigang kilusang komunista at ang malawak na kilusang anti-imperyalista. Walang kasing-inam ang kalagayan para sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino.

Sa matagalang pakikibaka para lubusin ang demokratikong rebolusyong bayan, naging kapaki-pakinabang at nakapagpasigla sa Partido na itakda ang layunin ng pagsusulong mula sa estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas sa digmang bayan at pagkaisahin ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na tuparin ang mga pampulitika at iba pang rekisito para sa gayong pagsulong. Nananatiling wasto ang layunin kahimat ang plano at panahon para kamtin ito ay maaaring baguhin at baguhin pang muli nang buo o baha-bahagi sa takbo ng pakikibaka.

Sa pagbubuo sa ideolohiya, itinataguyod ng Partido ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at isinasanib ito sa kongkretong kalagayan sa Pilipinas at sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Tutol tayo sa suhetibismo, sa dogmatiko o empirisista mang anyo nito. Nakapaglabas na tayo ng mga panggabay na dokumento, libro at artikulo hinggil sa ekonomya, pulitika at kulturang Pilipino. Patuloy tayong naglalabas ng napapanahong pagsusuri sa mayor na mga pangyayari at isyu sa Pilipinas at ibayong dagat, inililimbag ang mga iyon sa Ang Bayan at iba pang lathalain at inilalabas sa ating website.

Nakapagsagawa na tayo ng panlipunang pagsisiyasat sa iba't ibang antas sa lahat ng larangang may kinalaman sa ating gawaing rebolusyonaryo. Ang mga namumunong organo at yunit ng Partido ay talaga namang nagsasagawa ng regular at napapanahong mga pagtatasa at ebalwasyon ng ating gawain. Nagdadaos tayo ng mga kumperensya sa pag-aaral sa hanay ng ating mga kadre at myembro ng Partido para hasain ang ating pag-unawa sa mga krusyal na isyu at kampanyang dapat ilunsad.

Sa tuwing tinitimbang natin ang ating gawain, nagdaraos tayo ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang maunawaan natin ang ating mga pagkakamali at pagkukulang, maiwasto ang mga ito at sa gayo'y mapahusay ang ating gawain at estilo ng gawain. Nakapagdaos na tayo ng mga kilusang pagwawasto, tulad ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at iba pang mas maliliit ang antas pero mas masaklaw kaysa sa pagpuna at pagpuna-sa-sariling idinadaos natin sa mga ispesipikong organo at yunit sa pangkalahatang takbo ng ating gawain.

Pinaplano at inilulunsad natin ang mga pormal na kursong pag-aaral sa batayan, intermedya at abanteng antas. Tinitiyak natin na ang lahat ng kandidatong kasapi ay nakatatapos ng batayang kurso sa loob ng panahon ng kanilang kandidatura para maagap silang makapanumpa bilang mga ganap na kasapi ng Partido. Maaari nilang kunin ang intermedyang kursong Pampartido sa unang taon ng kanilang pagiging kasapi at ang abanteng kursong Pampartido sa ikalawang taon. Inilimbag ang mga balangkas at teksto sa pag-aaral para maidaos ng mga yunit ng Partido ang mga kursong ito.

Layunin ng mga kursong pag-aaral na tiyakin na ang mga kadre at myembro ng Partido ay patuloy na makapagpapahusay ng kanilang kaalaman sa teorya at rebolusyonaryong praktika; at makapagpapalalim ng kanilang rebolusyonaryong paninindigan. Para manatiling masigla at kaiga-igaya ang mga kurso, palagian itong iniuugnay sa kasaysayan at sa kasalukuyang mga sirkunstansya at gawaing rebolusyonaryo. Sa bawat kurso, tinitiyak ng mga instruktor na naisasagawa ang buhay na pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo kaugnay ng mga problema at usapin sa obhetibong kalagayan at sa rebolusyonaryong gawain.

