Hinggil sa alitan sa karagatan ng Pilipinas at China

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, CPP

Interview by ROSELLE VALERIO, Liberation International
April 23, 2014

Translation: Concerning the maritime dispute of the Philippines and China

Nilalabag ng 9-dash line ng China na umaangkin ng di mapasusubaliang soberanya sa 90% ng South China Sea ang UN Convention on the Law of the Sea at ninanakaw ang 80% ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas at 100% ng Extended Continental Shelf nito.

1. Bakit mo sinusuportahan ang reaksyunaryong estado ng Pilipinas sa paggamit ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa pagpupursige ng kaso ng arbitrasyon laban sa China sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS), sa partikular sa Arbitral Tribunal na nakabase sa The Hague?

JMS: Ang sinuportahan ko ay hindi ang reaksyunaryong estado ng Pilipinas kundi ang paggamit ng UNCLOS at pagtataguyod ng soberanong karapatan ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino sa 200-milyang Exclusive Economic Zone (EEZ) sa dagat maging sa extended continental shelf (ECS) na dagdag na 150 milya sa dagat mula sa laylayan ng EEZ. Kung kaya, hinimok ko na maagap na umakto ang gubyerno ng Pilipinas sa usapin.

Nagkataong ang estado ng Pilipinas ang may ligal na personalidad na ipursige ang kaso sa ITLOS. Mainam na nagsampa ito ng kaso ito kontra sa China sa UNCLOS noong Enero 2013 at hinarap na ng ITLOS ang kaso para sa pagdinig ng isa sa apat na mekanismo nito, ang Arbitral Tribunal na nakabase sa The Hague. Noong Marso 30, 2014 ang Department of Foreign Affairs ng Pilipinas ay nagsumite na ng Salaysay nito sa Arbitral Tribunal na siyang dumidinig ng kaso.

Ipinamamarali ng China ang “di mapasusubaliang soberanya” sa 90% ng South China Sea sa ilalim ng tinaguriang 9-dash line na mapa na paglabag sa UNCLOS. Magpagkunwari itong nanawagan ng mapayapang negosasyon at konsultasyon sa usaping itinuturing nitong di pwedeng isailalim sa negosasyon at nanawagang isaisantabi ang alitan at buuin ang mga magkasamang proyektong pangkaunlaran sa EEZ at ECS ng Pilipinas. May ilang panahon nang ang nagbabagong punto ng China ay ikutan at paralisahin ang Pilipinas para sumang-ayon sa huwad na pag-angkin ng China at pigilan ang paghaharap ng isang kasong ligal sa ITLOS sa ilalim ng UNCLOS.

Kung pahihintulutan ang China na lapastanganin ang UNCLOS at angkinin ang 90 porsyento ng South China Sea sa ilalim ng tinaguriang 9-dash line na mapa, mawawalan ang Pilipinas ng 80 porsyento ng EEZ nito sa West Philippine Sea, kabilang ang Reed Bank at maging ang Malampaya. Mawawala rin ang lahat ng ECS nito. Sa aktwal ay nawala na sa atin ang Mischief Reef at ang Scarborough Shoal bunsod ng sa aktwal ay agresyong Tsino.

Anumang katangiang pulitikal at panlipunan ng kasalukuyang gubyeryo na kumakatawan sa Pilipinas sa mga komunidad ng estado, dapat itaguyod ng sambayanang Pilipino at lahat ng patriyotiko at progresibong pwersa ang pambansang soberanya at pangalagaan ang teritoryal na integridad ng Pilipinas, kabilang ang soberanya sa teritoryong-dagat at panloob na katubigan at ang soberanong karapatan sa EEZ at ECS. Ito ay mga saligang punto sa prinsipyo na nasa Programa ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan.

2. Masasangkot sa kasong arbitrasyon ang alitang pangkaragatan kaysa sa alitang teritoryal. Bakit isang alitang pangkaragatan? Ano ang mga implikasyon at kahihinatnan nito?

