Paigtingin ang mga opensiba upang kunin ang dagdag na inisyatiba sa pagsulong ng digmang bayan

20140329pi

Mensahe ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan
Marso 29, 2014 

Kami, ang Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay sumasaludo sa mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa okasyon ng ika-45 taon ng pagkakatatag nito sa Marso 29. Binabati namin kayo sa mga tagumpay na natipon ninyo, kasama ng Partido at mamamayan sa mahabang panahon, at sa mga nakamit sa nagdaang taon ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupang sunud-sunuran sa imperyalismong US.

Nagkamit kayo ng mga tagumpay bunga ng puspusang pagsisikap, sakripisyo at pakikibaka. Kaugnay nito, nagbibigay tayo ng pinakamataas na pagpugay sa lahat ng ating martir at bayani at sa lahat ng mga kasamang matagal nang nagseserbisyo sa bayan at rebolusyon. Ang natatanging diwa at gawaing rebolusyonaryo ng mga kasamang yumao na at mga kasamang matagal nang kumikilos ay inspirasyon sa mga kabataan sa pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan at paglaban para sa pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mamamayan.

Mahusay ninyong nagampanan ang pagpapalaganap ng pangkalahatang linya ng rebolusyonaryong pakikibaka at ang pagsasanib ng armadong pakikibaka sa rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa. Nagtagumpay kayo sa pagsusulong ng mga tungkulin sa paglaban sa kaaway at pagtatanggol sa mamamayan, sa pagsasagawa ng pagsasanay pulitiko-militar, sa pagsasagawa ng gawaing propaganda at pangkultura, sa pagtulong sa masa sa kanilang pag-oorganisa at pagpapakilos, sa pagtugon sa kanilang pangangailangan, sa pagpapalitaw ng kalakhan ng inyong mga pangangailangan at pagpapalarga sa mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa. Ang BHB ay tunay na hukbo ng bayan. Malalim itong nakaugat sa masang magsasaka. Ito’y mapagkumbaba, masipag at masikhay sa kabila ng malalaking hamon. Ipinagmamalaki ng mamamayan na ang pinakamahuhusay nilang anak ay naglilingkod bilang mga Pulang mandirigma ng BHB.

Ang malawak na masa ng mamamayan, laluna ang mga manggagawa at magsasaka, ay kumakalinga at sumusuporta sa inyo. Kaya nagtagumpay kayo sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Napanatili, napalawak at nakonsolida ninyo ang inyong lakas sa harap ng matinding kahirapan. Ipinaghahambog ng mga reaksyunaryo at mga tagasunod nila ang kanilang kapangyarihan at yaman at pilit tinutuya ang mga rebolusyonaryo na malayo pa sa Malacañang matapos ang 45 taong pakikibaka. Nagbubulag-bulagan ang mga buhong na ito sa tuluy-tuloy na paglakas ng demokratikong gubyernong bayan sa kanayunan na determinadong sa kalauna’y aagaw sa mga lunsod sa pambansang saklaw.

Ang wala pang kaparis na lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang karugtong nitong krisis sa lokal na malakolonyal at malapyudal na sistema ay nagdudulot ng di mabatang paghihirap sa mamamayan at nag-uudyok sa kanila na magrebolusyon laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Sa kalagayang krisis na ito, lalong nahihirapan ang naghaharing uri na maghari sa dating paraan. Batid ang pagnanais ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago, ginagawa natin ang lahat upang sumulong mula sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas at abutin ang ganap na tagumpay sa pinakamataas ng yugto ng estratehikong opensiba.

Pandaigdigang krisis, depresyon at kaguluhan

Noong huling hati ng dekada 1970, malinaw na nasa yugo ng estratehikong paghina ang imperyalismong US dahil sa pagdanas nito ng stagflation1 at ng walang kapantay na malaking kabiguan sa gerang agresyon laban sa Vietnam at buong Indochina. Natabunan lang ito ng tuluy-tuloy na pagkakalantad ng malalang sosyo-ekonomikong krisis sa Soviet Union at mga bansa sa blokeng Soviet at ng kasunod nitong Dengistang kontra-rebolusyon sa China. Ang ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa mga bansang pinagharian ng mga rebisyunista ay naghabi ng ilusyon na malakas at di malulupig ang monopolyo kapitalismo, laluna ng US.

Noong simula ng dekada 1980, ipinataw ng US ang neoliberal na patakaran sa ekonomya sa buong pandaigdigang sistemang kapitalista. Pinalabas nitong mapangingibabawan ng US at ng pandaigdigang kapitalismo ang penomenon ng stagflation at implasyon sa pagmamanipula lamang ng suplay ng pera at interes at pagbibigay ng mas malaking kapital at pagkakataong tumubo sa mga monopolyong burgesya. Nagawa ito sa pamamagitan ng pagbababa ng sahod, pagkaltas ng buwis sa mga korporasyon at mayayaman, pagliberalisa ng pamumuhunan at kalakalan, pagsasapribado ng mga pampublikong ari-arian, deregulasyon ng lahat ng proteksyong panlipunan at pangkapaligiran at denasyunalisasyon ng mga atrasadong bansa.

Matapos ang isang dekada ng neoliberalismo, kalakhan sa ilalim ng dalawang termino ni Reagan, naging pinakamalaking bansang mangungutang ang US at napahina ang kakayahan nito sa pagmamanupaktura ng mga produktong pinakamabenta sa kalakalan dahil sa pagpokus nito sa hightech na produksyong militar at pagsalig sa China at iba pang bansa sa East Asia sa pagsuplay ng murang produktong pangkonsumo. Tulad ng inaasahan, ang mga structural adjustment program2 at mga hakbanging pagtitipid ay sumalanta sa karamihan ng mga atrasadong bansa. Integral na bahagi na ng pandaigdigang sistemang kapitalista kapwa ang China nang tamaan ito nang husto ng krisis sa ekonomya at kaguluhang pampulitika noong 1989; at ang mga bansa sa East Europe at sa Soviet Union, na gumuho sa gitna ng kaguluhan ng todo-todong pagpapanumbalik ng kapitalismo noong 1989-91.

Nagpatuloy na mistulang malakas at di malulupig ang US, na tanging superpower at panalo umano sa Cold War, habang ang dating mga bansa sa blokeng Soviet ay mabilis nabulok ang lipunan at ekonomya at ang ekonomya ng Japan ay tumigil sa mahabang panahon matapos maglaho ang malaking bula sa real estate3 noong 1990. Tinaya ni Bush Sr. noong 1991 na kaya niyang lumikha ng bagong kaayusang pandaigdig pangunahin sa pamamagitan ng superyor na teknolohiyang militar at inilunsad niya ang unang gerang agresyon laban sa Iraq. Gayundin si Clinton na nagtayang kakayanin ng US na gawin anuman ang naisin nang ilunsad ang kampanyang agresyon para burahin sa mapa ang Yugoslavia4. Itinulak niya ang komersyalisasyon ng information technology, ang bulang pampinansya kaugnay nito at ang pinasyalisasyon5 ng buong ekonomya.

Sa ilalim ng paghaharing neoliberal, lilitaw at maglalaho ang iba’t ibang laki ng mga bula sa pinansya sa mga atrasadong bansa at sa tinaguriang emergent market (umuusbong na pamilihan). Ang pinakamalaki sa mga ito’y ang krisis sa pinansya sa Asia nong 1997 na nagsilbing pangitain ng paglaho ng bula ng hightech sa mismong US noong 2000. Pero gagamitin ni Bush Jr. itong huli para sa kanyang “ownership society”6 at lalong itulak ang “monetary easing”7 noong 2001. Pinasimulan niya ang kanya namang bulang pampinansya: ang bula sa pabahay na paglao’y hahantong sa malawakang pagkalugi dulot ng di mabayarang mga utang at pagguho ng sistemang pampinansya noong 2008. Pinasimulan din niya ang Keynesianismong militar, para pasikarin ang ekonomya sa pamamagitan ng mabilis na pagpapalaki ng gastusing militar para sa produksyong panggera, pagdedeploy ng mga pwersang militar ng US sa ibayong dagat at mga gerang agresyon.

Ginamit ni Bush Jr. ang insidenteng 9-11 para magdeklara ng permanenteng gera ng teror upang itayo ang ligal na imprastruktura para sa terorismo ng estado sa loob ng US at pandaigdigang saklaw at upang maglunsad ng mga gerang agresyon, tulad ng laban sa Afghanistan, at kalaunan, laban sa Iraq. Ginabayan siya ng neokonserbatibong iskemang Pax Americana sa Siglong 21, gamit ang malawak na mga kakayahan (pangunahin na ang hightech na lakas-militar) upang supilin o wasakin ang alinmang estadong suwail o humahamon at sa gayo’y palawakin ang hegemonya at teritoryong pang-ekonomya ng US.

Kamuhi-muhing nakilala si Bush Jr. sa pagpapakat ng malaking bilang ng mga tropang mapanalakay at pagwawaldas ng trilyong dolyar sa magkakasabay na mga nagtagal na gerang agresyon at sa bigong pagtatangkang lutasin ang pinakamalalang krisis sa pinansya at ekonomya mula noong Great Depression sa pamamagitan ng pagsasalba sa higanteng mga bangko at mga pinaburang korporasyong militar-industriyal. Kumalat na parang epidemya ang krisis sa buong pandaigdigang sistemang kapitalista. Patuloy iyong lumalala hanggang ngayon. Ang mga hakbangin para lutasin iyo’y lalong nagpapatagal, nagpapalala at nagpapalalim niyon.

Naging presidente ng US si Obama sa pangakong tatalikuran ang mga anti-demokratiko at agresibong patakaran at hakbangin ni Bush Jr. Subalit mas anti-demokratiko at agresibo pa siya kumpara sa kanyang sinundan sa kabila ng tangkang pagpapanggap. Pinanatili niya ang parehong patakarang neoliberal at gayo’y bigong muling buhayin ang tunay na ekonomya. Ginamit niya ang quantitative easing8 (ang pag-iimprenta at paglalabas ng salapi hanggang US$85 bilyon kada buwan) upang palutangin ang pamilihang pampinansya pero hindi ang tunay na ekonomya; at para pana-panaho’y lumikha ng ilusyon ng pagbangon.

Ang US ang base ng neoliberal na Washington Consensus9 at ang pinakasentro ng lumalalang krisis ng pangdaigdigang kapitalismo. Dinidiktahan nito ang mga alyado nitong imperyalista at ang mga tutang estado na ipagpatuloy ang neoliberal na mga patakaran sa ekonomya at ang paggamit ng pampublikong utang hanggang makalipas sila sa krisis. Kaya ang krisis ng pampublikong pautang ay tumatama sa lahat ng imperyalistang estado at lahat ng tutang estado. Maging ang World Economic Forum ay nagbabala na ang krisis sa pananalapi tulak ng pagpaimbulog ng laki ng utang sa abanteng mga bansa ang pinakamalaking banta sa pandaigdigang ekonomya sa 2014. May tatlong dahilan ang pagmamatigas ng US at iba pang imperyalistang bansa na panatilihin ang neoliberalismo. Una, naghahatid ito ng supertubo sa mga monopolyo burgesya. Ikalawa, ang bigat ng krisis ay laging ipinapasa sa masang anakpawis. Ikatlo, ang lakas ng rebolusyonaryong kilusang masa ay di pa sapat upang itulak ang mga pagbabago o pagbabagong panlipunan.

