Talumpating binigkas sa Amsterdam, The Netherlands sa okasyon ng ika-45 anibersaryo ng Pagkakatatag ng BHB
Ang pagbubuo ng hukbong bayan at ang paglulunsad ng digmang bayan

Prof Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines
Marso 30, 2014

Translation: Building the people’s army and waging the people’s war


Mga Kasama at Kaibigan,

Nais kong ipaabot ang aking pagbati ng pakikiisa sa lahat na narito sa pagtitipon para sa pagbibigay-kaalaman at mga pagtatanghal pangkultura na inorganisa ng Internasyunal na Tanggapan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) upang ipagdiwang ang ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Ikinagagalak at ikinararangal ko nang lubos na maimbitahang magsalita hinggil sa pagbubuo ng Bagong Hukbong Bayan at sa paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas. Nais kong ibahagi sa inyo ang mga batayang impormasyon at ideya hinggil sa mga sumusunod: una, ang mga sirkunstansya at dahilan para buuin ang BHB; ikalawa, ang paglago at mga tagumpay ng digmang bayan; at ikatlo, ang mga prospek ng digmang bayan.

Buong kaligayahan kong gugunitain kung paano ko pinangasiwaan ang pagbubuo ang rebolusyonaryong hukbong ito ng sambayanang Pilipino noong 29 Marso 1969 bilang Tagapangulo ng Komite Sentral ng PKP at ng Komisyong Militar nito. Ito ang panahon upang bigyan ng pinakamataas na karangalan ang lahat ng mga martir at bayani, at upang batiin ang lahat ng Pulang kumander at mandirigma sa lahat ng naipagwaging tagumpay sa pamamagitan ng masikhay na paggawa, sakripisyo at walang humpay na pakikibaka.

Bigyan natin ng ispesyal na Pulang pagsaludo sina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria, para sa kanilang mahabang paglilingkod sa sambayanang Pilipino at sa bagong demokratikong rebolusyon. Malaki ang iniambag nila sa paglago at pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan. Sila ay mga nakatatandang konsultant ng NDFP na nasa larangan sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno ng Maynila at ng NDFP. Iginigiit namin ang kagyat na pagpapalaya sa kanila sang-ayon sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees, na mutwal na inaprubahan noon pang 1995 ng nabanggit na mga partido sa negosasyon.

I. Mga sirkunstansya at Dahilan ng Pagbubuo ng BHB


Simula noong Rebolusyong Pilipino noong 1896, nakipaglaban na ang sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon. Subalit noong nagapi ng US ang Republika ng Pilipinas noong Gerang Pilipino-Amerikano na nagsimula noong 1899, muling napailalim ang sambayanang Pilipino sa isa na namang dayuhan at pyudal na dominasyon, at paulit-ulit na naghangad na makumpleto ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Ang pagkabuo ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) noong 1942 ay nagresulta sa napakatinding mga pakikibaka ng mamamayan upang palayain ang sarili mula sa pasistang okupasyong Hapones sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at mula sa papet na gubyernong dominado ng US hanggang maagang bahagi ng 1950. Subalit ang malalalang oportunistang kamalian ng pamunuan ng lumang pinagsanib na partido Komunista at Sosyalista ang naging dahilan sa pagkatalo. Naghawan ng daan ang pagwawasto sa mga kamaliang ito mula 1966 pataas para sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968 at sa pagtatayo ng Bagong Hukbong Bayan noong 1969.

Mula 1946, nang ibigay ng US ang huwad na kalayaan, naging mala-kolonyal sa pulitika ang naghaharing sistema sa Pilipinas; i.e., di tuwirang pinamumunuan ito ng US sa pamamagitan ng mga Pilipinong ahente sa pulitika nito. Pinanatili ang pagiging malapyudal nito sa ekonomya; i.e., direktang minamantine ng malalaking burgesya kumprador at uring panginoong maylupa at mga ahente nila sa pulitika, sa pakikipagkutsabahan sa US at iba pang dayuhang monopolyo kapitalista.

Hangad ng sambayanang Pilipino na palayain ang sarili mula sa pang-aapi at pagsasamantala. Kaya, binuo ng PKP ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Layon ng programang ito na kamtin ang pambansang kasarinlan at demokrasya; katarungang panlipunan; reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon; isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura; internasyunal na pakikipagkaisa; at kapayapaan.

