Salubungin ng protesta ang bisita ni Obama at pagbabaseng militar ng US!

Ispesyal na Isyu
Ang Bayan
Abril 23, 2014

Sa darating na Abril 28, bibisita sa bansa si Barack Obama, kasalukuyang hepe ng imperyalismong US, para pasinayaan ang pinakabagong kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Matapos ang sunud-sunod na pagpupulong mula Marso, naipinal na ng mga upisyal ng gubyerno at militar ng US at Pilipinas ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA o Kasunduan para sa Pinaunlad na Pagtutulungang Pandepensa) noong Abril 11.

Unang sinimulan ng US at Pilipinas ang pag-areglo ng bagong kasunduan noong Enero 2011, matapos ideklara ng US ang plano nitong “pivot” o pagpihit sa Asia at pagdedeklara ng “Bagong Siglo sa Pacific” (New Pacific Century). Sa deklarasyong ito, tinukoy ng US na susi sa muling pagbangon ng US mula sa krisis ang pagpapalakas ng pamumuhunan at pakikipagkalakalan nito sa Asia sa pamamagitan ng pagpapalakas ng presensyang militar nito sa rehiyon.

Ang planong “pivot” na ito ng US ay kinatampukan ng pagdidispusisyon sa Asia ng hanggang 60% ng pwersang nabal at 50% ng pwersang pangkatihan nito na nasa ibayong dagat. Katumbas ito ng pagmamantine ng daanlibong tropa sa iba’t ibang panig ng Asia. Sa gayon, magagawa nitong magpakita ng lakas-militar anumang oras at saanman sa rehiyon.

Bahagi rin ng pagpihit na ito ng US sa Asia ang pagbubuo ng mga rehiyunal at bilateral na kasunduan sa pagitan nito at mga bansa sa Asia-Pacific para sa mas madulas na koordinasyon. Tinataya ng US na matatapos ang “pivot” sa susunod na dekada.

Nitong nakaraang tatlong taon, dumalas at dumami ang mga pagdaong ng mga barkong pandigma, ang paglapag at pag-iistasyon ng mga jetfighter at mga barkong pandigma at pagbababa ng mga armadong tropa ng US sa Pilipinas. Noong 2012, hindi bumaba sa 80 beses ang pagdaong ng mga barkong pandigma sa mga pyer ng Pilipinas. Umabot ito sa humigit-kumulang 150 pagdaong noong 2013 at tinatayang dadalas pa sa mga darating na taon.

Bukod sa nagrerelyebong mga pwersang militar ng US, permanenteng nakaistasyon ang 700 sundalong Amerikano na bumubuo ng Joint Special Operations Task Force (JSOTFP)-Philippines ng US Pacific Command na nakabase sa eksklusibong erya ng US sa loob ng Camp Navarro ng Western Command ng AFP sa Zamboanga City mula pa 2002.

Para bigyang-matwid ang papalaking presensyang militar ng US sa Pilipinas at paglulunsad ng mga pagsasanay-militar sa iba’t ibang bahagi ng Asia, ginatungan ng US ang nagbabagang diplomatikong tensyon sa usapin ng pag-aangkin ng iba’t ibang bansa sa mga isla at pormasyon sa South China Sea, kabilang ang Spratly Islands at Scarborough Shoal. Natatangi ang papel dito ng papet na gubyerno ni Benigno Aquino III na mula 2011 ay siyang nangunguna sa pag-iingay at paghahamon sa China.

Ginamit ni Aquino at ng gubyernong US ang “tensyon sa China” upang bigyang-matwid ang pagpapalaki ng presensya ng US sa Pilipinas. Pinalalabas ng rehimeng Aquino na “kaibigan” ng Pilipinas ang US sa usapin ng tunggalian sa China. Pinalalabas din ng mga upisyal ni Aquino na sa ilalim ng 1956 Mutual Defense Treaty, may “obligasyon” ang US na sumuporta sa Pilipinas oras na sumiklab ang tunggalian sa South China Sea.

Habang tuluy-tuloy na nagpapalakas ang US ng relasyong militar nito sa China (kabilang ang paglahok nito sa Rim of Pacific Exercise o RIMPAC sa Hunyo), paulit-ulit din na ipinahahayag ng US na “sasaklolo ito sa kanyang mga kaibigan” na labis na ikinatuwa ng mga utu-utong papet nito sa Pilipinas. Ang totoo, mahigpit na kaalyado ng imperyalismong US ang naghaharing burukratang monopolyo kapitalistang uri sa China, kahit pa binabantayan at hinahadlangan ng US ang paglaki at pagdomina ng China sa Asia.