Sa loob at labas ng mga kursong pag-aaral ng Partido, ang mga kadre at myembro ng Partido ay maaaring magpataas, magpalalim at magpalawak ng kanilang kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng mga rebolusyonaryong pahayagan at pagsasanib ng kanilang kaalaman sa kanilang gawain. Subalit marami sa kasapian ng ating Partido ay nagmula sa hanay ng masang anakpawis at limitado ang pormal na edukasyon at pagsasanay sa pagbabasa o limitado ang oras sa pagbabasa ng mahahaba at kumplikadong mga sulatin. Kaya gawain ng ating mga kadre ng Partido sa edukasyon na maghanda ng mga simpleng babasahin at audio-visual na pantulong para mas mabilis na magagap ang mga kurso kakumbina ng mga talakayang nakabatay sa mga kongkretong impormasyon at karanasan.

Ang mga bidyo at iba pang audio-visual na pantulong ay ihinahanda para mapadali ang mga kursong pag-aaral ng Partido at ang presentasyon ng iba't ibang paksang may malaking kahalagahan. Kaiga-igaya at nakapagbibigay-kaalaman ang mga ito sa lahat ng mga kadre at myembro ng Partido, anuman ang kanilang antas ng pormal na edukasyon. Ang mga bagong midyang ito ay maaaring magsilbi sa rebolusyon kasabay ng mga babasahin na mas madaling ipamahagi sa mga anakpawis na walang mga kompyuter o kuryente man lang.

Sa pagbubuo sa pulitika, tumatalima ang Partido sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na mapagsamantalang uring kumprador at panginoong maylupa. Ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan ay komprehensibong instrumento para pukawin, organisahin at pakilusin ang inaapi at pinagsasamantalahang masa. Sa batayan ng kanilang lakas, maaaring buuin ng Partido ang hukbong bayan at ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente bilang mga sandata para ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at itatag ang demokratikong estadong bayan ng mga manggagawa, magsasaka, intelihensya at iba pang demokratiko at patriyotikong uri at sektor.

Ang Partido ang siyang nagsisilbing abanteng destakamento ng mga unyonisado at di unyonisadong manggagawa. Ang mga unyong pinamumunuan ng mga lihim na sangay ng Partido ang siyang pinakaepektibo sa pakikipaglaban para sa mga karapatan at interes ng mga manggagawa. Magandang halimbawa sila sa mga manggagawa na ang mga unyon ay hindi pa napamumunuan ng Partido at sa mga lugar na wala pang mga unyon. Inoorganisa ng Partido ang mga manggagawa kapwa sa mga pabrika at komunidad, kasabay ng iba pang maralitang lunsod, upang makibaka para sa makatarungang interes ng kanilang uri at ng buong demokratikong rebolusyon ng bayan.

Dahil mulat ito na ang uring manggagawa sa industriya ay 15% lamang ng populasyon, ginagawa ng Partido ang lahat upang organisahin ang masang magsasaka na bumubuo ng 75% ng populasyon. Ang mga magsasaka ang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Sila ang di masasaid na balon ng lakas ng digmang bayan. Ang katuparan ng kanilang kahilingan para sa lupa ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon.