JMS: Totoong kapwa may soberanong karapatan ang Pilipinas at China sa kani-kanilang EEZs sa ilalim ng UNCLOS lampas sa kani-kanilang 12-milyang teritoryal na karagatan mula sa kani-kanilang baybayin. Ang EEZs, kabilang ang mga ECS, ng parehong bansa ay hindi nagsasalimbayan at magkalayo sa isa’t isa nang halos daan-daang milyang notikal. At ibinasura na ng UNCLOS ang tinaguriang karapatang istoriko ng China sa maliliit na isla, bahura at buhanginan sa labas ng EEZ at ECS nito. Gayunpaman, ang tinaguriang istorikong karapatang ito maliban sa isla ng Hainan ay hindi wasto at walang batayan kahit sa panahon bago pa nabuo ang UNCLOS.

Ang kaso ng Pilipinas na isinampa sa ITLOS ay isang alitang pandagat. Hindi ito tungkol sa alitan sa teritoryo o kaso ng hangganan sa karagatan, na hindi saklaw ng UNCLOS at lampas sa hurisdiksyon ng ITLOS. Ang nais lamang ng Pilipinas sa kasong ligal ay isang simpleng desisyon ng korte na walang nagsasalimbayang EEZ at ECS sa pagitan ng Pilipinas at China at walang anumang dahilan ang China na hadlangan o makialam sa pagtatamasa ng Pilipinas ng soberanong eksklusibong karapatan nito sa sarili nitong EEZ at ECS.

Walang anumang alitan sa teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China na sangkot ang usapin ng soberanya o pag-aari sa mga teritoryong lupain, gaya ng mga isla o ibang isla kapag taib. Ang mga batuhan at bahura na nasa ilalim ng tubig kapag taib ay hindi maaaring ikonsiderang lupain na magiging usapin ng alitan sa teritoryo. Dapat wastong ipailalim ito sa alitang pandagat na pinamamahalaan ng UNCLOS.

Sa ilalim ng UNCLOS, ang mga alitang pandagat sa hanay ng mga estadong nakalagda sa batas gaya ng Pilipinas at China ay nakapailalim sa sapilitang arbitrasyon. Kabaligtaran nito, ang alitang teritoryo ay maaaring isalang sa arbitrasyon lamang kung sang-ayon ang dalawang magkatunggaling estado.

Sang-ayon sa mahistrado ng Korte Suprema na si Antonio Carpio na nagsagawa ng mahusay na ligal na pag-aaral sa usapin, ang kaso ng arbitrasyon ng Pilipinas kontra China ay isang alitang pandagat lamang. Hindi ito kinasasangkutan ng anumang alitan sa teritoryo. Itinatanong ng Pilipinas sa korte kung maaaring balewalain ng 9-dash line ng China ang EEZ na garantisadong sa Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS. Itinatanong din ng argabyadong estado sa korte kung ang mga batuhang nakalitaw kapag taib, tulad ng Sacrborough Shoal, ay lumilikha ng isang 200-milyang notikal na EEZ o isang 12-milyang notikal lamang na karagatang teritoryal. Dagdag na tanong ng Pilipinas sa korte kung maaaring isanib ng China ang low-tide elevations (LTEs – mga pormasyong nakalubog sa tubig kapag taib), tulad ng Mischief Reef at Subi Reef, sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

3. Alam ng buong mundo kung paano buong pagmamalaking inaangkin ng China ang halos buong South China Sea sa ilalim ng “di-mapapasubaliang soberanya” nito, kung paano sa usapin ito ipinapahayag nito ang paglapastangan sa anumang prosesong hudisyal at paano ito nakapaghahari-harian at agresibong umuokupa sa maliliit na isla at batuhan sa loob ng EEZ ng Pilipinas. Subalit sa usaping ligal, paano ang reaksyon ng China sa kaso ng arbitrasyon na isinampa ng Pilipinas? At paano tumutugon dito ang Pilipinas?

JMS: Determinado ang China na iwasan ang paglahok sa mga paglilitis ng Arbitral Tribunal. Iginiggit nito na hindi saklaw ng Arbitral Tribunal ang kasong isinampa ng Pilipinas dahil sa diumanong dalawang dahilan: una, maaaring ipursige ng China ang sapilitang arbitrasyon dahil ang alitan ay kinasasangkutan ng pagtatakda ng hangganang pandagat na lumilitaw mula sa nagsasalimbayang EEZ ng Pilipinas at China, na nangangailangan ng pag-sang-ayon ng magkabilang-panig para litisin; at ikalawa, ang 9-dash line na pag-angkin ng China ay istorikong karapatan na mas nauna sa UNCLOS at hindi maaaring balewalain ng UNCLOS.