Upang ilatag ang batayang ligal ng tuluy-tuloy at papalaking presensya ng militar ng US sa Pilipinas, sinimulang balangkasin ang EDCA. Inilalarawan ito bilang pantulong sa pagpapalakas ng seguridad sa karagatan ng bansa. Nakatuntong ito at nagpapalawig sa Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at Military Logistics Support Agreement.

Upang bigyang-matwid din ang EDCA, pinalalabas na ang presensya ng militar ng US sa Pilipinas ay karugtong din ng “iba pang mga usaping may kaugnayan sa seguridad” tulad ng “humanitarian aid/disaster preparedness” o HA/DR (makataong pag-ayuda sa mga biktima ng mga sakuna at paghahanda para rito). Pinalalakas ng US ang aspetong HA/DR sa kasunduan matapos magamit ito upang bigyang-matwid ang maramihang pagpapakat ng mga tropa at kagamitang militar. Isang halimbawa nito ang pagdaong ng pinakamalaking barko-de-gera nito sa Leyte Gulf noong Nobyembre 2013 sa ngalan ng pagbibigay ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Ang probisyong ito ang gagamitin ng US para ilusot ang nakaplanong pagpasok ng mga tropa nito sa Eastern Visayas sa tabing ng Pacific Partnership 2014, isang pagsasanay-nabal na gaganapin sa Tacloban City at kalapit na mga lugar sa darating na Hunyo.

Matapos ang ilang buwan nang negosasyon, nananatiling lihim ang mga detalye ng EDCA. Sa limitadong impormasyong ibinabahagi ng mga upisyal ni Aquino, tinatayang magiging laman nito ang sumusunod:

1) pagpapahintulot sa militar ng US na magkaroon ng base o engklabo sa loob ng mga kampo militar ng Armed Forces of the Philippines;

2) pagbibigay ng mas masaklaw na mga karapatan at awtoridad sa mga pwersang militar ng US para gamitin ang anumang pasilidad, laluna ang mga daungan at paliparan, para makamit ang “minimum credible defense” laban sa “agresyon ng China” sa mga teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea; at

3) pagsasagawa ng mga pagsasanay at operasyong militar saanmang dako ng Pilipinas sa ngalan ng “humanitarian aid/disaster preparedness.”

Sa gayon, ang EDCA ay dili iba kundi kasunduan para pormal na ibalik ang mga base militar ng US. Sa ilalim nito, magkakaroon ng eksklusibong akses ang militar ng US sa mga pasilidad-militar para sa pagdaong, paglalapag at pag-iistasyon ng mga sasakyan, kagamitan at mga tropang militar ng US sa loob ng bansa. Muli nitong binubuhay ang labis na kinamuhiang Military Bases Agreement ng 1946 na ginamit para makapagpanatili ng malalaking base militar ang US hanggang 1991.

Ang EDCA ay muling paglapastangan sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Binibigyang-daan nito ang lalo pang pagpapalakas ng dominasyon ng militar ng US sa Pilipinas at kontrol nito sa takbo ng pulitika, militar, diplomasya at ekonomya ng bansa.

1. Ano ang “troop rotation” at “increased rotational presence?”

Isa sa mga susing usapin sa bagong kasunduan ang pagpapahintulot ng Pilipinas sa permanenteng presensya ng mga pwersang militar ng US sa bansa sa tabing ng “troop rotation.” Ang “troop rotation” ay ang pagrerelyebo ng mga tropa, barko at eroplanong pandigma sa isang erya na saklaw ng operasyon ng militar ng US.

Sa balangkas ng “Asia pivot” ng US, magkakaroon ng “increased rotational presence” o papalaking bilang ng mga nagrerelyebuhang tropa, barko at eroplanong pandigma ng US sa rehiyon ng Asia-Pacific. Mayor na aspeto nito ang pagtatalaga ng 60% ng kabuuang bilang ng mga barko de gera nito sa rehiyon, mula sa 50-50 hatian nito sa ngayon sa Pacific Ocean at Atlantic Ocean.

Mula pa 2010 nagaganap ang pagdalas at pagdami ng pagdaong ng mga barkong pandigma ng US sa Pilipinas. Sa ulat ng US Navy, umabot sa 51 barkong pandigma nito ang dumaong sa iba’t ibang pantalan ng bansa noong 2010; 54 noong 2011; 88 noong 2012; at 72 sa unang hati pa lamang ng 2013 (Enero-Hulyo).

