Ang Partido Komunista ng Pilipinas hinggil sa Maoismo, Bagong Demokratikong Rebolusyon, China at Kalagayan ng Daigdig

Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Partido Komunista ng Pilipinas


Translation: The Communist Party of the Philippines on Maoism, New Democratic Revolution, China & the current world

Panayam ng
New Culture Magazine
Communist Reconstruction Union of Brazil

 
1 - Ang iyong pusisyon hinggil sa Kaisipang Mao Zedong o Maoismo? May malaking pagkakaiba ba sa teoretikal na kontribusyon ni Mao Zedong sa syentipikong sosyalismo ang "Kaisipang Mao Zedong" at "Maoismo"? Ano ang laman ng Maoismo bilang ikatlong yugto sa pag-unlad ng toerya at praktika ng proletaryado? May kontradiksyon ba ang Maoismo sa mga kontribusyon ng ibang teoritista sa syentipikong sosyalismo, tulad ni President Kim Il Sung sa ideya ng Juche?

JMS: Walang pagkakaiba sa nilalaman ang Kaisipang Mao Zedong at ang Maoismo. Nang gamitin ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pariralang Kaisipang Mao Zedong noong 1969, lahat ng mayor na teoretikal at praktikal na tagumpay ni Kasamang Mao ay sinaklaw. Sinaklaw din ito sa salitang Maoismo, na ginamit ng PKP simula ng maagang bahagi ng 1990. Ang pariralang Marxismo-Leninismo-Maoismo ay nangangahulugan ng pagpapatuloy at pagsulong. Ang pagdugtong ng salitang Maoismo ay kahanay ng Marxismo at Leninismo.

Ibayong pinaunlad ng Maoismo ang lahat ng mayor na bahagi ng Marxismo at Leninismo. Sa pilosopiya, ipinaliwanag ni Mao ang materyalistang dialektika na inilapat ni Marx sa Das Capital at pinalalim at pinalawig ang pagtukoy ni Lenin sa pag-iisa ng magkasalungat bilang siyang pinakasaligang batas ng materyalistang dialektika. Dati, inilatag ni Engels ang tatlong batas ng kontradiksyon at tumutok si Lenin sa pagkumpronta sa empiryo-kritisismo.

Sa ekonomyang pampulitika, ibayong ipinaliwanag ni Mao ang kritika sa monopolyo kapitalismo hanggang sa burukratang monopolyong kapitalismo sa mga estadong pinamunuan ng mga rebisyunista at pinaunlad ang dating teorya at praktika ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa Soviet Union. Pinalawig niya ang relasyon ng moda ng produksyon at ang superistruktura sa matagal na transisyon ng sosyalismo tungong komunismo.

Sa syensang panlipunan, idiniin niya na sa proletaryong tunggalian ng mga uri, ang burgesya ang susing kawing sa lahat ng pakikibakang masa upang makasulong sa sosyalistang rebolusyon. Inilatag niya ang kilusang pagwawasto bilang landas para harapin ang mga seryosong kamalian at upang imantine at palakasin ang integridad at epektibidad nito. Pinaunlad niya ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan bilang pamamaraan ng mamamayan sa mahihirap na bansa upang gibain ang kapangyarihan ng imperyalismo at reaksyon at kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.

Subalit ang nagdala sa Maoismo sa antas ng ikatlong yugto sa pag-unlad ng rebolusyonaryong teorya at praktika ng proletaryado ay ang teorya at praktika ni Mao ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura upang gapiin ang rebisyunismo, hadlangan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Hindi ibinasura kundi sinaklaw pa nga ng Maoismo ang prinsipyo at praktika ng pag-asa-sa-sarili na ideya ng Juche ni Kim Il Sung. Maaari nitong saklawin ang iba't ibang diin ng mga tiyak na prinsipyo at patakaran sa paglalapat ng syentipikong sosyalismo sa iba't ibang bansa na may iba't ibang kasaysayan at sirkunstansya. Pamalagiang tungkulin ng partido komunista at manggagawa na isanib ang teorya sa kongkretong praktika sa iba't ibang kalagayan.

2 - Sa Brazil, ang teorya ni Mao Zedong hinggil sa burukrata kapitalismo ay hindi gaanong pinag-aralan. Maaari mo bang ipaliwanag kung ano ang burukrata-kapitalismo at kung paano ito lumilitaw ngayon sa mga bansang inaapi ng imperyalismo?