Ang tugon ng Pilipinas ay, ang karagatang saklaw ng 9-dash line ng China ay hindi bumubuo ng EEZ dahil ang nasabing linya ay hindi iginuhit mula sa baybayin ng China o anumang isla nito. Hindi sumusunod ang 9-dash line ng China sa UNCLOS para malikha ang EEZ. Ang totoo’y wala namang EEZ ng China ang sumasalimbay sa EEZ ng Pilipinas. Relatibo sa lugar ng Scarborough, ang hangganan ng China ay nasa baybayin ng isla ng Hainan, na 580 NM mula sa Luzon o nasa baybayin ng China mismo, na 485 NM milya mula sa baybayin ng Zambales sa Luzon na nakaharap sa Scarborough Shoal. Kahit ang Paracels na hawak ng China ay 480 milya mula sa Luzon.

Ang mga Low-tide elevations (LTEs) sa Spartlys na nasa 200 milyang notikal na EEZ ng Pilipinas, tulad ng Mischief Reef at Subi Reef, ay saklaw ng soberanong karapatan ng Pilipinas. Sa ilalim ng UNCLOS, ang Pilipinas lamang ang maaaring magtayo ng mga istruktura dito. Walang anumang karapatan ang China na okupahin at magtayo ng mga istruktura sa anumang LTE na nasa EEZ ng Pilipinas.

4. Paano sinasagot ng Pilipinas ang paggamit ng China ng istorikong karapatan na angkinin ang halos buong China Sea at maging ang mga islang matitirahan (gaya ng Paracels) na dating ipinagkaloob sa Vietnam sa San Francisco Peace Conference noong 1951 at ang maliliit na isla, buhanginan at bahura na di matitirahan na nasa EEZ ng Pilipinas at ibang bansa?

JMS: Ang namamayaning pananaw, kundi man pananaw ng lahat, sa hanay ng mga iskolar na di-Tsino hinggil sa batas ng karagatan ay ang “istorikong karapatan” ng China sa karagatan na nasa 9-dash lines sa South China Sea ay walang-walang batayan sa ilalim ng internasyunal na batas. Una sa lahat, pinatay na ng UNCLOS ang lahat ng istorikong karapatan ng ibang estado sa loob ng EEZ ng isang estadong nasa tabing dagat. Kung kaya, ang terminong “eksklusibo” ay ginamit upang ipakahulugan ang soberanong karapatan ng isang estadong nasa baybayin sa ekskulsibong sonang ekonomiko nito. Ang karapatang mangisda na dating tinamsa ng mamamayan mula sa Hainan, Taiwan at Japan sa EEZ ng Pilipinas ay awtomatikong kinitil sa pagiging epektibo ng UNCLOS. Hindi pinahihintulutan ng UNCLOS ang anumang estado na gamitin ang istorikong karapatan upang angkinin ang EEZ at ECS ng ibang estadong nasa baybayin.

Ipinakikita ng tala ng kasaysayan na walang anumang estadong nagsasabi, lampas sa 12-notikal na milya ng teritoryal na karagatan, na ang South China Sea ay internal na karagatan o teritoryal na karagatn nito, kundi noong 1947 nang lokal na ilabas ng China ang 9-dash line na mapa nito at noong 2009 nang upisyal na pinaabutan ng China ang daigdig ng 9-dash line na pag-angkin nito at isinumite ang 9-dash line na mapa sa Pangkalahatang Kalihim ng United Nations. Walang bansa bukod sa China ang kumilala sa pagiging balido at epektibidad ng 9-dash line na pag-angkin ng China. Hindi kailanman epektibong ipinatupad ng China ang pag-angkin nito sa pagitan ng 1947 at 1994 kung kailan nagkabisa ang UNCLOS, at maging pagkatapos. Sa labas ng talagang teritoryal na karagatan ng China, malayang nakatatawid ang mga barko sa South China Sea at nakalilipad ang mga eroplano dito nang hindi humihingi ng permiso mula sa China.