Ang uring manggagawa ang namumunong uri sa demokratiko at sosyalistang yugto ng rebolusyon. Ang magsasaka ang pangunahing pwersa ng rebolusyon at naggigiit ng rebolusyong agraryo. Nagsisilbi itong pinakamalaking balon ng tauhan at ng di masasaid na baseng pinagmumulan ng hukbong bayan at digmang bayan. Nagbibigay ito ng pinakamalapad na pisikal at panlipunang tereyn para sa hukbong bayan na makapagmaniobra laban sa kaaway sa malawak na kanayunan.

Ang armadong pakikibaka ang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka. Sinasagot nito ang sentral na usapin ng rebolusyon, ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika. Subalit ang nagkakaisang prente ay mahalaga ring sandata ng rebolusyon. Ang saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka ang pundasyon ng nagkakaisang prenteng ito, na kinabibilangan ng petiburgesyang lunsod bilang isang saligang rebolusyonaryong alyado at ibayong ibinibilang ang pambansang burgesya bilang isang positibo, bagamt mabuway na alyado. Sa ilalim ng mga nabanggit na sirkunstansya, maaaring ibayo pang palawakin ang nagkakaisang prente upang samantalahin ang mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo, at kung gayon ay mapapalala at mapapabilis ang pagkahiwalay at pagwasak sa kaaway.

Ipinatutupad ng BHB ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, na nangangahulugan ang pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at pagtitipon ng lakas hanggang maging hinog na ang kalagayan para sa pag-agaw ng kalunsuran sa pambansang saklaw. May mapagpasyang kahalagahan ang estratehikong linyang ito. Pinahihintulutan nito ang BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan na makapaglago mula sa maliit papalaki at mula mahina papalakas. Iniiwasan nito ang gerang madaling tinatapos na pumapabor sa superyor na pwersa ng kaaway sa usaping militar.

Sa isang matagalang digmang bayan, may puwang para paunlarin ang BHB nang yugto-yugto. Una, ikinakasa nito ang estratehikong depensiba laban sa estratehikong opensiba ng kaaway subalit naglulunsad ng pakikidigmang gerilya, nagkakasa ng mga taktikal na opensiba na kayang nitong ipagwagi hanggang makapagtipon ito ng sapat na lakas para maharap nito ang kaaway sa isang estratehikong pagkapatas. Sa pamamagitan ng kumbinasyon ng regular na pakikidgmang makilos at pakikidigmang gerilya sa panahon ng estratehikong pagkapatas, magagapi nito nang mas mabilis ang pwersa ng kaaway at mababago ang balanse ng mga pwersa hanggang mailagay ang kaaway sa estratehikong depensiba at marating ang estratehikong opensiba.

Sa paglulunsad ng digmang bayan, pinagsasanib ng BHB ang armadong pakikibaka sa rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa. Matatamasa lamang nito ang di-masasaid na suporta ng magsasaka sa pamamagitan ng paglulunsad ng rebolusyong agraryo. Ang pagkakamit ng kahilingan ng mga magsasaka para sa lupa ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Dapat buuin ang baseng masa ng rebolusyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga organisasyong masa, ng lokal na mga organo ng kapangyarihang pampulitika, at mga lokal na sangay ng PKP. Kaya, paaulun-alon na pinapalitan ng demokratikong gubyernong bayan ang kapangyarihan ng reaksyunaryong estado.

Ginagawa ang rebolusyong agraryo sa dalawang yugto. Ang una ay ang minimum na programa ng reporma sa lupa, na kinabibilangan ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, makatarungang sahod sa mga manggagawang bukid, makatarungang presyo para sa mga produkto sa bukid, pagpapataas ng produksyon sa agrikultura at mga dagdag na pagkakakitaan sa pamamagitan ng mga panimulang kooperasyon. Ang ikalawa ay ang maksimum na programa ng reporma sa lupa, na kinabibilangan ng kumpiskasyon ng mga lupa sa mga panginoong maylupa, at ang libre at pantay na pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal na walang lupa. Sumasalig pangunahin ang antipyudal na nagkakaisang prente sa maralitang magsasaka at manggagawang bukid, kinakabig ang panggitnang magsasaka, at sinasamantala ang pagkakahati ng mga panginoong maylupa upang ihiwalay at durugin ang kapangyarihan ng mga despotikong panginoong maylupa.