Ang patriyotiko at progresibong kilusang kabataan ay may mga organisasyong masang nakabase sa kalunsuran. Ipinaglalaban ng mga ito ang mga karapatan at interes ng kabataan bilang mga estudyante at mga di-nag-aaral na kabataan. Mulat ito na makagagawa lamang ito ng mga epektibong pagsulong sa pulitika kung sasanib ito sa mga manggagawa at iba pang pinagsasamantalahang mamamayan. Nakapagpapalitaw ito ng mga lider para sa ibang kilusang masa. Nagiging mga kasapi ng Partido ang mga pinakaabante sa kanila at nakadadagdag sa hanay ng mga proletaryong rebolusyonaryo. Kaya mas higit nilang pinag-ukulan ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang kilusang kababaihan ay naging makapangyarihan dahil nakabase ito sa kalahati ng buong mamamayan at nakikipaglaban para sa mga karapatan at interes nito sa konteksto ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang mga kababaihang sinasanay bilang mga aktibistang masa ay nagiging mga lider ng iba't ibang uri ng organisasyong masa at sumasapi rin sa Partido. Sila'y mulat na hindi sila makasusulong sa kanilang pakikibaka laban sa ilang libong taon nang patriyarkalismo nang hindi pinauunlad ang kanilang kolektibong lakas sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang mga lalaki at babaeng nasa iba't ibang propesyon at trabahong teknikal ay nakakabig ng demokratikong rebolusyong bayan dahil dito'y makapag-aambag sila ng kaalaman at kasanayan sa mamamayan para sa pambansa at panlipunang paglaya. Bagamat mas nakaririwasa sila kumpara sa masang pinagsasamantalahan, may mga hinaing at kahilingan sila laban sa ibayong mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema.

Mula nang ito'y itatag, itinuring na ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing instrumento sa pagbabagsak ng naghaharing sistema at sa paglalatag ng kundisyon para sa pagtatayo ng demokratikong estadong bayan. Ang pagbubuo ng hukbong bayan ay pinadali sa kumbinasyon ng mga proletaryong rebolusyonaryo mula sa kilusang manggagawa at kabataang nakabase sa Maynila sa mabubuting labi at beterano ng lumang hukbong bayan sa Tarlac.

Mula noon, lumago ang digmang bayan mula maliit papalaki at mula mahina papalakas sa pamamagitan ng pagsasanib ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa.

Sa pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay isa nang pambansang rebolusyonaryong pwersa na kumikilos sa mahigit 110 larangang gerilya, at nakatayo sa makabuluhang bahagi ng 71 prubinsya ng kabuuang 81 lalawigan ng Pilipinas. Mayroon itong libu-libong pultaym na mga Pulang mandirigma na armado ng malalakas na armas at may baseng masa na milyun-milyong mamamayan, na pangunahi'y mga magsasakang nakikinabang sa tunay na reporma sa lupa.

Ang isang karaniwang larangang gerilya ay may kabuuang isang kumpanyang pwersang gerilya, na may platun na nagsisilbing punong himpilan, tagapag-organisa ng mga opensiba sa saklaw ng larangan at tagapag-ayos ng tulungan sa mas mataas na kumand para sa mga opensibang mas malawak ang saklaw kaysa larangan. Ang dalawa pang platun ay idinidispers sa mga iskwad at pangkat para sa gawaing masa at mga operasyong kombat na angkop sa kanilang laki, kakayahan at pakikipagtulungan sa milisyang bayan at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa. Ang kakayahang makipaglaban ay hindi limitado sa mga pultaym na Pulang mandirigma kundi pinararami at pinalalakas pa ng mga milisyang bayan at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili.

Paulit-ulit na ipinaghahambog ng kaaway na kaya nitong wasakin o pawalansaysay ang BHB pero lagi itong napapahiya paglaon. Sa ngayo'y hindi kinakaya ng kaaway na sabay-sabay na umatake nang may konsentradong lakas nang anim na buwan hanggang isang taon sa mahigit 10% ng mga larangang gerilya. Sa loob ng isang karaniwang larangang gerilya, malawak ang maniobrahan ng mga platun at iskwad ng BHB para makapaglunsad ng kontra-opensiba laban sa batalyon ng kaaway na naghihiwa-hiwalay para makasaklaw ng mas malawak na erya.

Dagdag pa, ang mga pwersa ng BHB sa ilalim ng kumand sa subrehiyon (inter-larangan) o rehiyon ay kayang maglunsad ng kontra-opensiba sa loob o labas ng larangang gerilya na inaatake ng kaaway. Kung nagkokonsentra ang kaaway ng operasyong kombat sa ilang rehiyon, ang BHB sa ibang rehiyon ay maaaring mag-inisyatiba at umatake sa mga pwersa ng kaaway sa kanilang rehiyon upang masamantala ang bentahe ng mas mahinang kaaway at upang matulungan ang BHB sa mga rehiyong inaatake.