Ang karagatang saklaw ng 9-dash line ng China ay hindi maaaring maging bahagi ng EEZ o ECS ng China dahil lampas na ito sa hangganan ng EEZ at ECS ng China na iginuhit mula sa hangganang baybayin ng China sang-ayon sa UNCLOS. Ang mga karagatang ito ay hindi maibibilang sa sonang pangkaragatan – internal na karagatan, teritoryal na karagatan, EEZ at ECS – na kinikilala ng internasyunal na batas o UNCLOS. Hindi naman ipinaliwanag ng China sa mundo kung saang uri ng karagatan maibibilang ang mga tubig sa ilalim ng 9-dash line. Paulit-ulit lamang nitong itinatambol na mayroon itong “di-mapasusubaliang soberanya” sa mga karagatang ito sa pamamagitan ng “istorikong karapatan.”

5. Tinatawanan mo ang “istorikong karapatan” ng China na mayroong itong “di-mapasusubaliang soberanya” sa buong South China Sea sa pamamagitan ng pagkumpara rito sa ambisyon ng pangangamkam ni Mussolini upang muling angkinin ang mga teritoryo na dating kabilang sa lumang imperyong Romano. Masasabi mo bang makatutulong ito upang suriin at patunayan ang makatotohanang batayan ng “istorikong karapatan” na ginagamit at iginigiit ng China upang ibasura ang aroganteng pagsasabing may “di-mapasusubaliang soberanya” ito sa South China Sea.

JMS: Makatutulong talagang suriin at patunayan ang makatotohanang batayan ng pagkakaroon ng China ng soberanya sa South China Sea bilang isang usapin ng “istorikong karapatan”. At sa proseso, matatawa ka. Halimbawa, sinasabi ng China na para sa mga Tsino, ang Scarborough Shoal o ang isla ng Huangyan ay ang isla ng Nanhai na binista noong 1279 diumano ng Tsinong astronomista-inhenyero-matematisyan ng ika-13 siglo na si Guo Shoujing, sa atas ni Kublai Khan, ang unang emperador ng Dinastiyang Yuan, upang magsarbey ng Four Seas (Apat na Karagatan) para maapdeyt ang sistema ng kalendaryo ng Dinastiyang Sung.

Subalit sa dokumentong may titulong "China's Sovereignty Over Xisha and Zhongsa Islands Is Indisputable" (Hindi Mapasusubalian ang Soberanya ng China sa mga Isla ng Xisha at Zhongsa) na may petsang Enero 30, 1980, upisyal na idineklara ng Ministry ng Foreign Affairs ng China na ang isla ng Nanhai na binisita ni Guo Shoujing noong 1279 ay nasa Xisha o internasyunal na tinatawag na Paracels, isang grupo ng mga isla na mahigit 380 milyang notikal mula sa Scarborough Shoal. Kung gayon, ibinasura mismo at inihinto na ng China ang pag-angkin sa buhanginan. Ang pag-angkin ng China sa buhanginan ay naging katawa-tawa nang ilarawan sa diumanong kwento ng kasaysayan ang pagdaong ni Guo Shoujing sa isang maliit na bato at pagtatayo rito ng isang na napakalaking observatory na may taas na 12.6 metro.

Ang mapang Murillo ang pinakamatandang mapa sa daigdig na nagpapakita sa Scarborough Shoal na bahagi ng kapuluan ng Pilipinas. Una itong inilabas noong 1734 sa panahon ng kolonyal na Espanyol. Pinamagatan itong Mapa de las Islas Filipinas. Iginuhit ito ng Paring Espanyol na Fr. Pedro Murillo. Malinaw na ipinakikita nito ang Scarborough Shoal, na tinatawag noong Panacot, sa bisinidad ng Zambales. Tinawag ng mga mangingisdang Pilipino ang buhanginan na Panacot at madalas silang dumarayo rito para mangisda.

Ang isa pang malabo at katawa-tawang kwento ng China na ang pinakadulong timog na teritoryo sa South China Sea ay ang James Shoal na 50 milyang notikal mula sa baybayin ng Bintulu, Sarawak, East Malaysia. Ang shoal na ito ay bahurang nakalubog sa tubig nang 22 metro. Ito ay nasa loob talaga ng EEZ ng Malaysia at mahigit itong 950 milyang notikal sa China. Halatang inangkin ng mga lider na Tsino at mga nagmamapa ang James Shoal na pinakadulong timog na teritoryo ng China nang hindi nila ito nakikita. Subalit, muli, nakakatawa ang mga kwentong Tsino na dumadaong ang mga Tsino sa James Shoal para “bumisita”. Katangi-tangi ang James Shoal na siya lamang pambansang hangganan sa daigdig na nakalubog sa dagat at napakalayo sa teritoryal na karagatan ng umaangking estado.

