Panayam kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa kasalukuyang mga usapin sa Pilipinas

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines
February 12, 2014


Ni Tyrone Velez
Editor, Davao Today
Pebrero 8, 2014


Translation: Interview with Prof. Jose Maria Sison on current Philippine issues

Maalab na pagbati! Isang malaking tagumpay para sa iyo na nakaabot ka sa ika-75 kaarawan. Kaugnay nito, nais sana naming magkaroon ng panayam sa pamamagitan ng internet upang kamustahin ka at alamin ano ang masasabi mo sa mga isyu ngayon.

Naghanay kami ng 12 tanong at sana makapagbigay ka ng maiikling sagot (kung kayang maging maikli).

Salamat at hangad namin pinakamabuti sa iyong kaarawan.

1. Ano ang pakiramdam mo na nabuhay ka ng tatlong kwarto ng isang siglo, laluna kung paanong ang kasaysayan ng Pilipinas ay nagbago mula nang muli mong itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1968?

JMS: Masaya ako at mahaba ang buhay ko upang masaksihan kung paano lumakas sa buong bansa ang PKP at umugat sa hanay ng masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka. May 150,000 kasapi ang PKP. Pinamumunuan nito ang libu-libong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at ang milyun-milyong mamamayan sa mga organisasyong masa. Nasa bag-as ito ng demokratikong gubyernong bayan sa 115 larangang gerilya na sumasaklaw ng malaking bahagi ng 71 prubinsya.

2. May sikreto ka ba sa pagkakaroon ng mahabang buhay?

JMS: Ang susi sa haba ng buhay: Diwang mapanlaban sa paglilingkod sa sambayanan at pagiging masayahin para magkaroon ng konti alwan dahil sa dami ng gawain.

3. Kung pag-uusapan ang haba ng buhay, paano mo titingnan si Presidente Benigno Aquino III, makakayanan ba niya ang lahat ng kontrobersiyang ito?

JMS: Siguradong inilantad na ng mga kontrobersiya ang katotohanang pinatatakbo ni Aquino ang isang rehimeng taksil, mapagsamantala, tiwali, malupit at sinungaling. Ang propagandang malinis at tapat ang kanyang rehimen at mahusay sa pagseserbisyo ay patay na sa totoo lang. Kung kaya, sinisikap ng malawak na masa ng sambayanan at ng mga patriyotiko at progresibong pwersa patalsikin si Aquino sa poder. Lalakas sila sa pamamagitan ng pakikibaka, magtagumpay man sila o hindi sa pagpapatalsik kay Aquino bago pa man magtapos ang termino nito sa 2016.

4. Hinggil sa usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), ano ang impak ng Bangsamoro Framework Agreement, at ano ang ipinagkaiba nito sa Tripoli Agreement at sa kasunduan sa kapayapaan ng 1996 na nilagdaan ng gubyerno at ng tagapangulo ng Moro National Liberation Front (MNLF) na si Nur Misuari? Kasunod: Ano ang iyong pagtasa sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)?

JMS: Wala pang kasiguruhan ang Bangsamoro Framework Agreement, sa mga dagdag at sa saligang batas ng Bangsamoro. Ihahapag ang mga usaping konstitusyunal sa kongreso at Korte Suprema kontra sa mga tiyak na probisyon. Kailangang ikonsidera ng MILF kung gaano ito susuko sa estado sa Maynila at kung paano gagalaw ang iba pang pwersa ng Bangsamoro gaya ng MNLF at ng BIFF. Sinasamantala ngayon ng BIFF na agawin ang inisyatibang pulitikal at militar sa mga lugar na pinaniniwalaang balwarte ng MILF.

Nakasaad sa unang probisyon ng Tripoli Agreement ng 1976 na ang usaping Moro ay dapat maresolba sa loob ng balangkas ng soberanya ng Pilipinas at ng teirotryal na integridad at ang huling nakasaad na probisyon na ang lahat ng kasunduan ay nakapailalim sa konstitusyunal na proseso ng gubyerno ng Maynila. Tinutulan ng MILF ang gayong mga probisyon. Ngayon nagrerebelde ang BIFF laban sa MILF dahil sa parehong dahilan na pinagrebeldehan ng MILF sa MNLF.

Dating kritikal ang MILF sa kasunduan sa kapayapaan ng 1996 sa pagitan ng MNLF at ng Gubyerno ng Maynila. Ngayon ipinapahayag ng MILF ang pananaw na maaari itong ituring balido at ipaloob ang gayong kasunduan sa isang bagong komprehensibong kasunduan sa kapayapaan. Subalit sa pagsasalita ni Nur Misuari sa ngalan ng MNLF, binatikos niya ang Bangsamoro Framework Agreement na taliwas ito sa kasunduan sa kapayaapaan ng 1996.

5. Makakamit ba ang kapayapaan? Anu-ano ang prospek ng negosasyong pangkapayapaan ng GPH-NDF?

JMS: Hindi magkakaroon ng kapayapaan sa mga lugar ng Bangsamoro hangga't hindi natutugunan ang kahilingan ng mamamayang Moro para sa paggalang sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili, lupang ninuo at ng kanilang demokratikong aspirasyon at hangga't patuloy na pinagsasamantalahan at inaapi ng US at iba pang dayuhang mandarambong at mga lokal na malalaking kumprador at panginoong maylupa ang mamamayang Moro.