Kasabay nito, magkakaroon ng malalaking deployment ng tropang militar sa iba’t ibang base at mala-baseng mga pasilidad sa Asia-Pacific, pangunahin sa Australia (Darwin), Singapore (Changi Bay) at South Korea (Jeju Island) sa serye ng mga “port visit,” pagsasanay-militar at iba pang aktibidad.

Sa Pilipinas, balak ng US na panatilihin ang 4,000-4,500 tropa sa iba’t ibang lokal na daungan, paliparan at mga “joint operational base.” Bubuuin ito ng mga pwersa at yunit na nagsasalit-salitan, kabilang yaong mga tropa ng US Marines at Navy na dating nakabase sa Okinawa, Japan, na ngayo’y pansamantalang nakatigil sa Guam.

2. Bakit may itatayong permanenteng base militar at mga pasilidad ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas kung sinasabing nagrerelyebo lamang ang mga ito?

Rekisito ng “increased rotational presence” ng US ang pagkakaroon ng permanenteng mga pasilidad para eksklusibong magamit ng militar ng US para sa pagdaong at paglapag ng paparaming mga barko at eroplanong pandigma nito, para mag-istasyon at magsilbing pahingahan ng mga tropang pangkombat nito at para imbakan ng kanilang panggatong (langis, krudo at gasolina), mga armas at kagamitan.

Sa aktwal, maglalagi ang mga tropang Amerikano sa iba’t ibang daungan at mga engklabong eksklusibong inihahanda para sa kanila sa loob ng kasalukuyang mga kampo militar ng AFP. Sa mga dokumento ng US, tinatawag ang mga ito na “access location” o “cooperative security location” sa mas lumang mga dokumento.

Ang kaayusan nito ay hindi nalalayo sa kasalukuyang kaayusan sa pagitan ng US at ng Pilipinas kaugnay sa 700 nagrerelyebuhang tropa ng US Special Forces na nakabase sa himpilan ng Joint Special Operations Task Force-Philippines (dating Joint Task Force-510 ng Special Operations Command Pacific) sa Camp Navarro sa Zamboanga City. Bagamat nagrerelyebuhan ang mga tropang Amerikano, magmamantine sila ng permanenteng mga pasilidad sa loob ng kampo na hindi basta-basta napapasok ng mga Pilipinong upisyal.

Noong nakaraan, nagmamantine rin ng mga pasilidad ang US Special Operations Forces sa Camp Malagutay sa Malagutay at Camp Andrew Air Base sa Sta. Maria, kapwa sa Zamboanga City; Camp General Bautista sa Busbus, Jolo, Sulu; at sa Philippine Naval Station sa Batu-Bato, Panglima, Sugala, Tawi Tawi. Ang naturang mga pasilidad ay kilala ng lokal na mga residente bilang mga “kampo ng Amerikano” at tinaguriang “maliliit na base” alinsunod sa mga pampublikong dokumento ng US.

Sa tulong ng mga papet na estado nito sa Asia, balak ng US na magtayo o kumpunihin ang base/paliparan/daungan na maaaring dali-daling gamitin ng kanilang tropa bilang lunsaran, tambakan ng gamit at tropa o pahingahan. Sa isang ulat na inihanda para sa Pacific Command ng US Army, nakasaad na sa Southeast Asia pa lamang, mayroong 50 lokasyon na maaaring gamitin para sa mga layuning ito. Kabilang dito ang maliliit at lumang paliparan at daungan at mga base at kampo militar na nagamit na noon ng US sa ilalim ng Military Bases Agreement.

3) Anu-anong kampo at pasilidad ang inihahanda na ng rehimeng US-Aquino para sa mga tropang US?

Hindi pa man naipipirmi ang bagong kasunduan, ipinatutupad na ng rehimeng Aquino ang konstruksyon ng bagong mga paliparan at daungan at pagkukumpuni ng mga kampo at iba pang pasilidad-militar sa ngalan ng Armed Forces of the Philippines Modernization Plan.