Naglulunsad ang BHB ng mga anihilatibong opensiba gaya ng mga ambus, reyd at mga pang-aaresto upang samsamin ang mga sandata ng militar, pulisya, paramilitar at mga pribadong yunit sa seguridad. Sa mga atritibong aksyon naman laban sa mga pwersa ng kaaway, gumagamit din ito ng isnayping, mina, granada, operasyong sapper, pagharang sa mga suplay at paninira ng mga sasakyang militar at mga imbakan ng gasolina.

Nasa hanay ng BHB ang pinakamahuhusay na anak ng masang magsasaka dahil sarili nila itong hukbo, na nagbibigay sa kanila ng pakinabang sa reporma sa lupa at iba pang anyo ng kampanya para sa kanilang panlipunang kapakinabangan. Ipinatutupad ng BHB ang minimum na programa sa reporma sa lupa ng pagpapababa ng upa, pagpawi sa usura, pagtataas ng sahod sa bukid, pagtataas sa presyo ng produkto sa bukid at pagtataguyod ng produksyong agrikultural at iba pang hanapbuhay sa pamamagitan ng mga panimulang anyo ng kooperasyon. Hangga't pinahihintulutan ng mga sirkunstansya, ipinatutupad ang maksimum na programa sa reporma sa lupa ng pagkumpiska ng lupa at pamamahagi nito nang libre sa mga tenanteng walang lupa.

Sa panahon ng mga natural na sakuna, ginagawa ng BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa ang lahat para sa pagsagip, pagtulong, rehabilitasyon at rekonstruksyon. Kaugnay nito, nagdedeklara pa ang Partido ng unilateral na tigil-putukan na iba't iba ang saklaw upang maikonsentra ang gawain sa pagtulong sa mamamayan. Subalit ang mga pwersa ng kaaway ay walang kahihiyang naglulunsad pa rin ng mga operasyong kombat. Kaya kahit nasa panahon ng tigil-putukan, dapat maging alerto at handa ang BHB sa pagtatanggol sa harap ng anumang nakaambang atake.

Ang BHB ay patuloy sa paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Tinitiyak ng Partido sa loob ng yunit ng BHB at ng Partido sa mga lokalidad na ang baseng masa ay pinauunlad para suportahan ang BHB at bilang moog ng pampulitikang pakikibaka laban sa mga pwersang reaksyunaryo at papet. Binubuo at pinalalakas ang mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, mga aktibistang pangkultura at mga bata. Sinusuportahan at tinutulungan din nila ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika na pinamumunuan ng Partido.

Itinatatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan sa antas baryo, sub-munisipyo at munisipyo. Unang naitatatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika na itinatalaga ng mga yunit ng BHB sa mga baryo bago ang mga halal na komiteng rebolusyonaryo sa baryo. Ang mga hinirang na organo ng kapangyarihang pampulitika ay may tungkuling pabilisin ang lubos na pag-unlad ng iba't ibang rebolusyonaryong organisasyong masa sa baryo, itayo ang milisyang bayan, at magsagawa ng pakikibakang masang antipyudal at iba pang kampanyang masa ng mamamayan. Inihahalal ang KRB ng mga kinatawan ng mga organisasyong masa o ng isang asembliyang masa, depende sa kalagayang panseguridad. Binubuo sila sa kulumpon ng mga baryo at maaaring sundan ng pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa sub-munisipyo o munisipyo. Binubuo ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ayon sa linya ng nagkakaisang prente.