Walang makabuluhang rebolusyonaryong pwersa ng proletaryado at mamamayan sa anumang bansang imperyalista ang may kakayahang hamunin ang naghaharing sistema. Ngayo’y meron lamang umuusbong at maliliit na grupong rebolusyonaryo. Ang mga ultra-kanang nagpapanggap na sentrista at mga repormista’y patuloy na naghahari habang mahigpit na sinusubaybayan ng mga monopolyong burgesya at ng oligarkiya nito sa pinansya. Ang mga hari sa ekonomya at pinansya at kanilang mga ahente sa pulitika, midya at akademya ay nagtatagumpay pa sa pagkukubli ng mga kapitalistang ugat ng krisis sa pamamagitan ng pagsulsol ng sobinismo, rasismo, alitang relihiyoso at pang-uupat ng gera upang tabunan ang makauring pakikibaka ng proletaryado at sisihin ang mga dayuhan, mamamayang maykulay, mga migranteng manggagawa, Muslim at iba pa.

Habang wala pang rebolusyonaryong pwersa ng proletaryado na nagsusulong ng makauring pakikibaka, ang mga imperyalistang kapangyariha’y laging handang pakawalan ang kanilang mga pwersang panseguridad at pangkating pasista para supilin ang paglaban. Ang mas ikinababahala ng mga imperyalistang kapangyariha’y ang makabuluhang pagkitid ng puwang para sa kanilang pagbibigayan matapos ng pagpaloob ng China at Russia sa hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan. Dumadalas ang pag-ulit ng mga krisis sa ekonomy at pinansya; at lalong lumalala at nagtutulak sa kanila na mas puspusang makipaggirian para sa panibagong hatian ng mundo.

Sa pagiging lubos na kapitalista, kinopya ng China at Russia ang neoliberal na pagkahibang ng US at Japan na palawakin ang suplay ng pera at magluwag sa pautang at sa gayo’y lutasin ang mga bulang pampinansya sa pamamagitan ng paglikha ng mga bago. Sa harap ng pagguhong pampinansya noong 2008, lumikha ang China ng bula sa pautang na wala pang kaparis ang laki sa buong kasaysayan ng kapitalismo. Ilang ulit nitong nahigitan ang US sa paggamit ng pautang upang palutangin ang pamilihan ng stock at mga bono at ng animo’y walang katapusang ispekulasyon sa real estate. Samantalang pinalaki ng US ang ari-arian ng mga bangko nang US$2.1 trilyon, kasabay na pinalaki ng China ang mga ari-arian ng mga bangko nito nang US$15.4 trilyon. Sa ilalim ng burukrata kapitalismo, pinautang ang mga ito sa mga kapitalistang kroni at hinayaang di na mabayaran. Nagdeklara ng pagkabangkarote ang mga korporasyon sa sampung mayor na industriya matapos mabigong magbayad ng US$1 trilyon na kabuuang bayad sa utang ngayong taon. May inaasahang ang mga eksperto sa ekonomya at pinansya ay umaasa sa pagguhong pampinansya sa China sa loob ng kasalukuyang o susunod na taon.

Ang US at European Union ang pinakasabik na samantalahin ang mga bulnerabilidad ng Russia at China. Walang tigil nitong tinatangkang ipailalim sa impluwensya ng US at NATO ang mga bansa sa hangganan ng Russian Federation at paabutin ang impluwensya nito hanggang sa puso ng bansang Russia. Kinaiinggitan nito ang yamang enerhiya at mineral ng Russia. Pero dapat silang mag-ingat dahil patuloy na pinauunlad ng Russia ang moderno nitong mga armas. Nagmamatigas ang US ng itulak ng Trans Pacific Partnership Agreement upang palibutan ang China at lalong idiin ito sa pagsasapribado ng mga empresang estado. Isinagawa nito ang pagpihit sa East Asia upang idiin at palibutan ang China sa pamamagitan ng pagdeploy sa rehiyon ng 50% ng pwersang militar at panghihimpapawid at 60% ng pwersang nabal ng US. Wala itong balak na mang-upat ng gera sa China subalit sinisikap na lalong impluwensyahan at suportahan ang mga panloob na salik sa China na pabor sa US.

Lalong nagiging mapagbantay ang China at Russia sa hangaring maabot ang pandaigdigang hegemonya ng US sa tulong ng NATO. Kaya binuo nila ang Shanghai Cooperation Organization. Kabilang sila sa iilang bansang di kayang sindakin ng US ng mga sandata ng malawakang paglipol dahil mayroon din sila nito, laluna mga sandatang nukleyar at paraan ng paglulunsad ng mga ito. Binuo rin nila ang BRICS bilang blokeyo sa ekonomya sa loob at labas ng Group of 20. Ang Brazil, Russia, India, China at South Africa ay may malawak na kakayahang industriyal, hilaw na materyales at pamilihang sapat ang lawak para umiral nang hiwalay sa US at iba pang kapangyarihang imperyalista. Kung magkasama, sila na ang pinakamalakas sa mga bansang minamaliit bilang umuusbong na pamilihan.

Ang mga mamamayan at bansa sa kalakhan ng mga bansang atrasado ay kabilang sa pinakaapi at pinagsasamantalahan sa buong mundo. Kaya naglulunsad sila ng iba’t ibang anyo ng pakikibaka, kabilang ang mga protestang masa, mga welga at armadong pakikibaka. Sila ang pinakanaghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago. Sa makabuluhang bilang ng bansa, nagpupunyagi sila sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya, napananatili ang kanilang mga rebolusyonaryong pwersa at lumalakas sa kabila ng pagsasabay-sabay ng neoliberalismo, ng rebisyunistang pagtataksil at neokolonyalismo. Ang sulo ng armadong rebolusyon para sa pambansang paglaya at demokrasya ay itinatanghal ng mamamayan ng Palestine, Pilipinas, India, Turkey, Kurdistan, Peru, Colombia at iba pang bansa.

Sa mga bansa tulad ng Afghanistan, Pakistan, Iraq, Libya at Syria, kung saan naglunsad ng mga gerang agresyon ang US at iba pang kapangyarihang imperyalista, ang mamamayan ay nagsusulong ng mabalasik na armadong paglaban sa mananakop at mga papet na pwersa. Patuloy silang lumalaban kahit pa nagpapalabas ang US na umatras o nagbawas ng pwersang mapanakop matapos makontrol ang likas na yaman at mga kontrata sa negosyo para sa rekonstruksyon. Maging sa mga lugar na mistulang humupa ang armadong paglaban, tulad sa Balkans at Caucasus, parating may potensyal na muli itong sumulong. Kumukulo sa malawakang diskuntento ang mga bansang dating pinagharian ng mga rebisyunista sa pagdurusa ng mamamayan sa karalitaan, kasalatan at paghihirap habang ang malaking burgesya at matataas na burukrata’y lango sa korapsyon at karangyaan sa kanilang kapitalistang langit.

Ang pagkabangkarote ng neoliberal na patakaran sa ekonomya at pandaigdigang depresyon ay nagbunsod ng sukdulang di mabatang kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantala. Ang potensyal para sa mga rebolusyonaryong kilusang masa ay umiiral sa wala pang kapantay na lawak, sa buu-buong kontinente. Ang kailangan ay isang pursigido at aktibong rebolusyonaryong partido ng proletaryado na mamumuno sa armadong rebolusyon. Nalantad na ang mga kahinaang ikamamatay ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pangunguna ng US nang mabigo itong lutasin ang ibayong lumalalang krisis sa ekonomya at lipunan. Lalo itong nagiging mapagsamantala at mapang-api sa paglulunsad ng mga gerang agresyon, paglulustay ng napakalaking halaga para sa militar at lalong pagkaabala sa mga tunggalian para sa panibagong paghahati ng mundo at pag-agaw ng mga teritoryong pang-ekonomya.

Bangkarote at bulok na naghaharing sistema

Noong panahon ni Marcos, bago at sa panahon ng pasistang diktadura, nagbuhos ng direktang pamumuhunan ang US at iba pang dayuhang mamumuhunan upang makakuha ng supertubo mula sa palitan ng mga hilaw na materyales na inieeksport at ng mga iniimport na manupaktura. Ang World Bank ang nagpadaloy ng dayuhang pautang para sa pagtatayo ng mga imprastruktura at pasilidad para sa molinohan ng mga hilaw na materyales mula sa Pilipinas. Sinisiguro ng padron ng dayuhang tuwiran at di tuwirang pamumuhunan na mananatiling atrasado, preindustriyal at malakolonyal ang katangian ng ekonomya ng Pilipinas. Tiniyak ng dayuhang monopolyo kapitalismo, ng mga lokal na mapagsamantalang uri, ng burukratikong korapsyon at ng pagpapalaki ng militar na walang matitira para sa industriyal na pag-unlad ng Pilipinas.

Sa ilalim ng neoliberal na patakaran sa ekonomya na dikta ng US, mula sa ina hanggang anak na Aquino, nananatili ang parehong padron ng palitan ng eksport ng hilaw na materyales at import ng manupaktura para itali ang ekonomya sa pagiging agraryo at malapyudal.

Subalit mas maraming dayuhang pautang ang inilaan upang ibayong pasikarin at palakihin ang konsumong nakatali sa pag-iimport at nagpalakas sa pribadong konstruksyon simula noong panahon ng rehimeng Ramos. Nagpatuloy ang pagtatayo ng imprastruktura na pinopondohan ng lokal at dayuhang pampublikong pangungutang. Sa ilalim ng patakaran ng liberalisasyon sa kalakalan, ilang ulit na lumaki ang konsumong nakasandig sa import at humina maging ang lokal na produksyon ng karaniwang pagkain. Ang panlabas na utang at ang remitans ng mga manggagawang kontraktwal sa ibayong dagat ay ginamit din para pagtakpan ang depisit sa kalakalan.

Sa ilalim ng mga rehimen pagkatapos ni Marcos, lumala at lumalim ang kawalang-kaunlaran ng Pilipinas sa kabila ng kinang ng mga gusaling pang-upisina at residensyal, mga hotel at shopping mall. Walang ipinatupad na programa para sa pambansang industriyalisasyon kahit nagtayo pa ang mga dayuhang korporasyon at malalaking kumprador ng maliliit na pagawaan para sa sekundaryong pagpoproseso o malamanupaktura na nagsisilbi sa pinal na pag-aasembol ng produkto sa ibang bansa. Sa harap ng pagtumal ng pagpoproseso ng mga semiconductor na pang-eksport, ang pinakahuling di-industriyal na aktibidad na ipinagyayabang ay ang mga negosyo sa call center, na bulnerable rin sa kapritso ng pamilihang pang-eksport.

Walang tunay na programa sa reporma sa lupa. Huwad ang tinaguriang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Nauna nang isinaad ng konstitusyon noong 1987 ng unang rehimeng Aquino na ang pagbebenta ng lupa ng panginoong maylupa ay dapat boluntaryo at dapat mayroong makatarungang kabayaran na ang ibig sabihi’y dapat sundin ang kasalukuyang halaga ng lupa sa pamilihan. Ginamit ang CARP para panatilihin ang malalaking konsentrasyon ng mga lupain sa kamay ng uring panginoong maylupa. Ginamit ng mga panginoong maylupa ang mga burukrata para labis na presyuhan ang lupa sa iilang kaso ng pamamahagi ng lupa at upang baguhin ang klasipikasyon ng lupa upang di masaklaw ang lupain ng reporma sa lupa.

Sa gitna ng pandaigdigan at pampinansyang krisis mula noong 2008, kinakaharap ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas ang malalalang suliranin, tulad ng biglang pagbagsak ng eksport ng mga semiconductor, pagsasara ng iba’t ibang tipo ng planta sa pag-aasembol at malamanupaktura, pagtaas ng disempleyo, pagtumal ng ekonomya, di pagbabayad ng buwis, ismagling at pagliit ng baseng kita sa buwis. Lahat na lang ay kinakapitan upang di malunod. Nagbebenta ito ng mas maraming bono10, nagungutang sa dayuhan at nang-aakit ng pagbuhos ng “hot money” o portfolio investment11.

