Mensahe ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan sa Ika-45 na Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas
Paigtingin ang Rebolusyonaryong Paglaban ng Sambayanan at Pakilusin ang Malawak na Mamamayan para Ibagsak ang Naghaharing Papet na Rehimeng Aquino

Komiteng Rehiyon - Timog Katagalugan
Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 26, 2013

Sa okasyon ng pagdiriwang ng Ika-45 na Anibersaryo ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas at sa ngalan ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan, aming ipinararating ang pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma ng New People’s Army at sa lahat ng rebolusyonaryong mamamayan sa kanilang walang pagod na pakikibaka para sa katuparan ng mga adhikain ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.

Ating bigyang pugay ang lahat ng martir ng rebolusyon at gunitain ang kanilang dakilang sakripisyo’t ambag sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Amin ding binibigyan ng pagpupugay ang pagpanaw ni Kasamang Verleen Trinidad higit na kilala sa pangalan na Ka. Inggo sa kilusan, isang ulirang lider-maggagawa, matapat na Komunista at dedikadong kadre ng Partido ng Komiteng Rehiyon sa TK. Buong wagas at walang bahid na pag-iimbot na iniukol nya hanggang sa kanyang huling hininga at sa kabila ng kapansanang dulot ng malubhang karamdaman ang nalalabing panahon at buhay para sa rebolusyon at pagtataguyod ng interes ng uring proletaryado. Tularan natin ang kanyang halimbawa bilang isang matapat na Komunista.

Habambuhay na utang na loob ng Partido sa mga bayaning martir na ito ang mga tagumpay na tinatamasa ng rebolusyonaryong kilusan. Ang buhay na kanilang inihandog sa dambana ng rebolusyon ay malaking sulo na umaantig, nagbibigay ng inspirasyon at nagpapaalab sa damdamin ng masang api’t pinagsasamantalahan upang lumaban at kamtin ang kalayaan, demokrasya at kasaganaan sa ating bayan. Suklian natin ng ibayong katapatan at paglilingkod sa mamamayan ang kanilang mga sakripisyo at tanawin ang ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas.

Higit ang Sidhi ng Panlipunang Krisis sa Pilipinas

Higit ang sidhi ng panlipunang krisis sa Pilipinas sa anupamang panahon at yugto ng ating kasaysayan. Ang krisis na ito na iniluwal sa mismong sinapupunan ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas ay libong ulit na pinasahol ng neoliberal na globalisasyon ng Kanluraning imperyalismo na ipinataw ng US. Sa ilalim ng patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, lansakang winasak ng kutsabahan ng mga dayuhang kapangyarihan at lokal na mga naghaharing-uri ang pambansang industriya ng Pilipinas, niyurakan ang pambansang soberanya at kasarinlan at higit na ibinulid ang pambansang ekonomya at mamamayan sa bangin ng malalim na pagkaatrasado, istagnasyon at grabeng paghihikahos.

Ang hagupit ng mahigit tatlong dekadang pagpapatupad ng neoliberal na patakaran sa Pilipinas ay nagluwal sa kasumpa-sumpang kalagayan ng bansa na masasalamin sa sumusunod:

1. De-industrialisasyon na humantong sa pagbaba ng bahagi ng manupaktura sa GDP mula 27.6% noong 1980 tungong 22% nitong 2012. Hindi industriyalisasyon kundi de-industriyalisasyon ang hatid ng neoliberal at neokolonyal na patakaran ng US sa mga kolonya at neokolonya ng imperyalismo. Ang mga patakarang ito ang nagbulid sa higit na pagkaatrasado ng mga bansang ito dahil sa pagwasak at pagbansot sa umuusbong na pambansang mga industriya at pagtali sa mga ekonomiya ng mga bansang ito sa mga di pantay na kasunduan sa kalakalan at pamumuhunan.

Sa ilalim ng mapandambong na patakarang ito, ang Pilipinas ay naging bagsakan ng sarplas na produkto at kapital ng US at mga bansang Kanluranin, naging palaasa sa pagluluwas ng mga komersyal na produktong agrikultural at mineral at ng bahagyang prinosesong mga produktong may mababang-dagdag na halaga mula sa industriya ng garments, semi-conductor at electronics, assembly at pagkain kung saan labis na nakasandig ang pagpoproseso sa mga imported na komponente. Ang kolonyal na iskemang ito ang dahilan ng lumalaking taunang pagkalugi sa kalakalan, pagdausdos ng lokal na produksyon, pagkawasak sa lokal na mga industriyang hindi makatagal sa kumpetisyon sa mga dambuhalang negosyong dayuhan at malalaking burgesya-kumprador at ng paglobo ng dayuhan at lokal na utang.

Inianak ng pag-impis ng produktibong sektor ang maramihang masaker ng regular na trabaho at pagkakait sa milyon-milyong mamamayan na magkaroon ng proteksyon at mga garantiya sa isang disenteng trabaho, mapagkikitaan at akses sa mga pangangailangan para mabuhay. Ang kakulangan ng trabaho sa bansa ay mailalarawan sa pag-iral ng kalagayan kung saan ang 21% ng mga walang trabaho ay mga nakatapos ng kolehiyo, 6% ay may post graduate na kwalipikasyon at 34% ay nakatapos ng hayskul. At para ibsan ang malaganap na disempleyo, ipinatutupad ng reaksyunaryong gubyerno ang patakaran ng pagluluwas ng mga manggagawa sa ibayong dagat bilang tanging solusyon sa halip na tumahak sa isang programa ng pagpapaunlad ng lokal na industriya at agrikultura para lumikha ng bagong trabaho at opurtunidad.

Resulta ng mga neoliberal na patakaraan ang pagliit ng kapasidad ng reaksyunaryong gubyernong tugunan ang panlipunan at pang-ekonomyang pangangailangan ng mamamayan dahil sa pagbagsak ng kita mula 15.3% ng GDP noong 2001 tungong 14.5% nitong 2012. Nitong 2012, ang kabuuang ibinayad ng reaksyunaryong gubyerno para sa interes at prinsipal ng pampublikong pagkakautang ay umabot sa Php729.8 bilyon na dobleng mas malaki sa pinagsamang gastos sa edukasyon, kalusugan at pabahay na umabot lamang sa Php357.6 bilyon. Sa pagtatapos ng taon, haharapin ng reaksyunaryong gubyerno ang may Php325 bilyong piskal na pagkalugi.

2. Pagsahol ng atrasadong produksyong agrikultural at pagbulusok ng kontribusyon ng agrikultura sa GDP mula 23.5% tungong 11% sa kaparehong panahon. Ganap na dinistrungka ng liberalisasyon sa agrikultura ang natitirang proteksyon para sa pagpapataas ng kita at produksyong agrikultural ng maliliit na magbubukid at negosyante. Kabilang ang Pilipinas sa may pinakamababang taripa sa agrikultura sa Timog-silangang Asya na karaniwang 8.7% para sa mga produktong agrikultural. Ibayong mababa ito sa 37.0% na pinal na komitment sa ilalim ng World Trade Organization (WTO). Binigyan daan nito ang pagbaha sa lokal na pamilihan ng murang imported na mga produktong agrikultural na mapaminsala sa lokal na mga prodyuser.

Samantala, laganap ang kawalan ng lupang masasaka sa kanayunan. Laganap ang kawalang-trabaho na masasalamin sa may 808,000 lamang na nadagdag na hanapbuhay sa kanayunan sa nagdaang 18 taon mula sa 11.3 milyong trabaho noong1994 tungong 12.1 milyon noong 2012. Higit pa, napakasahol ng kundisyon sa pagtatrabaho at umiiral na tantos ng pagpapasahod na Php92 kada araw noong 1995 tungong Php126 kada araw noong 2011 gayung ang tunay na halaga ng arawang sahod ay bumagsak pa mula Php126 tungong Php122 sa kaparehong panahon. Talamak ang pang-aagaw ng lupa ng makapangyarihang mga angkang asendero. Laganap ang pagpapalit-gamit ng lupa mula agrikultural tungong komersyal, industriyal, residensyal at eko-turismo. Walang umiral na tunay na reporma sa lupa. Ang magkakasamang salik na ito ang dahilan ng pagbulusok ng produksyong agrikultural.