JMS: Ang burukarata-kapitalismo ay nangangahulugan lamang ng korapsyon ng mga upisyal ng estado na ginagamit ang estado sa pribado nilang akumulasyon ng kapital, ng pamilya nila at mga kroni. Maaari itong kasangkutan ng estado na direktang nagbibigay sa kanila ng rekursong kapital at mga pribelehiyo para sa kanilang mga pribadong empresang negosyo. Kabilang din dito ang pagtatayo at operasyon ng mga empresa ng estado para sa kapakinabangan ng mga pribadong kapitalista sa iba't ibang paraan.

Ang mga upisyal ng gubyerno ng burges na estado (at ng mga estadong pinamunuan ng mga rebisyunista) ay mga kinatawan at galamay ng burgesya. Karaniwang myembro ng malalaking burgesya ang matataas na upisyal at madaling makilala bilang mga burukrata kapitalista. Nirerekrut ng malalaking burukratang kapitalistang ito bilang kanilang mga ahente sa pulitka at teknokrata ang mga indibidwal na may husay mula sa petiburgesyang urban at intelihensya. Ang mga bayarang ito ay maaari ring maging malalaking burukrata kapitalista habang tumataas ang ranggo nila sa burukrasya at nakapagtitipon ng mga pribadong pag-aaring kapital at lupain sa pamamagitan ng mga tiwaling gawain.

3 - Batid natin na ang sistemang asendero ang isa sa pangunahing katangian ng mahihirap na bansa. Kumusta ang kalagayang agraryo ng Pilipinas sa ngayon? Paano nakakaangkop ang mga biktima ng malapyudal na monopolyo sa lupa sa Pilipinas sa sitwasyon ng inyong bansa bilang malakolonya ng imperyalismong US?

JMS: Ang panlipunang ekonomya ng Pilipinas ay hindi pa maunlad, agraryo, pre-industriyal at malapyudal. Ang kanayunan ay nananatiling pinaghaharian ng uring panginoong maylupa, habang ang mga kalunsuran ay pinaghaharian ng malalaking kumprador. Ang mga panginoong maylupa ang nananatiling napakarami at ang malaganap na nagsasamantalang uri at ang mga magsasaka ang pinakamarami at malaganap na pinagsasamantalahang uri sa Pilipinas. Inaari pa rin ng mga panginoong maylupa ang karamihan sa mga lupaing natatamnan ng bigas, mais, asukal at tabako kahit nakapag-oopereyt ng mga plantasyon ng pinya, saging, palm oil at goma ang mga dayuhan at lokal na nagmamay-ari ng lupa.

Ang malalaking kumprador ang punong ahente sa kalakalan at pinansya ng dayuhang monopolyong kumpanya at siyang pinakamayayaman at pinakamakapangyarihan sa malapyudal na lipunan. Sila mismo kadalasan ay malalaking panginoong maylupa upang tiyakin na kontrolodo nila sa kanilang mga kamay ang agrikultural na eksport. Kung kaya, malimit na tinutukoy na piling bahagi ng naghaharing uri ang uring malalaking kumprador-panginoong maylupa. Ito ang uring naghahari sa kasalukuyang malapyudal na ekonomya taliwas sa litaw na pangingibabaw ng uring panginoong maylupa sa ekonomyang pyudal ng nakaraan hanggang sa katapusan ng ika-19 na siglo.

Ang kolonyal na rehimen ng US ang nagpasimula ng malapyudal na ekonomya at nagluklok sa malalaking burgesya kumprador sa tutok ng naghaharing pusisyon sa hanay ng mga katutubo at mestiso sa pagsisimula ng ika-20 siglo. Sa panahong inihalili ng US ang malakonyal na paghahari noong 1946 mula kolonyal, buo nang lubos ang malapyudal na naghaharing uri ng malalaking kumprador-panginoong maylupa. Naging prinsipal na tauhan sila ng US at ang mga ahenteng pulitikal nila ang umako sa burukrasya mula taas hanggang ibaba.

4 - Isang bahagi ng tagumpay ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pampulitikang linya nito ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, kung saan ang pampulitikang kapangyarihang bayan ay itinatatag sa pamamagitan ng matagalang armadong pakikibaka at ng pagkubkob sa reaksyunaryong kapangyarihan ng lumang burges na estado. Anu-anong mga hakbang ang ginagawa ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga pinalayang purok, kung saan ito ang namumuno sa lahat ng buhay pulitikal, ekonomiko at kultural? Paano nasusustine ng mga pinalayang purok ang sarili nito sa sa mahabang panahon sa harap ng aramdong opensiba ng lumang estado? Ano ang saklaw ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa Pilipinas? Anu-ano ang perspektiba para sa pagpapalawak ng mga pinalayang purok?