Hangga’t nag-iimprenta ng salapi ang US, nasa mga bangko ng US ang pera na pwedeng gamitin para sa pamilihan ng sapi at bono at para sa ispekulasyon sa lupa at konstruksyon (real estate) sa Pilipinas. Subalit inianunsyo na ng US ang pagbabawas ng quantitative easing at muling hinihigop ang “hot money” pabalik sa US. Kapag sumambulat ang bula ng pautang ng China sa malapit na hinaharap, asahan na ang mga negosyanteng Tsino na nasa pribadong konstruksyon at pagtitingi na nakabase sa Pilipinas ay daranas ng malalang problema dahil nagungutang sila nang tuwiran at di tuwiran sa China sa pamamagitan ng mga bangko sa Hong Kong at Singapore.

Labis na pinaboran ng neoliberal na patakaran sa ekonomya ang mga kumpanyang multinasyunal, ang mga elitistang nasa eksport-import at mga maimpluwensyang negosyante sa pribadong konstruksyon, pasilidad na panturista at mga shopping mall. Ang yamang panluho ng iilang nasa listahan ng Forbes12 ay lampas-lampas sa kakarampot na pag-aari ng mayorya ng sambayanan. Laganap ang kawalang-hanapbuhay, kawalang-tirahan, kawalang-lupa, pag-imbulog ng presyo ng karaniwang bilihin, kawalan ng serbisyong panlipunan at kriminalidad. Lahat ito’y nagdudulot ng di-mabatang karalitaan at paghihirap. Kaya laganap ang panlipunang ligalig. Nagpupuyos ang mga magsasakang walang lupa sa pwersahang pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang tahanan at lupa ng mga mangangamkam sa tulong ng militar at pulisya. At kapag sila’y naninirahan sa kalunsuran, brutal silang pinapalayas at dinedemolis ang kanilang marurupok na tirahan.

Sinaid ang ekonomya ng mabilis na pagsipsip ng tubo ng mga multinasyunal na kumpanya at ng kanilang malalaking ahenteng kumprador, ng papalaking bayad-utang, ng luho ng mga nagsasamantalang uri, ng walang humpay na burukratikong korapsyon at ng papalaking gastusing militar. Pinakitid nang husto ng lugmok na ekonomya ang mapagkukunan ng buwis. Sobra-sobra ang pribatisasyon ng mga ari-arian ng estado kung kaya lalong napahina ang lokal na reaksyunaryong gubyerno ng pagkawala ng mayor na pinagkukunan ng kita. Dahil laging kapos sa target na kolektahing buwis, patuloy na pinahihirapan ng rehimeng Aquino ang uring manggagawa ng mga dagdag na pasanin, kahit nagbibigay ito ng eksempsyon sa mga kroni nito at malalaking dayuhang kumpanya. Pinapahina ng reaksyunaryong rehimeng Aquino ang sarili nito.

Para maging presidente ng reaksyunaryong estado, sa kabila ng rekord niya ng katamaran sa Kongreso, nakipagkasundo si Aquino sa kanyang tiyuhin, ang kroni ni Marcos na si Eduardo “Danding” Cojuangco, upang makinabang sa patagong kontrol nito sa de-kompyuter na eleksyon at mula sa malaking kontribusyon sa gastos sa kampanya. Si Aquino ay ibinando ng mga handler nito sa US sa pinakamalalaking tagatustos sa kampanya at sa mga hari sa midya, bilang siyang mahusay na makapamamahala at makagagapi sa mga komunista sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanya bilang malinis at makapaghahatid ng serbisyo. Kung kaya, sa unang tatlong taon ng kanyang rehimen, tila walang katapusan ang kathang-isip na “popularidad” niya na itinatambol ng masmidya at ng mga kumpanya na nagsasarbey sa ilalim ng kumpas ng dilawang midya. Pinalalabas pa nga na walang signipikanteng oposisyon sa kanyang rehimen.

Subalit, sa katuus-tuusan, sinisira ng papalalang sosyo-ekonomikong krisis ang tila pagiging solido ng mga naghaharing uri at ng kanilang mga ahente sa pulitika. Sa ikalawang hati ng panunungkulan ni Aquino, nalantad ang kanyang korapsyon at ng kanyang mga kroni at kamag-anak sa pamamahagi ng pork barrel, ang pangingikil sa bahagi ng mga kontrata sa mga kumpanyang dayuhan at lokal, pag-iwas sa buwis ng mga tagatustos niya sa kampanya at ang ismagling tulad ng nasusubaybayan ng mismong Direction of Trade ng IMF. Bilang pinakamalaking padrino ni Aquino, gahigante ang kinita ni Danding Cojuangco. Ang kanyang mga kumpanya ay kumontrol na sa mahigit 60% ng pinakamalalaking kontrata sa ilalim ng programang Public-Private Partnership ni Aquino. Ang mga karibal sa pulitika ni Aquino at maging ang mga alyado niya ay nahihintakutan pa rin sa paraan kung paano niya hinahawakan ang kapangyarihan sa pagiging presidente.

Subalit mawawala rin ang takot at panginginig ng ilan sa kanila sa kalaunan habang sumisikad ang kilusang masa ng mga patriyotiko at progresibong pwersa sa pananawagan ng pagpapatalsik o pagbibitiw ni Aquino. Matibay ang kanilang tuntungan sa pagmomobilisa sa mamamayan laban sa asenderong si Aquino, sa kanyang estilong-asendero, sa pampulitikang pamamadrino at korapsyon at sa kanyang pagtatraydor sa tiwala ng publiko. Dapat mulatin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan upang ilantad at kundenahin ang pagpapakatuta, korapsyon, brutalidad at pagsisinungaling ng rehimeng Aquino.

Katangian ng neoliberal na ekonomya at pulitika na ang malaking halaga ng salapi at pautang ay laging ginagamit para pawiin ang mga kontradiksyon ng mga hayok na nasa gubyerno at negosyo. Sa kasalukuyan, ang lumitaw na mga kontradiksyon sa pagkakalantad ng korapsyon sa pork barrel ay pinahuhupa at napangingibabawan sa pamamagitan ng mga ligal at pulitikal na maniobra, kabilang ang pag-aareglo ng pagkakasundo sa pagitan ng US at ng chambers of commerce (kapulungan ng mga negosyante) para sa pag-amyenda ng konstitusyon ng 1987 upang pahintulutan ang walang-sagkang pag-aari ng mga dayuhan sa negosyo at lupa.

Ang korapsyon ng rehimeng Aquino, ang kawalang-kakayahan at ang kawalan ng malasakit sa mamamayan ay nalantad na sa buong bansa at sa daigdig kaugnay ng pangangailangang magbigay ng kagyat na relief at pangmatagalang rehabilitasyon at rekonstruksyon para sa 15 milyong mamamayan sa Visayas kung saan napatay at nasugatan ng superbagyong Yolanda (Haiyan) ang ilampung libong mamamayan at nasalanta ang mga tahanan at kabuhayan ng milyun-milyon. Pag-uulit lamang ito ng malawakang sakuna na bunsod ng napakalaking pagkabigo ni Aquino sa pagharap sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa panahon ng bagyong Pablo, Sendong at iba pa. Nalantad din ang pinakamatataas na burukrata at upisyal-militar na nagdispalko sa bilyun-bilyong piso ng pampublikong pondo na taun-taong inilalaan pati na ang tulong mula sa ibang bansa para sa relief at rehabilitasyon sa mga sakuna. Kinamumuhian ng mamamayan ng Visayas ang rehimeng Aquino. Taliwas dito, ikinalugod nila nang lubos ang mga pwersang patriyotiko at progresibo na nakatulong sa kabila ng kanilang kakarampot na rekursong materyal. Nagsikap din nang husto ang mga rebolusyonaryong pwersa para mapaghandaan ang mga sakuna at makatugon dito at mapakilos ang masang magsasaka para sa rehabilitasyon at pakikibakang masa.

Bigo ang US at ang rehimeng Aquino na makamit ang kanilang deklaradong layunin ng pagwasak o pagpapawalansaysay sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Inutil ang triad na operasyong saywar, paniktik at kombat. Bigo ang pakanang panunuhol sa mga buu-buong komunidad, mga kamag-anak at mga kaibigan ng pinaghihinalaang mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma gamit ang salaping ipinamumudmod at nagluwal lamang ng korapsyon ng mga burukrata at upisyal militar. Maging sa mga lugar na pinakamilitarisado, bigo ang kaaway na pigilan ang mamamayan na mag-organisa at manindigan laban sa mga abusong militar at laban sa mapaminsalang mga operasyon sa pagmimina at para maggiit ng lupa at katarungan.

Sa kabila ng lubos na pagkabigo ng Oplan Bayanihan, pursigido ang rehimeng Aquino na mag-iwan ng pamana ng pagkitil sa usapang pangkapayapaan. Malaon nang nalantad ang determinasyon ng rehimen na kitlin ang negosasyong pangkapayapaan sa pamamagitan ng mga pang-aatake ng kanyang mga negosyador nito sa The Hague Joint Declaration bilang dokumento ng “walang hanggang pagkakahati” at sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees bilang “walang bisa”. Ganap na hinamak ng rehimeng Aquino ang umiiral na mga kasunduan sa pagsasagawa ng mga bagong pang-aaresto sa mga konsultant ng NDFP na sina Benito Tiamzon at Wilma Austria. Iginigiit nitong ipiit si Austria na ang pagkakakilanlan bilang konsultant ay nauna nang naberipika ng mga dating kinatawan ng GPH. Sa ilalim ni Aquino, ang GPH ay mas abala sa pagtugis at pag-aresto sa mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP kaysa magsikap na itaguyod ang dating mga kasunduan at bumuo ng mga bago upang harapin ang mga tampok na usaping sosyo-ekonomiko na nasa ugat ng digmaang sibil.

Patuloy na lansakang nilalabag ng rehimeng Aquino ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa proseso ng gerang mapanupil ng Oplan Bayanihan nito. May di bababa sa 170 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang laban sa mga aktibista at kritiko mula nang maupo sa poder ang rehimeng Aquino. Patuloy na nananatili sa iba’t ibang piitan at mga kulungan ng pulisya at militar ang mahigit 400 bilanggong pulitikal. Sa bawat araw, hindi mabilang na pang-aabuso sa mga karapatan ng populasyong sibilyan ang ginagawa ng mga tauhan ng AFP habang nambobomba sila mula sa himpapawid at sa nagpapaputok ng kanyong howitzer na nakatutok sa mga sibilyang komunidad upang maghasik ng lagim sa mamamayan. Ginagamit ng mga tropang panlaban ng AFP ang mga eskwelahan, day care center, tanggapan ng barangay at iba pang pampublikong istruktura bilang mga pansamantalang baraks na nagsasapanganib sa mamamayan at nakadidiskaril sa lokal na produksyon at komersyo.

Ibayo pang nilalabag ni Aquino ang CARHRIHL at iniinsulto ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa panahon ng rehimeng Marcos sa pamamagitan ng pagtatalaga ng retiradong heneral ng Philippine National Police, habang walang kinatawan ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa Human Rights Victims Claims Board, na siyang dapat nagpoproseso, nagsusuri at nag-aapruba ng paghahabol. Ang litaw na intensyon ni Aquino ay hadlangan ang malaking bilang ng mga biktima na makakuha ng kabayaran. Ipinagpatuloy ng rehimeng Aquino ang ginagawa ni Arroyo na pang-aaresto at pagdedetine sa mga pinaghihinalaang maysalang pulitikal na sinasampahan ng mga gawa-gawang kasong kriminal.