Maraming maling idinagdag sa mapa ng South China Sea na ginawa ng "Inspection Committee for Land and Water Maps" na binuo ng Republika ng China noong 1933. Kinopya lamang ng komite ang mga mapa noon ng mga British at binago ang mga pangalan ng isla sa pamamagitan ng pagsalin dito o literal na pagbansag sa kanila para maging tunog Tsino. Halimbawa, isinalin ang Antelope Reef bilang Linyang at ang Spratly Island ay literal na binansagang Sipulateli. Kinopya rin sa mapang Tsino ang 20 kamalian sa mapang British (na ipinagkamaling mga isla ang di naman mga isla) na iwinasto naman pagkatapos ng mga British na gumagawa ng mapa.

Lahat ng mga upisyal na mapa ng China sa panahon ng mga Dinastiyang Yuan, Ming, at Ching ay kinalala ang isla ng Hainan bilang pinakadulong hangganan sa timog ng China. Hindi binanggit sa mga mapa ng mga dinastiyang ito ang Paracels, ang Spratly, Scarborough Shoal, ang 9-dash lines o ang U-shaped lines. Upisyal na idineklara ng gubyerno ng China sa daigdig noong 1932 na ang “pinakadulong bahagi ng teritoryo ng China sa timog” o hangganan ay ang isla ng Hainan. Sa San Francisco Peace Conference noong 1951, iginiit ng Soviet Union sa ngalan ng China na ang Paracels at ang Spratly ay ipasa sa China subalit ibinasura ang paggiit sa pamamagitan ng botong 48 kontra sa 3 ng mga estado.

Hindi dapat lokohin ng mga Tsino ang sarili nila para isiping pag-aari nila ang buong South China Sea dahil lamang binansagan ito ng gayong pangalan ng mga manlalakbay at mga nagmamapang Europeo. Hindi ito pag-aari ng mga Tsino tulad na hindi pag-aari ng mga Indian ang buong Indian Ocean. Bago pa man isagawa ng admiral ng imperyong Tsino na si Zeng He ang kanyang bantog na paglalakbay sa karagatan mula 1405 to 1433 A.D., ang mga pre-istorikong naninirahan sa Pilipinas ay nangingisda na sa karagatan, na ngayon ay nasa EEZ ng Pilipinas, at mga mangangalakal na Pilipino ay naging mga dalubhasa ng South China Sea sa takbo ng pakikipagkalakalan sa China, Indochina at mga kapatid nilang Malay na ngayon ay ang Indonesia, Kalimantan at Malaysia.

6. May sinulat kamakailan ang isang gurong Tsino mula sa University of Beijing na may karapatan ang China na magmay-ari ng mga isla, maliliit na isla, bahura at buhanginan kahit nasa EEZ ito ng Pilipinas, tulad ng kaso ng mga isla ng British na mga sakop ng Britain kahit na mas malapit sila sa France?

JMS: Hindi talaga binanggit ng mga iskolar na ito ang katotohanang ang mga islang ito ng British na tinirahan ng mga Britsh at kinilala bilang sakop ng British ng mga estado at sa aking pagkabatid, na lahat ng bansa. Maaari rin nilang banggitin ang kolonyal na pag-aari ng Britain sa mga napakalalayong lugar sa kasaysayan ng kolonyalismo at imperyalismong British. Sa pagsisikap na kontrolin ang Malvinas o ang tinatawag na Falkland, ikinumbina ng British ang agresibong paggamit ng pwersang imperyalista at ang pagdedeploy ng mga setler na British.

7. Posible ba at mutwal na makatutulong ba sa Pilipinas at China na magkaroon ng magkasamang proyektong pangkaunlaran sa loob ng eksklusibong sonang ekonomiko ng Pilipinas? Ano ngayon ang mga balakid? Bakit nagpapakita ang China ng agresibong gawi?