Sa buong panahong pag-iral ng sistemang malapyudal sa Pilipinas, walang naging seryosong pagpapatupad ng isang tunay na reporma sa lupa. Bawat nailuklok na rehimen ng mga naghaharing asendero’t kumprador ay nagbandila ng kani-kanilang huwad na reporma sa lupa upang payapain ang nagpupuyos na damdamin ng masang magsasaka. Subalit pinamumukha ng kasaysayan na bawat programa sa reporma sa lupa na isinusulong ng mga naghaharing uri ay nauuwi lamang sa panibagong rekonsentrasyon ng pag-aari ng lupa sa kamay ng iilan at nagtatapos sa pagbawi mula sa kamay ng masang magsasaka ng mga “ipinamahaging” lupang sakahan. Bawat programa sa reporma sa lupa na ibinandila ng mga rehimen ng mga asendero at kumprador ay di man lang kumanti ni katiting sa pagwasak sa pyudal na monopolyo sa lupa at kapangyarihan ng mga panginoong maylupa. Sa halip, naging daan ito sa pagpapatibay at paghigpit ng hawak sa kanilang kapangyarihan sa ekonomya at pulitika.

Dumadanas ng labis na kahirapan ang mga maralita sa kanayunan dahil sa atrasadong sistema ng pyudal na relasyon. Ang 52% ng lahat ng sakahan sa bansa na bumubuo sa 51% ng kabuuang eryang pansakahan ay nananatiling nasa ilalim ng sistemang kasama, buwisan at iba pang mapagsamantalang anyo ng kaayusang pyudal. Samantala, may 2.4 milyong sakahan mula sa kabuuang 4.8 milyon ang umaasa pa sa araro at kalabaw at mga kagamitang-kamay kung saan 30% lamang ang may patubig o irigasyon.

3. Malaganap na kawalan at kakulangan ng disenteng trabaho’t mapagkikitaan para mabuhay resulta ng unang dalawa sa itaas. Ang pinagsamang tayang bilang ng wala at kulang sa trabaho nitong 2013 ay 11.9 milyon. Kung paniniwalaan ang dinuktor na datos ng reaksyunaryong gubyerno, katumbas ito ng 11 porsyentong tantos o 4.4 milyong walang trabaho at 20 porsyento o 7.5 porsyentong kulang-sa-trabaho mula 1997-2012—isang kagila-gilalas na hocus-pocus na nais likhain ng mga naghaharing uri sa ilusyon ng karaniwang mamamayan na palitawing ibayong mababa pa sa tantos ng wala at kulang sa trabaho na umiiral sa mga abanteng kapitalistang bansa sa Amerika at Europa. Anu’t anumang pagsasalamangka ng reaksyunaryong gubyerno, ito na ang pinakamaraming bilang ng walang hanapbuhay na mga Pilipino sa ating kasaysayan.

Sa kabilang banda, dahil sa mga neoliberal na patakaran, maramihang kinikitil ang regular na trabaho, sinusupil at ipinagbabawal ang malayang pag-uunyon at higit na pinatitindi ang pagsasamantala sa uring manggagawa sa pamamagitan ng mga iskema ng kontraktwalisasyon, labor flexibilization, compressed work week at two-tier wage system. Sa pagitan ng Hunyo 2010 hanggang Hulyo 2013, naitala ng Center for Trande Union and Human Rights ang 392 kaso ng paglabag sa karapatang-tao na may kaugnayan sa pag-uunyon na sumasaklaw sa 30,578 na mga biktima. Ang patuloy na pag-atake sa kilusang unyon ay nagresulta sa pagbaba ng kasapian ng mga unyon mula 11.7% noong 2005 tungong 9.9% pagsapit ng Hunyo 2012 kung saan 10.3% lamang ng unyonisadong mga manggagawa ang may collective bargaining agreement.

Tuwirang resulta ito ng mga patakarang sa ekonomiya ng naghalinhinang mga rehimen na nagbibigay prayoridad sa pagkakamal ng dayuhan at korporasyong tubo ng iilan sa kapinsalaan ng puo-puong milyon ng naghihirap na mga Pilipino. Kung pagbabatayan ang huling dekada, lumaki ng limang ulit ang netong kita ng nangungunang 1000 korporasyon sa bansa mula Php 175.5 bilyon noong 2003 tungong Php 868.1 bilyon nitong 2011 sa gitna ng malaganap at pumapaimbulog na kahirapan at kawalang trabaho.

4. Konsentrasyon ng yaman ng bansa sa isang porsyento ng pinakamayayaman na katumbas ng pinagsamang kita ng 30% pinakamahihirap na Pilipino na sumasalamin sa malalim na ugat ng di pagkakapantay-pantay sa lipunan. Halos hindi nagbago ang bilang ng naghihikahos na mga Pilipino mula 1997 na nasa 25-26% ng populasyon kung ibabatay sa binagong pamamaraan ng pagsukat ng kahirapan at katumbas naman ng 38-39% kung gagamitin ang dating pamamaraan ng pagsukat ng kahirapan ng reaksyunaryong gubyerno. Ipinakikita nito ang sidhi ng paghihikahos sa bansa. Humigit-kumulang sa 70% ng populasyon o may 66 milyong Pilipino ang nabubuhay sa mababa sa Php104 sa isang araw sa bawat katao. Sa kabila ito na Php76.1 bilyon ang ibinuhos sa CCT mula 2006-2012 na nilayong bawasan ang kahirapan. Sa taong 2012 lamang, naglaan ng Php39.2 bilyon para sagipin mula sa kahirapan ang 3 milyong benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) subalit halos di nagbago ang upisyal na istadistika ng kahirapan sa bansa. Ito na ang pinakamaraming bilang ng naghihikahos na Pilipino sa kasaysayan ng bansa.

5. Pagkabaon sa walang katapusang siklo ng pangungutang at pag-asa sa dayuhang pautang. Batay sa datos ng Setyembre 2013, lubog hanggang leeg ang Pilipinas sa Php 5.61 Trilyon o US$130.465 Bilyon utang. Ito ay halos 90.54% ng GDP ng bansa na may halagang US$144.1B. Ibig sabihin, halos mapantayan na ng utang ng bansa ang katumbas ng pinagsamang halaga ng lokal na produksyon ng Pilipinas. Ano ang kahulugan nito? Na hindi kayang likhain o palitawin ng lokal na produksyon ang maaaring pambayad sa pagkakautang kung hindi aasa sa patuloy na pangungutang sa mga dayuhan at lokal na entidad. Ito ang sinasalalayan ng walang katapusang siklo ng pangungutang bunga ng mga distorsyon sa pambansang ekonomiya na nilikha ng neokolonyalismo at tatlong dekadang pagpapatupad ng neoliberalismo sa dikta ng US.

Higit pang patitindihin ang pagkabaon sa utang ng bansa dahil sa programang public-private partnership o PPP ng rehimeng Aquino. Ang mga kontratang PPP ay umaapaw sa mga paborableng probisyon para sa mamumuhunan para tiyaking kakabig ng malaking tubo ang mga ito sa kanilang pamumuhunan. Ilan sa mga probisyong ito ay garantisadong balik sa puhunan, garantisadong pamilihan at benta, mga insentibong piskal, buong pagbawi ng gastos kabilang ang sa implasyon at pabago-bagong presyo ng salapi (currency fluctuation) at mga pang-engganyo tulad ng subsidy para sa gastos sa produksyon—na lahat kukunin sa mamamayan bilang mga konsyumer at tagabayad ng buwis.