Bago ang pagtatapos ng rehimeng Aquino, may panahon pa para sa GPH at NDFP na mag-usap at ipinal ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms. Subalit kinundena na ng panel sa negosasyon ng GPH ang pambansang industriyalisasyon at ang reporma sa lupa bilang “mga konseptong kargado ng ideolohiya.” Ang totoo’y mga pulitiko-ekonomikong konsepto ito na katanggap-tanggap kahit sa patriyotikong burgesya sa kasaysayan ng pambansang pag-unlad ng ekonomya. May panahon pa rin para mag-usap at makapagbuo ng isang Joint Agreement on Truce and Cooperation. Subalit mawawalan talaga rito ng panahon kung ang rehimeng Aquino ay hibang sa panlalansi sa NDFP para sa pagpapatahimik at pagpapasuko na tinatabingan ng ideya ng “walang-taning, hiwalay at sabayang tigil-putukan.”

Sana nga ay makuha ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pinakamahusay na posibleng komprehensibong kasunduang pangkapayapaan sa GPH nang hindi binibitawan ang mga karapatan ng mamamayang Moro sa pambansang pagpapasya-sa-sarili at lupaing ninuno. Muli’t muli nating idinidiin ang ating naunang payo sa ating mga kaalyadong MILF na maging mapagbantay sa tusong kaaway na ang nais ay ang pagpapasuko, pananahimik at panghahati sa mga rebolusyonaryong pwersa. Kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa rehimeng Aquino upang itulak ang Bangsamoro Basic Law sa pamamagitan ng Kongreso at tuparin ang lahat ng pangako nito. Asahang maghahapag ng mga usaping konstitusyunal ang mga kontra sa parehong kapulungan ng Kongreso at, sa kalaunan, sa Korte Suprema. Upang magtagumpay sa pagtataguyod ng interes ng mamamayang Moro, dapat maging mas mapagmatyag at mapagbantay ang MILF laban sa mga panlalansi ng GPH upang siraan ang MILF at hatiin ang mamamayang Moro.

Upang mapanatili ang kontrol sa militar sa Pilipinas sa kabila ng terminasyon ng US-Military Bases Agreement, minamantine ng US ang US-RP Mutual Defense Pact bilang lisensya para sa panghihimasok-militar at paglabag sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad. Pinananatili rin nito ang US-RP Military Assistance Agreement bilang paraan ng pagkontrol at paggamit sa papet na armadong pwersa. Mula nang pawalambisa ang kasunduan sa mga base noong 1991, lagi’t laging nagmamaniobra ang US at mga papet para lusutan ito. Binuo nila ang Mutual Logistics and Support Agreement upang pahintulutan ang pwersang militar ng US na dumaong sa Pilipinas at, kalaunan, ang Visiting Forces Agreement, upang bigyan ang pwersang militar ng US ng mas malawak na puwang para walang taning na maibase ang mga tropa nito sa Pilipinas.

Nagkukumahog ngayon ang mga imperyalistang US at mga traydor sa rehimeng Aquino na tapusin ang pinal na borador ng Agreement for Enhanced Defense Cooperation upang malagdaan ito o maipresenta sa panahon ng pagbisita ni Presidente Barack Obama ng US sa Maynila sa katapusan ng Abril.

Ang inaasahang kasunduan ay magpapahintulot sa mga pwersang militar ng US na magtayo ng base militar sa pamamagitan ng pagbakod ng eksklusibong engklabo sa loob ng mga kampo ng papet na armadong pwersa, katulad ng nasa punong himpilan ng US Joint Special Operations Task Force (JSOTF)-Philippines. Subalit bawal alamin ng papet na armadong pwersa kung anu-ano ang kagamitang militar at aktibidad ng US sa engklabo. Ang pag-ikot at paglabag sa mga probisyon ng konstitusyon ng 1987 na nagbabawal sa mga dayuhang base militar, tropa, pasilidad at sandata para sa malawakang paglipol ay unti-unting ginagawa.

Gumagastos ang papet na rehimen ng P1 bilyon para pahusayin ang mga pasilidad sa Ulugan Bay at Oyster Bay sa Palawan para pagsilbihan ang papadalas na dating ng mga barkong pandigma, eroplano at tropang panlaban ng US. Nakatakda rin nitong ayusin ang iba pang kampo ng AFP at mga reserbasyon sa Palawan at Rizal upang pagtayuan ng mga base militar ng US.

Ang inisyal na dahilan ng US sa pagdedeploy ng pwersang militar nito sa Pilipinas ay ang magsagawa ng mga ehersisyong militar at pagsasanay sa pakikipagtulungan sa armadong pwersa ng Pilipinas. Kaya, sinimulan ng US na magrelyebo ng mga pwersang militar nito, bilang mga abanteng nakapakat na pwersa sa aktwal. Pinarami nito ang dahilan para makapag-operasyon ang pwersang militar ng US sa Pilipinas, kabilang ang mga makataong pagtulong, aksyong sibika, misyong medikal at pagtugon sa sakuna.

Kaakibat ng 9-11, idineklara ni Bush ang Pilipinas bilang ikalawang larangan sa tinaguriang pandaigdigang gera kontra terorismo. Gayundin, binigyang-matwid ng US ang nagrerelyebong presensya ng mga tropang militar nito sa pagsabing dapat panatilihing bukas ang China Sea para sa internasyunal na paglalakbay at komersyo. Simula noon, nang-upat na ng mga alitan ang US at mga Pilipinong papet nito sa pagitan ng China at Pilipinas kaugnay ng maliliit na isla, bahura at buhanginan sa nasa loob ng 200-milyang eksklusibong sonang ekonomiko ng Pilipinas. Sa huli, iprinoklama ng US ang pagpihit tungong East Asia, na kinasasangkutan ng pagtatalaga ng halos 50% ng pwersang panlupa at panghimpapawid nito at ng 60% ng pwersang pandagat nito sa rehiyon.

Kaugnay sa itinuturing nitong pagiging kapangyarihang militar ng China, inaaksaya ng US ngayon ang rekurso nito sa muling pagdedeploy ng pwersa nito sa East Asia at sa pagpoposturang kaya nitong takutin at pigilin ang China. Nagpoposturang kontra lamang ang US sa China upang bigyang-katwiran ang ginagawang pakikialam nito sa Pilipinas sa usaping militar at imantine ang balanse ng pwersa upang magtuluy-tuloy ang kooperasyong pang-ekonomya na US-China sa kapinsalaan ng mamamayan ng Southeast Aisa. Anu’t anuman, saan man sa mundo, maaaring bumulwak ang pampulitikang sigalot, mga gerang sibil at rehiyunal na gera upang mapigilan ang US sa pagtatambak ng pwersa sa rehiyon tulad ng East Asia kung saan iniiwasan ng China ang anumang marahas na kumprontasyon, laluna sa US.

Dapat batikusin ang US sa paggamit nito ng mga alitan para makialam sa Pilipinas sa usaping militar at labagin ang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Dapat pigilan ang US at mga papet nito sa pagpapalaganap ng ideya na ang Pilipinas ay walang iba kundi pasibong bagay na pinag-iinteresan ng US at China. Sa lahat ng sirkunstansya, dapat igiit ng sambayanang Pilipino ang kanilang pambansang soberanya at ang teritoyal na integridad ng Pilipinas. Dapat nilang hangaring mag-industriyalisa ang Pilipinas upang makapagtayo ng malakas na ekonomya, magkaroon ng diplomasya para sa kapayapaan at kaunlaran at magpalitaw ng kumbensyunal at modernong mga sandata para sa kanilang sariling pagtatanggol. Hindi nila dapat pahintulutan ang anumang dayuhang kapangyarihan na gamitin ang anumang dahilan para labagin ang kanilang soberanya at integridad ng kanilang teritoryo.

Katayuan ng BHB at plano ng estratehikong pagsulong

Ang kawastuan ng pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay napatutunayan nang husto ng paglakas at pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan sa nagdaang 45 taon. Napangibabawan at napagtagumpayan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pinakamababangis na anyo ng reaksyon, kabilang ang 14 na taon ng pasistang diktadurang Marcos at ang pinakamasamang kumbinasyon ng dahas at panlilinlang na pinakawalan ng sunud-sunod na mga pseudo-demokratikong rehimen matapos ang kay Marcos. Naglunsad ang imperyalismong US at mga papet nito ng lahat ng uri ng pambansang kampanya ng panunupil-militar, maliban sa gerang agresyon ng US, at nabigo sila sa kanilang mga layunin.

Nagpunyagi ang mamamayang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa at lumakas sa kabila ng mga di paborableng kundisyon kabilang ang rebisyunistang pagtaksil sa sosyalismo ng China, ng ibinunga nitong pagkagapi ng proletaryong rebolusyong pangkultura at sosyalismo noong 1976, ng paghina ng pakikibaka laban sa neokolonyalismo sa mga atrasadong bansa, ng buong panunumbalik ng kapitalimso sa pinakamalalaking bansang pinaghaharian ng rebisyunismo, ng tagumpay ng imperyalistang alyansang pinamumunuan ng US sa Cold War, ng neoliberal na opensiba sa ekonomya at kaakibat nitong anti-komunista at konserbatibong opensiba sa ideolohiya at ng pinabilis na gerang agresyong sinulsulan ng US mula noong simula ng dekada 1990 para makapagtayo ng bagong kaayusan sa mundo at Pax Americana para sa ika-21 siglo.

Subalit di sinasadyang nagbibigay ng pinakamataas na parangal sa kanilang mga rebolusyonaryong kalaban ang pinakamatataas na burukrata at upisyal-militar ng bawat reaksyunaryong rehimen sa Pilipinas dahil sa pagsasabi nila na ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan, at bunga nito, ang buong mamamayan sa armadong rebolusyonaryong kilusan ang siyang pinakamalalaking banta sa reaksyunaryong estado. Pero bilang pakonswelo sa kanilang sarili, sinasambit din ng mga kontra-rebolusyonaryo ang malaking kasinungalingan na napababa nila ang armadong lakas ng BHB mula 25,000 malalakas na riple noong kalagitnaan ng dekada 1980 hanggang iilang libo at ngayo’y dudurugin na raw nila ang BHB o paliitin pa itong lalo hanggang sa mawalan na ito ng saysay o kabuluhan. Kahit kailan ay hindi binabanggit ng mga elemento sa midya na binabayaran ng organisasyong saywar ng militar na noong 1985, ang BHB ay mayroon lamang 5,600 malalakas na riple, ayon sa pagtatasa ng plenum ng Komite Sentral ng Partido.

Ang pinakamainam na paraan para ikalugod ang mga tagumpay at naipong lakas ng armadong rebolusyon ay ang malaman kung papaano nakamit ang mga ito sa pamumuno ng Partido sa pamamagitan ng masikhay na trabaho, sakripisyo at puspusang pakikibaka ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kabila ng napalalaking hamon. Nasa 150,000 na ngayon ang kasapian ng Partido at ang kanilang mga yunit at namumunong organo ay sumasaklaw ng halos lahat ng prubinsya sa bansa.