Binubuo ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ang demokratikong gubyernong bayan at itinatayo sa antas baryo, munisipyo at sa posible pang mas mataas na antas. Sinusuportahan ang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo ng mga gumaganang komite sa pag-oorganisang masa, edukasyong publiko, reporma sa lupa, produksyon, kalusugan, depensa, arbitrasyon, mga aktibidad na pangkultura at iba pa. Suportado sila ng mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, mga bata, aktibistang pangkultura at iba pa, sa pagpapatupad ng mga programang panlipunan, mga kampanya at aktibidad. Ang mga lokal na sangay ng PKP na mula sa lokal na baseng masa ang namumuno sa gawaing masa at paggugubyerno.

II. Paglaki at mga Tagumpay ng BHB


Sa pamumuno ng PKP, napreserba ng BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan ang sarili, lumakas at nagkamit ng malalaking tagumpay mula nang itatag ang BHB noong 1969, dahil taglay nila ang isang makatarungang adhikain, ang pambansa at panlipunang paglaya ng sambayanan mula sa kahila-hilakbot na pananalanta ng imperyalismo, pyudalismo at burukarata kapitalismo. Mayroon silang malinaw na programa ng demokratikong rebolusyong bayan, ng wastong estratehiya at taktika at isang tiyak na sosyalistang perspektiba.

Sinimulan naming buuin ang BHB mula sa wala sa ikalawang distrito ng Tarlac noong 1969. Mayroon lamang kaming siyam na awtomatikong riple at 26 na iba pang mahihinang baril para paghali-halinhan ng 60 Pulang mandirigma na binigyan namin ng pulitiko-militar na pagsasanay. Subalit tiwala kami. Mayroon kaming partido na masusing nag-aral ng Marxismo-Leninismo, ng rebolusyonaryong karansan ng sambayanang Pilipino, ng mga turo ni Kasamang Mao Zedong, at mga sulatin ng mga kasamang Byetnames hinggil sa pagbubuo ng hukbong bayan at paglulunsad ng digmang bayan. Nakinabang kami sa gerilyang karanasan at sa 80,000 kataong baseng masa sa Tarlac, gayundin sa kilusang masa sa kalunsuran na itinuloy namin at muling pinalakas.

Inasahan naming magiging tutok ng pag-atake ng kaaway ang Tarlac kapag naglunsad kami ng mga taktikal na opensiba ng digmang bayan. Kaya, kaagad naming nakita ang kagyat na pangangailangan para sa mga kadreng pang-ekpansyon upang simulan ang rebolusyon sa iba pang rehiyon at prubinsya sa madaling panahon. Nagbigay kami ng pulitiko-militar na pagsasanay sa ilang kadreng pang-ekspanyon para sa ilang prubinsya ng Cagayan Valley, Central Luzon, Southern Tagalog, Bicol at Western Visayas. Sa panahon ng 1969-72 (bago ang panahon ng batas militar), ang pinakamatagumpay sa gawaing pagpapalawak ay yaong sa Cagayan Valley, laluna sa Isabela.

Noong 1969-71, sa loob ng kulang dalawang taon, napalaki namin ang riple ng BHB sa 200 sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba sa Tarlac, at muntik kaming ng 200 pang riple mula sa armori ng Camp O'Donnel ng US Navy. Nagtagumpay kami sa minimum na programa ng reporma sa lupa at sa pagpapabuti ng mga pabahay ng maraming mamamayan. Noong maagang bahagi ng 1969, inorganisa ni Marcos ang Task Force Lawin, na may kabuuang lakas na 5000 tropang militar at pulis.

