Pagdeklara ng Linggo ng Pambansang Soberanya at Patrimonya

Communist Party of the Philippines
April 2014

Translation: Declaring a National Sovereignty and Patrimony Week

Sa harap ng umiigting na panghihimasok ng US, lumalaking presensya ng mga tropang ng US at mga kaalyado nitong dayong pwersa, tumitinding dayuhang pandarambong sa ekonomya at lumalalang pagkatuta ng rehimeng Aquino sa gubyernong US, nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino at lahat ng kanilang patriyotiko, demokratiko, progresibo at rebolusyonaryong pwersa na maglunsad ng isang malawakang kampanya para itambol ang panawagan para sa tunay na pambansang kalayaan.

Ideklara natin ang Abril 22-30 bilang Linggo ng Pambansang Soberanya at Patrimonya upang ibuwelo ang pinaigting na kampanyang pampropaganda at pang-edukasyong ito upang paalingawngawin ang sigaw ng patriyotismo ng sambayanang Pilipino.

Alalahanin natin ang mga bayani ng sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan, mula kay Andres Bonifacio hanggang kay Macli-ing Dulag, mula kay Amado V. Hernandez hanggang kay Crispin "Ka Bel" Beltran, mula kay Ka Bert Olalia hanggang kay Ka Roger, mula kay Teresa Magbanua hanggang kay Juvy Capion, at sa lahat ng nagbuwis ng buhay para sa pakikipaglaban sa pambansang hangarin ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kasarinlan.

Sasaklawin ng Linggo ng Pambansang Soberanya at Patrimonya ang pagbisita ng hepe ng imperyalistang US na si Barack Obama. Sasaklawin din nito ang darating na ika-41 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sasaklawin din nito maging ang anibersaryo ng pagkamatay ni Macliing Dulag at ang pagdiriwang ng International Earth Day na nagpapatingkad sa usapin ng papalaking pandaramabong ng dayuhan sa mga di napanunumbalik na mga rekurso ng bansa at ang dulot na papalalang kalagayan ng pagkawasak ng kapaligiran.

Ang pakikibaka para itaguyod ang pambansang soberanya at patrimonya ay magiging sentral na usapin ng paglaban ng sambayanang Pilipino sa nalalabing panahon ng taon at sa mga susunod na taon habang pinaaalingawngaw nila ang paggigiit ng pagpapatalsik sa kasalukuyang papet na rehimeng Aquino.

Kinabibilangan ang pakikibakang ito ng:

(a) paglaban sa planong paglagda sa Agreement for Enhanced Defense Cooperation (Kasunduan para sa Pinalakas na Kooperasyong Pandepensa) na magpapahintulot sa US na magtayo ng mga enklabong militar at magmantine ng permanenteng presensyang sa Pilipinas ng ilang libong tropang US sa tabing ng mga "magkasamang ehersisyo", "makataong pagtulong at pagtugon sa sakuna"; at ang paggigiit ng pagpapawalambisa sa Mutual Defense Treaty (1956), sa Visiting Forces Agreement (1998) at sa Mutual Logistics Support Agreement (2002).

(b) paglaban sa papalaking interbensyunismong militar ng US sa pagkakaloob sa papet na rehimen ng pondong militar at suportang sandata, pagsasagawa ng operasyong paniniktik, pagbibigay ng suportang lohistika at tuwirang pagkasangkot sa mga operasyong kombat, pambobomba at iba pang operasyon;

(c) paglaban sa planong pagsusog sa konstitusyon ng 1987 (chacha, charter change o pagbago sa konstitusyon) na naghahangad na tanggalin ang mga restriksyon laban sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa at pagpapatakbo ng negosyo sa Pilipinas upang tugunan ang mga kundisyong itinakda ng gubyerno ng US para mapadulas ang pag-aaplay ng rehimeng Aquino na sumapi sa Trans-Pacific Partnership Agreement.

