Liham Mula sa Silangan Para sa Kabataan: Ang Maghimagsik ay Makatarungan!

Kasamang Maria Lorena Malaya
Pulang Mandirigma ng Efren Martires Command
Bagong Hukbong Bayan-Eastern Visayas
Marso 29, 2014

Kwarenta'y-singko na ang Bagong Hukbong Bayan. Tulad ng baril na sukbit ko nitong huli nang tumulak ang aming yunit upang makiisa sa masang magsasaka pagkatapos lamang ng superbagyong Yolanda. At tila isang pagkagising mula sa mahimbing na kawalang-pakialam ang aking pagkamulat sa talamak na kahirapang nagaganap sa ating bansa.

Bago ako naging Pulang mandirigma, isa lamang akong ordinaryong kolehiyala sa Maynila. Sa pagitan ng mga pagrerebyu para sa mga eksamen at ga-bundok na mga papel sa eskwelahan na kailangang sulatin, ang tanging hilig ko noon ay pagbabasa ng mga libro ni Sidney Sheldon, pakikinig kay Josh Groban, at iba pang kakornihan ng isang 16-taong-gulang na freshie.



Hanggang minsa'y pumasok at nakipagtalakayan sa aming English class ang tagapagsalita ng isang organisasyon ng mga aktibistang tutol sa pagtaas ng matrikula at buktot na pamamalakad sa bansa noon ni Gloria “I Am Sorry” Arroyo. Nakiisa ako at sa takbo ng panahon, unti-unting luminaw sa aking isipan ang napakaraming kailangang baguhin sa sistema ng ating lipunan. Ngunit nakakagalit na sa kabila ng lahat ng protestang ginawa naming kabataan at iba pang sektor noon, napakakaunti ng pagbabagong nagaganap.

Ang mga mumunting mga pagpupulong at pag-aaral na aking dinadaluhan ang nagpalawak din sa aking pananaw tungkol sa mundong aking ginagalawan. Nalaman ko sa mga diskusyon ang dami at lakas ng mga magsasaka sa kanayunan. Nalaman ko ang mahirap na kalagayan nila sa kamay ng mga panginoong-maylupa na pinalala pa ng mga bergudong militar. Nalaman ko din na sa kabila ng walang kapantay nilang paghihirap ay patuloy na lumalakas ang hukbo ng mga magsasaka sa kanilang pakikipagdigma. Nalaman kong tanging sa pamamagitan lamang ng pakikipagkaisa sa kanila magkakaroon ng tunay na panlipunang pagbabago.

Sa ikatlong taon ko sa kolehiyo ay tuluyan ko nang iniwan ang akademya. Naani ko na ang pinakamahalagang aral na aking sadya sa pamantasan -- ang sandata ng pagsusuri at ang katamaan ng paggawa ng sariling tindig at responsabilidad hinggil sa  mga bagay na natututunan. Sa rebolusyunaryong paaralan ko natutunan ang tunay na kahalagan ng pag-aalay ng sarili, ng buhay at lakas para sa malawak na hanay ng masang nangangailangan.

Mahirap ang tumalikod sa lahat ng nakasanayan -- pamilya, kaibigan, hilig sa libro at musika, at ang kawalang-responsabilidad bilang isang tinedyer. Pero mas mahirap talikuran ang kamulatang gumising sa aking diwa, ang diwang nagbibigay direksyon sa wakas tungo sa aking bukas: isang buhay na buong-buong iaalay sa serbisyo sa pinakamahirap sa lahat ng mahirap.

Nagpasya akong maging isang Pulang mandirigma sa gulang na 19 taon, sa isang larangang gerilya sa  Samar.

Sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na aking sinampahan, isa sa sampu lamang ang babaeng mandirigma. Isa sa dalawampu ang galing sa petiburgesya, mas kakaunti pa ang galing sa Maynila. Ngunit napakagiliw at masayahin ng dinatnan kong yunit ng mga Pulang mandirigma. Sa aking mahabang paglalakbay sa kagubatan ay tila inakay ako sa kamay ng kasiglahan ng mga kasamang gerilya. Ang kanilang magiliw na pag-alalay sa aking mga unang araw, unang linggo, hanggang unang taon sa larangang napakabago sa akin, ang lagi’t laging nagpapatatag at humuhubog sa akin.

Ang simple at praktikal nilang katangian ay napakagandang pantapat sa suhetibo at mapusok na baga-bagahe nating nanggaling sa petiburges. Paano kong naipagtagumpay na mabihasa sa larangang digma? Masasabi kong sa pagpanibagong-hubog at parating pagiging bukas sa puna at tulong ng iba, at sa pagtangan ng disiplina ng gerilyang hukbo, na ipinaiintindi sa akin sa mga simple at kagyat na mga salita ng  Tres-Otso. At napakahalaga ang makisalimuha sa masa at magabayan ng linyang masa,  makuntento sa kung ano lamang ang nandyang kakainin, lugar at kalagayan na maaring silungan.

Ang masa din naman ay walang katulad kung magmahal sa kanilang Pulang Hukbo. Marahil dahil alam ng masa na sa loob ng mahigit apat na dekadang paglago ng kilusan sa mga baryo na napapaloob sa larangang aking dinatnan, walang katulad din ang debosyon ng Pulang Hukbo sa pagsusulong ng kanilang interes ng walang kahit na anong pag-iimbot sa sarili. Napakarami nang namartir sa hanay ng mga Pulang Hukbo at ng masa mismo, ngunit ang lumalalang kahirapang kinakaharap nila at ang determinasyong labanan ito ang nagpapahigpit sa relasyon ng masa at ng BHB.