JMS: Posible at mutwal na makatutulong ito kung una sa lahat, magkasabay na kikilalanin kapwa ng China at Pilipinas ang kanilang soberanong karapatan sa kani-kanilang EEZ at ECS at pagkatapos ay kagyat na magkakasundo hinggil sa magkasamang proyektong pangkaunlara. Salungat ito sa katwiran kung ang gayong magkasamang pagpapaunlad ay ipaiilalim sa paunang kundisyon ng pagkilala sa “di-mapasusubaliang soberanya” ng China sa ilalim ng 9-dash line na pag-angkin sa halos buong South China Sea.

Ang pagyukod sa gayong paunang kundisyon ay mangangahulugan para sa Pilipinas ng pagsuko at awtomatikong pagkawala ng kulang-kulang 80 porsyento ng EEZ at 100 porsyento ng ECS at malamang, maging ng pagkawala ng karapatan sa malaya at ligtas na paglalayag sa South China Sea. Wala ni isa sa naghahabol na estado sa Spratlys ang tumanggap sa alok ng China ng magkasamang pagpapaunlad dahil sa panunang kundisyon ng pagkilala sa imperyal na pag-angkin ng China ng “di-mapapasubaliang soberanya” sa South China Sea.

Hindi dapat ipagkibit-balikat o balewalain ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino ang mga agresibong aksyon na ginawa na ng China kaugnay sa sakim na pag-angkin na pag-aari nito sa halos buong South China Sea. Sa mga agresibong aksyon nito, inagaw ng China ang Mischief Reef noong 1995 at ang Scarborough Shoal noong 2012. Mas nauna pa, inagaw na nito sa Vietnam ang Paracels noong 1974 at ang Fiery Reef Cross noong 1988. Sa mga indikasyon, tinangkang pwersahin ng China na palayasin ang ilang sundalo ng Philippine marines na sakay ng bulok na brako ng Philippine navy sa Ayungin Reef, isang bahura sa mababang bahagi ng EEZ ng Pilipinas sa Spratlys. Labag sa Batas ng UN ang armadong agresyon.

Dapat maunawaan ng sambayanang Pilipino na simula noong pagkamatay ni Mao, naging kapitalistang bansa na ang China. Bilang neoliberal na kasosyo ng imperyalismong US, hayagang tinangkilik nito ang mga operasyon ng malalaking kumprador tulad ng pagpapalaganap ng sweatshop na nakatutok sa eksport, pribatisasyon ng mga industriya sa kanayunan na itinayo sa panahon ni Mao at ang walang-habas na paggamit ng kapital sa pinansya upang likhain ang sikad ng pribadong konstruksyon at konsumerismo sa hanay ng kulang sa 10 porsyento ng populasyon.

Binago ang proletaryong kapangyarihang pang-estado tungo sa isang burges na kapangyarihang pambansa at ibayong pinaunlad ang baseng industriyal nito, kabilang ang produksyon nito ng mga abanteng sandata. Bagamat relatibong mababa pa rin ang per capita GDP nito (GDP kada tao), isang malaking kapitalistang kapangyarihan na ang China na may mga katangiang pang-ekonomya ng isang modernong kapangyarihang imperyalista at nasa bingit ng isang depinidong uri ng agresyong militar.

8. Sa usaping ligal, anu-ano ang prospek ng kasong arbitrasyon na isinampa ng Pilipinas laban sa China? Anu-ano ang prospek sa usapin ng pulitika at ekonomya? Paano mo ikokonsidera ang ibayong pakikialam ng imperyalismong US sa Pilipinas at ang sabwatan at pagtatalo sa pagitan ng US at China?

JMS: May malaking tsansa na manalo ang Pilipinas sa kaso. Mahusay ang pagdadala sa kaso. Ito ay isang alitang pandagat at hindi isang alitang teritoryal. Inatake nito ang kalokohang pag-angkin ng China na mayroon itong “di-mapapasubaliang soberanya” sa South China Sea. Ang makikinabang ay hindi lamang ang Pilipinas kundi maging ang ibang naghahabol na estado sa EEZ at ECS sa ilalim ng UNCLOS at lahat ng mamamayan ng daigdig na interesado sa malaya at ligtas na paglalayag sa South China Sea sa pamamagitan ng barko o ng eroplano.