At upang maging mas kabenta-benta sa malalaking negosyo, nagdisenyo ng panibagong iskema ang rehimeng Aquino upang protektahan ang interes ng mga mamumuhunan. Hindi pa nakuntento sa mga garantiya ng gubyerno sa tubo, nag-aalok din ito ng insentiba na tinawag na “regulatory risk insurance” para magkaroon ng proteksyon ang mga mamumuhunan mula sa utos ng korte o desisyon na pipigil sa mga mamumuhunan na galawin ang mga taripa patungo sa mga napagkasunduan sa mga kontrata. Babayaran ng gubyerno sa anyo ng make-up payments o bayad-danyos para sa mga mamumuhunan para sa mga pagkaluging ibubunga ng nasabing mga regulasyon o desisyon.

Nasa Mata ng Krisis at Delubyo ang Rehimeng US-Aquino

Ibayong bumilis ang pagkabulok ng malapyudal at malakolonyal na sistema sa maiksing panahon ng paghahari ni Aquino. Hinigitan ni Aquino ang mga naunang rehimen sa labis na pagkapapet at pangangayupapa sa imperyalismong US. Naging masugid na utusang aso si Aquino ng US para mang-upat at palubhain ang gulo sa agawan ng teritoryo sa Spratlys laban sa Tsina para lantarang manghimasok ang US. Walang patumanggang nilalabag ni Aquino ang sariling konstitusyon sa paghihikayat sa permanenteng pagbabase ng tropang US sa bansa sa tabing ng VFA, pagdaong ng mga barkong pandigmang may armas nukleyar at pag-engganyo para patindihin ang panghihimasok-militar sa mga internal na usaping pambansa.

Inutil at pulos boladas lamang ang mga pangako ng naghaharing US-Aquino II na iaahon ng kanyang rehimen ang mamamayan mula sa kahirapan, tatapusin ang korapsyon at ipapatupad ang makabuluhang reporma para sa mabuting pamamahala. Tatlong taong matapos mailuklok sa kapangyarihan, ipinagpatuloy lamang ni Aquino ang bangkaroteng programa sa kaunlaran ni Arroyo at ng mga sinundang rehimen; nagpatuloy ang sistemang padrino sa pulitika na dinumina ng mga bagong mukha ng mga kaalyado, kroni’t alipures ng rehimen at higit na naging kasuklam-suklam ang katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan. 

Ang pagkabulgar ng maanumalyang paggamit at pagbulsa ng bilyon-bilyong pondo ng pork barrel ng mga kongresista at senador o Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa pamamagitan ng mga huwad na NGO ni Napoles ay naglagay sa unahan ng kalikasan, lalim ng krisis at kabulukan ng burukratang kapitalismo. Hindi lamang ang pork barrel ng mga kongresista at senador ang nalagay sa panunuri ng buong bayan kundi maging ang pork barrel ni Aquino na binubuo ng iba’t ibang uri ng bultong mga pondo tulad ng special purpose fund, unprogrammed funds, intelligence fund, presidential social fund, Malampaya fund at Disbursement Acceleration Program (DAP) na sa kabuuan ay umaabot ng humigit-kumulang sa kalahati ng pambansang badyet.

Ang sistemang pork barrel na ipinamana ng kolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas sapul 1920’s ay naging tradisyunal nang kasangkapan ng mga matataas na upisyal ng burukrasya upang maglako ng impluensya at kapangyarihan, kopuin ang mga dambuhalang kontrata sa obras publicas, gamiting mekanismo sa panunuhol at pagnanakaw mula sa kaban ng bayan hanggang sa pagsalaula sa demokratikong kagustuhan ng mamamayan. Lumalago at binubuhay ang mga katiwaliang ito ng bulok na sistemang padrino sa pulitika kung saan ang katapatan ng mga tao sa isang pampulitikang angkan ay laging may katapat na pabuya at biyaya mula sa kanilang patron. Sa ganito tumatakbo ang paggugubyerno ng mga paksyon ng asendero’t kumprador mula sa pinakamababa hanggang sa pinakatuktok ng burukrasya—mula sa pamahalaang baranggay hanggang sa Malakanyang.

Kamakailan lamang, nalantad ang panunuhol ng Malakanyang ng Php 50-100 milyon pork barrel sa mga kongresista at senador na uusig at boboto nang pabor para tanggalin si Corona bilang punong mahistrado ng reaksyunaryong Korte Suprema. Gayundin, nabulgar at napigilan ang sindikato ng grupo ni Sec. Abad sa DBM sa paglalabas ng diumanong mga pekeng SARO para nakawin ang daan-daang milyong pondo ng bayan.

Habang binibihisan ng dilaw na media ang gubyerno ni Aquino ng magagarbong pananalita sa mabuting pamamahala at kampanya laban sa korupsyon, nalantad naman ang paghingi ng kapatid at bayaw ni Noynoy Aquino ng suhol sa Inekon, isang kumpanyang Czech, para makapagbukas ng negosyo’t pamumuhunan sa Pilipinas.

Sa gitna ng malawak na kahirapan, walang kahihiyang biniyayaan ng matataas na upisyal ang kanilang mga sarili ng milyon-milyong pisong performance bonus mula sa natipid ng mga nasabing ahensya samantalang nagtitiis ang mga karaniwang empleyado nila sa mababang sweldo at kakarampot na benipisyo.

Ang lawak at lalim ng katiwalian sa ilalim ng rehimeng Aquino ay umabot na sa antas na hindi na maaaring itago at pagtakpan pa ng matatayog na retorikang kontra-korupsyon kung kaya’t maging ang IMF Direction of Trade ay nagpahayag na ang ismagling sa ilalim ng rehimen ni Aquino ay tatlong ulit na mas malala sa ilalim nina Estrada at Arroyo at umaabot sa USD 19 bilyon taon-taon. Ang mga malalaking negosyante na malapit kay Aquino tulad nina Lucio Tan at Eduardo Cojuangco ang pinakamalalaking umiiwas sa nagbabayad ng tamang buwis. Dagdag pa, mas malubha ang mga pagbaha sa ilalim ni Aquino dahil sa malalaking kotong mula sa mga proyekto sa imprastruktura. Sa isang banda, ang malaking pananalasa ng mga kalamidad dulot ng bagyo na nagbunga ng grabeng mga pagbaha at pagguho ng lupa ay bunga ng pag-abuso ng mga dambuhalang negosyo sa pagmimina at pagtotroso na iniengganyo ng rehimen.

Ang ipinangangalandakan ni Aquino na conditional cash transfer (CCT) o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) na diumano’y iibsan ang kahirapan ng milyon-milyong benipisyaryo ay ginawang gatasang pondo ng mga tiwaling pulitiko at mga upisyal ng DSWD. Nalantad sa ulat sa ginawang pag-awdit ng COA sa DSWD nitong 2012 ang bilyon-bilyong pisong maanumalyang paggamit ng pondo ng programang 4Ps/CCT tulad ng unliquidated disbursements sa Php3.44 bilyon mula 2008-2012, paglalabas ng Php 50 milyon sa 7,782 pamilyang wala sa listahan at hindi benipisyaryo at paglalabas ng kabuuang Php 265.6 milyon sa ilalim ng calamity support, cash training/work projects at iba pa kahit wala o di makatupad sa kaukulang mga kinakailangang dokumento.