Pinalalabas ng mga upisyal ng rehimeng US-Aquino na ang pagpapaunlad ng Subic at Clark ay paghahanda para sa paglilipat ng mga hedkwarters ng Philippine Navy at Philippine Air Force. Gayunpaman, tahasang inaamin ng mga upisyal-militar ng rehimen na ang mga pagbabago sa dalawang dating base ay nakatuon sa pagserbisyo sa mga tropa, barko at eroplanong US at ng mga alyado nito (tulad ng Japan at India; at pinakahuli, ang South Korea sa pamamagitan ng parallel na kasunduang militar). Tinatayang aabot sa ₱10 bilyon ang kakailanganin para imodernisa ang Subic pa lamang.

Itinutulak ng US na magkaroon ng akses sa iba pang paliparan at daungan para sa “refueling and repair” ng kanilang mga barko at eroplano. Kabilang dito ang Poro Point sa La Union, Sangley Point sa Cavite at mga komersyal na daungan sa mga syudad ng Laoag, Cagayan de Oro at Zamboanga. Gusto rin ng US na ibukas para sa kanilang gamit ang mga katulad na pasilidad sa Batanes, Sta. Ana sa Cagayan, General Santos City at Cebu. Ang mga daungan at paliparan na ito ay bahagi ng lambat ng mga pasilidad na maaaring maabot ng kanilang mga barkong pandigmang magmumula sa Guam sa loob ng limang araw o mas maiksi pa.

Kasabay nito, pinauunlad mismo ng US ang mga kampong madalas na gamitin ng kanilang mga tropa. Noong 2011, ipinagmayabang ni Harry Thomas, noo’y embahador ng US sa Pilipinas, na nagbigay ang US ng P200 milyong ayuda-militar sa rehimeng Aquino para paunlarin ang iba’t ibang kampo ng AFP. Kabilang dito ang ₱42 milyon para sa konstruksyon ng mga baraks, palikuran at kainan sa Basa Air Base sa Pampanga, at ₱25 milyon para sa pagkukumpuni ng mga daan sa loob ng Fort Magsaysay (hedkwarters ng 7th ID) sa Nueva Ecija. Ang dalawang kampo ay regular na lunsaran ng mga pagsasanay-militar ng US.

Plano ng US na permanenteng magbase ng ilang batalyon ng US Marines, Navy at Air Force (1,500+ tropa) sa Subic Bay at Clark Air Base (200) bilang suporta sa papalaking bilang ng mga tropang magsasalit-salitan sa rehiyon para sa mga pinagsanib na pagsasanay, operasyong militar at iba pa.

Plano rin ng US na magtayo ng isang “advance command post” sa Palawan at magmantini ng pinaliit na kumpanya ng Marine Special Operations Battalion (60-70 tropa) sa lugar. Bahagi ng planong ito ang pagtatatag ng isang “joint command” sa Philippine Marine Corps Reservation sa Samariniana, Brooke’s Point sa Palawan at ang pagpapahaba ng airstrip na nasa loob nito mula isang kilometro tungong 2.4 kilometro para magamit ng mga eroplanong pandigma ng US. Kasabay nito, kukumpunihin din ang isang lapagan ng eroplano sa Balabac, katimugang Palawan na dating ginagamit ng US noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Bahagi pa rin ng planong ito ang nabunyag nang konstruksyon ng base nabal sa Oyster Bay, ilang kilometro lamang ang layo sa protektadong Underground River, para sa gamit ng mga barko de gera ng US. Katuwang ang mga sundalong Pilipino, sinimulan na ng US ang konstruksyon ng base nabal sa tabing ng paglulunsad ng ika-13 Philippines-US Amphibious Landing Exercise o PHIBLEX 13 noong Oktubre 2012. Nanggaling sa pondo para sa modernisasyon ng AFP ang ₱500 milyong ginastos para sa konstruksyon ng tinaguriang “maliit na Subic.”

Balak din ng US na magtayo ng mga “joint operational base” sa Ulugan Bay sa bayan ng Macarascas at sa Tarumpitao Point sa bayan ng Rizal, kapwa sa Palawan. Sa balangkas ng “joint command” at pagtatayo ng “joint operational base,” na tinagurian ding “base-sharing,” permanente at pangmatagalang makakabase ang daan-daang sundalong Amerikano sa tabing ng “troop rotation” nang walang tahasang pag-amin ng permanenteng pagbabase ng dayuhang tropa sa bansa.

Sa tabing ng relief at rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda noong nakaraang taon, muli nang ginagamit ng US ang Guian Military Airbase sa Eastern Samar, na itinayo nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

4) Bakit mahalaga para sa US na “pumihit” sa Asia?

