Superbagyong Haiyan: Kriminal na kapabayaan ng rehimeng Aquino laban sa magigiting na pagsisikap ng mamamayan sa relief at rehabilitasyon

Kontribusyon sa 11th International Symposium Against Isolation
24- 26 Enero 2014, Amsterdam, The Netherlands


Luis Jalandoni
Chief International Representative
NDFP National Democratic Front of the Philippines

Translation: Supertyphoon Haiyan: Aquino regime’s criminal negligence vs people’s heroic efforts at relief and rehabilitation
 

Tumama ang superbagyong Haiyan sa Pilipinas noong Nobyembre 8, 2013. Sinalanta ng hanging may bilis na mahigit 300 kilometro kada oras at ng biglaang pagdaluyong ng dagat ang malaking bahagi ng gitnang Pilipinas at iba pang lugar. Mahigit 6,000 ang upisyal na bilang ng mga namatay. Mahigit apat na milyong Pilipino ang nawalan ng tahanan at may 14 na milyong mamamayan sa kabuuan ang malubhang naapektuhan ng superbagyo.

Inakusahan ng milyung-milyong mamamayang Pilipino si Presidente Benigno Aquino ng kriminal na pagpapabaya at kawalang-kakayahan. Dalawang taon bago humagupit ang superbagyong Haiyan, nang katatapos pa lamang ng mga naunang kalamidad, isang panukalang batas ang inihapag upang maglaan ng pondo para makapaghanda bago ang sakuna, tulad ng pagtatayo ng matitibay na imprastruktura para sa ebakwasyon at mga bodega na may pagkain, tubig at mga gamot. Ibinasura ni Aquino ang panukalang ito. Sa kawalan niya ng pananaw, idineklara niya na ang pondo ay dapat gamitin lamang kapag tumama na ang mga sakuna at hindi bago ito.



Noong Nobyembre 7, isang araw bago tumama ang superbagyo, naglabas ang Manila Observatory ng ulat-babala na "maaaring maging sanhi ang bagyo ng malalaking salanta laluna sa mga prubinsya ng Kabisayaan at mga isla sa Southern Luzon, maging sa ilang bahagi ng Northern Mindanao." Ipinanukala nito ang pangangailangan ng malawakang ebakwasyon upang ilikas ang mga mamamayan sa mga komunidad na walo hanggang 16 kilometro ang layo mula sa baybay. Binalewala ni Aquino ang babalang ito. Walang isinagawang ebakwasyon. Taliwas dito, inilikas ng Vietnam ang 600,000 katao bago humagupit ang Bagyong Haiyan.

Kriminal na Kapabayaan

 

Sa harap ng ganitong babala, naglabas pa ng mga hibang at hambog na deklarasyon ai Aquino na walang magiging mga biktima, "walang kaswalti". Ipinagmayabang niya na ang mga eroplano at helikopter ng Air Force at ang 20 sasakyang pandagat ng Navy ay "nakapusisyon na dati" sa mga lugar na apektado. Siniguro niya na "darating sa kagyat ang tulong pagkatapos ng bagyo." Subalit matapos humupa ang malakas na hangin noong Nobyembre 8, walang nakitang eroplano ng Air Force o barko ng Navy na dagliang nakapaghatid ng kailangang-kailangang tubig na maiinom, pagkain at gamot. Higit pa, tinangka pang maliitin ni Aquino ang pagkawala ng mga buhay nang ianunsyo niya sa CNN na 2,000 hanggang 2,500 lamang ang namatay. Ang hepe ng pulisya sa prubinsya na nagsabing ang mga namatay ay maaaring umabot sa 10,000 ay basta-basta na lamang tinanggal sa pwesto.

Isang buwan matapos ang sakuna, marami sa mga apektadong lugar ang di pa nakatatanggap ng anumang pagkain, tubig na maiinom o mga gamot mula sa gubyernong Aquino, sa kabila ng mga pondong iniambag ng mga internasyunal na ahensyang panaklolo. Kahit matapos ang dalawang buwan, maraming bangkay ang di pa naililibing at maraming labi ang dapat pang kilalanin.

Pagpapahintulot ni Aquino sa mga Barkong Pandigma at Tropa ng US

Tahasang binalewala ni Aquino ang soberanya ng bansa nang pahintulutan niya ang tropa at mga barkong pandigma ng US na pumasok, sa tabing ng pag-aalok ng pangkagipitang relief. Pumasok ang ilampung libong tropang US sa mga apektadong lugar, inokupa ang mga paliparan, pantalan at iba pang pasilidad. Nagtayo ng mga tsekpoynt ang Armed Forces of the Philippines sa bintang na ninanakaw diumano ng mga biktima ang suplay para sa relief. Nagpataw ang gubyernong US at mga sundalo ng gubyernong Aquino ng paghaharing militar sa iba't ibang lugar.

Pinagbintangan ng militar ni Aquino na inatake ng Bagong Hukbong Bayan ang mga trak ng Red Cross na may dalang suplay na pan-relief. Nagpakalat din sila ng maling impormasyon ng umaatake ang BHB sa mga apektadong lugar. Ang gayong paninirang-puri sa BHB ay ginamit pang dagdag na dahilan para pahintulutan ang pagpasok ng libu-libong tropang US at magpataw ng paghaharing militar sa mga sinalantang lugar.

