Komentaryo sa reklamo ng Pilipinas sa ITLOS at Arbitral Tribunal

Prof. Jose Maria Sison
NDFP Chief Political Consultant
April 04, 2014

Translation: Comment on the Philippine case before ITLOS and Arbitral Tribunal

Sa isang naunang panayam, sinabi ko na ang pinakamalakas internasyunal na batas na pabor sa Pilipinas ay ang UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), sa partikular, yaong nagtatakda ng 200 milyang ekslusibong sonang ekonomiko. Hinamon ko pa noon ang gubyerno ng Maynila na magsampa ng kaso sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS - Pandaigdigang Korte sa Batas sa Dagat).

Sa mga patunay sa pamamagitan ng mga sulatin at aksyong masa, nanindigan ang patriyotiko at progresibong pwersa para sa soberanya ng Pilipinas at teritoryal na integridad sa mga isla o maliliit na islang pinag-aagawan sa karagatan sa kanluran ng Pilipinas batay sa UNCLOS at iba pang internasyunal na organisasyon. Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkapareho ang pusisyon nila doon sa pusisyon ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas hinggil sa usaping teritoryal, gaya ng kaso sa Sabah.

Mas mabuti na kaysa hindi na magsampa ng kaso ang Pilipinas sa ITLOS at sa partikular sa Arbitral Tribunal bilang piniling mekanismo para sa pagsasaayos kaugnay sa mga isla o maliliit na islang nasa kanluran ng Pilipinas. Kapag nasa katayuan na ang rebolusyonaryong gubyerno para kumatawan para sa Pilipinas sa komunidad ng mga estado, igigiit talaga nito ang teritoryal na integridad.

Ginagamit ng gubyernong Tsino ngayon ang pusisyon ng mga naunang gubyernong Tsino hanggang sa panahon ng mga dinastiyang pyudal katulad ng mangangamkam na si Mussolini ng Italy na ginamit ang saklaw ng emperyong Romano para mang-angkin ng teritoryo. Ikinakatwiran din ng gubyernong Tsino na ang ilang teritoryo ay pag-aari ng isang bansa gaano man ito kalayo o kalapit sa ibang mga bansa. Subalit dapat binanggit din nito na ang mga teritoryong iyon ay karaniwang tinitirahan ng mamamayan ng nag-aaring bansa (e.g. Ang mga teritoryo ng British na mas malapit sa Germany at France kaysa sa UK) o inokupa sa pamamagitan ng kolonisasyon (e.g. gaya ng isla ng Malvinas at lahat ng dating kolonya ng Britanya).

Hindi maaaring tanggapin ng Pilipinas ang pananaw na bukas na bukas makipagnegosasyon ang China sa Pilipinas pero mula umpisa hanggang katapusan ay iginigiit nitong di pwedeng pag-usapan ang pag-angkin nito ng soberanya sa mga islang pinag-aagawan. Ang ibig sabihin ng China ay mayroon itong soberanya at teritoryal na integridad sa mga isla at maaaring makipag-usap lamang ang Pilipinas o magmanikluhod para sa ilang akomodasyon gaya ng pagbibigay ng pahintulot sa mga mangingisdang Pilipino na makapangisda sa lugar, para may sapat na panahon para mahila ang nasadsad na barko sa Ayungin shoal o maipagpatuloy ang magkasamang ekplorasyon ng langis na buong kahangalang ipinagkasundo ng rehimeng Arroyo.

Hindi ako sang-ayon sa pananaw na hindi dapat nagsampa ng kaso ang Pilipinas laban sa China sa ITLOS at sa Arbitral Tribunal, dahil diumano dapat pangambahan ng Pilipinas ang pagganti ng China at/o dahil naninindigan ang Pilipinas na makaganansya nang bahagya mula sa "pakikipagnegosasyon" sa China. Kahit matapos ang pagsasampa ng kaso, posible pa ring pag-usapan ang usapin labas sa hukuman. Anu't anuman, mas marami pa ring bagay kaysa sa usaping ito ang nangangailangan pag-usapan ng China at Pilipinas at makipagtransaksyon. Antemano, ang pagsasampa ng kaso sa ITLOS at sa Arbitral Tribunal ay hindi naman marahas, paano pa main ito ilarawan ng China bilang isang akto ng paglaban. Kung hindi naman nagsampa ng kaso ang Pilipinas, sasabihin naman ng China na iyon ay patunay na kulang sa paninindigan at interes ang Pilipinas sa kaso.