Mahalaga para sa US ang rehiyon ng Asia. Dito matatagpuan ang dalawa sa pinakamalalaking ekonomya sa buong mundo (India at China). Narito ang dalawa sa pinalamalalaking importer ng mga kalakal ng US—ang Japan at ang bloke ng ASEAN na binubuo ng sampung maliliit na bansa. Nasa Southeast Asia ang dalawang rutang pandagat (ang Malacca Strait at South China Sea) kung saan dumadaan ang 70% ng kabuuang kalakalang pandagat (maritime commerce) sa Pacific.

Sa Asia-Pacific din matatagpuan ang pinakamalaking tagabili ng mga armas at iba pang gamit-militar ng US (Australia at South Korea). Umaabot sa $10 bilyon ang halaga ng mga armas na naibenta ng US sa India nitong nakaraang dekada. Balak ng US na pasaklawin pa ang bahagi nito sa merkado.

Dagdag dito, malaki ang pangangailangan ng US na harapin ang China, isa sa pinakamalalaking banta sa dominasyon sa ekonomya at militar nito sa Asia. May partikular na papel ang “pivot” nito sa Asia at ng kalkuladong pagdidiing militar nito para igiit ang dagdag na mga neoliberal na pagbabago sa ekonomya ng China sa hangaring lalo pang makabentahe ang malalaking kapitalistang Amerikano na namumuhunan sa China.

Sa pagpapalakas ng presensya nito sa Asia, aktibong sinasansala ng US ang mga pagtatangka ng China na solong pagharian ang pamumuhunan at kalakalan o itatag ang sarili bilang panrehiyong lider kapwa sa ekonomya at militar sa mga bansa sa Asia-Pacific.

5) Ano na ang inabot ng “pivot?”

Nasa proseso pa rin ang US sa paglalatag ng mga rekisito para sa tuluy-tuloy na pagpihit ng mga pwersa nito sa Asia na tinataya nitong makukumpleto sa 2020.

Noong nakaraang taon, sinimulan na nito ang pagrerelyebo ng ilang batalyon ng Marines sa base nito sa Darwin, Australia. Nasa proseso pa ng pakikipagnegosasyon ang US sa Australia kaugnay sa pagbubukas ng iba pang mga kampo militar nito sa presensya ng mga pwersang Amerikano, pagkukumpuni sa isa sa mga daungan para magamit ito ng nuclear-powered aircraft carrier, at paggamit sa ilan sa mga isla nito bilang lunsaran ng mga eroplanong pandigma at UAV.

Sa Singapore, nagsimula nang magrelyebuhan ang apat na LCS na ginagamit diumano ng US para sa humanitarian aid/disaster response (HA/DR). Nagtatagal nang hanggang anim na buwan sa Changi Bay ang mga barko. Kasabay nito, ibinukas na rin ng Singapore ang paggamit ng US sa kalapit na paliparan para sa pagkukumpuni at pagkakarga ng gasolina ng mga eroplanong pandigma nito.

Noong 2011, pumirma ang US sa isang kaugnay na kasunduan sa “maritime security” sa Indonesia na nagbunsod ng paglulunsad ng 140 “pagsasanay-militar” loob ng bansa.

Noong 2012, nagbuo ng kasunduang militar sa pagitan ng US at Vietnam na kunwa’y sumaklaw sa seguridad pandagat, “search and rescue operations,” “peacekeeping operations” at HA/DR.

Samantala, tuluy-tuloy na nagtatambak ng mga tropa ang US sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon sa ngalan ng mga pinagsanib na pagsasanay, espesyal na operasyon at HA/DR.

Sa Thailand, tuluy-tuloy ang paglulunsad ng Cobra Gold, isa sa pinakamalalaki at pinakamatatagal na pagsasanay-militar sa rehiyon.

Noong 2013, inilunsad ng US ang isa sa pinakamalalaking “pagsasanay-militar” sa hangganan ng South Korea at North Korea. Nagresulta ang panunulsol na ito sa pagpapawalambisa ng North Korea sa pinirmahang tratado ng kapayapaan at muling pagdedeklara ng gera sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa Japan, pinasinayaan nitong Abril 20 lamang ang bagong radar facility ng US sa Kyoto. Ang pasilidad-militar ay bahagi ng US Missile Defense sa Asia.


======================

Iba pang Artikulo



Katangian ng tropang Amerikano na irerelyebo sa Pilipinas
Ang “pivot to Asia” sa larangang