Pagsapit ng 1971, inilipat na ang punong himpilan ng Komite Sentral ng PKP sa Isabela upang idirihe ang mabilis na paglaki ng baseng masa (umabot na ng 200,000 katao), ang kampanya sa reporma sa lupa, ang pinabilis na pulitiko-militar ng mga kadreng pang-ekspansyon para sa Northern Luzon at iba pang rehiyon ng bansa, at ang pagpapaigting ng armadong pakikibaka nang may makabuluhang pagdami ng mga riple mula sa matagumpay na reyd sa armori ng Philippine Military Academy noong Disyembre 1970. Binuo ng rehimeng Marcos ang Task Force Saranay na binubuo ng maraming batalyon sa Isabela matapos mapansin ng kaaway ang paggamit ng mga Browning automatic rifle na nakuha mula sa reyd sa PMA.

Bukod sa pagpapaunlad ng rebolusyon sa rehiyon na may estratehikong kahalagahan, ang pinakamalaking halagang ibinunga ng pagbubuo ng mga baseng gerilya at sona sa Isabela ay ang pulitiko-militar na pagsasanay at ang karanasan sa pakikidigmang gerilya at gawaing masang ginawa sa mga unyonistang manggagawa at mga kabataang aktibista na nagmula sa kalunsuran sa buong bansa, salamat nang higit sa Kabataang Makabayan (KM) at ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970. Pagsapit ng maagang bahagi ng 1972, bumuhos ang signipikanteng bilang ng mga kadreng pang-ekspansyon sa mga bagong lugar na pinagpapalawakan sa buong bansa, kabilang ang nalalabing lugar sa Northeast Luzon, Northwest Luzon, Central Luzon, Southern Tagalog, Bicol, Visayas at Mindanao.

Noong maagang bahagi ng 1970, binubuo na ng PKP ang mga rehiyunal na komite ng Partido upang simulan ang digmang bayan sa kani-kanilang rehiyon, sa tulong ng mga organisasyong masa. Ginawa lahat ng mga rehiyunal na komiteng ito ng Partido ang makakaya at naging mas matagumpay dahil nakatipon sila ng karanasan at nalagom ang mga aral, kabilang ang mapapait na karansan, at habang pinalakas sila ng mga kadre at mandirigma na may mga naunang pulitiko-militar na pagsasanay at karanasang gerilya mula sa Tarlac at Isabela. Kaakibat ng suspensyon ng writ of habeas corpus noong 1971 at ng deklarasyon ng batas militar noong 1972, umanib sa hukbong bayan ang makabuluhang bilang ng mga unyonistang manggagawa at mga kabataang aktibista.

Nang ideklara ni Marcos ang batas militar, sinasabi niyang may 10,000 mandirigma na ang BHB; subalit ang totoo ay mayroon lamang itong 350 riple na hawak ng mga mandirigma ng BHB, di kabilang yaong nasa milisyang bayan at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa. Relatibong malaking bilang ng mga pambansang kadre ay inilibre mula sa lihim na mga gawaing administratibo noong 1974 at isinanib sa hukbong bayan at upang magsagawa ng gawaing masa sa kanayunan.

Pagsapit ng Disyembre 1975, nasaklaw na ang buong bansa ng relatibong matatatag na komiteng rehiyunal ng PKP at ng mga panrehiyong kumand ng BHB.

Ang dalawang kumpanya ng BHB na nahiwalay sa magubat na bahagi ng Isabela mula 1972, dahil sa maling desisyon ng panrehiyong komite ng Partido, ay nagmartsa patungong prubinsya ng Cagayan noong 1975. Nagsimula nang maglunsad ng mga laking platung gerilyang opensiba ang BHB sa Eastern Visayas at naging mas madalas ito mula 1976 pataas. Matatag na lumaki ang BHB sa Northwest Luzon, Southern Tagalog, Bicol at Western Visayas. Mabilis itong nakapagpalawak sa Mindanao. Ito ang unang gumamit ng terminong "larangang gerilya" para itakda ang kumbinasyon ng mga gerilyang base at sona sa magkakadugtong na lugar. Ginamit ng Komite Sentral ng PKP ang termino at binigyan ng tagubilin ang Komite ng Partido sa Mindanao na hatiin ang malaking rehiyon sa ilang rehiyon noong 1976.