Matatag na naninindigan ang pambansang demokratikong kilusan para sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad at hindi dapat hayaan ang rehimeng Aquino, ang mga militar na kampon nito at mga propagandista na baluktutin ito bilang maka-China sa usaping tinatalakay upang bigyan ng pabor ang kanilang mapanirang paggamit sa isyu upang bigyang-matwid ang pakikipagkutsabahan nila sa US sa paglapastangan sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Ang US ay malaon nang lumalabag at mas malaking mananakop sa teritoryo ng Pilipinas kaysa ibang pwersang dayuhan. Ipinaghahambog nito ang kapangyarihan at pribelihiyo ng pag-okupa sa Pilipinas kung nais nito, sa ilalim ng tabing bilang tagapagtanggol at iba pa.

Sinabi ng isang dating diplomatikong upisyal ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas, na walang-saysay para sa Pilipinas ang magsampa ng kaso sa ITLOS at Arbitral Tribunal. Ayon sa kanya, maaaring hindi siputin ng China ang internasyunal na korte at iyon, bilang usaping pulitika, maaaring salungatin ng China ang desisyong paborable sa Pilipinas dahil wala namang ahensya sa pagpapatupad ng desisyon ang korte at may kapangyarihang magbasura ang China sa UN Security Council. Dagdag pa, mananatiling walang pinapanigan ang US sa usaping nasa pagitan ng China at Pilipinas o maaari pa ngang pumanig sa China sa pagsamantala sa yamang langis at gas sa pinagtatalunang lugar. Subalit lubos na kailangan at mas mainam para sa Pilipinas na gumawa ng matibay at sustenidong kaso sa internasyunal na korte at sa pandaigdigang opinyong publiko, laluna para sa matagalagang layunin, kaysa walang gawin.

Dapat igiit ng pambansang demokratikong kilusan na ang pinag-aagawang mga isla ay pag-aari ng sambayanang Pilipino o ng Pilipinas bilang isang bansa sang-ayon sa UNCLOS at dapat tutulan ang mga sumusunod:

1. Ang pag-angkin at ang kaugnay na mga aksyon ng China na salungat sa UNCLOS.

2. Ang pagsamantala ng US sa alitan sa teritoryo upang ibayong makapangialam ito sa Pilipinas at pag-akto nang mas malala pa sa China sa panghihimasok sa buong Pilipinas at paglapastangan sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad.

3. Ang pagpapakatuta ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas sa US, sa paniniwalang ang US ang pinakamabuting tagapagtanggol nito laban sa China at sa atrasadong pagsasampa ng kaso sa ITLOS at sa Arbitral Tribunal.

Dapat pangmatagalan ang pananaw ng pambansang demokratikong kilusan. Ang rebolusyonaryong gubyerno sa hinaharap ay tatayo sa mas matibay na saligan sa hinaharap sa paggigiit ng pambansang soberanya at teritoryal na integridad dahil magsusulong ito ng pambansang industriyalisasyon at magkakaroon ng kakayahang gumawa ng mga barko, eroplano at iba pang kasangkapan upang ipagtanggol ang bansa at mamamayan. Mas makatatayo ito nang mahusay sa pakikitungo sa malalaking burgesya kumprador na Tsino na nagsasamantala ngayon sa Pilipinas at sa mga Tsinong may operasyon sa pagmimina na nandarambong ngayon sa likas na yaman ng Pilipinas at iba pang anyo ng di kanais-nais na panghihimasok ng China.

Hindi ito malilimita sa pagiging pasibong bagay na pinag-iinteresan ng US at China at gagamit ng malawak na relasyong diplomatiko at pangkalakalan upang masansala ang pagyukod sa anumang dayuhang kapangyarihan. Ngayon at sa hinaharap, hindi dapat hayaan ng mahigit isandaang milyong mamamayang Pilipino at ng daan-daang milyong iba pang mamamayan ng Southeast Asia na sila'y takut-takutin ng anumang dayuhang kapangyarihan.