Ang BHB ay may libu-libong mga Pulang mandirigmang armado ng malalakas na riple, karamiha’y naagaw mula sa kaaway. Nalampasan na nito ang dati nitong rurok noong 1985 at ngayo’y may halos 10,000 malalakas na riple. Ang umiiral na kalagayang sosyo-ekonomiko at kawalan ng mga karapatang pampulitika ay napakainam para sa mabilis na paglawak ng BHB. Sa isang katamtamang laking rehiyon, kinaya ng BHB na magpasampa ng di bababa sa 800 bagong Pulang mandirigma noong 2013 bunga ng aktibong kampanya ng rekrutment. Sa Far South Mindanao, isa sa relatibong maliliit na rehiyon, ang mga platun ng BHB ay dumami nang 120%.

Sa kasalukuyan, kumikilos ang BHB sa mahigit 110 larangang gerilya, na sumasaklaw sa signipikanteng bahagi ng 71 prubinsya. Suportado ito ng ilampung libong milisyang bayan na nagsisilbing pulisya at tumitiyak sa internal na seguridad sa mga lokalidad at daan-daang libong nasa yunit sa pagdepensa sa sarili ng mga organisasyong masa. May mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, mga bata at mga aktibistang pangkultura na milyun-milyon ang kasapian. Sinusuportahan nila ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika na umaasikaso sa iba’t ibang gawain: administrasyon, pag-oorganisa sa masa, edukasyong publiko, reporma sa lupa at produksyon, pangangalaga sa kalusugan, depensa, arbitrasyon, isports at mga usaping pangkultura.

May malinaw na sukatan ng lakas at karanasan na pwedeng pagmulan ng ibayo pang mga pagsulong sa pambansa, rehiyunal, pamprubinsya at mas mabababang antas. Tiwala tayong makauusad sa pagsasakatuparan ng planong sumulong mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa digmang bayan.

Ang pagsisikap na isakatuparan ang plano ay napapanahon. Lumalala ang krisis ng naghaharing sistema. Titingkad ito habang ang mga porftfolio investment mula sa ibang bansa ay dadaloy pabalik sa kanilang mga pinagmulan at ang mga order sa eksport ay babagsak lalo habang sinisimulan ng China ang mayor na pagwawasto sa pang-aabuso sa utang, at kung hindi’y ito naman ang babagsak sa pinansya. Dapat maging palaging handa ang mga rebolusyonaryong pwersa para samantalahin ang paglaho ng bula sa ekonomya, na bagay na malamang na mangyayari sa loob ng nalalabing mga taon ng rehimeng Aquino. Malamang ay sasabayan ito ng matarik na pagtaas ng interes sa utang, biglaang pagtigil ng mga pribadong proyekto sa konstruksyon, malawakang pagsasara ng mga kumpanyang nasa business processing oursourcing na may kinalaman sa pinansya at maramihang pagbalik ng mga migranteng manggagawa.

Ang susing pampulitikang rekisito ay palakihin ang kasapian ng Partido tungong 250,000. Sa pagdami ng mga kadre at myembro ng Partido, makakapamuno ang Partido sa lumalaking bilang ng mga yunit ng hukbong bayan, organisasyong masa at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at iba’t ibang tipo ng rebolusyonaryong gawain. Responsable ang Partido sa pagtitiyak na ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay nasusunod, napapanahong natatalakay at nalulutas ang mga problema, nagagawa ang mga kinakailangang inisyatiba para isulong ang rebolusyon, makoordina ang mga pakikibaka sa kanayunan at kalunsuran at matukoy ang direksyon ng pakikibaka.

Ang kasalukuyang mga kadre at myembro ng Partido ay dapat gawing aktibo at pasiglahing muli kaugnay ng plano ng estratehikong pagsulong. Ang kasalukuyang mga kadre at yunit ay dapat magrekrut ng mga kandidatong kasapi mula sa hanay ng mga Pulang mandirigma at mga aktibista sa kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan. Responsibilidad ng mga kadre at yunit ng Partido na tiyakin na sa loob ng panahon ng kandidaturang nakasaad sa Konstitusyon ng Partido, ang mga kandidatong kasapi ay magiging ganap na kasapi bunga ng kanilang paggampan sa mga batayang tungkulin ng pagiging myembro ng Partido at pagkukumpleto ng Batayang Kurso ng Partido sa loob ng ilang sesyon, na dinadagdagan at sinusuhayan ng pagbabasa at dagdag pang mga talakayan.

Sa absolutong pamumuno ng Partido, inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka na koordinado sa rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa. Ang mga namumunong komite ng Partido ay dapat magkaroon ng estratehiko at taktikal na pamumuno sa BHB at rebolusyonaryong kilusang masa upang matiyak na ang digmang bayan ay sumusulong nang relatibong pantay-pantay sa pambansa, inter-rehiyunal at rehiyunal na antas sa pamamagitan ng pagkokoordina ng iba’t ibang aspeto at larangan ng gawain, mabilis na pagreresolba ng matitingkad na usapin na nakababara sa pagsulong at pagtitiyak na ang mas malalakas na bahagi ay tumutulong sa mas mahihinang bahagi. Ang mga kumand pang-operasyon ng BHB ay dapat mabuo at mapalakas mula sa antas-pambansa hanggang larangan upang mapataas ang kakayahang pulitiko-militar nito, kabilang ang koordinasyon ng mga taktikal na opensiba.

Kailangan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka para makaagaw ng mga armas mula sa kaaway, maitayo ang hukbong bayan at mawasak ang kapangyarihan ng reaksyunaryong estado, mga lokal na tirano at iba pang masasamang elemento. Ang masang magsasaka ay magiging di natutuyong balon ng mga Pulang mandirigma at ng pampulitika at materyal na suporta pero kung nailulunsad lamang ang rebolusyong agraryo. Dapat tuluy-tuloy na napalalawak at nakokonsolida ang baseng masa sa pamamagitan ng pagtatayo ng iba’t ibang tipo ng organisasyong masa at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang layunin ng digmang bayan ay makasulong ang demokratikong gubyernong bayan nang paalun-alon hanggang sa mapalitan na nito at mawasak nang husto ang reaksyunaryong estado.

Ang pangunahing anyo ng pakikibaka ay armadong pakikibaka. Sinasagot nito ang sentral na kwestyon ng rebolusyon, ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika. Ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ang pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at pag-iipon ng lakas hanggang sa maging hinog ang kalagayan para maagaw ang kapangyarihang pampulitika sa mga kalunsuran sa buong bansa ay nakapagbigay ng pagkakataon sa hukbong bayan at iba pang rebolusyonaryong pwersa na umunlad mula maliit patungong malaki at mula mahina patungong malakas at malagpasan at biguin ang lahat ng reaksyunaryong kampanya ng panunupil-militar.

Itinataguyod ng BHB ang estratehikong linya ng pag-iwas o pagbigo sa digmang mabilis na tinatapos o pagsasapeligro sa pangunahin o kabuuang lakas ng isang buong rehiyunal na pwersa ng BHB sa isang mapagpasyang labanang walang katiyakan ang tagumpay. Sa gayon, nagkaroon ng pagkakataon ang BHB na ibayo pang magpalakas sa pamamagitan ng paglulunsad lamang ng mga taktikal na opensiba na tiyak na maipapanalo nito at paggampan ng mga pampulitika, pang-ekonomya, panlipunan at pangkulturang gawain para maging mga balwarte ng rebolusyon ang dating atrasadong mga baryo.

Ang kasalukuyang yugto ng digmang bayan ay yaong estratehikong depensiba pa rin bagamat ang layunin ng estratehikong plano ng pagsulong ay maabot ang tarangkahan ng estratehikong pagkapatas sa loob ng ilang taon. Ang linya para sa mga taktikal na opensiba sa loob ng estratehikong depensiba ay yaon pa ring malawakan at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Sa pagpapanalo ng mga taktikal na opensiba laban sa malalambot at mahihinang bahagi ng pwersa ng kaaway, maitataas ng BHB ang antas ng kakayahan, laki, kagamitan, teknika at epektibidad ng mga yunit-pangkombat nito.

Makapagdedeploy tayo ng mas maraming yunit-gerilya at makasasaklaw ng mas malalawak na lugar habang nakaaagaw tayo ng mas maraming armas mula sa kaaway. Ang pagpapanalo ng mga labanang anihilasyon sa anyo ng mga ambus, reyd at operasyong pang-aresto ang siyang prinsipal na paraan ng pagbubuo ng armadong lakas ng BHB. Ang BHB at ang milisyang bayan ay gumagawa at gumagamit ng command-detonated explosives kakumbina ang mga ambus at reyd alinsunod sa mga alituntunin ng digma. Gayundin ang paggamit ng anumang incendiary o panunog para wasakin ang mga kampo, sasakyan, imbakan ng gasolina at iba pang imbakan ng suplay ng kaaway. Ang mga tagumpay sa labanang anihilasyon, kaluwagan sa mga bihag sa digma at angkop na propaganda at gawaing pampulitika sa hanay ng tropa ng kaaway (laluna sa hanay ng mga armadong paramilitar na sapilitang nirekrut mula sa mga magsasaka at sa mga karaniwang sundalo) ay makatutulong para gawing matagumpay ang mga pagsisikap na lansagin ang mga pwersa ng kaaway.

Mapupunta sa mas maigeng kalagayan ang BHB para magdeploy ng mas maraming yunit-kombat at maglunsad ng mga labanan ng anihilasyon na maiikli lamang ang pahinga kung ang mga lokal na sangay ng Partido, organisasyong masa, organo ng kapangyarihang pampulitika at milisyang bayan ay maaari nang humalili sa mga di pangkombat na responsibilidad at gawain ng BHB, para mabigyan ng mas maraming oras ang mga yunit ng BHB na maglunsad ng pulitiko-militar na pagsasanay at mga taktikal na opensiba. Ang mga yunit ng milisyang bayan ay tumataas ang kakayahan sa paglulunsad ng mga anihilatibo at atritibong taktikal na opensiba laban sa mga pwersa ng kaaway. Binibigyan nito ng kakayahan ang mga kumand ng BHB sa iba’t ibang antas na irelyebo ang mga yunit ng BHB sa pagsasagawa ng pulitiko-militar na pagsasanay, gawaing masa, produksyon at kombat.

Kayang-kaya ng BHB na palakihin ang armadong lakas nito tungong 25,000 sa malapit na hinaharap. Magagawa ito ng BHB sa pamamagitan ng paglulunsad ng mas madadalas na malalaki at maliliit na taktikal na opensiba laban sa mga detatsment at tsekpoynt ng militar, istasyon ng pulis, pribadong ahensyang panseguridad, pribadong hukbo at mga kriminal na gang na ang malinaw na layunin at plano ay makasamsam ng paparami nang paparaming sandata. Kasabay nito, maaaring kumbinsihin ang mapagkaibigang mga alyado na magbigay ng armas sa BHB. Mahigit isang milyong baril ang nasa kamay daw ng mga pribadong indibidwal. Alamin natin kung sino sila, at kumbinsihin natin yaong mga pumapayag na magbigay o magbenta ng kanilang mga sandata at ireyd o arestuhin yaong mga palaban o gumagamit ng kanilang mga sandata laban sa mamamayan.

Mula noong simula ng 2014, mabilisan nang nagdedeploy ng dagdag na pwersa ang AFP sa Mindanao, laluna sa mga abanteng rehiyon at subrehiyon na nangunguna sa mga taktikal opensiba, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa. Mahigit 60% ng mga tropang pangkombat ng AFP ang nakadeploy na ngayon sa Mindanao alinsunod sa layuning magdeploy ng minimum ng isang batalyon sa bawat larangan.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Southern Mindanao ay isinasailalim sa matitinding operasyong militar ng pinagsamang mga pwersa ng 10th, 6th at 4th Army Divisions. Piling mga tropang pangkombat gaya ng dalawang batalyon ng mga Scout Ranger ang ipinakat sa Northeast Mindanao, isang batalyong Special Forces sa Northcentral Mindanao at mga pwersa ng 68th at 4th Special Forces Battalion sa mga hangganang lugar ng Bukidnon. Ang pilit nilang ginagawa ay dumugin ang mga lokal na yunit ng BHB at agawin ang inisyatiba.