Higit na nalantad ang kainutilan at pagwawalambahala ng rehimen sa pagsagip at paghahatid ng tulong sa mga mamamayan sa panahon ng mga kalamidad. Ang delubyong hatid ng bagyong Yolanda na nag-iwan ng pinakamalawak na pinsala sa buhay, ari-arian, kabuhayan at imprastruktura sa tanang kasaysayan ng bansa ay pinasahol pang lalo ng delubyong likha ng manhid, iresponsable, lampa at inutil na mga ahensya at pamamahala ni Aquino. Kasuklam-suklam ang mabagal pa sa pagong na pagresponde ng rehimen para ihatid ang mga kinakailangang tulong para sagipin ang mga sinalantang mamamayan mula sa gutom, atensyong medikal at masisilungang bubong. Mas lalong kasuklam-suklam ang larawan ng di maasikaso para magbigyan ng disenteng libing ang naghambalang na mga naaagnas na bangkay ng mga biktima sa mga bayan ng Leyte, Eastern Samar at Iloilo.

Mas episyente pa ang pagtugon at paghahatid ng tulong ng mga pribado at dayuhang entidad at ng mga progresibong organisasyon sa mga biktima ng kalamidad gayundin ang inorganisang relief missions ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim ng NDF at PKP sa mga sinalantang lugar sa Kabisayaan at Mimaropa. Samantala, ang mga relief missions na inorganisa ng mga progresibo sa isla ng Mindoro ay ginipit at tinangkang sabotahehin at pigilan ng mga tropang militar. Kanilang binantaan ang mga lokal na upisyales laban sa pakikipagtulungan sa mga progresibo para maghatid ng mga relief goods at serbisyong medikal sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Sa halip na ilagay sa unahan ang kapakanan ng mamamayang higit na nangangailangan ng tulong, nag-uunahan ang mga ahensya at pulitiko ng reaksyunaryong gubyerno ng kredito bago ihatid ang tulong. Ang mga tulong at donasyon mula sa mga dayuhang organisasyon at entidad ay naiimbak at nakatiwangwang lamang sa mga bodega ng DSWD na sa halip na agarang ipamahagi ang mga nakapakete nang relief goods ay muling nire-repack para palitawing galing ng DSWD ang mga tulong. Ganito kagarapal ang bulok na pulitika ng sistemang padrino—bawat kalamidad na tumatama sa mamamayan ay nagiging okasyon at opurtunidad ng mga tiwaling pulitiko’t matataas na upisyal para isulong ang mga paksyunal na interes sa pulitika, maghabi ng ilusyon ng pagiging ulirang lingkod-bayan, pagkakitaan ang bawat kalamidad at makapagnakaw, at higit na isadlak ang naghihirap na mamamayan sa pamamalimos at pag-amot ng awa mula sa reaksyunaryong gubyerno.

Mas permanente at matagalang kalamidad ang dulot ng mararahas na operasyong militar sa kanayunan bunga ng pagpapatupad ng Oplan Bayanihan. Ang mga operasyong militar ng AFP at PNP ay permanenteng nag-iiwan ng pilat sa alaala ng mga biktima ng militarisasyon. Para ipagtanggol ang interes at paghahari ng uring panginoong maylupa, burgesya-kumprador at imperyalismong US sa Pilipinas, marahas na sinusupil ng mersenaryong AFP at PNP ang lehitimong kilusan ng mamamayan.

Ang mga mersenaryong AFP at PNP ang nagsisilbing protektor ng mga dambuhalang negosyo sa pagmimina na permanenteng pumipinsala sa kalikasan, likas na yaman at kabuhayan ng mga komunidad ng mga magsasaka at pamayanan ng mga katutubong mamamayan. Ang mga ito ang nagsisilbing pribadong maton para sa pagpapalayas at pang-aagaw ng lupa ng mga dayuhang korporasyon na nag-oopereyt ng mga minahan at plantasyon.

Sa ngalan ng kampanyang kontra-rebolusyon, nagsasagawa ito ng mga karimarimarim na paglabag sa karapatan ng mamamayan tulad ng sapilitang ebakwasyon at pagkontol sa populasyon at daloy ng mga rekurso, pambobomba at pagpapaulan ng bala mula sa himpapawid, pangungulimbat at pagsira ng mga ari-arian ng mga sibilyan, walang pakundangang paghahalughog, pagpapahirap, pagpatay at paglapastangan sa kababaihan.

Sa kalunsuran, marahas na sinasalakay ng armadong maton ng estado ang mapayapang pagkilos at malayang pamamahayag ng mga mamamayan. Marahas na binubuwag ang mga welga ng mga manggagawa at ginigiba’t winawalis ang mga komunidad ng mga maralita sa kalunsuran upang bigyang daan ang pagtatayo ng mga negosyo at proyekto sa ilalim ng PPP.

Ipinagpapatuloy nito ang mga pagdukot, sapilitang pagkawala at pamamaslang sa mga pinaghihinalaang lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon na kritikal sa naghaharing rehimen. Walang pinagkaiba ang rehimen ni Aquino sa iba pang nagdaang rehimen sa pagpapataw ng pasismo sa nakikibakang mamamayan.

Dapat nang tapusin ang sumpang likha ng lipas nang panlipunang sistema ng malapyudalismo at neokolonyalismo sa ating bayan. Dapat nang wakasan ang bulok at tiwaling rehimen ni Aquino na nagpapalawig sa salot at sumpang ito sa sambayanang Pilipino.

Ang PKP ang nasa Mata ng Alimpuyo ng Malawak na Paglaban ng Mamamayan


Apatnapu’t limang taon sapul nang muling itatag, ang PKP ang pinakakonsistenteng pwersang nagtaguyod at nakipaglaban upang kamtin ang malaon nang kahilingan at adhikain ng masang pinagsasamantalahan para sa kalayaan at demokrasya. Ang kalayaan at demokrasyang ito ay nakasandig sa pagkakamit ng hustisyang panlipunan para sa malawak na mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo: kalayaan para sa sariling pagpapasya na ugitin ang sariling kapalaran bilang isang bansa mula sa lukob ng imperyalismong US; at demokrasyang nakatuntong sa pagtugon sa kahilingan ng malaking mayorya ng populasyon—ang masang magsasaka—para sa lupa.

Ang demokratikong rebolusyon ng bayan na isinusulong ng Partido ay pagtalunton mismo sa pagkakamit ng adhikain para sa sariling pagpapasya at pagkakamit ng hustisyang panlipunan sa buong bayan. Inilulunsad nito ang isang pambansang rebolusyon para wakasan ang imperyalistang paghahari sa Pilipinas at isinusulong ang isang demokratikong rebolusyon upang wasakin ang pyudal na kapangyarihan sa kanayunan, kumpiskahin at isabansa ang malalaking lupain na pag-aari ng naghaharing malalaking asendero, burges-kumprador at mga imperyalista, at ipamahagi nang walang bayad sa masang magsasaka na kulang o walang lupang mabubungkal sa ilalim ng rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa ng Demokratikong Gubyernong Bayan.

Sa malawak na kanayunan, hakbang-hakbang na ipinupundar ng PKP ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa mahigit 100 mga larangang gerilya sa buong kapuluan. Haligi ng kapangyarihang ito ang New People’s Army, mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan at mga kwerpo sa sariling depensa at milisyang bayan.

Sa malalakas na bahagi ng mga larangang gerilya, ipinatutupad ang minimum na layunin ng rebolusyong agraryo—ang pagpapababa ng upa-sa-lupa, hakbang-hakbang na pagpawi ng usura, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapataas ng produksyon at presyo ng mga produktong bukid at promosyon ng iba’t ibang anyo ng simpleng kooperasyon—hanggang sa selektibong pagpapatupad ng maksimum na layunin ng pagkumpiska at libreng pamamahagi sa pinakamaralitang saray ng masang magsasaka ng mga lupaing panginoong-maylupa sa mga lugar na kaya na itong ipatupad. Sa mga lugar ding ito, iniluluwal ang muog ng pinakamalawak na popular na paglaban ng mamamayan para baliin ang golugod ng pyudal na kapangyarihan hanggang makaipon na ng sapat na lakas para ibagsak ang reaksyunaryong estado ng mga naghaharing uri sa buong bayan. Nagiging posible ang malalaking pagsulong na ito dahil tangan nang mahigpit ng Partido ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Sa kalunsuran at mga puting erya, isinusulong ng Partido ang malawak na demokratikong kilusang masa ng mga manggagawa, maralita sa kalunsuran, kababaihan, kabataan at iba pang demokratikong uri’t pwersa laban sa pasismo, imperyalismo at pyudalismo. Sa pagpapatupad ng mga prinsipyo ng nagkakaisang prente, pinag-iisa ng Partido ang pinakamalawak na mamamayan para sa paglaban sa reaksyunaryong estado at pagtutok ng pinakamakitid na pagbira sa pangunahing kaaway ng mamamayan.