Sobra ang galit ng rehimeng Aquino at ng mga amo nitong imperyalistang US sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayang kinakatawan ng NDFP. Iniisip nilang mawawasak o mapipilayan ng Oplan Bayanihan ang rebolusyonaryong kilusan. Inatake ng rehimeng Aquino ang The Hague Joint Declaration bilang dokumento ng walang hanggang pagkakahati at pinaralisa ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at lansakang nilabag Comprehensive Agreement of Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Mula Abril 2013, kinitil na nito sa publiko ang JASIG at ang negosasyong pangkapayapaan nang hindi nagbibigay ng kinakailangang abiso ng terminasyon sa NDFP.

May pananagutan ang rehimeng Aquino sa paghadlang sa negosasyong pangkapayapaan. Hindi ito nagpakita ng anumang interes sa muling pagtutuloy nito. Para muling buhayin ang pag-asa sa negosasyon pangkapayapaan, nagpaabot ang NDFP ng kahandaan nitong makipagnegosasyon sa susunod na rehimen.

6. Kaugnay nito, idineklara ng PKP na nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa na humakbang sa mas mataas na antas ng pakikibaka o sa tinaguri nitong estratehikong pagkapatas. Gaano kaposible ang panawagang ito?

JMS: Kakayanin ang panawagang ito. Malamang na malamang na lalaki sa mga susunod na taon ang kasapian ng PKP sa 250,000 mula 150,000, ang bilang ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan mula 10,000 tungong 25,000, ang mga larangang gerilya mula 120 tungong 200 at ang kilusang masa at ang demokratikong gubyernong bayan (lokal na mga organo ng kapangyarihang pampulitika) ay kasasangkutan ng milyun-milyon pang mamamayan. Katangi-tangi ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Mindanao at ipinamamalas ang landas para lumakas at sumulong.

Ang lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema ay paborable sa pagsulong ng digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

7. Ano ang iyong pagtatasa sa Alkalde ng Davao City na si Duterte? Nakikita mo bang posible siyang maging kandidato sa pagkapresidente sa 2016? Ang mga tagapagtaguyod ng karapatan, kabilang ang mga ahensya ng GPH ay tinutukoy siyang responsable sa mga pagsalbeyds sa Davao, anong tingin mo rito?

JMS: Itinuturing ng mga lokal na rebolusyonaryong pwersa sa Davao City si Mayor Duterte na maaaring kausapin at isang taong maaaring makasundo. Siguro kung siya'y maging presidente ay maaari siyang maging statesman at makipag-usap sa NDFP. Pero papayagan ba ng malalaking tagatustos at mga panginoon sa midya na manalo siya sa eleksyong presidensyal?

Paulit-ulit na inakusahan ng Commission on Human Rights si Duterte ng paglabag sa mga karapatang tao pero hindi naman tugunin ang hamon ni Duterte na kumilos o tumahimik na lamang. Wala ring kritikal na sinasabi ang gayong komisyon sa lansakan at sistematikong paglabag sa mga karapatang-tao ng rehimeng Aquino at ng militar, pulis at pwersang paramilitar nito.

8. Ano ang masasabi mo kaugnay sa isyu ng ismagling ng bigas?

JMS: Epekto ang ismagling ng bigas ng patakaran sa liberalisasyon sa kalakalan at sa pagpapaliit ng lokal na produksyon ng bigas mula noong panahon ni Cory Aquino. Sa ngayon ang mga kamag-anak at kaibigan ni BS Aquino ang pinakamalalaking ismagler ng bigas. Sinungaling si Aquino sa pinalalabas nitong paglaki ng lokal na produksyon ng bigas ang paglaki ng ismagling ng bigas.

9. Noon at ngayon, gaano kabalido ang pilosopiya ni Marx sa akademya, sa mga estudyante at sa mga tagasuring pulitikal?

JMS: Ang mga turo ni Marx sa pilosopiya maging sa ekonomyang pampulitika at syensyang panlipunan ay nananatiling balido hanggang ngayon. Nagniningning ito ngayon na kasalungat ng kapitalista at imperyalistang sistema ng pagsasamantala, ng papalalang krisis, ng terorismo ng estado at digmaan. Nanumbalik ang interes sa mga turo ni Marx sa hanay ng akademya, estudyante at mga tagasuring pulitikal dahil sa inilantad ng mga turong iyon ang mga ugat ng pagsasamantala at pang-aapi at ipinakikita sa atin ang rebolusyonaryong landas para makawala roon.

10. Sa nakikitang kasalukuyang hanay ng mga aktibista at rebolusyonaryong Pilipino, paano sila ikukumpara sa mga aktibista ng Sigwa ng Unang Kwarto at sa mga aktibista ng dekada 1960?

JMS: Mas mahusay at militante ang mga aktibista at rebolusyonaryong Pilipino ngayon dahil sa mahabang serye ng pakikibaka masa mula pa ng 1960s. Dapat silang maging mas mahusay kaysa sa mga aktibista noong 1960 at sa Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970. Mas maraming mamamayang maaari nilang pukawin, organisahin at pakilusin ngayon. Dapat mas maraming proletaryong rebolusyonaryo ang nakapag-aral ng Marxismo-Leninsimo-Maoismo at handang sumabak sa digmang bayan.

11. Sa mas magaang bagay naman, ano ang iyong naging mga paboritong libro at pelikula sa nakaraang sampung taon?

JMS: Nakahiligan ko ang mga librong nagpapakita ng muling pagbayo at paglala ng krisis ng monopolyo kapitalismo at ng muling pagsigla ng anti-imperyalista at sosyalistang kilusan ng mamamayan. Kinahiligan ko rin ang dokumentaryo at mga tampok na pelikula na kritikal sa mga neoliberal na kasakiman at mga imperyalistang gera.

12. Ano ang gusto mo sa kaarawan mo?

JMS: Ang manatiling malusog at mahabang buhay pa para ibayo pang makapaglingkod sa sambayanan.

Maraming salamat po!