Muling idinidirihe at ipinapakat ng AFP ang mga piling tropang pangkombat nito sa mga hangganan sa mga lugar na mabundok kaya naoobliga itong iwan ang mga patag, ang pangunahing mga sentro at karamihan ng mga bayan. Samantala, ipinapakat nito ang ibang mga tropa sa mga sentro ng komunidad sa mga lugar na saklaw ng operasyon ng tinaguriang special operation teams (SOT).

Wala pa ring kakayahan ang kaaway na okupahin at lubos na kontrolin ang mahigit 10% ng kabuuang erya ng mga larangang gerilya sa mahabang panahon na anim na buwan hanggang isang taon, na hindi iiwan ang mas malaking mayorya ng mga larangang gerilya at marami pang ibang erya na may populasyon na hindi sinusupil at malaya sa okupasyon ng kaaway. Maging sa mga larangang gerilya na piniling konsentrahan ng kaaway, may malawak na puwang sa pagitan ng mga pwersa nito sa perimetro o mga taliba at sa pagitan ng mga pangkat sa espesyal na operasyon.

Kaya posible para sa mga yunit ng BHB na magmaniobra at kontra-kubkubin ang mga yunit ng kaaway sa loob ng isang larangang gerilya. Posible rin na ang mga pwersa ng BHB sa kanugnog na larangan, o katabing rehiyon na magkontra-kubkob at magpasya kung anong operasyon mula sa linyang eksteryor ang ilulunsad nila laban sa kaaway. Sa mas malayo pang larangang gerilya na hindi pa inaatake ng kaaway, maaaring mag-inisyatiba doon ang BHB na samantalahin ang kawalan ng pwersang militar ng kaaway. Sa iba’t ibang antas, dapat panatilihin nating lito ang kaaway at madaling magkamali habang patuloy nating kinukuha at hinahawakan ang inisyatiba at mahusay na ginagamit ang mga taktikang gerilya sa paglilipat, dispersal at konsentrasyon at wastong ikombina at kunin ang tamang balanse ng gawain sa mga baseng gerilya at sonang gerilya at sa lugar na mabundok at kapatagan.

Ipinakikita ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Mindanao ang kanilang kakayahan sa pagharap sa pinalaking deployment ng mga tropa ng kaaway sa pamamagitan ng pagkokoordina ng mga taktikal na opensiba sa antas subrehiyon, rehiyon at inter-rehiyon habang umiiwas sa mapagpasyang sagupaan.

Nagagawa lamang ang pagpokus ng deployment ng mga tropa sa mga rehiyon sa Mindanao na may kaakibat na pagbawas sa mga tropa sa ibang rehiyon. Masasamantala ng pambansang kumand sa operasyon at katuwang na kumand sa operasyon ng BHB sa mga rehiyon sa Luzon at Visayas ang pagbawas ng tropa sa kani-kanilang erya o ang kawalang kakayahan ng AFP na magpalaki ng tropa sa pamamagitan ng mabilis na pagpaplano at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa huminang yunit ng kaaway. Sa gayon, hindi lamang napalalakas ang kanilang mga yunit ngunit nakatutulong din na pahinain ang pagdidiin ng kaaway laban sa mga pwersa natin sa Mindanao upang ibayo pa silang makasulong.

Mahilig magkalat ang kaaway ng propaganda na nadudurog o napawawalansaysay na ang BHB ng mga malawakang pagsurender, pagkabigong militar o pagkadakip ng matataas na lider. Napakalayo nito sa katotohanan. Ang pinakamahusay na paraang pasinungalingan ang mga ito’y ang magdulot ang Partido at kaukulang kumand ng BHB ng malalakas bigwas laban sa kaaway, laluna yaong mga yunit na bantog na bantog sa mga pang-aabuso. Sadyang ang matatagumpay na taktikal na opensiba ay tulad ng malalakas na manipesto. Mayrooon ding mga opensibang bigwas sa ulo ng kaaway at dramatikong makapaglalantad sa kahinaan at bulnerabilidad ng kaaway sa pinaka di inaasahang mga pagkakataon. Posibleng maglunsad ng labanang anihilatibo o serye ng mga opensiba na magreresulta sa makabuluhang paglaki ng mga sandata at kagamitang pandigma ng BHB at malaking ganansya sa pulitika at militar tulad ng pagsalakay sa malalaking armori ng militar, pulis o pribado, paglipol di sa iilampu kundi sa ilandaang tropa, pagwasak sa malalaking imbakan ng gasolina, mga nakaparadang sasakyang militar o mga sasakyang panghihimpawid, o pag-aresto sa mga upisyal militar na inakusan ng mga krimen laban sa mamamayan.

Sa malapit na hinaharap, maaari nating palakihin ang bilang ng mga larangang gerilya tungong 200 at magkaroon ng isang larangang gerilya sa bawat distritong pangkongreso ng kaaway sa kanayunan. Ang kasalukuyang lakas ng BHB ay di kailangang hatiin at labis na banatin upang masaklaw ang 200 larangang gerilya. Ang paglawak ng mga pwersa ng BHB ay magsisimula kung nasaan sila ngayon. Subalit maaaring ihanda ng mga kadre at kasapi ng Partido at ng mga organisasyong masa ang pagtatayo ng bagong mga larangang gerilya. Ang paghahanda ng larangang gerilya ay magagawa hanggang ang mga binhing yunit ng BHB ay maipapakat mula sa isang katabing larangang gerilya mula sa pareho o katabing rehiyon o prubinsya. Mayaman ang karanasan ng BHB sa bagay na ito. Makaranasan din ito sa pagpapakat ng may kakayahan at may karanasang mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma upang palakasin ang isang mas mahinang larangang gerilya o tulungan ang isang larangang gerilya na muling makabangon mula sa matagalang konsentrasyon ng kaaway o mula sa kamalian ng ating mga kadre o pareho.

Upang maghanda ng pagtatatag ng bagong larangang gerilya, ang mga kadre ng Partido at kinauukulang mga organisasyong masa ay dapat magsagawa ng panlipunang pagsisiyasat, pangunahin na upang alamin sa mga magsasaka ang kanilang mga agraryo at kaugnay na problema at kung papaanong maiaabante ng mga asosasyong magsasaka at iba pang anyo ng organisasyon ang isang programa para sa tunay na reporma sa lupa. Kasunod nito, maaaring magpakat ang BHB ng isang binhing yunit sa itatayong larangang gerilya. Upang umugat ng malalim ang BHB sa larangang gerilya, dapat nitong isulong ang rebolusyong agraryo, mapaminimum na programa sa simula o maksimum sa katagalan. Bukod sa reporma sa lupa, dapat itong maglunsad ng iba’t ibang kampanya para maghatid ng panlipunang benepisyo sa mamamayan tulad ng para sa literasi at impormasyon, pagtataas ng produksyon, kalingang pangkalusugan, paghahanda sa sakuna, relief and rehabilitation, mga aktibidad pangkultura at iba pa.

Ang pagsusulong ng minimum na programa sa reporma sa lupa ay agad na nagpapakita kung papaanong ang rebolusyo’y makabuluhang pinakikinabangan ng mga walang lupang magsasaka. Kabilang dito ang pagbawas sa upa sa lupa, pagpawi sa usura, makatwirang pasahod sa mga manggagawang bukid, makatwirang presyo sa mga produkto ng mga magsasaka at pagpapalaganap ng produksyong agrikultural at dagdag na pagkakakitaan sa pamamagitan ng panimulang anyo ng kooperasyon.

Kabilang sa maksimum na programa sa reporma sa lupa ang kumpiskasyon ng lupa mula sa mga panginoong maylupa at pagbawi ng lupa mula sa mga mangangamkam at libre at pantay na pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal, na nagsasaalang-alang sa laki at kalidad ng lupa. Ang kumpiskasyon o pagbawi ng lupa ay usapin lang ng pagpasyang di na bayaran ang upa at iba pang buwis sa asendero at pagsabihan ang kanyang mga utusan na talikuran ang kanilang amo o umalis na sa lugar. Subalit dapat handa ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na ipagtanggol ang programa at dapat handa ang mga kadre at magsasaka na tiyaking magtagumpay ito sa pamamagitan ng mahusay na pangangasiwa at kolektibong pagsisikap.

Sa pagsusulong ng minimum at maksimum na programa sa reporma sa lupa, dapat pana-panahong maglunsad ng mga kampanya at pakikibakang masa sa kanayunan upang itaas ang kolektibong determinasyon ng masang magbubukid, palawakin at itaas ang kanilang mga nakamit na tagumpay at tiyakin na mananatili ang militanteng uri ng mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid sa pamunuan ng mga samahang magsasaka at mga sangay ng Partido sa lokalidad.

Maaaring may mga kampanyang masang magbubukid na kinokoordina sa antas ng rehiyon, inter-rehiyon at buong bansa na layong pagkaisahin at pakilusin ang pinakamalaking bilang ng masang magbubukid sa batayan ng tampok na mga isyu tulad ng napakababang presyo ng kopra at palay, ang pang-uusura ng tinaguriang mga institusyon sa microfinancing, pagpapababa ng singil sa irigasyon, ang mataas na presyo ng mga binhi at gamit sa pagsasaka, ang pagpasok ng mga GMO na sumisira sa kapaligiran at banta sa kalusugang publiko at iba pa.

Upang may karagdagang lupa para sa programa sa reporma sa lupa, dapat tulungan ng BHB ang masang magsasaka na angkinin ang mga tiwangwang na lupang pwedeng bungkalin at itaboy ang mga mangangamkam, kunin ang sobrang lupa na nasa ilalim ng pastuhang pinauupahan ng reaksyunaryong estado at baklasin ang mga plantasyong nakatuon sa eksport na pag-aari ng mga dayuhang korporasyon at mga kumprador-asendero at malalawak na lupang nakalaan sa pangmayamang mga resort at turismo.

Dapat gawin ng mamamayan at hukbong bayan ang lahat upang baklasin ang mga empresa sa pagmimina at pagtotroso na pang-eksport. Dapat maglunsad ng pakikibakang masa ang mga magsasaka at minoryang mamamayan para igiit ang kontrol sa mga lupang inagaw ng malalaking plantasyon at mga kumpanya sa pagtotroso at pagmimina. Dapat patuloy na pagmultahin ng hukbong bayan ang mga ito dahil sa pagpinsala at pagwasak sa kapaligiran, pagsira sa agrikultura bunga ng pagguho ng lupa at paglason sa tubig sa mga ilog at sapa at paglalabas ng di na mapapalitang yaman at habampanahong pagkakait ng gayong yaman para sana sa planado at mahusay magamit ito para sa kaunlarang industriyal sa hinaharap.