Sa kasalukuyan, ang rehimeng US-Aquino ang pangunahing kaaway ng mamamayan. Ang pangkating ito ang konsentrasyon ng paghahari at interes ng malalaking panginoong maylupa, burgesya-kumprador at mga burukratang kapitalista sa Pilipinas. Ito rin ang punong papet ng imperyalismong US sa bansa.

Mula nang mailuklok si Benigno Simeon Aquino III sa kapangyarihan, nasa unahan lagi ang Partido at pambansa-demokratikong kilusan sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan laban sa antimamamayan, antidemokratiko at maka-imperyalistang patakaran ng kanyang rehimen. Sa bawat pakikipagsalpukan sa naghaharing rehimen, nasa bag-as palagi ang Partido bilang pangunahing pwersang tagapag-organisa, tagapukaw at tagapagpakilos sa mamamayan.

Aktibo ang mga pwersa ng Timog Katagalugan sa paglalantad at paglaban sa antimamamayan at antidemokratikong rehimen ni Aquino. Sa mga pangmasang pagkilos sa Kamaynilaan, tampok ang naging partisipasyon ng mga progresibong organisasyon sa TK sa mga aksyong protesta, martsa-demonstrasyon, rali, piket-delegasyon at kampong bayan.

Sa mga larangang gerilya ng rehiyon, patuloy na binibigo ng NPA at rebolusyonaryong mamamayan ang bangis ng Oplan Bayanihan sa patuloy na pagpupunyagi sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mahihinang bahagi ng nag-ooperasyong tropa ng kaaway. Patuloy na nagkakamit ang Partido sa TK ng mga tagumpay sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan, rebolusyonag agraryo at pagbubuo ng rebolusyonaryong base.

Palawakin ang Rebolusyonaryong Paglaban at Ibagsak ang Rehimeng Aquino


Ang kagyat na tungkulin ng Partido ngayon ay palawakin ang rebolusyonaryong paglaban upang pabilisin ang pagbabagsak ng kasalukuyang rehimeng Aquino. Ang malalim na krisis ng lipunan ay nakatakdang mahinog sa isang pampulitikang krisis na higit na maghihiwalay kay Aquino sa malawak na mamamayan at hahawan sa pagpapatalsik sa kanya sa kapangyarihan sa pamamagitan ng popular na aksyon ng bayan.

Sa harap ng kasalukuyang sitwasyon, ipatupad natin ang sumusunod na mga tungkulin:

1. Buuin ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan upang patalsikin ang asendero at rehimeng papet ni Aquino.

Hinog na hinog ang sitwasyon para pabilisin ang paglalantad at paghihiwalay sa bulok na sistemang ipinagtatanggol ng rehimeng Aquino. Ang umaalingasaw na kabulukang ito ay hindi na kayang pagtakpan ng kinang ng popularidad ng rehimen na sumasakay sa popular na sintimiyentong bayan para magpusturang tagapagtaguyod ng malinis na pamamahala at kontra-korupsyon.

Sa pagkalantad ng Php10 bilyong maanumalyang transaksyon at pagbubulsa ng pork barrel ng mga kongresista at senador na dumadaloy sa mga pekeng NGO ni Janet Lim Napoles, sumambulat ang matinding galit ng mamamayan sa garapalang pagnanakaw sa kaban ng mamamayan at sinindihan ang mga ispontanyo at organisadong pagkilos ng bayan na ang pinakamalaki ay umabot sa tinatayang kulang sa 400,000 nagtipon-tipon sa Luneta na tinawag na One Million People’s March to Abolish Pork.

Inilagay ng mga pagkilos na ito sa unahan ng mapanuring mata ng publiko ang kabuuang sistema ng pork barrel, hindi lamang ang priority development assistance fund (PDAF) ng mga kongresista at senador kundi ang nuno ng lahat ng pork barrel—ang presidential pork barrel ni Aquino na binubuo ng special purpose fund (Php229B), bultong pondo para sa pagpapatayo ng mga school buildings (Php200B); mga hindi programadong pondo na pwedeng gamitin sa anumang gastusin ng opisina ng presidente (Php139.9B); intelligence fund, presidential social fund (PSF), travel funds at pambayad ng utang (Php600B); Malampaya Funds (Php173B) at disbursement acceleration program (DAP) na ang kabuuan ay umaabot sa halos kalahati ng pambansang badyet nitong 2013.

Sa kabila ng popular na kahilingan na pagtanggal sa lahat ng klase ng pork barrel at ng pagdideklara ng Korte Suprema na labag sa reaksyunaryong konstitusyon ang PDAF, kapit-tuko si Aquino at Malakanyang sa pagtatanggol at pagpapanatili ng presidential pork barrel.

Ang malawak na paglaban ng mamamayan sa pork barrel at korupsyon ang pinakamaliwanag na kondemnasyon sa burukratang kapitalismo. Ang iskandalo kay Napoles ay tuktok lamang ng nakatagong mas malawak at higit na malalim na katiwalian at kabulukan na umiiral sa reaksyunaryong gubyerno.

Samantala, sa likod ng retorikong anti-korupsyon, kabikabilang nalalantad ang mga anomalya sa administrasyon ni Aquino. Nariyan ang iskandalosong pagbibigay ng milyon-milyong bonus sa kanilang sari-sarili ng matataas na upisyales ng SSS, GSIS, MWSS at iba pang GOCC’s habang nagtitiis sa mababang sweldo ang mga karaniwang empleyado. Sa pagkalantad ng disbursement acceleration program ni Aquino, nakatakdang mahalukay ang mga iligal na paglalabas ng pondo na umaabot nang bilyon-bilyon.

Nagsimula nang kumilos at mapukaw ng isyung kontra-korupsyon ang iba’t ibang seksyong ng panggitnang pwersa, mga pampulitikang grupo at maimpluwensyang seksyon ng lipunan na hindi na masikmura ang iskandalosong proporsyon ng pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga matataas na upisyal ng nagdaan at kasalukuyang rehimen. Subalit kung walang organisadong pagkilos at suporta mula sa mga progresibo at demokratikong organisasyon ng mga batayang pwersa ng lipunan, walang malayong mararating ang mga pagkilos at protesta na pinasisimulan ng mga grupong ito.

Sa mga inisyatibang ito, ang panukalang people’s initiative ng dating punong mahistrado ng Korte Suprema na si Reynato Puno ay karapat-dapat hikayatin, makipagsalubong at ibigay ang suporta ng mga pwersang progresibo at demokratiko. Ito ang may pinakamataas na potensyal na magtuloy-tuloy sa isang malawak na kilusan para sa muling pag-usbong ng isang pambansang moralidad at kamalayan na magbabago ng sistema na itinataguyod ng NDFP.

Kasabay at kakumplementa ng iba’t ibang pagsisikap, dapat na puspusang pukawin at edukahin ang mamamayan sa kalikasan ng burukratang kapitalismo kung saan ang sistemang pork ay isa lamang sa napakaraming mekanismo ng katiwalian at kabulukan. Kailangang buuin ang pinakamalawak na pakikipagkaisa sa lahat ng positibo at progresibong pwersang laban sa korupsyon at nagtataguyod ng mabuting pamamahala. Organisahin ang pinakamalawak na pagkilos para ilantad at ihiwalay ang kabulukan ng rehimen ni Aquino at mobilisahin ang buong lakas ng bayan at kilusang masa upang patalsikin ito sa kapangyarihan tulad noong 1986 sa diktadurang Marcos at noong 2001 kay Estrada.

