Mensahe sa Talakayang "KM@50: MAGHIMAGSIK AY MAKATARUNGAN"

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Kabataang Makabayan

Pebrero 20, 2014

Translation: Message to the forum “KM@50: MAGHIMAGSIK AY MAKATARUNGAN"

Sa mga Kapwa ko Aktibista,

Salamat sa paanyaya sa aking magbigay ng mensahe sa inyong talakayan kaugnay sa Kabataang Makabayan. Masaya ako, dahil inaasahan kong nasa proseso na kayo ng paghahanda para sa selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng maningning na organisasyong ito, na gumagampan ng malaking papel sa kasaysayan ng Pilipinas hanggang ngayon.

Angkop lamang na alalahanin ninyo ang KM kaugnay ng kasalukuyang selebrasyon ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at ng Diliman Commune (Komuna Sa Diliman) ng 1971. Sa mga kaganapang ito, dinala ng KM at ibang organisasyon ng kabataan ang patriyotiko at makabayang kilusan ng kabataan sa walang kaparis na sikad na namuo sa buong panahon ng 1960s.



Naatasan akong magtalakay kung paano naitatag ang Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964 at kung ano ang kontekstong sosyo-ekonomiko at pulitikal na nagluwal ng radikalismo at militansya ng mga kabataang estudyanteng Pilipino. Sa simula pa lang ay nais ko nang sabihin na iniluwal ang KM mula sa pag-oorganisa ng mga kabataang estudyante simula 1959 bilang paglaban sa kalagayan ng pamalagiang krisis ng isang malakolonyal at mapalyudal na naghaharing sistema.

Binuo namin ang Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP) noong 1959 upang maging katuwang ng mga burges liberal laban sa mga pagtatangka ng dominanteng simbahan na panghimasukan ang paghihiwalay ng simbahan at estado at labagin ang kalayaang akademiko ng mga state university (pamantasan ng estado). Subalit may layunin kaming dalhin ang antas ng debate at pakikibaka sa pagitan ng mamamayan at mga pwersa ng pambansang kalayaan at demokrasya sa isang banda, kontra sa mga pwersa ng status quo ng mga maka-imperyalismo at reaksyon sa kabilang banda.

Hindi kami natakot sa pamamayagpag ng anti-komunistang klima at sa Anti-Subversion Law na isinabatas noong 1957. Nang sumabak ang Committee on Anti-Filipino Activities (CAFA) ng kongreso sa anti-komunistang pagtugis noong 1961-60, handa ang SCAUP sa usaping intelektwal at pulitikal na harapin ang pakikipagkaisang prente sa kalakhan ng mga organisasyon sa eskwelahan at upang ilunsad, noong 1961, ang isang malaking demonstrasyon ng 5000 estudyante na literal na nagpataob sa CAFA. Ang layunin ay ipagtanggol ang kalayaan sa kampus at itaguyod rin ang pambansang demokratikong linya laban sa imperyalismo at lokal na reaksyon.

Isang pangyayaring hudyat ang aksyong masang Anti-CAFA sa pagbali sa pangingibabaw ng anti-komunistang reaksyon na kasabay ng paglala ng panlipunang krisis. Batay sa ating karanasang anti-CAFA, tuluy-tuloy naming hinikayat ang mga estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad para magbuo ng mga samahang katulad ng SCAUP, na mayroong hayag na antas ng mga pambansang demokratikong pag-aaral at patagong antas ng Marxista-Leninistang pag-aaral. Matapos na makapagpaunlad ng mga katuwang ang SCAUP sa ibang eskwelahan, naging posible ang pag-oorganisa ng mga pambansang kumperensya ng mga estudyante na nagdala ng pambansang demokratikong linya mula 1962 pataas.

Kasama ng iba pang estudyanteng aktibista, umanib kami sa kilusang unyon sa pamamagitan ng Lapiang Manggagawa (Workers' Party) at ilang pederasyon sa paggawa noong huling bahagi ng 1962. Sumentro kami sa gawaing pananaliksik at edukasyon at nagkaroon ng mahigpit na ugnayan sa mga nakababatang manggagawa na kalaunan ay nirekrut namin at naging mga kasapi ng Kabataang Makabayan. Nakipag-ugnayan din kami sa mga organisasyon ng mga magsasaka at nagrekrut ng mga kabataang magsasaka para maging kasapi ng KM. Madali rin kaming nagkaroon ng kontak sa mga nakababatang guro at iba pang propesyunal.