Matapos ang plenum ng 1975 at ng mga sumunod na paglulunsad ng mga gerilyang opensiba sa buong bansa, naging malinaw na kapwa ang PKP at BHB ay tunay na ngang mga pwersang nakakalat sa buong bansa na may malalim na ugat sa masa sa mga rehiyon at prubinsya. Dumating na sa puntong nakakaya nang tagalan ng mga pwersa ng BHB ang konsentradong atake ng kaaway sa isang larangang gerilya o sa buong rehiyon, at makakapanlaban hindi lamang sa larangang gerilya o rehiyong iyon kundi maging sa ilang rehiyon at mga larangang gerilya kung saan mas mahina ang pwersa ng kaaway. Sa pambansang saklaw, nalampasan ng PKP at BHB ang malalaking balakid, napanday sa mga pakikibaka at ibayong nakapagpalakas para lalong umunlad.

Nang ako'y madakip noong Nobyembre 1977, ang antas na ng BHB ay nasa 1500 ripleng awtomatik, di pa kabilang ang mas maraming bilang ng kalalakihan at kababaihang nasa milisyang bayan at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili. Tiwala ako na ibayong lalakas ang PKP at BHB at magiging mayor na salik sa pagpapatalsik sa pasistang diktadurang Marcos. Naabot ng BHB ang antas ng 3000 riple noong 1983 at 5600 ripleng awtomatik noong 1986.

Dahil sa pangamba ng paglakas ng digmang bayan, ang US, ang simbahang Katoliko at ang malalaking kumprador-panginoong maylupang oligarkiya sa bansa ay nagpasya noong pagitan ng 1984 hanggang 1986 na si Marcos ay mas problema kaysa makatulong at kailangang matanggal sa poder sa paraan din ng pagpapatalsik kay Duvalier.

Lumakas ang hukbong bayan at lumaganap ang digmang bayan dahil sa Maoistang pamumuno kapwa ng PKP at BHB. Bihasa ang mga kadre at mandirgma sa partikular na mga katangian ng digmang bayan sa Pilipinas, sa rebolusyonaryong gabay sa reporma sa lupa, at sa mahigpit na mga tungkulin sa pagbubuo ng baseng masa.

Sa kabila ng pangkalahatang paglago noong 1980s, ilang kagawad ng Komite Sentral ang nagpalaganap ng suhetebistang ideya na ang Pilipinas ay hindi na malapyudal at kung gayon, ang implikasyon, pinaunlad nang husto ni Marcos ang ekonomya dahil sa kanyang malalaking kumprador-panginoong maylupang mga patakarang na nakasalig sa mga dayuhang pangungutang. Batay sa nasabing ideya, lumitaw ang Kanan at "Kaliwang" oportunismo at nagpabagal sa dapat sana'y mas mabilis na tantos ng paglago. Lumihis ang mga oportunista sa pagsusuri ng ekonomya ng Pilipinas bilang malapyudal, sa pangkalahatang pampulitikang linya ng demokratikong rebolusyong bayan, at sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan.

Ang pinakamalala sa mga Kanang oportunista at naghangad na iwaksi ang pamumuno ng uring manggagawa, ay gawing pangunahing sandata ang nagkakaisang prenteng pinamumunuan ng burges at ang ligal na pakikibaka bilang pangunahing porma ng pakikibaka. Ang pinakamalala sa "Kaliwang" mga oportunista at naghangad ng pagpapalaki at pagregularisa ng yunit panlaban ng BHB, nang hindi pinapansin ang rebolusyong agraryo at ang pagbubuo ng baseng masa. Sa pagkabigo ng kanilang linya, pinalitaw ng mga militaristang adbenturista ang isang isterya hinggil sa deep penetration agents (mga ahente ng kaaway na nasa loob ng kilusan) at humantong sa witch hunt, na nagpahina sa lakas ng rebolusyonaryong kilusan at sa baseng masa sa ilang lugar sa iba't ibang panahon, mula 1985 pataas.

Buti na lamang, inilunsad ng PKP ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992. Gumampan ng mahalagang papel sina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria sa kilusang pang-edukasyon. Mula noon, nagkamit ng umaalingawngaw na mga tagumpay ang PKP at BHB sa muling pagtitibay ng mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo at sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan; nabawi ang baseng masa (60% nito ay nabuwag noong 1991 dulot ng "Kaliwang" oportunistang linya); muling lumakas ang kilusang masa; at sumulong ang digmang bayan. Napatalas ang linya ng digmang bayan na paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Umaalingawngaw na tagumpay ito.