2. Patuloy na palakasin ang armadong pakikibaka at New People’s Army

Sakaling magtagumpay man ang malawak na kilusang masa laban sa pork barrel at pagtanggal sa kapangyarihan kay Aquino, hindi pa magluluwal ito ng pundamental na pagbabago sa lipunang Pilipino. Habang ang tagumpay ng popolar na paglaban sa rehimeng Aquino ay isang hakbang sa pagpapahina ng naghaharing sistema, kakailanganin pa ring wasakin ang burukratiko-militar na makinarya ng malapyudal at malakolonyal na estado ng malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa sa Pilipinas upang makamit ang pundamental na pagbabago sa lipunang Pilipino.

Imposibleng hangarin ang pagwasak sa kapangyarihan ng mga naghaharing-uri kung hindi magpupunyagi tungo sa patuloy na pagpapalakas ng armadong pakikibaka at hukbong bayan. Ito ang internal na salik na magpapabilis sa pagkahinog ng krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunan para sa pagputok ng mga pampulitikang kumbulsyon at matagalang pagpapahina sa reaksyon. Kailangan ang malakas na hukbong bayan upang durugin ang kontra-rebolusyonaryong paglaban ng mga naghaharing uri na libong ulit na makikipagpatayan mapanatili lamang ang kanilang paghahari.

Kailangang patuloy na magpursige ang mga komite ng Partido sa mga teatro at larangang gerilya na palakihin ang mga yunit ng hukbong bayan sa kanilang saklaw para maabot sa karaniwan ang saligang pormasyon platun, itatag ang laking-kumpanyang mga larangang gerilya na may pinalaking platun bilang sentro-de-grabidad at ng maliit na kumpanyang pangunahin panlabang yunit gerilya sa antas ng subrehiyunal na mga eryang militar.

Patuloy na paunlarin ang opensiba at depensibang kakayanan ng mga platung gerilya sa mga labanan, tuloy-tuloy na magsanay ng mga upisyal-militar at pampulitika para palakasin ang dalawahang pamumuno ng Partido sa hukbong bayan, palakasin ang demokrasya sa tatlong larangan at pahigpitin ang disiplinang bakal na ginagabayan ng MLM.

Hakbang-hakbang na buuin ang baseng masa ng rebolusyon, itatag ang mga saligang organisasyon ng mamamayan sa kanayunan at isulong ang reporma sa lupa batay sa minimum at maksimum na layunin nito. Itatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika mula sa antas baryo hanggang munisipalidad. Paunlarin ang mga rekisitos sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at kultura ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan. Ibuhos ang makakaya para biguin ang Oplan Bayanihan.

Ang mga tungkulin sa itaas ang bubuo ng matibay na salalayan para sa sustenidong pagtataguyod sa digma at pagbibigay ng walang patid na suporta para sa armadong pakikibaka.

3. Higit na palawakin ang nagkakaisang prente laban sa pasismo, imperyalismo at pyudalismo

Pamalagiang tungkulin ng Partido ang pagbubuo ng nagkakaisang prente ng lahat ng demokratiko at progresibong pwersa laban sa pasismo, imperyalismo at pyudalismo. Sa pamamagitan ng patakarang nagkakaisang prente, binubuo ng Partido ang pagkakaisa ng pinakamalawak na bilang ng mamamayan laban sa pangunahing kaaway nila, kinakabig at ninunyutralisa ang mga nag-uurong-sulong na elemento, at pumapasok sa isang mabuway na alyansa sa isang bahagi ng naghaharing uri laban sa pinakamakitid na naghaharing paksyon. Sa pamamagitan ng patakarang ito, naibubuhos ang konsentrasyon ng pagbira sa pinakareaksyunaryong naghaharing pangkatin para paisa-isang gapiin ang kaaway.

Sa kanayunan, binubuo ng Partido ang antipyudal na nagkakaisang prente na nakabatay sa pagkakaisa ng pinakamaraming bilang ng masang magsasaka na pinagsasamantalahan ng pyudalismo, pagnyutralisa sa mayamang saray ng magsasaka, pagkabig sa naliliwanagang bahagi ng uring panginoong maylupa para huwag lumaban sa reporma sa lupa upang maikonsentra ang pagbira sa pinakamalalaki, despotiko at sagadsaring palabang seksyon ng uring panginoong maylupa.

Sa pamamagitan ng pagsusulong ng antipyudal na nagkakaisang prente, higit na lumalakas ang pampulitikang inisyatiba ng rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa pagtataguyod ng rebolusyong agraryo.

Sa kilusang lungsod, binubuo at pinalalakas ng Partido ang malawak na demokratikong kilusang masa ng mga manggagawa, maralita sa kalunsuran, kababaihan, kabataan at iba pang progresibong pwersa batay sa antipasista at anti-imperyalistang nagkakaisang prente at nakaugnay sa antipyudal na kilusang masa sa kanayunan.

Sa nagdaang pambansang eleksyon ng Mayo 2013, makabuluhan ang naging ganansya ng kilusan sa TK sa pag-abot sa pinakamalawak na bilang ng mamamayan upang pukawin, organisahin at pakilusin. Sa mapanlikhang paglalapat ng patakarang nagkakaisang prente sa burges na eleksyon at rebolusyonaryong dalawahang taktika, napalawak ang pakikipag-ugnayan at tulungan sa mga pulitikong handang magbukas ng iba’t ibang antas ng kooperasyon batay sa prinsipyo ng mutwal na pakinabangan. Sa mga ugnayang nabuksan, nagawang mapasok ng kilusan at mga progresibo ang balwarte ng mga tradisyunal na pulitiko para pukawin at organisahin. Sa panahon ng elektoral na kampanya lamang, humigit-kumulang 10-15 libo ang inilaki ng kasapian ng mga progresibo at ligal na organisasyon sa kalunsuran. Ang mga bagong kasaping ito ay mga handang reserba para makonsolida batay sa linya ng pambansang demokratikong pulitika.

Ang mga kampanya at maiinit na laban tulad ng sa pork barrel, karapatang pantao at antimilitarisasyon, reporma sa lupa at kontra-CARPER, malakihang pagmimina ng mga higanteng korporasyong lokal at dayuhan, VFA at interbensyong militar ng US, Oplan Bayanihan, climate change at mga usapin sa kapaligiran, pagtaas ng presyo ng mga batayang serbisyong panlipunan, karapatan sa paninirikan ng mga maralita at marami pang maiinit na isyu—ay mga okasyon upang palawakin ang pakikipagkaisa sa lahat ng mga positibong pwersa sa lipunan upang isulong ang matagalan at kagyat na kahilingan ng mamamayan. Nagiging mabisang tungtungan din ang mga ito para tuloy-tuloy na pukawin, pakilusin at organisahin ang mamamayan para sa pagkakamit ng kanilang saligang mga kahilingan at interes.

4. Higit na palakasin at palawakin ang Partido

Ang Partido sa anumang panahon ang palaging nasa bag-as at sentro ng pag-oorganisa ng paglaban sa naghaharing sistema. Kung wala ang Partido at pamumuno nito, walang malayong mararating at di makatatagal ang rebolusyonaryong kilusan mula sa marahas na pagsalakay ng pasismo, imperyalismo at pyudalismo.

Ang Partido ang namumuno sa armadong pakikibaka. Nasa bag-as ang Partido sa mga yunit ng hukbong bayan—nagbibigay ng pamumunong militar at pampulitika—upang pukawin, organisahin at pakilusin ang masang magsasaka para sa digmang bayan. Kapag mahina ang Partido, mahina rin ang kalidad ng mga gawain sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Kapag mahina ang Partido, mahina rin ang konsolidasyon ng mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, kilusang masa at armadong pakikibaka.

