PAHAYAG NG REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS SOUTHERN TAGALOG PARA SA IKA-45 ANIBERSARYO NG BAGONG HUKBONG BAYAN: Wakasan ang Kapitalistang Pagsasamantala! Isulong ang Armadong Pakikibaka!



Fortunato Magtanggol
RCTU - Timog Katagalugan
Marso 28, 2014

“Ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa dulo ng baril.” ~ Mao Zedong

Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST), alyadong organisasyon ng National Democratic  Front of the Philippines (NDFP) sa ika-45 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Sa loob ng 45 taong paglilingkod at pagtatanggol sa hanay ng mamamayan, malawakan at malalakihang tagumpay ang nakamit ng BHB sa pagbigwas sa kaaway at sa paglaban sa reaksyunaryong estado. Patunay dito ang paglakas at paglaki ng bilang ng mga rebolusyonaryo sa bansa, at ang hindi na matatawarang bilang at lakas ng mga pulang mandirigma sa kanayunan. Kabi-kabila at signipikanteng mga opensibang militar ang nailunsad sa pangunguna ng BHB sa rehiyon ng Timog Katagalugan sa nakalipas na 45 taon. Tanging ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ang solusyon upang wakasan ang daantaong pagdurusa ng manggagawang Pilipino at sambayanan, ito ang pinakamalaking ambag ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa upang ipagtagumpay ang pandaigdigang rebolusyon ng proletaryado.

Pinagpupugayan at ikinararangal ng rebolusyonaryong kilusan ng paggawa sa Timog Katagalugan ang mga inaning aral at tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan sa 45 taon nitong pagtataguyod ng makauring interes ng uring proletaryado. Bunga ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (PKP-MLM) noong 1968 ang pagkakabuo ng tunay na hukbo ng mamamayan noong ika-29 ng Marso taong 1969 – sa layuning lubos na ipagtagumpay ang matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng mga masisinsing taktikang gerilya. Sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan, kinaya ng noo’y 60 pulang mandirigma ang magtayo ng mga malalaking base at sonang gerilya sa kanayunan na buong-loob na yumayakap at nagtataguyod sa rebolusyong nangyayari hanggang sa kasalukuyan.

Pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng mga martir ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa na nag-alay ng kanilang mga dakilang buhay para sa kagalingan ng mamamayan bilang magigiting na mga pulang mandirigma at kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Kabilang dito sina Rechel “Ka Minda” Tanteo, Rodel “Ka Agum” Penamente, at marami pang iba.

Dumaan sa maraming liko’t ikot ang BHB, kasama na rito ang madilim na yugto ng di-inaasahang paglihis sa linya at prinsipyo ng makauring rebolusyon. Ngunit nangibabaw pa rin ang pagpapauna sa interes ng mamamayan kaya’t maluwag sa loob na nagwasto ang buong rebolusyonaryong kilusan at tuluy-tuloy na isinulong ang wastong linya sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon. Sa kasalukuyan, walang kwestiyon sa kadalisayan ng BHB, sa kanilang pag-aalay ng buhay at pagtangan ng armas upang itayo ang lipunang tunay na magsisilbi sa sambayanang Pilipino. Nananatili bilang pangunahin at pinakamataas na porma ng pakikibaka ang armadong kilusan sa kanayunan upang tapatan, at sa nalalapit na hinaharap ay higitan, ang lakas ng reaksyunaryong gobyerno.

Sa ilalim ng rehimeng US-Aquino II, walang habas na pinagsasamantalahan ng mga lokal at dayuhang kapitalista ang mga manggagawang Pilipino. Dahil na rin sa sagad-sagaring pagpapakatuta ni Aquino sa imperyalistang Estados Unidos, pinahihintulutan ng papet na administrasyon at mga ahensya nito ang malaganap na panggugulpi sa interes at karapatan ng mga manggagawa.

Lumalawak at pinalulusot ang iligal na pag-iral ng kontraktwalisasyon upang ibayong makatipid ang mga kapitalista, maiwasan ang paglakas ng mga unyon, at sirain ang pagkakaisa ng mga manggagawa sa loob ng mga pagawaan. Patuloy pa ring ipinagkakait ang nakabubuhay at nakakasasapat na sahod, isabay pa rito ang kawalan ng makataong benepisyo para sa mga manggagawa.