Kaya noong 1964, nabuo namin ang Kabataang Makabayan bilang isang komprehensibong patriyotiko at progresibong organisasyon ng kabataang estudyante at mga nakababatang manggagawa, magsasaka at propesyunal. Ang mga delegado sa Kongreso ng pagtatatag ng KM noong Nobyembre 30, 1964 sa awditoryum ng YMCA ay nagmula sa mga organisasyon ng mga estudyante sa University of the Philippines, Lyceum of the Philippines, Philippine College of Commerce, MLQ University, University of the East at iba pa, mula sa mga unyon sa paggawa ng National Association of Trade Unions at mula sa mga organisasyong magsasaka galing sa Central Luzon at Southern Tagalog.

Kaakit-akit ang KM sa mga kabataan dahil mayroon itong pambansang demokratikong programa at naging bantog sa militante nitong mga aksyong masa. Nakipag-alyansa ito sa mga organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, propesyunal at iba pang sektor. Inilalarawan ng KM ang sarili bilang katulong ng uring manggagawa at bilang sanayan ng mga kadre. Tulad ng SCAUP, hayag na nagdaraos ang KM ng mga pambansang demokratikong pag-aaral at lihim na mga Marxista-Leninistang pag-aaral. Buong pagpupunyagi at puspusan itong nagmulat, nag-organisa at nagpakilos ng kabataan sa pambansang antas. Habang binabantaan ng rehiemang Marcos ang KM at tinatangkang supilin ang mga aksyong masa nito, lalong ninanais ng mga kabataang sumapi sa KM.

Dapat ninyong tandaan na ang mga higanteng aksyong masa noong Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at ng Diliman Commune ng 1971 ay mga produkto ng determindao at militanteng pakikibaka mula noong dekada 1960. Kabilang sa unang lundo ng mobilisasyong masa ang Pangkalahatang rali kontra sa mga di pantay na tratado sa US noong 1965, ang pambansang pag-aaklas ng mga estudyante mula 1977 (1967?) pataas, ang rali ng mga magsasaka noong 1969 at ang protesta laban sa gerang agresyon ng US sa Vietnam. Habang inilalantad ng rehimeng Marcos ang buktot na pakanang ipataw ang pasistang diktadura sa kanila, pinaigting ng kabataan at ng malawak na masa ng sambayanan ang kanilang gawain upang itatag ang kanilang organisadong lakas at maglunsad ng mga aksyong masa.

Mataas ang kalidad ng rebolusyonaryong teoretikal, pulitikal at praktikal na pagsasanay ng mga aktibista ng KM kaya marami sa kanila ang naging mga kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, na muling itinatag noong 1968 sa patnubay ng Marixismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Tumulong ang KM sa pambansang pagpapalawak ng PKP. Nang suspendihin ni Marcos ang writ of habeas corpus noong 1971 at ideklara ang batas militar noong 1972, sumanib ang KM sa lihim na rebolusyonaryong kilusan at sa Bagong Hukbong Bayan sang-ayon sa linyang ang digmang bayan ang sagot sa batas militar.

Malaki ang iniambag ng KM sa rebolusyonaryong pakikibaka laban sa pasistang diktadurang Marcos at isa sa mga mayor na pwersang nagpahina at naghiwalay sa paghahari ng teror at kasakiman hanggang mapatalsik noong 1986 ang naghaharing pangkating Marcos. Hindi na lumitaw ang KM bilang isang ligal na organisasyon pagkatapos ng pagbagsak ni Marcos. Mula noon, ito ang naging Liga ng mga Komunistang Kabataan (Communist Youth League) kahit pinanatili nito ang orihinal nitong pangalan. Ipinagpatuloy nito ang papel nito bilang sanayan ng mga rebolusyonaryong kabataan upang paunlarin sila bilang mga tunay na komunista. Maaring sabihin na higit kailanma'y gumagampan ngayon ang KM ng mayor na papel sa demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng digmang bayan.

Lahat ng paghahanda ay dapat gawin upang ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng KM sa isang malaki at makabuluhang paraan. Dapat kabilang dito ang mga kampanya at aktibidad na may tiyak na layunin sa paghihikayat ng mga teoretikal na pag-aaral, edukasyong pampulitika, pagpapalawak ng organisasyon, mobilisasyong masa at gawaing pangkultura, laluna sa iba't ibang mga anyong sining. Binabati ko ang kampanya para patalsikin ang rehimeng Aquino. Magandang paghahanda ito para sa gintong anibersaryo (50 taon) ng KM. Mapatalsik man o hindi ng kampanya ang rehimen bago ang 2016, magpapatatag ito sa pambansang demokratikong kilusan ng kabataan at ng buong sambayanan.

Sa pamamagitan ng pakikibakang masa, maitatatag natin ang rebolusyonaryong lakas upang patalsikin ang naghaharing sistema at kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya.