Hinggil sa prosesong pangkapayapaan ng GPH-MILF

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines
April 17, 2014

Panayam ni Roselle Valerio,
Liberation International


Translation: On the GPH-MILF peace process

1. Mula sa naunang pusisyon ng paggigiit sa karapatan para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili, hanggang sa pakikipaglaban humiwalay sa estado ng Pilipinas, isinuko ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sarili sa soberanya, konstitusyon at konstitusyunal na proseso ng nasabing estado at kumatig na sa rehiyunal na awtonomya sa ilalim ng estado ng Pilipinas. Totoo ba ito?

Jose Maria Sison (JMS): Mismong ang mga lider ng MILF ang nagkumpirma sa katotohanan ng kanilang mga salita at ginawa. Ang Bangsamoro Basic Law (Saligang Batas ng Bangsamoro) at lahat ng mga kasunduan at mga karagdagang dokumento na nakapaloob sa Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB - Balangkas ng Kasunduan ng Bangsamoro) at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB - Komprehensibong Kasunduan sa Bangsamoro) ay nakapailalim sa Konstitusyon ng 1987 at sa mga prosesong konstitusyunal ng estado ng Pilipinas. Hayagang tiniyak ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH) sa MILF na maaaring mapaloob sa konstitusyon ng Pilipinas ang Bangsamoro Basic Law at ang pampulitikang entidad ng Bangsamoro nang hindi inaamyendahan ang konstitusyon.

Pinabayaan o hindi tinutulan ng MILF ang gayong pagbibigay-katiyakan mula sa paglagda ng FAB noong 2012 hanggang sa ibayong paglagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) ngayong 2014. Pumayag din ang MILF na hindi na maghapag ng pag-amyenda sa konstitusyon ang Bangsamoro Transition Commission kapag hindi na ito umiiral sa panahon ng pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law. Ang negosasyon ng GPH-MILF ay natapos na rin nang lagdaan ang CAB.

Ang Bangsamoro Transition Commission, na siyang naatasang gumawa ng borador ng Bangsamoro Basic Law (BBL), ay nakapagsumite na ng borador ng Bangsamoro Basic Law sa administrasyong Aquino para sa pagproseso at pag-apruba bago ihapag sa Kongreso para sa proseso ng paggawa ng batas. Kasunod nito, maaari pa ring ibato sa Korte Suprema ang mga isyung konstitusyunal.

2. Determindo ba ang adminstrasyong Aquino na itulak ang pagsasabatas ng BBL? Bakit? Ano ang pinanghahawakan ng administrasyong Aquino at mga ahente nito sa Kongreso at sa Korte Suprema para manalig na kaya nilang panatilihin ang BBL sa balangkas ng Konstitusyon ng 1987 ng estado ng Pilipinas at balewalain ang mga isyung konstitusyunal na ibinukas ng ilang pampulitikang lider, mga ekspertong ligal at mga personalidad ng midya?

JMS: Determinado ang administrasyong Aquino na ipursige ang pagsasabatas ng BBL at ang pagbubuo ng pulitikal na entidad ng Bangsamoro dahil nasa likod niya ang US, ang Komunidad na European, Japan, Australia, Malaysia at iba pang bansa na intereado sa eksplorasyon ng likas na yaman sa mga erya ng Bangsamoro. May sapat na panahon at bilang ang administrasyon sa parehong kapulungan ng Kongreso para isalaksak ang BBL, huwag nang banggitin pa ang pork barrel para ialok sa mga posibleng oposisyunista. Isang malaking kalokohan na hangarin ni Aquino na magkaroon ng pamana ng kapayapaan sa mga erya ng Bangsamoro.

Halatang ginagamit ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng GPH ang probisyon ng konstitusyon ng 1987 na lumikha ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) upang magkaroon ng konstitusyunal na paglalatag para sa pampulitikang entidad ng Bangsamoro, at ipresenta ang bagong entidad na ito bilang pampalit sa umiiral na pampulitikang organong ARMM na lulusawin kapag naisabatas at napagtibay ang Bangsamoro Basic Law. Kaugnay nito, lahat ng isyung konstitusyunal ay maaaring isaayos sa ibayong "language engineering" o pag-aayos lang ng mga salita ng GPH, kung saan mapapayag ang MILF.

Makatwirang tayain na pinasasakay lamang ng rehimeng Aquino ang MILF, kahit para lamang itulak ang pagbubuwag ng MILF bilang isang rebolusyonaryong organisasyon. Subalit mas malamang, na hindi magiging maigsi ang byaheng ito kumpara sa pagtatayo ng pampulitikang entidad ng Bangsamoro. Ang mga estratehista ng US at GPH ay kilala sa pagtaya na tatahakin ng MILF ang landas ng MNLF.