(d) paglaban sa kampanya ng rehimeng Aquino na magbukas ng mas malawak na tipak ng lupain para sa mga plantasyon ng goma, oil palm, pinya at saging na nakatuon sa eksport at akitin ang mas marami pang operasyon ng pagmimina upang maghukay ng black sand, ginto, zinc, karbon at iba pang rekursong mineral.

(e) paglaban sa neoliberal na patakaran ng pribatisasyon, deregulasyon, liberalisasyon at denasyunalisasyon, laluna ang mga proyektong Public-Private Partnership na kontrolado ng mga kroni ng rehimeng Aquino;

(f) paglaban sa pagtanggi ng rehimeng Aquino na dinggin ang kahilingan ng mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at sa halip ay lumilikha ng hungkag na bulang pang-ekonomya ng konstruksyon ng mga upisina, mall at kondominyum.

Dapat tayong maglunsad ng malawakan at sustenidong kampanyang pampropaganda at pang-edukasyon. Dapat pagtuunan ng pansin ang umiiral na grabeng kalagayang sosyo-ekonomiko na resulta na mga neoliberal na pakatakang ipinataw ng US na nagbunsod ng walang kaparis na kahirapan ng mamamayan, kabilang ang deregulasyon ng industriya ng langis, ng ibayong liberalisasyon ng indutriya ng kuryente, ng pribatisasyon ng serbisyo sa tubig, ng paggamit ng pampublikong pondo para suhayan ang pamumuhunan ng mga kroni sa mga tollway at iba pang proyektong pang-impraistruktura at iba pa.

Dapat nating paunlarin ang isang matibay na pambansang kristismo sa rehimeng Aquino at lahat ng mga naunang papet na rehimen sa nakaraang pitong dekada dahil sa kabiguan nilang ipundar ang isang pambansang baseng industiyal at independyenteng ekonomyang kayang lumikha ng pangangailangan para sa lokal na konsumo at produksyon at kayang tuluy-tuloy na magparami ng trabaho. Dapat nating ilantad ang produksyong nakasalig sa pag-iimport, nakatuon sa pag-eeksport at pinopondohan ng utang na mapang-api sa mga manggagawa dahil sa mababang pasahod at sa mga magsasaka dahil sa malawakang pangangamkam ng lupa.

Dapat nating kundenahin ang reaksyunaryong papet na estado dahil ipinadarambong nito sa mga dayuhan ang pambansang patrimonya at ipinahihintulutan ang malalaking dayuhang kapitalista na sipsipin ang mga di napapanumbalik na mga rekurso, kamkamin ang ilampung libong ektaryang lupain at gamitin itong mga plantasyong lunod sa kemikal na sanhi ng malawakang pagguho ng lupa at malaganap na suliranin sa kalusugan ng publiko kabilang ang polusyon sa hangin at pagkalason ng mga ilog at sapa.

Dapat nating ilantad kung paanong ang mga minahang pag-aari ng dayuhan at malalaking operasyon ng pagtotroso at plantasyon, tulad ng mga planta para sa mga malamaunpaktura na pag-aari ng dayuhan sa mga tinaguraing "economic zones", ay pawang di nagsisilbi sa pagpapaunlad ng lokal na produksyon, di nakalilikha ng makabuluhang bilang ng trabahong katumbas ng tindi ng supertubo nito at interesado lamang sa pagsamantala sa murang lakas paggawa at murang hilaw na mteryales sa Pilipinas.

Dapat nating ilantad ang ipinagmamalaki ni Aquino na "mabilis na paglago ng ekonomya" bilang "ampaw" o hungkag at isa lamang ilusyong nilikha sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng labis na salapi ng mga bangko ng US at China na malao'y sumambulat oras na gumawa ng pagsasaayos sa sistemang pampinansya ng US at China na magiging dahilan ng malawakang pagbawi ng dayuhang pamumuhunan.

Dapat nating sikaping palakasin ang diwa ng patriyotismo at pambansang dignidad ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng paglulusad, halimbawa, ng isang tuluy-tuloy na kampanya upang repasuhin ang kasaysayan ng Pilipinas sa makabayang punto de bista. Dapat nating buhayin ang makasasayang paglaban ng sambayanang Pilipino laban sa mga base militar ng US.

