100 kandila sa ika-100 araw ng Yolanda, 100 araw ng pagpapabaya ni Aquino sa kababaihan ng Eastern Visayas - GABRIELA

GABRIELA
February 16, 2014

TANAUAN, LEYTE – Nagsindi ng 100 kandila ang grupong GABRIELA sa bayan ng Tanauan bilang pag-alala sa mga namatay sa bagyong Yolanda at bilang protesta sa BS Aquino sa kriminal na kapabayaan nito sa mamamayan ng Eastern Visayas.

“Ang 100 na kandila ay sumisimbulo sa ika-100 araw mula nang manalasa ang superbagyong Yolanda. Isandaang araw mula noon, wala nang bagyo, pero ang kababaihan ng Eastern Visayas ay unti-unting pinapatay ng kainutilan at kapabayaan ni Aquino,” ani Gina de Veyra, Regional Coordinator ng GABRIELA Eastern Visayas.

Dagdag pa ni De Veyra, “Ang mahigit 8,000 na namatay sa kasagsagan ng bagyo ay dahil sa kawalan ng malinaw na disaster preparedness program, rescue at relief plan ng gubyerno. At dahil sa walang plano ang gubyerno para bigyan ng trabaho ang mga sinalanta, tiyak na maraming kababaihan at mga pamilya ang magugutom lalo at inutil ito sa pagkontrol sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, mantika, LPG, langis at iba pa.”

Ayon din sa grupo, wala ring hakbang na ginagawa si Aquino upang tiyaking mayroong libre at maayos na serbisyong pangkalusugan sa mga kababaihan lalung-lalo na ang mga nasa liblib na lugar. Umaasa na lang ang maraming kababaihan sa mga medical mission ng mga local at international NGOs para magpa-check-up at magpagamot, na dapat sana ay pangunahing responsibilidad ng gubyerno.

“Tigilan na ng pangulo ang pagmamayabang niya sa  pitong porsyentong paglago ng ekonomiya dahil hindi ito nakikita, hindi nararamdaman ng mga Waraynon,” ayon kay de Veyra.

Ayon sa kanila, hindi titigil ang GABRIELA sa buong bansa at sa buong mundo hanggat hindi pinaparusahan at pinagbabayad si Aquino sa kasalanan nito sa kababaihan ng Eastern Visayas at sa mamamayang Pilipino. Bahagi ng kanilang panawagan ang kagyat, sistematiko at sustinableng pamimigay ng relief goods, pagbibigay ng P40,000 unconditional cash assistance sa bawat pamilya at mabilis na rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyo.