Pananalita sa Paglulunsad ng Tatlong Aklat

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines

Feb 08, 2014

Translation: Remarks at Launch of Three Books

At the University of the Philippines SOLAIR,
Diliman, Quezon City on February 8, 2014

Mga Kasama at Kaibigan,

Lubos kong ikinagagalak at ikinararangal ang paglalabas ng tatlong aklat: “Defeating Revisionism, Reformism and Opportunism”, “Building Strength through Struggle” at “Celebration”. Pinasasalamatan ko ang tagapaglahatla at ang mga organisador, tagapagsalita at lahat ng iba pang kalahok sa paglulunsad ng mga librong ito ngayon.

Natutuwa ako na ang paglalabas ng librong ito ay nakataon at nagbibigay kahulugan sa aking 55 taon ng paglilingkod sa rebolusyunaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino maging ang aking ika-75 pag-iral sa mundo.

Ang Defeating Revisionism, Reformism and Opportunism (Paggapi sa Rebisyunismo, Repormismo at Oportunismo) at ang Building Strength through Struggle (Pagpapapalakas sa pamamagitan ng Pakikibaka) ay ang ikalawa at ikatlong libro sa serye ng limang libro na may pangkalahatang pamagat na Continuing the Philippine Revolution (Pagpapatuloy ng Rebolusyong Pilipino). Ang unang libro ay Foundation for Resuming the Philippine Revolution (Pundasyon sa Muling Pagtutuloy ng Rebolusyong Pilipino) na inilabas ng Hulyo noong isang taon. Ang ikaapat at ikalimang libro, Detention and Defiance Against Dictatorship (Pagkapiit at Paglaban sa Diktadura) at ang Continuing the Struggle for National and Social Liberation (Ang Pagpapatuloy ng Pakikibaka para sa Pambansa at Panlipunang Paglaya), ay ilalabas sa mga susunod na mga buwan. Sumasaklaw ang limang libro sa panahong 1968 hanggang 1990.

Ang Defeating Revisionism, Reformism and Opportunism ay ang kinakailangang katuwang ng unang libro, ang Foundation for Resuming the Philippine Revolution. Kailangang basahin ninyo ang dalawang libro dahil magkasugpong ito at nagsasalimbayan ang mga pagkakataon.

Hindi simpleng usapin ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Resuming the Philippine revolution noong 1968 sa pamamagitan ng paglalapat ng ideolohikal na linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at ng pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan lahat sa mga litaw na kaaway gaya ng imperyalismong US at mga lokal na mapagsamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Usapin din ito ng pangangailangang iwasto ang mga pagkakamali at labanan ang modernong rebisyunismong nakasentro sa Soviet Union at inilako ng mga lokal na rebisyunista, laban sa repormismong ipinangangalandakan sa panahong iyon ng mga nasyunalistang burges at mga aristokrata sa paggawa at ng mga lumikha ng awtoritaryanismong Marcos at kleriko-pasismo sa ilalim ng magkaagapay na tabing ng repormang konstitusyunal at laban sa oportunismo sa kasaysayan at sirkunstansya ng lumang pinagsanib na Partido Komunista at Sosyalista.

Seryosong pinag-aralan ng PKP ang matagumpay na pamumuno ni Mao sa bagong demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyong Tsino, hanggang sa kanyang kritika ng modernong rebisyunismo at ng kanyang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryong estado sa pamamagitan ng rebolusyong pangkultura upang labanan ang rebisyunismo, hadlangan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Kahit nagapi ang rebolusyong pangkultura sa China mismo matapos ang ilang taong tagumpay sa panahong 1966 hanggang 1976, ang anti-rebisyunistang pakikibaka ni Mao ay may malakas na impluwensya sa PKP sa usapin ng pagpipirme ng rebolusyonaryong kapasyahan at sa pagbibigay-inspirasyon sa mga kadre at kasapi. Ipinaliwanag nito kung bakit at paano nangabulok ang mga sosyalistang lipunan mula sa loob at nangalansag nang hindi dumanas ng anumang pagkatalo sa imperyalistang gerang agresyon. Nagbadya ito ng suliranin ng rebisyunismo at pagpapanumbalik ng kapitalismo at naghapag ng solusyon na dapat kamtin at paunlarin sa mahabang panahon ng transisyon mula sosyalismo tungong komunismo.

Ang Building Strength through Struggle ang ikatlong aklat sa serye at sumaklaw sa panahon mula sa proklamasyon ng batas militar noong 1972 hanggang sa pagkahuli sa akin noong Nobyembre 10, 1977. Pinalawig at ibayong pinaunalad nito ang mga prinsipyo ng pagtatatag, patakaran at linya ng pagkilos ng muling pagtutuloy ng rebolusyong Pilipino.

Ipinaliwanag nito nang husto kung bakit at paano nakibaka at ginamit ng proletaryado at mamamayang Pilipino ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, ang armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente laban sa pasistang diktadurang Marcos na papet ng US. Naglaman ito ng mga dokumento at artikulo na gumabay sa pambansang pagpapalawak at pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa. Ipinakikita nito kung paano tumpak na naitatag ang lakas ng mamamayan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka. Panahon ito ng 1972 hanggang 1977 nang malalim na nakaugat ang rebolusyonaryong pwersa sa masa, laluna sa hanay ng masang anakpawis, sa pambansang saklaw.