3. Hindi ba nasa pusisyon pa ang Moro National Liberation Front (MNLF) o ang paksyong Sema at Misuari nito para ireklamo o ihayag ang isyung konstitusyunal hinggil sa pagiging balido pa ng Organic Law ng ARMM at ng kasunduang pangkapayapaan ng 1996? At hindi ba babalik ang paksyong Misuari sa armadong pakikibaka para sa layuning humiwalay mula sa estado ng Pilipinas o maggiit ng pagrespeto sa kasunduang pangkapayapaan ng 1996?

JMS: Kung ang Bangsamoro Basic Law ang nakikinitang magpapawalang-bisa at hindi lamang mag-aamyenda sa Republic Act 9054 (na inamyendahan ng RA 6734, ang orihinal na Organikong Batas ng ARMM, at nagsanib sa mga probisyon ng MNLF-GRP Final Peace Agreement ng 1996), may malaking probabilidad na maghapag ng isyung konstitusyunal ang MNLF o ang anumang interesadong partido sa Korte Suprema sa dahilang ang Final Peace Agreement ng 1996, na siyang dapat lubos na nagpatupad ng Kasunduan sa Tripoli ng 1976, ay patuloy na may bisa pa at hindi maaaring kitlin o makaisang-panig na ipawalambisa ng GPH.

Tiwala ang administrasyong Aquino na mayroon itong sapat na bilang sa Korte Supremang Sereno, kabilang si Marvic Leonen. Kaisa ng MILF, sinisikap din ng administrasyon na payapain ang pagtutol ng MNLF at iba pang grupo sa akomodasyon ng pampulitikang entidad ng Bangsamoro at bantaan yaong mga lumalaban nang may fatwa (ligal na opinyon o alituntunin o batas na inilabas ng islamikong iskolar) sa ilalim ng batas ng shariah at pagkundena bilang mananabotahe ng kapayapaan. Subalit ang mga lumalabang organisasyong Moro, gaya ng paksyong Misuari ng MNLF at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ay maaaring maglabas ng kontra-fatwa at manawagan ng suporta mula sa sambayanang Moro at sa Organisasyon ng mga Bansang Islamiko na nagbigay ng basbas sa Final Peace Agreement ng 1996.

4. Bukod sa mga kontradiksyon sa paglalapat ng mga probisyong konstitusyunal sa ARMM, ano pa ang ibang isyung konstitusyunal na kailangang ayusin ng administrasyong Aquino at Kongreso?

JMS: Hayagan nang nagreklamo si Senator Miriam Defensor, ang tagapangulo ng komite ng Senado para mga susog sa konstitusyon, na ang isang sub-estadong Bangsamoro ay itinatayo at marami nang lumitaw na usaping konstitusyunal:

1. Bakit ang isang ehekutibong kasunduan sa MILF ang magpapasya at magpapaliit sa kapangyarihan ng sentral na gubyerno, na paglabag sa pangingibabaw ng konstitusyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghahati sa tinaguriang reserbang kapangyarihan ng sentral na gubyerno at ng tinaguriang ekslusibong kapangyarihan ng pampulitikang entidad ng Bangsamoro?
2. Paanong ang probisyon kaugnay sa ARMM sa konstitusyon ng 1987 ay malulusaw sa pamamagitan ng isa lamang kasunduan sa MILF?
3. Bakit ipapasa ang kapangyarihan ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na gubyerno, o magiging ekslusibong kapangyarihan, ng pampulitikang entidad ng Bangsamoro?
4. Ang likas na yaman ay pag-aari ng estado ng Pilipinas, pero paanong magiging may ekslusibong hurisdiksyon dito ang pampulitikang entidad ng Bangsamoro?
5. Anong ekslusibong kapangyarihan ang mapupunta sa pampulitikang entidad ng Bangsamoro na nasa iisang estado gaya ng Pilipinas?
6. Anong ministiryal na anyo ng gubyernong Bangsamoro ang aayon sa presidensyal na porma ng gubyerno sa kalakhan ng bansa? at
7. Paanong inatasan ang Bangsamoro Transition Commission na gumawa ng panukalang amyendahan ang konstitusyon para lamang sa layuning amyendahan at pakialaman ang konstitusyon sa pamamagitan ng pagpapasok ng mga kasunduan kung kailan kailangan, nang hindi hinahamak ang anumang naunang kasunduan sa kapayapaan?