Tinataya ko na maglalabas ang mga hukom ng pasya na magbibigay ng benepisyo na binanggit ko at hindi magiging larangan ng agresyon ang South China Sea batay sa lampas-lampas na pag-angkin ng China o ng US. Iginigiit ng China na maaari nitong tutulan ang sapilitang arbitrasyon sa pamamagitan ng pakikipagtalo sa korte na ang kasong isinampa ng Pilipinas sa ITLOS ay hindi isang alitang pandagat kundi alitang teritoryal o alitan sa hangganan sa dagat na hindi saklaw ng UNCLOS at labas sa kapangyarihan ng UNCLOS.

Hindi ito makatatakas sa sapilitang arbitrasyon dahil maaaring ikonsidera at maghapag ng pasya ang korte sa katwiran ng Pilipinas at timbangin ang mga argumentong ibinigay ng China dahil sa di paglahok sa proseso. Kung hindi paborable rito ang pasya ng hukuman, maaaring kumilos ang China nang mas matino sa harap ng internasyunal na komunidad o tumungo sa isang landas ng imperyalistang agresyon.

Ang desisyong paborable sa Pilipinas ay maaaring maging mabuting batayan para sa maaagap na pag-aalok ng pakikipagtulungan sa China at sabihan ang US na itigil na ang pagkukunwari bilang tagapagtanggol ng Pilipinas kontra sa China at ihinto na ang walang-humpay na pandarambong at ibayong panghihimasok-militar sa Pilipinas. Hindi tulad ng US, ang China ay isang bansa na hindi kailanman nagsagawa ng todo-todong agresyon upang lupigin ang Pilipinas. Mayroon itong kakayahan at malamang na kagustuhang tumulong sa Pilipinas na makamit ang pambansang industriyalisasyon sa pamamagitan ng patas at mapagkaibigang relasyong pang-ekonomya at pangkalakalan.

Gayunpaman, dapat laging mapagbantay ang Pilipinas at ang sambayanang Pilipino sa relasyon ng sabwatan at pagtatalo sa pagitan ng US at China sa isang daigdig na nagdurusa sa imperyalismo, neokolonyalismo at sa rebisyunistang pagkakanulo sa sosyalismo at nag-uumpisa pa lamang na muling magpalakas at sumulong ang mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan.

9. Ano ang dapat na maging pangmatagalang pananaw ng sambayanang Pilipino at ng patriyotiko at progresibong pwersa sa pagtataguyod ng pambansang soberanya, teritoryal na integridad at soberanong karapatan sa exclusive economic zone at sa extended continental shelf?

JMS: Dapat nagsasarili ang Pilipinas sa US, China at iba pang kapitalistang kapangyarihan. Para magkaroon sila ng sariling lakas at makuha ang respeto, pakikipagkaisa at pakikipagtulungan ng iba pang mamamayan, dapat ipagtagumpay ng sambayanang Pilipino ang bagong demokratikong rebolusyon at tumungo sa sosyalistang rebolusyon. Dapat nilang kamtin ang pambansang soberanya at demokrasya para sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka, kamtin ang katarungang panlipunan, ilunsad ang reporma sa lupa at ang pambansang industriyalisasyon, tangkilikin ang isang patriyotiko at progresibong kultura at paunlarin ang mapagkaisang relasyon sa lahat ng bansa para sa kapayapaan at kaunlaran.

10. Ano ang maimumungkahi mo bilang materyal sa pag-aaral para maunawaan ang alitan ng Pilipinas at China kaugnay ng sinasabi ng China na di-mapasusubaliang soberanya sa buong South China Sea at maging sa West Philippine Sea, kung saan ang Pilipinas ay mayroong exclusive economic zone (EEZ) at extended continental shelf (ECS) dito?

JMS: Dapat basahin at pag-aaralan ng pinakamasisipag na mag-aral ang 4000-pahinang salaysay ng Pilipinas sa kasong arbitrasyon nito China, na isinumite sa Arbitral Tribunal na nasa The Hague.

Maraming mahuhusay na sulating ligal sa usapin na sinulat ng mga Pilipino at dayuhang eksperto hinggil sa internasyunal na batas at sa batas sa karagatan. Pero para sa karamihan ng mga mambabasa, iminumungkahi ko ang pinakamaigsi ngunit komprehensibo at malalim na babasahin na talumpati ni Senior Justice Antonio Carpio ng Korte Suprema, ang "What's at Stake in Our Case Vs. China" (Ano ang nakataya sa ating Kaso laban sa China), na binigkas sa Philippines Women's Judges Association noong Marso 14, 2014.