Ilan sa pinakamahahalagang dokumento sa panahong ito ay ang mga sumusunod:

1. "Overthrow the US-Marcos Dictatorship to Achieve National Freedom and Democracy" (Ibagsak ang Diktadurang US-Marcos para Kamtin ang Pambansang Kalayaan at Demokrasya), na inilabas matapos ang proklamasyon ng batas militar noong Setyembre 1972, kumondena sa diktadura bilang ultra-reaksyunaryong instrumento ng imperyalismong US at ng lokal na mapagsamantalang mga uri at nanawagan ng pagpapatalsik dito sa pamamagitan ng digmang bayan.

2. “Guide for Establishing the People’s Democratic Government” (Gabay sa Pagtatayo ng Demokratikong Gubyernong Bayan), na inilabas noong 1972, naglatag ng mga prinsipyo, patakaran at pamamaraan sa pagtatayo ng rebolusyonaryong gubyerno sa kanayunan upang palitan ang kontra-rebolusyonaryong estado ng malalaking kumprador at panginoong maylupa na nakabase sa kalunsuran.

3. “Specific Characteristics of Our People’s War in the Philippines” (Mga Partikular na Katangian ng ating Digmang Bayan sa Pilipinas), na inilathala noong 1975, na malikhaing naglapat ng mga prinsipyo ni Tagapangulong Mao Zedong hinggil sa digmang bayan sa kongkretong kundisyon sa Pilipinas batay sa karanasang natipon ng BHB at nagsalang-alang sa realatibong malawak na kanayunan at sa pulu-pulo at mabundok na katangian ng bansa maging ng lokal at sitwasyong internasyunal.

4. “Our Urgent Tasks” (Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin), inilabas noong 1975, na nagpatalas sa pangkalahatang linyang pampulitika bilang panlaban sa pasismo, pyudalismo at imperyalismo at nanawagan sa mga rebolusyonaryong pwersa na ipatupad ang mga kagyat na tungkulin at tamang pamamaraan at hakbang sa pagtatayo ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at paglulunsad ng mga kampanyang masa. Simula noon, lumawak ang armadong rebolusyonaryong baseng masa, nagbigay ng papalawak at papalalim na batayan para sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan.

5. “The 10-Point Program of the National Democratic Front of the Philippines (NDFP)" (Ang 10-Puntong Programa ng National Democratic Front of the Philippines [NDFP]), na unang binalangkas noong 1973 at pinalawig noong 1977, tinukoy ang estratehiya at taktika sa pagpapatalsik sa awtokrasyang Marcos. Nakonsolida ang NDFP pagkatapos nito bilang isang nagkakaisang prente ng mga batayang rebolusyonaryong pwersa at nagsilbi bilang base sa pagpapalapad ng alyansa upang ihiwalay at wasakin ang kaaway sa isang takdang panahon.

Ang mga pasya ng Komite Sentral ng PKP ay determinado at militanteng ipinatupad ng kasapian ng Partido, ng Bagong Hukbong Bayan at ng masa. Ang batayan para labanan at gapiin ang pasistang diktadurang Marcos ay matamang nailatag sa pambansang saklaw mula 1972 hanggang 1977. Kaya, matapos akong madakip ng kaaway noong Nobyembre 10, 1977, tiwala akong makakapanaig ang sambayanang Pilipino at ang kanilang mga rebolusyonaryong pwersa laban sa kaaway.

Bago ang pagkadakip sa akin, nailatag na ang teoretikal at pulitikal na salalayan para kamtin ng mamamayan ang rebolusyonaryong tagumpay, na nagbunsod sa pagbagsak ng diktadurang Marcos noong 1986. Nagpatibay ito sa kapasyahang lumaban, sa kakayahan at pamamaraan (estratehiya at taktika) ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa at kahit laban sa muling paglitaw ng "Kaliwa" at Kanang oportunismo sa hanay ng ilang elemento ng pamunuan ng PKP noong 1980.

Kailangang basahin at pag-aralan ang lahat ng nilalaman ng Building Strength through Struggle upang maunawaan kung bakit at paano ang nakaapekto ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pagpapatalsik sa pasistang diktadurang Marcos, paano nagkapagpatuloy sa paglaban at nakapagtagumpay laban sa huwad na demokratikong rehimen, kung paano nito binigo ang mga tunguhing suhetibista at oportunista at kung paano ito nakapanaig bilang tagadala ng sulo ng armadong rebolusyon na pinamumunuan ng proletaryado sa harap ng pangingibabaw ng neokolonyalismo sa mga mahihirap na bansa, ng lubos na pagpapanumbalik ng kapitalismo sa mga dating bansang pinaharian ng mga rebisyunista at ng neoliberal na pandarambong at aagresyon ng mga imperyalistang kapangyarihan sa buong mundo.

Nagagalak ako at muling inilabas ang Celebration, matapos ang pagpapahusay at pag-apdeyt. Muli, nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nag-amabag sa libro sa pagkilala sa serbisyo na ibinigay ko sa proletaryado at mamamayang Pilipino sa pakikibaka nila para sa pambansang paglaya at demokrasya bilang paghahanda para sa isang sosyalistang hinaharap.

Lalong nagdurusa ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino kaysa dati sa harap ng lumalalang kalagayan ng pagsasamantala at pang-aaping dulot ng dayuhang monopolyo kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukrata kapitalismo. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka nang buong pagpupunyagi at ibayong militansya para sa pambansang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, tunay na kaunlaran at rebolusyonaryong pakikipagkaisa sa iba pang mamamayan.

Sana makatulong ang paglalabas ng mga aklat ngayon upang makatanglaw sa landas ng rebolusyon. Tiwala ako na ang kasalukuyan at henerasyon sa hinaharap ng mga rebolusyonaryong Pilipino ay ipagpapatuloy ang pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay, hanggang sa sosyalismo. Maraming salamat. ###