Kaliwa’t kanan ang tangkang pagdurog sa mga unyon, halimbawa na lamang ng nangyaring pagsasara ng Carina Apparel, Inc. bilang daan sa pag-iwas ng kapitalista na harapin ang mga manggagawa at tanggalin ang karapatan ng unyon sa pakikipagnegosasyon. Sunud-sunod na pandarahas at tuluy-tuloy na pagkitil sa karapatang-tao ng uring manggagawa sa pamamagitan ng pagpapahigpit ng Tripartite Industrial Peace Council – Manifesto of Commitment (TIPC MOC) ng mga kapitalista, permanenteng pananatili ng mga baseng militar ng US, at pagkakaso at pagpaslang sa mga lider-manggagawa sa mukha ng Oplan Bayanihan.

Sa kabila nang animo’y limos na halagang ipinauubaya ng mga ganid na kapitalista sa mga manggagawa, walang-humpay ang pagtataas at mga karagdagang singil sa mga pangunahing mga pangangailangan at serbisyo katulad ng kuryente, petrolyo, LPG, bigas, pagkain, matrikula, kontribusyon sa SSS at PhilHealth, pribatisasyon ng mga pampublikong ospital katulad ng Fabella at PGH, at marami pang ibang mga mamahaling pasanin ng abang manggagawa.

Natunghayan natin kung papaanong inabandona at pinabayaan ng RUSA II ang mga mamamayang matinding tinamaan ng bagyong Yolanda at iba pang mga nagdaang kalamidad sa bansa. Matapos pagkakitaan ng gobyerno ang relief and rehabilitation program, paikutin at pahabulin ang mga biktima sa kakaunti at nabubulok nang relief goods, tanging simpleng paumanhin ang ibinigay ni Aquino sa mamamayan.

Habang nalalapit ang pambansang halalan sa taong 2016, kanya-kanya nang pagbubulsa ng yaman ng bayan at bangayan ang mga pulitiko upang makapag-ipon ng panggastos at popularidad bilang paghahanda sa kanilang muling pagsabak sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Dahil sa sari-sariling pagpapabango at pagpapaganda sa midya, nagiging malinaw sa mamamayan ang kawalang alam at kwenta ng mga pulitikong ito na lutasin ang pangunahing mga suliranin ng bansa.

Ipinapakita ng patuloy na paghihirap ng mga manggagawa sa loob ng mga engklabo’t pagawaan ang pagka-inutil ng RUSA II na tugunan ang kanilang pangangailangan. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin sapat ang kinikita ng mga manggagawa sa mahigit na 8 oras ng pagpapakaalipin kada araw habang milyun-milyong piso ang binibilang na tubo ng kapitalista araw-araw. Tinatayang kumita ng ilampung milyong piso ang kapitalista ng Carina Apparel, Inc. kada araw, habang pilit na pinagkakasya ng mahigit 500 mga manggagawa sa P347 na sahod ang kanilang mga gastusin sa loob ng 14 na taong pagtatrabaho sa pabrika. Higit namang mas mababa pa sa nabanggit ang nakukuhang pasahod ng mas marami pang bilang ng manggagawang regular at kontraktwal sa Carina. Lalo’t higit pa itong patitindihin sa niluluto na namang Charter Change ni Aquino na naglalayong ipaubaya ang 100% pagmamay-ari ng mga empresa at kompanya sa mga dayuhang kapitalista – isang malaking regalo sa kanyang among imperyalistang EU.

Sa katangian ng mga manggagawang walang sariling pagmamay-ari sa produksyon, tinatanggalan pa ng karapatan at unti-unting kinikitil ang buhay ng mga manggagawa sa loob at labas ng pagawaan. Ito ang ultimong dahilan kung bakit dumarami, hanggang ngayon, ang nag-aarmas at bumabaling sa dahas upang wakasan ang pagpapakasasa ng mga naghaharing uri sa nabubulok na lipunan. Walang nakikitang pag-asa ang mga manggagawa sa kasalukuyang sistema ng lipunan sa ilalim ng RUSA II. Kailangan itong pabagsakin at itayo ang sosyalistang lipunang pinamumunuan ng uring proletaryado, ang abanteng destakamento ng rebolusyon.

Pagpupugay sa Ika-45 Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!
Manggagawa, Magkaisa, Mag-armas, at Makibaka!
Sumapi sa New People’s Army!
Mabuhay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!