Sa kasalukuyan, iniulat na mayroong 150,000 kasapian ang PKP, may 10,000 mandirigma ang BHB, ilampung libong tauhan ng milisyang bayan, at daan libong nasa mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili. Bumibilang sa mahigit 110 ang mga larangang gerilya, na sumasaklaw sa signipikanteng bahagi ng 71 prubinsya. Umaaabot ng milyun-milyon ang kasapi ng mga organisasyong masa; ang milyun-milyong katao ang nasa teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan. Sa kabila ng kamakailang pagkaaresto kina Kasamang Tiamzon at Austria, patuloy na lalakas at susulong ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Malayong mayroong mas malaking kilusang masa ngayon kaysa nang kami'y madakip ni Julie noong 1977.

Nakayanan at nakapangibabaw ang PKP, BHB at ang mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan sa mga pagtatangka ng 14-taong pasistang diktadura at ng mga sumunod na huwad na mga demokratikong rehimen na wasakin sila sa pamamagitan ng pambansang plano ng panunupil militar at panlilinlang na pakana ng US, gaya ng kasalukuyang Oplan Bayanihan. Paulit-ulit na napatunayang wasto at di matitinag ang gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, at ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa bulok na naghaharing sistema na nasa talamak na krisis na patuloy pang lumalala.

III. Mga Prospek ng BHB at ng Digmang Bayan


Tulad ng PKP, nagdeklara ang NDFP na ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan para sa matagalang digmang bayan ay siya ring linya para sa negosasyong pangkapayapaan sa reakyunaryong gubyerno, at ang digmang bayan ay makatwiran hangga't ang kahilingan ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang paglaya ay hindi natutugunan. Itinuturing ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang negosasyong pangkapayapaan bilang landas sa pagsusulong at pagtulong para makamit ang kahilingan nila para sa pambansang kasarinlan at demokrasya.

Lagi nilang nilalabanan ang pinakahahangad ng reaksyunaryong gubyerno na panatilihin ang malakolonyal at malapyudal na sistema, ang pagnanais ng pagsuko at pananahimik ng rebolusyonaryong kilusan. Nilinaw nila na handang-handa sila sa posibilidad na tatapusin ng kanilang kaaway ang negosasyong pangkapayapaan. Garapal na nilalapastangan at nilalabag ng reaksyunaryong gubyerno ang mga umiiral na kasunduan, gaya ng The Hague Joint Declaration, ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees, at ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

Determinado ang PKP at BHB na kamtin ang planong sumulong mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa maikling panahon, at ibagsak ang naghaharing sitema at itayo ang demokratikong gubyernong bayan sa pangmatagalan. Nilalayon nilang palakihin ang bilang ng mga kasapi ng PKP sa 250,000, ng BHB sa 25,000, ang mga larangang gerilya sa 200 at ang saklaw ng rebolusyong agraryo at ang baseng masa sa ilang milyon pang mamamayan.

Layon nilang sumulong hanggang marating nila ang estratehikong opensiba upang ibagsak ang naghaharing sistema at itayo ang demokratikong sistema ng estadong bayan. Tiwala sila sa pagsusulong nang yugtu-yugtong digmang bayan dahil nakikipaglaban sila para sa isang makatarungang adhikain ng mga Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya, dahil mayroon silang wastong pangkalahatang linya at estratehiya, dahil nakapagtitipon sila ng lakas sa pamamagitan ng masikhay na gawain at pakikibaka, at dahil ang mga kundisyon paborable sa rebolusyon ay iniluluwal ng wala pang singgrabe at papalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema.

Mahigpit na nagdurusa ang malawak na masa ng sambayanan mula sa papatinding pagsasamantala sa ilalim ng neoliberal na patakaran sa ekonomya, sa terorismo ng estado, at sa imperyalistang gerang agresyon. Subalit itinutulak silang mas puspusang lumaban para sa kanilang pambansa at panlipunang paglaya, at para sa isang saligang bago at mas magandang mundo na may kalayaan, katarungang panlipunan, kaunlaran, kultural na kasiglahan at kapayapaan.