Dapat nating ilantad ang US sa ginagawa nitong paniniktik, pagsali sa mga pagsasanay, pambobomba, pagsuportang lohistikal at iba pang operasyong kombat sa pamamagitan ng Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) na nakabase sa Zamboanga. Dapat nating ilantad ang kampanya ng pagpapabango sa publiko ng militar ng US upang gawing katanggap-tanggap ang pagbase at interbensyunismo ng US, sa pamamagitan ng mga pakitang-taong pagpapagawa ng mga eskwelahan at proyektong elektripikasyon sa mga baryo gamit ang ilang barya mula sa nag-uumapaw na pondo ng militar ng US.

Dapat nating ilantad kung paanong ginagamit ang rehimeng Aquino bilang tagapagbigay-matwid sa "pagbaling sa Asia" ng US na may planong pagdeploy sa Asia-Pacific ng 60% ng ibayong-dagat na tropang nabal ng US at 50% ng tropang panlupa nito sa Asia-Pacific. Dapat nating ilantad, ibasura at labanan ang ipinamamarali ng rehimeng Aquino na ipinagtatanggol nito ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa pagpapahintulot sa militar ng US na magmantine ng presensya nito sa mga karagatan ng Pilipinas at sa todo-largang akses nito sa mga pasilidad ng Pilipinas upang harapin ang agresibong paggigiit ng China ng pag-akin nito sa mga isla sa South China Sea.

Dapat nating ipakita na pareho lamang ang pagmamatwid ni Aquino sa malugod na pagsalubong ni Gen Emilio Aguinaldo sa mga kolonyal na tropa ng US upang diumano'y labanan ang mga kolonyalistang Espanyol. Walang magiging pagkakaiba ang resulta: pangingibabaw ng dayuhan sa usaping militar, pulitika at ekonomiya. Dapat nating igiit at patunayan na ang pagtataguyod at pagtatanggol sa pambansang soberanya at pambansang patrimonya ay magagawa lamang bilang nagsasariling pagkilos ng isang bansa. Kung sasabihing maigigiit ng isang bansa ang soberanya nito sa tulong ng isang makapangyariang bansa, ay paninikluhod na sumailalim sa proteksyon ng kapangyarihang iyon.

Dapat walang humpay nating labanan ang pakikialam ng US sa internal na usapin ng Pilipinas. Dapat nating ilantad kung paanong ang embahada ng US ay tumatayong sentro ng kapangyarihang pampulitika ng reaksyunaryong estado ng Pilipinas kung saan nagmumula ang mga patakaran, batas at programa at yumuyuko ang mga pulitikong Pilipino sa ambassador ng US at humihingi ng pahintulot sa mga isasagawang hakbangin. Dapat nating ilantad kung paano dinidirihe ng militar ng US ang militar ng Pilipinas sa kondukta ng kontra-rebolusyonaryong gerang Oplan Bayanihan, na nakapadron sa US Counterinsurgency Guide ng 2009.

Dapat nating basagin ang ilusyon ng isang "globalisadong" mundo na inilalako ng mga ahensya sa ideolohiya at kultura ng mga imperyalista upang bigyang-matwid ang mga patakaran na tumatapyas sa mga pambansang hangganan ng mga bansa sa ikatlong daigdig at nagpapalilalim dito sa interbensyong militar at pandarambong ng ekonomya habang puspusang ipinagtatanggol ng mga imperyalistang bansa ang kanilang pambansang teritoryo at nagtatayo ng matatayog na pader para sa proteksyon sa palibot ng kanilang sariling ekonomya.

Dapat nating igiit ang pangangailangan ng pagkakamit ng pambansang soberanya at pagtatanggol sa patrimonya ng bansa bilang susing salik sa pagkakaroon ng kinabukasan ng bansa bilang isang moderno at progresibong estado sa gitna ng matagalan at nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang kapitalismo.