Sa mga lugar ng pagpapalawak, ang mga yunit ng BHB ay dapat magtatag ng mga komite sa pag-oorganisa sa baryo matapos ang mabilis ngunit sapat na panlipunang pagsisiyasat para tiyakin ang kagyat na suporta para sa kanila. Pero ang gayong mga pansamantalang organo ng kapangyarihang pampulitika ay may mahusay na batayang maorganisa kung bago ito’y naorganisa at napalawak ang mga progresibong organisasyong masa mula sa mga kanugnog na lugar. Kaya napadudulas ang pagpili at paghirang sa mga upisyal ng komite sa pag-oorganisa ng baryo. Ang mas mataas na pormasyon ng mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo ay nakabatay sa pagbubuo ng mga organisasyong masa ng mga manggagawa, kung mayroon, magsasaka, kababaihan, kabataan, bata at mga aktibistang pangkultura sa baryo. Ang kinatawan ng mga organisasyong masang ito o ng mamamayan ng buong baryo (kung pahihintulutan ng seguridad) ang naghahalal sa komiteng rebolusyonaryo sa baryo. Nagmumula rin sa mga organisasyong masa ang kasapian ng lokal na sangay ng Partido.

Ang larangang gerilya ay binubuo ng mga baseng gerilya at sonang gerilya. Ang mga baseng gerilya ang pinakakonsolidadong bahagi ng larangang gerilya, habang mas mababa ang konsolidasyon ng mga sonang gerilya. Ang mas mataas na antas ng konsolidasyon ng mga baseng gerilya ay makikita sa pag-iral ng mga komiteng rebolusyonaryo sa antas-baryo at interbaryo (munisipal) at ng mga lokal na seksyon at sangay ng Partido, ng ganap na pag-unlad ng mga organisasyong masa, ng tagumpay ng kampanya sa reporma sa lupa at iba pang kampanya at ng kumpyansa ng isang angkop na laking yunit ng hukbong bayan na magbase sa baryo o kulumpon ng mga baryo.

Ang mas mababang antas ng konsolidasyon ng mga larangang gerilya ay nakikita sa pag-iral ng mga komite sa pag-oorganisa ng baryo, kawalan ng lokal na sangay ng Partido, paunang antas ng pag-oorganisa at mga kampanyang masa at ng relatibong malayang pagpasok at paglabas kapwa ng mga rebolusyonaryong pwersa at pwersa ng kaaway. Hindi habampanahon ang pagiging sonang gerilya, ito’y nasa proseso ng pagiging baseng gerilya. Maaaring maging lubos na konsolidado ang dalawa o higit pang magkakanugnog na larangang gerilya at mabuo ang mga relatibong istableng baseng purok sa hinaharap. Sa pagtakbo ng gawain, maaaring lumitaw ang relatibong istableng mga baseng purok mula sa dalawa o mahigit pang bilang ng magkakanugnog na larangang gerilya na mataas na mataas na ang antas ng konsolidasyon.

Ang pagbubuo ng baseng gerilya ay kinakailangang bahagi ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Kung wala ito, hindi makasusulong ang rebolusyon. Responsibilidad ng mga namumunong komite ng Partido at ng kumand ng BHB sa antas ng rehiyon, subrehiyon at larangan na tukuyin ang mga lugar na pinakapaborable para itayo ang mga rebolusyonaryong baseng purok sa batayan ng pisikal, panlipunan at pampulitikang tereyn pati na ng kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa lugar. Dapat magkaroon ng kinauukulang deployment ng mga yunit ng BHB upang salaminin ang mga prayoridad sa pagbubuo ng mga baseng gerilyang purok at ang kaugnayan nito sa mga sonang gerilya.

Napakahalaga na itaas ang bilang ng mga larangang gerilya at hikayatin ang mga lokal na sangay ng Partido, ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang mga organisasyong masa, ang mga milisyang bayan at yunit sa pansariling depensa na ipatupad ang mga gawain at magsagawa ng mga kampanya para sa kapakinabangan ng mamamayan. Gayon, maaaring magtalaga ang BHB ng mga yunit para sa kombat at maglunsad ng mga opensibang mas maiksi ang panahon ng pahinga. Ang mga yunit na nagkokonsentra sa gawaing pangkombat sa isang panaho’y pwedeng irelyebo sa mga gawaing di pangkombat, tulad ng mga pulitiko-militar na pagsasanay, gawaing masa, produksyon at gawain sa kultura. Kaya mapananatili nila ang malapit na ugnayan sa mamamayan.

Sa kanayunan at kalunsuran, dapat palaging pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan. Para rito, dapat nating intindihin at sapulin ang nagkakaisang prente bilang sandatang rebolusyonaryo na katuwang ng armadong pakikibaka. Higit sa lahat, ito ang paraan para palakasin ang mga batayang pwersa ng rebolusyon at para din akitin ang panggitna at pang-intermedyang pwersa at samantalahin din ang mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo upang ihiwalay, siraan, pahinain at wasakin ang kapangyarihan ng kaaway. Ito ang pinakamabilis na paraan para abutin at impluwensyahan ang milyun-milyong mamamayan, kabilang yaong di pa naoorganisa at naiimpluwensyahan pa ng mga pwersang di-rebolusyonaryo.

Itinatakda ng nagkakaisang prenteng antipyudal ang pagsandig ng Partido at uring manggagawa pangunahin sa mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid, ang pagkabig sa mga panggitnang magsasaka, ang pagnyutralisa sa mayayamang magsasaka at ang pagsasamantala sa hidwaan sa pagitan ng naliliwanagan at ng mga despotikong panginoong maylupa upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng ng malalaki at despotikong panginoong maylupa na may sariling mga pribadong armadong gwardya at ugnayan sa mga reaksyunaryong armadong pwersa at pulis na kanilang kinokontrol at ginagamit sa pamamagitan ng hawak nilang poder sa pulitika. Labis na kinasusuklaman ang mga pampulitikang dinastiya ng mga panginoong maylupa. Lugud na lugod ang malawak na masa tuwing nakikita nilang binabaklas ng BHB ang malawak na yaman ng mga dinastiyang ito, sinasamsaman ng armas ang kanilang mga pribado at bigay-ng-estadong mga gwardya at tinatambangan ang mga tirano kapag bumibyahe.

Mapagpasya ang papel sa rebolusyon ng nagkakaisang prenteng antipyudal dahil nagsisilbi ito sa rebolusyong agraryo at sumasagot sa kahilingan ng mga magsasaka para sa lupa, na siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Subalit nasa balangkas ng anti-imperyalista at antipyudal na nagkakaisang prente na pangunahing nakasasandig ang Partido at uring manggagawa sa batayang alyansang manggagawa-magsasaka, nakakabig ang petiburgesya ng kalunsuran, ibayong nakakabig ang pambansang burgesya at nasasamantala ang hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryong uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng kaaway, mapa iyo’y ang pinakareaksyunaryong pwersa o isang dayong mananakop. Ang paglaban sa kaaway anumang panahon sa pamamagitan ng pambansang nagkakaisang prente ay pagpukaw at pagpapakilos sa malawak na masa ng mamamayan laban sa kasalukuyang kaaway at nasa direksyon ng pagbabagsak sa buong naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Mabuti na ang mga ligal at nasa kalunsurang pwersang patriyotiko at progresibo ay determinado na pukawin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng mamamayan laban sa idinidirihe ng US na rehimeng Aquino. Kailangang gamitin dito ang malawak na nagkakaisang prente. Dalawang ulit nang napatunayan sa kasaysayan na maaaring ibagsak ang presidente ng reaksyunaryong gubyerno. Hindi pa man sapat ang lakas ng kilusang masa para ibagsak ang buong naghaharing sistema subalit nagtagumpay ito sa pagbabagsak ng pasistang rehimeng Marcos at sa korap na rehimeng Estrada. Muntik itong magtagumpay sa pagbabagsak sa rehimeng Arroyo.

Dapat mulat na magplano ang demokratikong kilusang masa ng komprehensibo, malawak at maigting na kampanya para patalsikin ang rehimeng Aquino sa darating na dalawang taon bago ang eleksyon sa pagkapresidente sa 2016. Dapat nilang puspusang ilantad at labanan ang pagkapapet, brutalidad, pagsisinungaling at korapsyon ng naghaharing rehimen. Dapat may todo-todong pagsisikap na abutin ang milyun-milyong mamamayan sa pamamagitan ng malawak na gawaing propaganda at edukasyon.

Dapat may papalaking mga demonstrasyon ng malawak na masa ng mga manggagawa, estudyante, malaproletaryado at karaniwang mga empleyado. Dapat ilunsad ang mga demonstrasyon sa antas ng mga kampus o inter-kampus, sa mga komunidad o inter-komunidad at inter-munisipalidad upang bigyan ng pagkakataon ang mamamayan na ihayag ang kanilang protesta laban sa rehimeng Aquino at igiit ang kanilang mga kahilingan para sa umento sa sahod, pagbababa ng presyo, libreng edukasyon, libreng serbisyong pangkalusugan at iba pang pambansa at demokratikong kahilingan. Ang mga biktima ng kriminal na kapabayaan sa mga lugar na sinalanta ng nagdaang malalakas na bagyo ay dapat maramihang mag-alsa. Paglao’y matitipon ang lakas ng malawak na mga protestang anti-Aquino upang magluwal ng mas malalaking koordinadong demonstrasyong masa.

Dapat nilang pukawin ang mamamayan na magsagawa ng tuwirang mga aksyong pampulitika bilang lehitimong paraan ng pagbabago ng rehimen laban sa simpleng paghihintay sa susunod na eleksyon sa pagkapresidente na malamang ay muling makokontrol ng naghaharing paksyong Aquino. Sa gayo’y napalalakas ang rebolusyonaryong kilusang masa para sa mas matagalang pakikibaka para ibagsak ang buong naghaharing sistema.

Itinataas nang itinataas pa ng imperyalismong US ang antas ng panghihimasok nito sa Pilipinas sa tabing ng panggegera sa terorismo at pagpigil sa China. Sa pagsulong ng digmang bayan tungo sa antas ng estratehikong pagkapatas, lalo pang itataas ng US ang antas ng panghihimasok-militar at magbabantang maglunsad ng gerang agresyon laban sa mamamayang Pilipino. Pero lumikha na ang US at iba pang imperyalistang kapangyarihan ng napakaraming armadong tunggalian sa ibang bansa; at ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay nagluluwal ng armadong paglaban sa pandaigdigang saklaw. Ang armadong rebolusyon sa iba’t ibang panig ng mundo ay magbababa ng kakayahan ng US na ipanalo ang isang gerang agresyon sa Pilipinas.

Mga tungkulin sa paglaban

Isaad natin sa maikling paraan ang mga tungkulin sa paglaban na dapat isakatuparan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan, ng mga organisasyong masa, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng malawak na masa ng mamamayan.

1
Pagkaisahin ang mamamayang Pilipino sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan laban sa imperyalismong US at sa mga lokal na naghaharing uri.

Sa pamumuno ng uring manggagawa at Partido nito, dapat magkaisa ang mamamayang Pilipino sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismong US at lokal na naghaharing uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Dapat silang pukawin, organisahin at pakilusin upang harapin ang lahat ng mayor na kagyat at pangmatagalang usapin at maglunsad ng lahat ng anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka upang makamit ang lubos na pambansang paglaya at demokrasya.

2
Magsikhay na patalsikin ang idinidirihe ng US na rehimeng Aquino at parusahan ito sa mga krimen laban sa mamamayan at palakasin ang rebolusyonaryong kilusan!

Dapat magsikhay ang demokratikong kilusang masa na patalsikin ang rehimeng US-Aquino. Kasabay nito, dapat paigtingin ng BHB ang mga taktikal na opensiba upang ipakita ang suporta sa mamamayan at mga pwersang patriyotikong tumitindig sa dakilang pagsisikap na patalsikin ang rehimen. Dapat puspusang sikapin ng mamamayan na patalsikin ang rehimen sa relatibong maiksing panahon ng dalawang taon at pigilan ang pagpapanatili nito sa poder sa pamamagitan ng eleksyon. Dapat ibayong magpalakas ang kilusang masa para sa haharapin pang pakikibaka laban sa naghaharing sistema. Nakapagpapalakas ang rebolusyonaryong kilusang masa sa pakikibaka para patalsikin si Aquino sa pamamagitan ng paghikayat sa abanteng seksyon ng mga aktibista na sumapi sa Partido at maglingkod sa Bagong Hukbong Bayan o bumalikat ng iba pang tungkuling rebolusyonaryo.