Tungkulin natin sa natitirang taon ng 5-taong programa na ubos-kayang palakihin ang kasapian ng Partido sang-ayon sa mga itinakdang target. Mapangahas na palawakin ito mula sa abanteng mga elemento ng hukbong bayan at kilusang masa nang walang pinapapasok ni isa mang di kanais-nais. Sa karanasan natin, higit ang pinsalang naidudulot ng pagkakapasok sa Partido at hukbong bayan ng mga elementong lumpen, espiya ng kaaway at iba pang may di kanais-nais na rekord kaysa nagagawang pinsala ng kaaway sa mga labanan at mga operasyong paghanap at paglipol. Dapat patuloy na itaas ang pagmamatyag habang mapangahas na pinalalawak ang Partido.

Dapat repasuhin ng mga komite ng Partido ang mga panuntunan sa pagpapasapi sa Partido batay sa mga probisyon sa pagsapi ng Saligang Batas ng Partido. Dapat pangibabawan ang kakuparan sa pagpoproseso ng mga rekrut na mga kandidatong kasapi at ng di kainakailangang pagpapalawig ng kanilang kandidatura bago tanggapin na mga ganap na kasapi dahil sa naging pagpapabaya ng mga yunit ng Partido na tugunan ang mga saligang rekisito sa ideolohiya na maagap na pagtapusin sa batayang kurso ng Partido.

Sa kalahatan, malusog sa ideolohiya ang mga komite ng Partido sa TK. Gayunman, kailangang bigyan ng pansin ang pagpapalakas sa ideolohiya sa ilang bahagi. Dahil sa hindi malusog na gawain sa ideolohiya, may ilang elemento sa mga namumunong komite ang dinapuan ng sakit ng istagnasyon, pagpapabaya sa mga gawain sa ideolohiya, paglalagom ng karanasan at pagsasagawa ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili. May ilan pang lumakas ang di malusog na tendensya’t pag-uugali na kinakikitaan ng arogansya sa pakikitungo sa masa’t mga kasama, di mapagkaisa sa pakikipag-ugnayan sa mga kapwa kadre, pagsasara ng pinto na makipagtulungan at iba pang di proletaryong tendensya.

Dapat patuloy na itaas ang pang-ideolohiyang pag-unawa ng mga komite ng Partido sa MLM sa pamamagitan ng masiglang gawaing edukasyon. Dapat gamiting gabay ang mga prinsipyo’t pamamaraan ng MLM para maging gabay sa pagpapanibagong hubog ng pananaw at paraan ng paggawa sa pamamagitan ng walang humpay na paglahok sa rebolusyonaryong praktika, pagtatasa’t paglalagom ng mga gawain, at regular ng mga sesyon sa pagpuna at pagpuna-sa-sarili. Habang lumalaki ang mga kahingian sa rebolusyon, mas ibayong lumalaki ang halagang magbigay ng pansin sa gawaing pang-ideolohiya at pang-organisasyon. Buuin at palakasin natin ang ating Partido batay sa mga panuntunang ito.

5. Ibuhos ang buong lakas para sa pagkakamit ng estratehikong pagkapatas at tanawin ang ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan

Nakatuon ang tanaw ng Partido para sumulong mula sa estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas ng matagalang digmang bayan. May batayan ang ganitong pagtanaw batay sa kumulatibong mga tagumpay ng digmang bayan sa buong kapuluan at ibayong pagsahol ng krisis ng pandaigdig na sistema ng monopolyo-kapitalismo at ng kronikong krisis ng malapyudalismo at neokolonyalismo sa Pilipinas. Sa mga obhetibo at suhetibong salik na ito nakatungtong ang optimismo ng Partido at rebolusyonaryong kilusan na makakamit ang malalaking pagsulong ng rebolusyon sa darating na mga taon para hawanin ang daan sa pagpasok ng digmang bayan sa estratehikong pagkakapatas tungo sa pagkamit ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang Partido at mga rebolusyonaryo sa TK ay nakatuon ang lahat ng pagsisikap para mag-ambag ng mga tagumpay sa kabuuang pagsisikap na ito ng Partido. Higit kaysa nakaraan, patuloy ang kapursigihan ng mga yunit ng New People’s Army upang biguin ang Oplan Bayanihan sa mga larangang gerilya ng mga subrehiyunal na eryang militar at tuloy-tuloy na buuin ang sariling lakas sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at militar. May ilang larangang gerilya na malubhang napinsala sa nakaraan ang mabilis na bumabawi ng lakas at hakbang-hakbang na naibabalik sa dati ang mga gawain na nagulo at dumanas ng pinsala. May ilan pa na hakbang-hakbang na nababalikan at nababawi ang mga lugar na pansamantalang naiwanan dahil sa natamong pinsala sa nakaraan.

Ang mga larangang gerilya ng Rizal at Hilagang Quezon ay patuloy na nagkakamit ng mga tagumpay sa paglaban at pagbigo sa mga malulupit na operasyong paghanap at paglipol ng kaaway. Sa mga operasyong kombat ng 16th at 78th IBPA at nga PNP-SAF mula Mayo hanggang Hunyo 2013 sa interyor na bahagi ng Heneral Nakar, Quezon at mga bayan Tanay at Montalban parehong nasa Rizal, mariing binigwasan ng mga pwersang gerilya ang kaaway sa sumusunod na okasyon:

a. Operasyong haras ng isang iskwad ng NPA sa San Ysiro, San Jose, Antipolo City na nagresulta sa pagkakasugat ng 2 tropa ng 59th IB noong Mayo 1.

b. Operasyong haras laban sa tropa ng 16th IBPA at 76th IBPA ng 4-kataong team ng NPA sa So. Iiyam, Lumutan, Nakar, Quezon noong Mayo 25 na nagresulta sa 2 sugatan sa panig ng kaaway at kung saan namatay ang isang malubhang nasugatan.

c. Noong Mayo 27 naman, kinumpiska ng isang tim ng NPA ang suplay na pinabili ng 16th IBPA sa So. Rao, Lumutan, Nakar, Quezon upang guluhin ang kanilang momentum ng mga operasyong kombat.

Samantala, nitong Nobyembre 2013, inilunsad ng NAAC-NPA-Rizal ang matagumpay na serye ng mga aksyong militar sa harap ng dalawang linggong operasyong kombat ng mga pwersa ng AFP at PNP. Noong Nobyembre 9, inilunsad ang serye ng tatlong reyd sa So. Paeaan, Pinugay, Baras laban sa isang kumpanya ng quarry, isang treasure hunting compound ng isang retiradong koronel ng Air Force at isang bahay ng mag-asawang Bisgueras—lahat dahil sa kaso ng pangangamkam ng lupa at pagsira sa kapaligiran. Kinumpiska dito ang 3 shotgun, 2-cal. 38 na rebolber, mga kagamitan sa komunikasyon, bakpak at mga uniporme at iba pang kagamitang militar. Sinundan ito ng isa pang reyd noong Nobyembre 20 sa isang farm na inirereklamo din ng pangangamkam ng lupa ng mamamayan. Kinumpiska dito ang 3 shotgun, isang cal. 45 na pistola at .22 cal magnum revolver. Samantala, sumuko sa NPA ang isang aktibong CAFGU noong Nobyembre 24 na ibinigay sa pamilya ang pangangalaga bago palayain.