Korapsyon sa Konstruksyon ng mga Bunk House


Nagtatayo ngayon ng mga bunkhouse (bahay-tulugan) ang mga alyado sa pulitika ng gubyernong Aquino. Pansamantalang masisilungan ang mga bunkhouse nang anim na buwan bago ang konstruksyon ng permanenteng pabahay. Mariing binatikos ng mga tagamasid at eksperto mula sa ibang bansa ang mga bunkhouse dahil mahuhuna ang mga ito at napakamahal pero di makatao. Ang kwarto kada pamilya ay napakaliit, 8.67 metro kwadrado lamang, kulang sa bentilasyon, di ligtas at walang pribasiya. Karamihan ay walang palikuran at kusina. Ang patong sa presyo ay mahigit limang ulit kaysa aktwal na halaga.

Kampanyang Pagpapatalsik kay Aquino


Ang kriminal na kapabayaan at kawalang-kakayahang ito ng rehimeng Aquino ay kasunod ng paglalantad ng malawakang korapsyon sa tinaguriang pondong pork barrel at discretionary fund ng presidente na umaabot sa ilampung bilyong euros. Nagpasikad ito sa malaganap na kampanya ng pagpapatalsik sa rehimeng Aquino o ng pwersahang pagbibitiw ni Aquino.

Magiting na Pagsisikap ng Sambayanang Pilipino

Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa, laluna yaong nasa mga apektadong lugar, ay magiting na nagsasagawa ng mga operasyong relief at rehabilitasyon sa mga komunidad na malubhang sinalanta ng superbagyo. Nagdeklara ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan nito ng unilateral na tigil-putukan mula Nobyembre 8 hanggang Disyembre 24, 2013 sa lahat ng apektadong rehiyon. Sa Eastern Visayas, pinalawig pa ang tigil-putukan hanggang kalagitnaan ng Enero 2014, at sinaklaw nito ang mga isla ng Leyte at Samar. Layunin ng deklarasyon ng tigil-putukan na mabigyan ng mga reboluyonaryong pwersa ng pinakamataas na prayoridad at konsentrasyon ang kagyat na pangangailangan ng relief at rehabilitasyon.

Ang mga biktima mismo, ang mamamayan sa mga apektadong lugar, ay nag-organisa ng kanilang sarili upang gawin ang makakaya para makapagpalitaw ng kanilang mga pangangailangan, maitayo ang kanilang mga pansamantalang masisilungan, at makakuha ng tubig na maiinom, pagkain at mga gamot. Napansin ng mga tagamasid mula sa ibang bansa ang gayong mabilis na pagbawi at determinasyon ng mamamayan at ang tapang at pagiging mapamaraan ng mamamayan ay nakapagbibigay-inspirasyon sa kanila. Isang dayuhang tagamasid ang nakabisita sa mga apektadong lugar at nagsabing: "Dumating at umalis man ang mga bagyo, lindol at baha, subalit mananatili ang sambayanang Pilipino."

Ang mga organisasyong masa sa antas pambansa, rehiyon, at lokal ay walang pagod at buong kabayanihang nagtrabaho, kasama ng mga apektadong komunidad at ilang internasyunal na NGO. Nangulekta sila ng mga makakain, tubig na maiinom, gamot. Nagbuo sila ng mga pangkat pangkalusugan upang magbigay ng dagliang kalingang medikal at tulong sosyo-sikolohikal para sa mga tao o pamilyang dumanas ng trauma. Limandaang boluntir mula sa Mindanao, na kabilang din sa mga biktima ng nakaraang kalamidad ang pumunta sa Leyte, Samar at iba pang apektadong lugar upang tumulong sa relief at rehabilitasyon.

Lumikom ng pondo at nagdaos ng mga aktibidad upang makiiisa sa mga biktima ang mga organisasyon ng mga Pilipino sa ibayong-dagat sa US, Canada, Eirope, Asia-Pacific, at sa Middle East at nakakolekta sila ng signipikanteng halaga. Direkta nilang ipinadala ang tulong sa mga organisasyong masa sa Pilipinas.

Internasyunal na Pakikiisa


Ang mga organisasyong pansolidaridad at mga progresibong NGO mula sa iba't ibang bahagi ng mundo ay nagpadala ng mga pangkat sa Pilipinas at nagsagawa ng kampanaya ng pakikipagkaisa. Ang kanilang mga aktibidad ay nagpalakas ng pakikiisa ng internasyunal na komunidad di lamang sa mamamayan sa mga apektadong lugar, kundi sa maraming kaso, pati sa mapagpalayang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa rehimeng US-Aquino at sa di makatarungang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa Pilipinas. Dapat tukuyin na ang mga internasyunal na organisasyon, kabilang ang ilang organisasyong panggubyerno at inter-gubyerno, ay nagdeklara na hindi nila padadaanin ang kanilang tulong sa gubyernong Aquino. Nakatanggap sila ng mga ulat hinggil sa mga akusasyon ng malawakang korapsyon ng gubyernong Aquino at kung paano ibinulsa ng mga tiwaling burukrata ang mga tulong mula sa ibang bansa para sa mga nakaraang sakuna. Napag-alaman na ang mga relief goods ay ipinagbibili sa mga supermarket at grocery.

Taliwas sa kriminal na kapabayaan, kawalang-kakayahan at korapsyon ng gubyernong Aquino, ang magigiting na pagsisikap ng mamamayan at ang internasyunal na pakikipagkaisa ng mga kababayan mula sa ibayong dagat at mga nagmamalasakit na internasyunal na organisasyon at ahensya ay nagpatingkad sa makatarungang pakikibaka ng mamamayan para muling ibangon ang kanilang buhay at kinabukasan at makibaka para sa  makatarungan at malayang Pilipinas.