JMS: Ang pangkalahatang pampultikang linya ng Partido Komunista ng Pilipinas ay ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa imperyalismong US at lokal na nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa. Ang pampulitikang layunin ay kamtin ang pambansang kalayaan, itayo ang demokratikong estado ng bayan at sumulong sa sosyalistang rebolusyon. Ang pang-ekonomyang layunin ay kumpletuhin ang reporma sa lupa, tuparin ang industriyalisasyon ng bansa, paunlarin ang sosyalistang industriya at kooperasyong agrikultural. Ang pangkulturang layunin ay paunlarin ang isang pambansa, syentipiko at pangmasang sistemang ng kultura at edukasyon.

Ang PKP ang abanteng destakamento ng uring manggagawa at namumuno sa rebolusyon. Nagbubuo ito ng mga sangay sa pabrika, bukirin, paaralan, upisina at mga komunidad. Inorganisa nito ang Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing organisasyon upang gapiin ang kaaway at ibagsak ang naghaharing sistema. Nakapagbuo ito ng mga hayag at lihim na organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyunal, aktibistang pangkultura at iba pa. Binubuo ang National Democratic Front ng mga lihim na rebolusyonaryong pwersa sa nagkakaisang prente. Binubuo ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika para sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan.

Ipinatutupad ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang tunay na reporma sa lupa at itinatransporma ang mga atsadong baryo bilang pampulitika, pang-ekonomya, panlipunan at pangkulturang moog ng rebolusyon. Sa kabila ng mga kampanyang panunupil militar ng kaaway, lumakas ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pagsasanib ng pamumuno ng Partido, armadong pakikibaka at pagbubuo ng baseng masa. Umiiral ngayon ang mga Pulang pampulitikang kapangyarihan sa mahigit 110 larangang gerilya na may milyun-milyong mamamayan sa substansyal na bahagi ng 71 ng 81 prubinsya ng Pilipinas.

Ang perspektiba at plano ng rebolusyonaryong kilusan ay sumulong mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa pamamagitan ng pagpaparami ng bilang mga larangang gerilya tungong 200, ng kasapian ng PKP na 250,000, ng bilang mga Pulang mandirigma na may awtomatikong riple sa 25,000, at ng kasapian ng organisasyong masa na milyun-milyon at ng lakas ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa antas ng mga baryo, munisipyo at prubinsya.

5 - Mayroon pa bang aktibidad ang mga rebisyunistang organisasyon sa Pilipinas? Mayroon pa silang impluwensya sa masa? Paano umaangkop ang PKP sa mga rebisyunistang organisasyong ito?

JMS: Tinatawag ng rebisyunistang partido ang sarili nito na CPP-30. Maliit na ito at wala nang silbi na resulta ng anti-rebisyunistang kritisismo at pagtatakwil ng Maoistang partido mula pa noong 1960. Bigo itong tanggalin ang masamang reputasyon nito sa pagiging sunud-sunuran sa rebisyunistang pangkatin Sobyet mula pa noong 1960 at sa lantarang pagsuko sa pasistang diktadurang Marcos noong 1974. Wala na itong signipikanteng tagasunod. Ang pangunahing aktibidad nito ay dumalo sa mga rebisyunistang pagtitipon sa ibang bansa upang siraan at alipustain ang PKP, BHB at NDFP. Tinutugon ng PKP ang mga rebisyunista sa bawat pagkakatong umaatake ito.

6 - Alam namin, na matapos ang pagkamatay ni Mao Zedong noong 1976, isang makakanang seksyon na pinamumunuan ni Deng Xiaoping ang lumitaw at namuno sa Partido Komunista ng China at nagpatupad ng serye ng mga patakaran na tinagurian ng gubyerno ng China na "reporma at pagbubukas". Ang paglitaw ng linyang ito sa kapangyarihan ay nangahulugan ng pagwawakas ng Rebolusyong Pangkultura at ng pagsisimula sa kapitalistang pagpapanumbalik. Sumasang-ayon ka ba sa ideya na sa ngayon ay nagiging imperyalistang bansa na ang China? O di kaya, sa kabila ng lahat ng mga pagbabago, gumagampan pa rin ito ng positibong papel sa larangang internasyunal?

JMS: Totoo, ang kontra-rebolusyonaryong Dengista ay nagbunsod ng pagpapanumbalik ng kapitalismo sa China at ng integrasyon nito sa pandaigdigang sistamang kapitalista. Sa pang-ekonomyang depenisyon ni Lenin sa modernong imperyalismo, papasok ang China bilang imperyalista. Nagiging dominante ang burukartiko at pribadong monopolyong kapital sa lipunang Tsino. Nagsanib ang kapital sa bangko at industriya. Iniluluwas ng China ang labis na kapital sa ibang bansa. Nagkukumbina ang mga kapitalistang empresa sa iba pang dayuhang kapitalistang empresa upang pagsamantalahan ang lakas-paggawang Tsino, ang mga bansa sa ikatlong daigdig at ang pandaigdigang pamilihan.