Sa Isla ng Mindoro, maraming ulit na binigwasan ng mga yunit ng NPA ang mga nag-ooperasyong tropa ng kaaway. Sa panahon mula Marso hanggang Hunyo 2013 nailunsad ang anim (6) na matatagumpay na aksyong militar laban sa nag-ooperasyong tropa ng 76th IBPA at 21st DRC. Sa magkasunod na operasyong haras laban sa nag-ooperasyong tropa ng 76th IBPA noong Abril 24 at 25 sa So. Naibuwan at So. Calumbayan at sa ginawang pag-atake sa kampo ng 21st DRC noong Hunyo 4 sa So. Zigzag—lahat sa Batasan, San Jose, Occ. Mindoro—nagtamo ang kaaway ng 18 patay at 11 sugutan. May maliliit na operasyong na isinagawa ang NPA sa Loyal at Concepcion, Victoria at Panaytayan, Mansalay—lahat sa Or. Mindoro—kung saan napatay ang isang (1) CAFGU sa reyd sa ditatsment at pinarusahan ang dalawang (2) aset ng kaaway na may pagkakautang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan. Pinarusahan din ang isang kumpanya sa quarry sa Manggat, Rizal, Occ. Mindoro dahil sa ginagawa nitong pangwawasak sa ilog na nagdudulot ng panganib sa buhay at ari-arian ng mamamayan.

Sa katulad na paraan, patuloy na nagkakamit ng mga tagumpay sa sandatahang pakikibaka ang mga larangang gerilya sa probinsya ng Palawan, Batangas, Laguna at Timog Quezon-Bondoc Peninsula. Ang mga komulatibong tagumpay na ito ay patuloy na nagsisilbing mahalagang puhunan para sa makabuluhang pagsulong ng rebolusyon sa TK sa darating na mga taon.

Sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon tulad noong Mayo 2013, patuloy na iginigiit ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ang rebolusyonaryong otoridad para protektahan ang masa laban sa mga panggigipit at pamimili ng boto ng mga reaksyunaryong kandidato.

Noong Abril at Mayo, dinisarmahan at kinumpiska ng NPA sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command ng probinsya ng Quezon ang 10 armas mula sa mga goons nina Joel Arago at Sonny Ubana, kapwa mga kandidatong pagka-alkalde sa bayan ng Lopez. Ang reeleksyunistang si Ubana ay masugid na kasabwat ng AFP sa pagpasok ng mga Peace and Development Teams, naging bulag sa mga paglabag sa karapatang tao ng 85th IBPA sa ngalan ng Oplan Bayanihan at tagakupkop ng mga kriminal at mamamatay-tao.

Sa Palawan, inilunsad ng mga yunit ng Bienvenido Vallever Command ang mga taktikal na opensiba at aksyong pamigil sa panahon ng kampanyahan sa reaksyunaryong eleksyon. Magkakasunod na taktikal na opensiba ang isinagawa ng mga yunit ng NPA tulad ng reyd na walang putok sa Juwelmar pearl farm sa isla ng Taytay noong Abril 15 kung saan kinumpiska ang siyam (9) na shotgun, mga combat shoes at kagamitan sa komunikasyon. Nauna pa, hinaras ng NPA noong Marso 14 ang ditatsment sa Tigabenit, Puerto Princesa City.

Hinarang naman at dinis-armahan ng yunit ng NPA ang mga armadong goons ni Mayor Pablico ng bayan ng Roxas dahil sa di pagkilala sa otoridad ng demokratikong kapangyarihang bayan. Kasunod nito, hinarang ang isa pang kandidatong mayor ng Roxas na si Cayaon dahil sa pagtangging makipag-usap at kilalanin ang mga kundisyon sa ilalim ng campaign access permit.

Naging babala ang mga aksyong ito sa iba pang reaksyunaryong kandidato na kilalanin ang rebolusyonaryong otoridad sa saklaw ng mga sona at larangang gerilya ng NPA at tumupad sa mga kundisyon ng rebolusyonaryong kilusan sa magiging kondukta ng kanilang pangangampanya na nakasaad sa campaign access permit.

Kahit sa gitna ng tuloy-tuloy at malupit na pangwawasak ng Oplan Bayanihan sa mga larangang gerilya ng NPA, patuloy na nagkakamit ng pagsulong ang Partido sa pagbubuo ng rebolusyonaryong baseng masa sa kanayunan. Sa mga larangang gerilya na sinalanta ng mga kampanya ng paglipol at terorismo, unti-unting napangingibabawan ng mamamayan ang takot at nagsimula nang buuin ang kanilang sarili sa mga hayag at lihim na organisasyon at kumilos para sa mga pakikibakang antipyudal.

Malugod na tinatanggap ang mga yunit ng NPA sa mga lugar na binalikan at nirerekober. Sa mga lugar na ito, muling nagpapahayag ang masa na maorganisa’t mabuo sa mga rebolusyonaryong organisasyon.

Sa mga kinokonsolidang lugar at nagtamasa ng mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, nagsimula nang mabuo ang mga ganap sa samahang masa, lokal na milisya at mga yunit pangdepensa sa baryo. Maging sa mga lugar na winasak ng kaaway ang mga tagumpay na pinakikinabangan ng masang magsasaka sa reporma sa lupa tulad sa mga lugar na nasimulan na ang libreng pamamahagi ng lupa, ang masa mismo ay naghahanap ng ugnay sa mga yunit ng NPA para muling maisaayos ang kanilang kabuhayan. Sa ganito masusukat ang lalim ng naitanim na impluensya ng rebolusyonaryong kilusan at NPA sa masang pinagsasamantalahan sa kanayunan na hindi maaaring tibagin ng anumang klase ng say-ops at dahas ng mersenaryong AFP at PNP.

Makabuluhan din ang mga pagsulong sa kilusang lungsod at demokratikong kilusang masa sa rehiyon. Sa mga malalaking laban at pakikipagsalpukan sa rehimen, laging nasa unahan ang mga progresibong organisasyon sa TK sa pagtuligsa sa papet na rehimeng Aquino tulad ng mga martsa-demonstrasyon, piket-delegasyon, kampong bayan, caravan, mga simbolikong protesta at iba’t ibang anyo ng pagkilos sa Kamaynilaan.

Sa kabilang banda, ang masiglang gawaing pagpupukaw at pagpapakilos ay inaani sa masiglang pag-oorganisa. Sa taong ito, nadagdagan ng may ilanpung libo ang kasapian ng mga hayag na organisasyon ng mamamayan na iba’t iba ang tipo at kalikasan. Napangibabawan na ng mga organisador ng hayag at lihim na kilusang masa ang makitid, pakutkot at pahapyaw na pag-oorganisa. Natutunan na ang tamang timpla ng pagkukumbina ng mabilis at masaklaw na pag-oorganisa at pagbubuo ng kilusang lihim. Dahil sa relatibong sigla ng mga pagkilos at gawaing pagpupukaw at pag-oorganisa sa mga batayang uri at sektor sa kalunsuran, nagsimula nang sumigla ang integrasyon ng mga aktibista sa kalunsuran sa kilusan sa kanayunan at armadong pakikibaka. Paparami na ang bilang ng nagpapahayag ng kahandaang sumapi sa NPA at lumahok sa armadong pakikibaka.

Ang kasiglahang ito ay pinupukaw at pinag-aalab ng mataas na kapasyahang mag-ambag ng mumunting tagumpay para sa kabuuang pagmartsa ng kilusan patungo sa yugto ng estratehikong pagkakapatas ng digmang bayan upang wakasan na ang nagpapahirap na sistemang malapyudal at malakolonyal sa sambayanang Pilipino.

Malakas ang kumpyansa ng Partido sa rehiyon na sa malaot-madali, maaabot muli ang rurok ng naging latag at lawak ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon noong 1997. Ito ang matatag na kapasyahan ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan.

Mabuhay ang Ika-45 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang New People’s Army!

Magpunyaging Isulong ang Digmang Bayan Tungo sa Estratehikong Pagkakapatas!

Palawakin ang mga Paglaban at Ibagsak ang papet na rehimeng US Aquino!