3
Matatag na panghawakan ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan.

Ang armadong pakikibaka ang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka para ibagsak ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupang sunud-sunuran sa imperyalismong US. Dapat patuloy nating panghawakan ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan. Tumutugma ito sa katangian at palagiang krisis ng naghaharing sistema ng mga kumprador at asendero. Nagawa ng Bagong Hukbong Bayan at iba pang rebolusyonaryong pwersa na magpreserba ng sarili, hakbang-hakbang na lumago at sumulong sa kabila ng malalaking hamon.

4
Tuparin ang kasalukuyang estratehikong plano ng pagsulong mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas!

Dapat magpatuloy tayo sa landas ng pagtupad sa estratehikong planong pagsulong mula sa estratehikong depensibo tungo sa estratehikong pagkapatas. Upang maisakatuparan ang plano, nariyan ang Partido na sa buong bansa’y malalim na nakaugat sa masang anakpawis at sa subok sa labanan, matapang at sanay na mga Pulang kumander at mandirigma. Dapat patuloy na agawin at hawakan ng Bagong Hukbong Bayan ang inisyatiba laban sa armadong pwersa ng kaaway. Dapat tiyakin ng Partido na ang mga abanteng larangan, subrehiyon o rehiyon ay nakatutulong sa pagpapalawak o pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa sa ibang larangan, subrehiyon o rehiyon.

5
Ibayong paunlarin ang pakikidigmang gerilya at paigtingin ang mga taktikal na opensiba.

Dapat patuloy na isulong at paunlarin ang maigting at masaklaw na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Dapat patuloy nating labanan ang konserbatismo, agawin at hawakan ang inisyatiba sa pamamagitan ng pagmamantine ng modang opensibo. Dapat sagpangin ng BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang lahat ng pagkakataon na biguin ang kaaway. Paalun-alon nating pinalalawak at kinokonsolida ang ating lakas. Dapat makapaglunsad ang mga kumand ng BHB at milisyang bayan ng mga lakas-pangkat hanggang lakas-kumpanyang taktikal na opensibang naglalayong samsamin ang mga sandata at kagamitang militar ng kaaway. Kaalinsabay nito, dapat tayong maglunsad ng ilang mga operasyong kumando na magsisilbing matingkad na pagpapakita ng ating paglakas. Makapagpapakat tayo ng papalaking mga yunit-gerilya sa pagsamsam natin ng mas maraming armas mula sa kaaway. Ang posibilidad ng regular na digmang makilos ay nakasalalay sa tagumpay natin sa pakikidigmang gerilya.

6
Isulong ang reporma sa lupa bilang pangunahing laman ng demokratikong rebolusyon!

Dapat nating tuparin ang angkop at kinakailangang programa para sa reporma sa lupa sa iba’t ibang purok. Ang pinakalayunin ay tuparin ang rebolusyong agraryo bilang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Dapat nating baklasin ang malalawak na lupain, ang mga nangangamkam na mga plantasyon at mga pastuhan para mas malawak ang lupa para sa reporma sa lupa. Dapat nating wasakin ang mga empresa sa pagtotroso at plantasyon at operasyong pagmimina na pang-eksport dahil sanhi ito ng pagguho ng lupa, mga pagbaha at paglason ng mga sapa. Sinisira nito ang agrikultura, pangingisda at iba pang anyo ng kabuhayan ng mamamayan.

7
Palawakin at patatagin ang baseng masa at paramihin ang mga larangang gerilya!

Dapat nating palawakin at patatagin ang baseng masa. Dapat nating paramihin ang mga larangang gerilya nang paalun-alon o sa pagbubuo ng mga pangkat para maghanda ng mga larangang gerilya. Dapat nating buuin ang mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, bata at mga aktibistang pangkultura. Dapat itatag ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika mula sa antas-baryo paitaas. Dapat din nating itayo ang mga milisyang bayan bilang mga pulis sa baryo at ang mga yunit sa pansariling depensa ng mga organisasyong masa. Ang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo o inter-baryo ay dapat magsabalikat ng papalaking mga tungkuling pang-estado sa balangkas ng pagsusulong ng pakikidigmang gerilya laban sa kaaway. Ang mga yunit ng hukbong bayan ay maaaring maglunsad ng mas maraming mga taktikal na opensiba kung tutuparin ng lokal na sangay ng partido, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng mga organisasyong masa ang mga tungkuling di pangkombat. Batid ang pag-iral ng dalawahang kapangyarihang pampulitika at ng pulu-pulong tereyn ng digmaan, ang mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa mga baseng gerilya ay dapat magpakadalubhasa sa pagkukumbina ng ligal at iligal na mga anyo ng pakikibaka upang ipagtanggol ang mga organisasyong masa at ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang mga pagsulong sa ekonomya pati na ang mga tagumpay sa panlipunan, pangkultura at iba pang larangan.

8
Maghanda laban sa ibayong panghihimasok at agresyon ng US.

Dapat nating kundenahin at labanan ang papatinding panghihimasok-militar ng US. Dapat nating ihanda ang mamamayan at ang ating mga pwersa laban sa posibilidad ng isang gerang agresyon ng US sa pagsulong ng digmang bayan. Dapat nating itaguyod ang isang pambansang nagkakaisang prente laban sa imperyalismo at paigtingin ang ating pakikibaka laban sa mga papet at taksil na determinadong ibenta ang pambansang patrimonya, at bigyang-laya ang mga dayuhang kapitalista na walang-sagkang magpatakbo ng mga negosyo at magmay-ari ng lupa, bigyang-laya ang militar ng US na muling itayo ang mga dayuhang base militar nito na suportado ng pondo ng AFP at magpakat ng mga tropa at pasilidad nito sa loob ng bansa taliwas sa pambansang soberanya at integridad panteritoryo.

9
Kunin ang suportang internasyunal para sa rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng mga Pilipino sa ibayong-dagat!

Dapat makiisa at aktibong sumuporta tayo sa mga kababayan natin na napwersa ng kahirapan na lisanin ang bansa at kanilang mga pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa. Dapat natin silang tulungan na ipaglaban ang karapatan nila sa ibang bansa dahil nagdurusa sila sa pagsasamantala, diskriminasyon at pang-aapi. Binubuo nila ang 10% ng populasyon ng Pilipinas at nasa mahigit 100 bansa. Dapat natin silang pukawin, organisahin at pakilusin sa ibang bansa at ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas upang lumahok sa rebolusyonaryong kilusang masa.

10
Mag-ambag sa pakikibaka ng proletaryado at mamamayan laban sa imperyalismo, para sa demokrasya at muling pagsigla ng sosyalistang pakikibaka!

Ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan, ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at iba’t ibang mga organisasyong masa ay dapat mag-ambag ng makakaya nila para sa muling pagpapasigla at ibayong pagpapalakas ng anti-imperyalista at demokratikong kilusan at ang kilusang komunista sa buong mundo. Dapat nilang panatilihin at ibayong paunlarin ang naitatag nilang mga relasyon ng pagkakaisa. Ang Partido at proletaryong Pilipino ay may espesyal na tungkulin na itaguyod at paunlarin ang proletaryong internasyunalismo katuwang ang internasyunal na kilusang komunista.


1 Ang “stagflation” ay termino na nagmula sa pinagsamang salitang “stagnation” at “inflation” para ilarawan ang sitwasyong may inflation (o pagtaas ng presyo) pero mababa ang tantos ng pag-unlad ng ekonomya at mataas ang disempleyo.
2 Ang “structural adjustment program” ay mga kundisyong ipinapataw ng International Monetary Fund at World Bank sa mga bansang may utang. Kabilang sa mga kundisyong ito ang pagbabawas ng badyet sa kalusugan at edukasyon, pagsagka sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, pribatisasyon ng mga empresang pampubliko, debalwasyon o pagpapababa ng halaga ng lokal na salapi kontra sa dolyar at iba pa.
3 Noong ikalawang hati ng dekada 1980, ang ekonomya ng Japan ay artipisyal na pinasigla ng pagpaimbulog ng presyo ng real estate (mga gusali, bahay, upisina, condominum) at mga bono. Nagsimula naman noong 1991 ang pagbagsak ng presyo ng real estate, na nagresulta sa lubhang pagkalugi ng mga bangko.
4 Ang Yugoslavia ay isang pederal na bansang dating kabilang sa bloke ng dating Soviet Union. Sinulsulan ng US at iba pang mga imperyalistang kapangyarihan ang nasyunalismo at malao’y inarmasan ang grupong kumakatawan sa dalawang pangunahing nasyunalidad na naggiit ng awtonomya ng kani-kanilang bansa. Ang dating Yugoslavia ay binubuo ngayon ng mga bansang Croatia, Slovenia, Bosnia and Herzegovina, Serbia, Montenegro at ilan pang maliliit na bansa.
5 Ang pinansyalisasyon ay paglalarawan sa ekonomya kung saan mas nagiging malaki ang papel ng mga pampinansyang institusyon at mga instrumento (bono, stock, sangla atbp) kumpara sa industriyal na aspeto ng ekonomya na nagpoprodyus ng tunay na halaga. Nag- nagreresulta ito sa mga bula o ilusyon ng pag-unlad na madali rin namang naglalaho.
6 Ang “ownership society” ay prinsipyong itinaguyod ng Republican Party sa US kung saan iginigiit nito ang “personal na responsibilidad” at “kalayaan mula sa estado” para bigyang-matwid ang mga patakaran ng pagbawas ng gastusin sa pampublikong kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan, pagkaltas ng pondong panseguridad ng mga walang hanapbuhay, at iba pa.
7 Ang “monetary easing” ay mga hakbangin ng isang gubyerno, sa pamamagitan ng kanyang bangko sentral na ibaba ang interes sa pautang o itaas ang suplay ng salapi sa pamilihan sa layong hikayatin ang paglakas ng pagkonsumo o pamumuhunan.
8 Ang salaping inililimbag ng gubyernong US sa ilalim ng “quantitative easing” ay ginagamit upang ipambili ng mga bono at stock at para gamitin ng malalaking bangko para di ito sumadsad sa krisis.
9 Ang Washington Consensus ay tumutukoy sa pakete ng mga patakarang neoliberal na iginigiit ng International Monetary Fund, World Bank at US Treasury Department, na solusyon sa mga bansang dumaranas ng krisis. Kabilang sa mga patakarang ito ang pribatisasyon ng mga empresa ng estado, liberalisasyon ng kalakalan, laluna ang pag-aangkat, liberalisasyon ng pamumuhunan at iba pa.
10 Upang makapagpalitaw ng pondo, nagbebenta ang gubyerno sa Pilipinas ng mga tinaguriang Treasury Bonds, na walang iba kundi papeles na nagsasaad na babayaran ng gubyerno ang sinumang bumili nito sa interes na karaniwang mas mataas sa mga bangkong komersyal.
11 Ang “hot money” o portfolio investment ay tumutukoy sa dayuhang kapital na ipinupuhunan sa lokal na stock market o pagbili ng mga bono at iba pang mga pampinansyang papeles (tulad ng pautang ng gubyerno).
12 Ang Forbes ay isang tanyag na pangkapitalistang magasin sa US.