Sa aking pagmamasid sa araw-araw na pagbubungkal ng lupa ng masa dito, ay saka ko lang naintindihan ang tunay na kahulugan ng salitang kahirapan. Ang maghapon at buong-buhay na pagyuko sa lupa sa ilalim ng mabangis na araw o ulan, ang kawalang katiyakan kung kailan makakahawak ng susunod na pera, ang pangungutang sa kapit-patalim na porsyento --  sa isip ko, walang taong nararapat mabuhay ng ganito. Naiintindihan ko rin kung bakit hinding-hindi ipapamahagi ng malalaking mga asyenderong katulad ni Noynoy Aquino ang yamang ginagawa ng masang magsasaka nang hindi dumadaan sa isang matagalang digma. Dahil ang kapalit ng laksa-laksang kahirapan ng malawak na mamamayan ay ang limpak-limpak na yaman at kapangyarihan ng naghaharing uri.

Pagkaraan ng ilang taon mula sa aking pagsampa, ang masaklap pa ay ang pananalasa ng bagyong Yolanda, kung saan ang kaunting tanim ng masa ay isang-daang porsyentong nawasak. Kung dati ay kulang na kulang ang kabuhayan ng masa, ngayon sila ay walang-wala. Walang makain, walang maibenta. Nangangahulugan ito ng pagtanggap nila ng mas mababa pang bayad sa pagtrabaho sa bukid ng iba, higit pang pag-utang sa mas mataas na porsyento, mas maraming anak na titigil sa pag-aaral at magpapaalila kung saan mayroong mag-alok ng trabaho. At pinakamasahol sa lahat, sa gitna ng lahat ng ito ay walang plano ang rehimeng Aquino na tugunan ang tumitinding kahirapan ng maralitang biktima. Ipinabor sa pagkamkam ng ganansya ng malalaking komprador burgesya na mga kaibigan ng rehimen ang programa sa rekonstruksyon.

Tanging ang rebolusyunaryong kilusan ang tunay na naririyan para sa kanila. Ang mga Pulang mandirigma ang nandiriyan sa kanilang tabi bago at pagkatapos ng bagyo. Kinabukasan pagkatapos ng bagyo ay tumulong ang BHB sa pinakamalapit na mga baryo. Muling itinayo ang mga nasirang bahay, nilinis ang mga duming nagkalat, at higit sa lahat, pinagkaisa ang mga organisasyon ng mga magsasaka. Isa ito sa pinakamaningning na panahon na ng aking pagiging Pulang mandirigma: ang pagkakaisa ng BHB at mamamayan sa organisadong pagkilos sa pangangalap ng pagkain, pag-ayos ng mga taniman, pagsingil sa reaksyunaryong gobyerno, at iba pang pakikibakang masa upang tugunan ang pinsala ng bagyo.

Ngunit napakarami pang kailangang gawin sa aming kinikilusang larangang gerilya. Sa pangmadalian, ang susi sa lahatang-panig na pagtugon sa kagutuman ng masa ay ang  pagpapaunlad ng produksyon sa pagkain at sa mga tanim na mabilis tumubo at madaling ibenta. Pagkatapos nito ay kailangang iangat ang kanilang pagkilos sa malawakang pagdedemanda ng pagpapataas ng presyo ng mga produktong sama-sama nilang ipinunla.

Sa pagdiriwang sa ika-45 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa ika-29 ng Marso, dapat mapamunuan ang  superbagyo ng kilusang masa na nagsusulong ng digmang bayan. Ang tumitinding krisis na kinakaharap ng masa ang paborableng kondisyon upang paigtingin ang digmang bayan at palakasin ang kilusang masa. Magbabayad ang rehimeng Aquino sa kriminal nitong pagpapabaya sa kagalingan ng mamamayan. Dapat biguin ang Oplan Bayanihan ng pasistang estado na nagtatangkang kitilin ang makatarungang digma at ang lumalawak na pagkilos ng mamamayan.

Ako'y 24 taong gulang na ngayon at ipinagbubunyi ang mahabang kasaysayan ng armadong pakikibakang tangan ng BHB, at lalung determinado sa dakilang rebolusyonaryong misyon na aking tinangggap. Buo ang paniniwala kong sa pamamagitan lamang ng pagsusulong hanggang sa tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon tunay na matutugunan ang lahat ng karaingan at maitaguyod ang mga karapatan ng mamamayan.

Kung napapanood sa telebisyon ang malawakang pinsalang dulot ng bagyong Yolanda, ito ay sampung beses na mas malala para sa masang binabalot ng galit at takot sa hinaharap na ilang taon ng pinatinding gutom at kahirapan. Sadyang napakahinog ang kalagayang tumatawag sa lahat ng rebolusyunaryong kabataan na magtungo sa kanayunan, makipamuhay sa uring magsasaka at sumampa sa BHB sa Eastern Visayas. Ako'y nanghihikayat sa aking henerasyon na huwag nang mag-alinlangan, nasa ating pakikiisa sa pakikidigma ng masa ang katiyakan ng tunay na tagumpay, hindi sa mga ilusyon ng gitnang uring tumitingala at nagsisilbi sa naghaharing uri. Halina, makiisa sa mamamayan sa panahon ng kanilang dalamhati, sama-sama tayo sa pagbangon sa siklab ng armadong pakikibaka!