Ang iba ang usaping kumikwestyon ay inihapag noong mga tumatalima sa konstitusyon ng 1987. Kabilang ang mga sumusunod:

1. Bakit pabobotohin ang mamamayan sa limang prubinsyang inaangkin ng Bangsamoro sa isa na namang plebisito, na ang totoo'y sumang-ayon na sila nang dalawang beses sa awotonomya sa nakaraan?
2. Bakit isusuko o ipagkakaloob ng estado ng Pilipinas ang isang bahagi ng internal na pormasyong-tubig at teritoryal na karagatan nito para maging karagatan ng Bangsamoro sa ilalim ng ekslusibong hurisdiksyon ng pampulitikang entidad ng Bangsamoro?
3. Bakit bibigyan ng ekstraordinaryong bahagi ang Bangsamoro sa hatian ng kita ng gubyerno, na diskriminasyon sa ibang rehiyon? at
4. Bakit magkakaroon ng isang pulisyang Bangsamoro nang walang malinaw na balangkas o linya ng pagpapailalim sa Philippine National Police, na iniuutos ng konstitusyon ng 1987 bilang siyang tanging pwersang pulis?

5. Paano posibleng mahaharap ang mga isyung konstitusyunal na ito ng GPH at MILF?

JMS: Ipinagpapalagay ko na mulat kapwa ang GPH at MILF sa mga ganitong isyu at malamang na natalakay na nila ito sa loob ng Bangsamoro Transition Commission, laluna sa inisyatiba ng mga ahente ng GPH. Posibleng ang borador ng Bangsamoro Basic Law ay binago at pinahina ng komisyon at ibinaba sa antas na mas mababa pa sa mas naunang mataas na inaasahan ng MILF.

Para malaman natin ang mga isyung konstitusynal, dapat makakuha tayo ng kopya ng borador ng saligang batas na isinumite kamakailan sa ehekutibong sangay ng GPH. Matapos ang pagsumite sa borador, maaaring amyendahan ng ehekutibong sangay ng GPH ang borador. At maaari pa itong ibayong amyendahan ng Kongreso. Oras na makarating sa Kongreso ang borador ng BBL, dapat maging bukas ito sa publiko para sa pagbusisi at paglaban sa mga probisyong karapat-dapat tutulan.

6. Makakapagprotesta o makaaatras ba ang MILF sa buong kasunduan kung maliit ang nakuha nito sa inaasahan, o kung maisip nitong ginantso ito ng GPH?

JMS: Nagdeklara at sumang-ayon na ang MILF na isasalong ang mga sandata at bubuwagin ang hukbo nito kung maipatutupad ang lahat ng kasunduan. Ang implikasyon nito ay maaaring umatras ang MILF sa kasunduan kapag ginantso ito. Subalit antemano, isinuko na nito ang sarili sa konstitusyon at mga prosesong konstitusyunal ng GPH. Tila kuntento ang mga lider ng MILF sa mga inaasahang pagtatalaga sa Bangsamoro Transition Authority, sa eleksyon sa mga organong pampulitika ng Bangsamoro, at sa pagsanib ng kalakhan ng mandirigma ng MILF sa Pulisya ng Bangsamoro.

7. Sa likod nito, pinagtatawanan ni Aquino at mga ahente niya sa pulitika ang MILF sa paniniwalang magkakaroon ang pampulitikang entidad ng Bangsamoro ng ekslusibong kapangyarihan na labas sa sentral o pambansang gubyerno, at sa diumanong inaasahang pagkakaroon ng ekstraordinaryong bahagi sa kita at oportunidad para sa burukratikong korupsyon at personal na pagpapayaman, kung saan, mahigit US$ 300 bilyon ng pamumuhunan mula sa US at iba pang dayuhan ang inaasahang bubuhos upang dambungin ang likas na yaman ng Bangsamoro. Hahayaan ba ng imperyal na Maynila ang mga burukratang Bangsamoro na agawin ang pinakamalaking oportunidad para sa burukratikong korupsyon?

JMS: Sa kabila ng mga pangako na magkakaroon ng mas malaking kapangyarihan at pinansyal na rekurso ang pampulitikang entidad ng Bangsamoro kaysa ARMM, magbababala, tingin ko, ang presidente ng GPH at ang sentral na gubyerno sa Maynila at sisiguruhin na ang pampulitikang entidad ng Bangsamoro ay magiging tulad ng ARMM, na isang burukratikong suson lamang, sa pagitan ng tanggapan ng presidente at ng mga lokal na gubyerno na patuloy na gumagana sang-ayon sa kasalukuyang batas hinggil sa lokal na gubyerno. Makukuha pa rin ng matataas na burukrata at malalaking kumprador ng Maynila at ng dinastiyang pulitikal na Moro ang pinakamalaking bahagi ng anumang burukratikong kulimbat na magmumula sa pamumuhunan ng US at iba pang kumpanyang multinasyunal na mandarambong sa likas na yaman ng Bangsamoro.

8. Ipagpalagay na papalitan ng pampulitikang entidad ng Bangsamoro ang ARMM, ano ang mangyayari sa MILF sa panandalian at pangmatagalan? Magkakaroon ba ng pangmatagalang kapayapaan sa mga erya ng Bangsamoro?