Ang patakaran sa nagkakaisang prente ay sinusunod ng National Democratic Front at ng demokratikong gubyernong bayan mula sa pambansang antas hanggang sa lahat ng mas mababang antas. Sa pagkatawan sa nagkakaisang prente, pinamumunuan ng Partido ang nagkakaisang prente at tinitiyak na nakabatay ito sa alyansa ng manggagawa-magsasaka at nagsisilbi sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Maaari nitong ikombina ang masang anakpawis sa petiburgesya ng kalunsuran upang buuin ang alyansa ng saligang rebolusyonaryong pwersa at ibayo pang ikombina ito sa panggitnang burgesya upang mabuo naman ang alyansa ng mga patriyotikong pwersa. Maaari pa itong magbuo ng pansamantala at mabuway na alyansa sa mga bahagi ng reaksyunaryong uri upang ihiwalay at wasakin ang pinakareaksyunaryong bahagi.

Ang istrukturang pang-organisasyon ng Partido ay sumasaklaw sa lahat ng tipo ng pinagtatrabahuhan, komunidad, organisasyong masa at institusyon at nakapagrerekrut ito ng mga bagong kasapi ng Partido mula rito. Nirerekluta nito yaong mga nagpapamalas ng rebolusyonaryong paninindigan at militansya at tumatanggap sa Konstitusyon ng Partido at sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan. Ang bawat rekrut ay inirerekomenda ng isang ganap na kasapi ng Partido sa kinauukulang sangay o komite ng Partido, na siya namang magtatalaga ng isa pang ganap na kasapi ng Partido para patotohanan ang personal na katauhan at antas ng kamulatan at komitment ng inirerekomenda. Matapos ang gayong proseso, maaaring pagtibayin ng kinauukulang sangay o komite ang istatus ng kandidatong kasapi at akuin ang pagpapaunlad sa rekrut para maging ganap na kasapi sa loob ng itinakdang panahon ng kandidatura.

Maaaring italaga at muling baguhin ang deployment ng mga kadre at kasapi ng Partido upang maisulong ang gawain ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan. Higit kailanma'y kailangang-kailangan ng BHB at ng kanayunan ang mga kadre at kasapi ng Partido na mga manggagawa at nakapag-aral na kabataan.

Maaaring isaayos ang kanilang pagsanib sa iba't ibang paraan. Ang pinakamahalagang konsiderasyon ay kung determinado silang manatili sa BHB o sa kanayunan kung saan kailangan ang kanilang kakayahan.

Nagtatamasa ng mataas na prestihiyo ang Partido sa internasyunal na kilusang komunista at sa malawak na kilusang anti-imperyalista dahil patuloy nitong pinamumunuan nang matagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa isang bansang pulu-pulo, na umano ay mahigpit na hinahawakan ng imperyalismong US at ng sagadsarin nitong mga papet, sa kabila ng pandaigdigang pananaig ng neoliberalismo, ng ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa mga dating sosyalistang bansa at ng pamamayagpag ng neokolonyalismo sa ikatlong daigdig. Naipakita ng Partido na ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay patuloy na lumalakas at sumusulong sa makapangyarihang gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

May mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga aktibista ng pambansa-demokratikong kilusan sa hanay ng milyun-milyong Pilipino na umalis para magtrabaho sa ibang bansa dahil sa kakulangan ng trabaho at kahirapan sa Pilipinas. Sila ay kabilang sa mga pinakadeterminado at militante sa pakikipaglaban sa kanilang mga karapatan at interes ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat. Aktibo sila sa pagpapaunlad ng pakikiisa ng sambayanang Pilipino sa mamamayan ng ibang bansa. Hindi sila nag-aatubiling lumahok sa mga aktibidad ng uring manggagawa at ng malawak na kilusang anti-imperyalista sa mga bansang pinatatrabahuhan nila.