Nakikipagsabwatan at nakikipagkumpetisyon ang China sa ibang imperyalistang bansa sa pagpapalwak ng teritoryong pang-ekonomya, tulad ng pinagkukunan ng murang lakas paggawa at hilaw na materyales, larangan ng pamumuhunan, pamilihan, pagpusisyon at saklaw ng impluwensya. Gayunpaman, hindi pa naglulunsad ng gerang agresyon ang China upang magkaroon ng kolonya, ng malakolonya, mga teritoryong ipinagtatanggol, o dependyenteng bansa. Hindi pa ito gaanong marahas sa pakikibaka para sa muling paghahati sa daigdig sa mga malalaking kapitalistang kapangyarihan, di tulad ng US, Japan, Germany, Italy nang makihanay ang mga ito imperyalistang kapangyarihan.

Ito ay may kinalaman sa pakikipagitgitan ng China sa mga mas agresibo at mapandambong na mga imperyalistang kapangyarihan na kahit paano ay nakatutulong sa mga rebolusyonaryong kilusan sa isang obhetibo o di-direktang pamamaraan. Gumagampan ng natatanging papel ang China sa blokeng pang-ekonomyang BRICS at sa organisasyong panseguridad na Shanghai Cooperation Organization na labas sa kontrol ng US.

7 - Ilan sa mga bansa sa Latin America, gaya ng Venezuela at Bolivia, ang nahaharap sa transpormasyong pulitikal kung saan pinagtitibay ang soberanya at lumalalim ang kontradiksyon sa imperyalismong US. Sa kaso ng Venezuela, binabanggit ng gubyernong Bolivarian ang transisyon tungong sosyalismo. Paano mo tatasahin ang mga prosesong ito?

JMS: Kahanga-hanga at kailangang suportahan ang mga patakaran ng Venezuela at Bolivia na anti-imperyalista, naggigiit ng pambansang kalayaan at nagtataguyod ng repormang panlipunan at aspirasyong sosyalista. Binibigwasan nito ang imperyalistang hegemonya at lumilikha ng oportunidad para sa pagsulong ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado at ng masang popular. Subalit nakakapagduda kung kayang ilunsad ng kasalukuyang naliliwanagan at mapagkawanggawang mga lider ng gubyerno ng Venezuela at Bolivia ang isang sosyalistang rebolusyon nang hindi gagapiin ang marahas na paglaban ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo.

8 - Ang krisis sa Syria ay isang pangyayari na maraming masamang epekto sa taong 2013 na bunsod ng direktang maniobra ng imperyalismong US upang gerahin ang bansang ito. Napag-alaman na ang mga maniobrang ito ay nahadlangan dahil sa internasyunal pagkakaisa na di pabor dito. Sa iyong palagay, ano ang papel na gagampanan ng direktang opensiba sa Syria sa lohika ng patakaran ng US na dominasyon sa daigdig? Paano yayanigin ng mga pagkatalo ang pusisyon ng pangunahing imperyalistang kapangyarihan sa larangan ng pandaigdigang pulitika? Ano ang kahulugan ng pagtutulungan ng China at Russia para hadlangan ang bagong dahilan ng gubyerno ng US para sa gera?

JMS: Gumawa ng mga epektibong aksyon ang China at Russia sa loob at labas ng UN Security Council upang hadlangan ang US para bombahin ang Syria at ang pagputok ng gera sa rehiyon. Sa pagtindig sa pambansang kasarinlan ng Syria, maging ng Iran, nakaganansya sila ng puntos mula sa mga estado ng ikatlong daigdig. Kaya, lumaki ang papel nila sa pakikipagharap sa US at iba pang imperyalistang bansa sa usapin ng inter-imperyalistang pakikitagisan maging pakikipagtulungan.

Ang pag-iwas sa gera bilang resulta ng diplomasya ng Russia at China sa US ay kalugud-lugod. Gayundin, ito ang tagapagbantay ng Syria at Iran sa pagpapahintulot sa US at sa mga ahente nito na malayang pumasok sa kanilang mga teritoryo upang maghalughog at magsiyasat ng mga lugar na may istak at aktibidad na kemikal at nukleyar. Gayundin, hindi imposible na balang araw ay bobombahin ng US at ng mga kaalyado nito ang Syria at Iran batay sa pagkabigong tumalima sa mga kasunduan. Ang mga kasunduan sa US ay hindi nagligtas sa Yugoslavia, Iraq at Libya sa agresyon ng US. ###