JMS: Ipinahiwatig na ng MILF na bubuwagin nito ang sarili, magiging isang kilusang Islamiko at anyo ng isang partidong pulitikal para sa eleksyon. Ang pinakamataas na upisyal ng MILF, si Kapatid na Ebrahim Murad ay inaasahang magiging Punong Ministro. Ipinagpapalagay ko na ang iba pang upisyal ng MILF ay uupo sa matatas na tanggapan sa mga organong pampulitika ng Bangsamoro.

Kung babalikan natin ang halimbawa sa kasaysayan ng MNLF, dapat maging mapagbantay ang MILF laban sa walang lubay pagtatangka ng mga burukratang nakabase sa Maynila at ng mga upisyal militar ng reaksyunaryong gubyerno na ipailalim, gawing tiwali at hatiin ang mga upisyal ng MILF. Ang prosesong elektoral ay paraan din sa pagpapahina sa dating pagiging solido ng MILF at mapahihintulutan ang mga tradisyunal na naghaharing pamilya at mga paborito ng sinumang kasalukuyang presidente na agawin ang pampulitikang entidad ng Bangsamoro. Alalahanin kung paano nabiyak ang MNLF at ang ARMM matapos mapasakamay ito ng pamilyang Ampatuan.

Hindi tiyak na lulundo sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ang kasunduan sa kapayapaan ng GPH-MILF at ang pagtatayo ng pampulitikang entidad ng Bangsamoro. Mayroon mga armadong angkan at armadong pwersang pulitikal gaya ng MNLF ni Misuari at ng BIFF. Malalaman pa natin kung paano sila mapahuhupa o mapasisiklab.

Mayroong malaking potensyal ang pinagsasamantalahang masa ng manggagawa at magsasaka para sa paglulunsad ng armadong rebolusyon laban sa mga mapagsamantala at mapang-api sa mga erya ng Bangsamoro. Ang kasunduang pinasok ng GPH at MILF ay hindi tumutukoy sa pambansang kasarinlan kaugnay ng mga imperyalistang kapangyarihan, demokrasya para sa mga manggagawa at magsasaka, katarungang panlipunan at kaunlaran sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

9. Anu-ano ang prospek ng mamamayang Bangsamoro at ng Moro Resistance and Liberation Organization sa mga erya ng Bangsamoro?

JMS: Patuloy na maglulunsad ang mamamayang Moro ng iba't ibang anyo ng pakikibaka upang igiit at kamtin ang kanilang karapatan para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili at lupaing ninuno. Maaaring mag-inisyatiba ang Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO), ang rebolusyonaryong masa at mga kaalyado ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Hindi tutugunan ng mga imperyalista at ng papet na gubyerno ng Maynila ang batayang kahilingan ng mamamayang Moro. Mas higit na nasa pusisyon ang MRLO na pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayang Moro upang lumaban para sa pambansa at panlipunang paglaya.

10. Ano ang epekto ng kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng MILF at ng gubyerno ng Maynila sa rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas? Mapalalakas ba ng gayong kasunduang pangkapayapaan ang reaksyunaryong gubyerno sa paglulunsad ng kampanya ng panunupil militar laban sa mga rebolusyonaryo? Kung hindi, bakit at paano?

JMS: Mayroong mahabang kasunuduan sa tigil-putukan ang MNLF at MILF sa gubyerno ng Maynila sa matagal na panahon. Samantala, lumakas sa buong bansa ang Bagong Hukbong Bayan, ang milisyang bayan at ang mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa, kasabay ng Partido Komunista, ng National Democratic Front, ng mga organisasyong masa at ng demokratikong gubyernong bayan.

Sang-ayon sa mga ulat, animnapung porsyento ng mga reaksyunaryong pwersa ay nakadeploy ngayon sa Mindanao. Kalakhan sa kanila ay may atas na atakehin ang mabilis na lumalagong pwersa ng BHB. Subalit ang ilan ay nananatiling nakapwesto sa mga erya ng Bangsamoro upang pigilan at atakehin ang BIFF at ang MNLF-Misuari, huwag nang banggitin pa ang bantog na Abu Sayyaf. Ang konsentrasyon ng mga tropang reaksyunaryo sa mga erya ng BHB sa Mindanao ay magbibigay ng pagkakataon sa BHB na makasamsam ng mas maraming sandata at maghihikayat sa BHB na umatake at sumamsam ng armas mula sa mahihinang pwersa ng kaaway sa Luzon at Visayas.

Pursigido at militanteng ipinatutupad ng PKP, BHB at NDFP ang planong umabante mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas ng digmang bayan sa buong bansa. Para sa iba pang impormasyon hinggil sa pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan, nais kong sumangguni kayo sa www.philippinerevolution.net para basahin ang mahabang mensahe ng PKP sa BHB hinggil sa ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng BHB at ang mga pinakahuling ulat ng mga labanan ng BHB sa iba't ibang panig ng Pilipinas.