Sa pagtatapos, nais naming idiin ang ilang tungkulin:

1. Gawin natin ang lahat para mapatalsik ang rehimeng Aquino o itulak ang pagbibitiw ni Aquino mula sa poder dahil sa pagpapakatuta sa imperyalismong US, korapsyon, pandaraya sa eleksyon, malalang mga paglabag sa karapatang-tao, bulok na pamamahala sa mga paghahanda bago ang sakuna at sa saklolong pansakuna, pagsisinungaling, walang habas na pagmimina, pagtotroso, pangangamkam ng lupa at iba pang anyo ng pangwawasak sa kapaligiran. Itinuturing namin ang pagsisikap natin na alisin si Aquino sa kapangyarihan bilang bahagi ng proseso ng pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan at pagbabagsak sa buong naghaharing sistema para ganap na makamit ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan at ang pagtungo sa sosyalistang rebolusyon. Tulad ng napatunayan sa pagbabagsak kina Marcos at Estrada, kaya ng ligal na kilusang masa ang pagbabagsak kay Aquino. Kahit hindi ito magtagumpay, mapalalakas pa rin ang kilusan at ibayo itong bibigo sa rehimeng US-Aquino sa brutal na pagtatangka nitong wasakin ang armadong rebolusyon ng mamamayan.

2. Lalo pa nating palakasin ang Partido Komunista ng Pilipinas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Dapat nating tiyakin na ang rebolusyong Pilipino ay pinamumunuan ng rebolusyonaryong proletaryado sa kasalukuyang yugto ng demokratikong rebolusyon ng bayan at sa susunod na yugto ng rebolusyong sosyalista. Ang epektibong pamumuno ng Partido ang siyang pinakamahalagang rekisitong pulitikal sa kasalukuyang plano ng pagsulong mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa ating matagalang digmang bayan. Dapat nating sanayin at paunlarin ang malaking bilang ng mga kadreng may kakayahan sa iba't ibang linya ng gawain, pahusayin ang kolektibong pamumuno at estilo ng paggawa ng mga komite ng Partido, pasiglahin ang sistema ng regular at espesyal na ulat ng Partido, at palakasin ang organisasyon ng Partido batay sa mga prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Dapat nating pagsikapan na paabutin sa 250,000 ang bilang ng mga kasapi ng ating Partido. Ang gayong organisadong lakas ng mga kasapi ng Partido na matatag sa ideolohiya at mahusay sa pulitika ay magbibigay sa atin ng kakayahang gawin ang lahat ng kinakailangang tungkulin para isulong ang rebolusyon.

3. Dapat nating patuloy na paigtingin ang mga opensiba ng Bagong Hukbong Bayan. Dapat tayong maglunsad ng mga labanang dudurog sa mga yunit ng kaaway at makasasamsam ng mga sandata. Ito ang paraan para palakasin ang hukbong bayan para sa pagpapabagsak sa reaksyunaryong estado. Dapat nating paabutin sa 25,000 ang bilang ng ating mga Pulang mandirigma, gaanupaman katagal itong tuparin. Dapat tayong magpakahusay sa pagbigo at paggapi sa mga pwersa ng kaaway saan man sila umatake, salakayin ang mahihinang bahagi ng kanilang pagkakapakat at ang kanilang linya ng suplay, lansagin ang mga kumpanya sa pagmimina, plantasyon at pagtotroso na lumalabag sa mga batas ng gubyernong bayan para mapilitan ang mga pwersa ng kaaway na magbantay at maging depensibo. Nagtagumpay tayo sa pagpepreserba at pagpapalaki ng hukbong bayan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtalima sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan: pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan hanggang makatipon tayo ng armadong lakas upang kubkubin ang kalunsuran at kamtin ang ganap na tagumpay.

4. Dapat tayong magpunyagi sa ating kasalukuyang taktikal na linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Dapat tayong magpakahusay sa paggamit ng mga taktika ng konsentrasyon, dispersal at pagpapalipat-lipat para gapiin ang pwersa ng kaaway sa isang digmang makilos. Upang makamit ang estratehikong pagkapatas, dapat nating sikaping marating ang target na humigit-kumulang 200 larangang gerilya, habang laging pinahuhusay ang pamumuno ng Partido at ang mga kumand ng hukbo sa antas pambansa, rehiyon, subrehiyon at larangan. Dapat lagi nating isanib ang armadong pakikibaka sa rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa. Dapat nating buuin ang mga organisasyong masa na iba't ibang tipo at ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Dapat nilang likhain ang kampanya sa reporma sa lupa at iba pang kampanyang panlipunan at buuin ang mga lokal na pwersang pandepensa (milisyang bayan at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili) para maparami at madagdagan ang lakas ng hukbong bayan.

5. Dapat nating ilapat ang patakaran ng nagkakaisang prente sa kilusang masa at sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa bawat antas. Ang nagkakaisang prente ay nasa pamumuno ng Partido at pangunahi'y para sa armadong pakikibaka. Ang National Democratic Front ang kumakatawan sa nagkakaisang prente ng Partido, BHB at lahat ng iba pang rebolusyonaryong pwersa. Pinalalaganap nito ang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Kinikinis nito ang mga relasyon ng mga rebolusyonaryong uri at mga pwersa nila sa loob ng organisadong balangkas nito at nakikipag-alyansa sa ibang pwersa para sa mas malawak na nagkakaisang prente. Awtorisado itong makipag-usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong gubyerno at ginagabayan ito ng linya ng paghahangad ng pambansang paglaya, demokrasya, katarungang panlipunan, tunay na kaunlaran, proteksyon ng kapaligiran at pagkakaisa ng mga mamamayan bilang batayan ng kapayapaan. Walang saysay ang pagkakaroon ng mga kasunduang pangkapayapaan kung wala ang mga layuning ito.

6. Ipagpatuloy natin ang positibong pananaw sa lahat ng mga pwersang ligal na naghahangad na kamtin ang mga layuning gaya ng sa NDF at kalugdan ang kanilang mga kampanya at aktibidad. Kinikilala namin na nais din nilang isulong ang nagkakaisang prente para mulatin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at interes. Kinukundena namin ang brutal na patakaran ng kaaway sa mga organisasyon at mga aktibistang nagtataguyod, nagtatanggol at tumatangkilik sa mga karapatan at interes ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lunsod, kababaihan, kabataan, pambansang minorya, guro, mamamahayag, syentista at teknolohista, manggagawang pangkalusugan, abugado, at iba pang propesyon maging yaong nakatuon sa mabubuting adhikain at nagtataguyod ng reporma sa lupa, karapatang-tao, kapayapaan, pangangalaga sa kapaligiran at iba pa. Hinihikayat namin ang lahat ng mga aktibistang panlipunan na magpakatatag at ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Gayundin, ikalulugod namin ang pagpasok sa rebolusyonaryong kilusang lihim at hukbong bayan ng mga nanganganib na mapatay at makulong at nagpasyang lumahok sa armadong pakikibaka.

7. Ang Partido ay ginagabayan ng prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo at nagsisikap na muling buuin ang internasyunal na kilusang komunista at ibayong palakasin ang malawak na kilusang anti-imperyalista. Itinuturing naming napakahalaga ang mga kilusang ito sa harap ng matagalan at papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, ng pag-igting ng pang-aapi at pagsasamantala at pagpapakawala ng mga gerang agresyon ng mga imperyalistang kapangyarihan. Dapat tayong mag-ambag at sumuporta sa muling pagbangon ng mga proletaryong rebolusyonaryong partido at mga kilusang anti-imperyalista. Dapat nating iangat ang antas ng komun na pag-unawa at praktikal na pagtutulungan sa pamamagitan ng bilateral at multilateral na mga pulong at iba pang aktibidad. Sa takbo ng ating pakikipagkaisa sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa at mamamayan sa ibang bansa, dapat nating itaguyod ang mga karapatan at interes ng mga manggagawang Pilipinong sa ibayong dagat at dapat nating hikayatin ang mga Pilipino sa inang bayan at sa ibang bansa na makipagkaisa sa ibang mamamayan para ipaglaban at itayo ang isang ganap na bago at mas mabuting daigdig na malaya sa hagupit ng imperyalismo at lahat ng reaksyon.