Ang EDCA ay tagibang pabor sa US at isang tahasang paglabag sa soberanya ng Pilipinas

Partido Komunista ng Pilipinas
Mayo 2, 2014


Translation: The EDCA is lopsided in favor of US and is an outright violation of Philippine sovereignty

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga upisyal sa depensa at seguridad ng gubyernong Aquino at Obama sa kanilang garapal na kasinungalingan para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA - Kasunduan para sa Pinaunlad na Pagtutulungang Pandepensa) na naggagawad sa mga pwersa ng US ng karapatang humimpil sa Pilipinas.

Sa isang masusing pag-aaral sa nilalaman ng EDCA, na ang kopya ay inilabas lamang sa publiko isang araw matapos itong lagdaan, makiktiang ang kasundua'y tagibang pabor sa gubyerno at militar ng US at lansakang paglabag sa soberanya ng Pilipinas.


Sa Artikulo III, Seksyon 1, pinapayagan ang pwersa ng US na magkondukta ng "pagsasanay; paglilipat; pansuporta at kaugnay na aktibidad; pagkakarga ng gas ng sasakyang panghimpapawid; pagpondo ng mga sasakyan; pansamantalang pagmamantine ng mga sasakyan, barko at eroplano; pansamantalang akomodasyon ng mga tauhan; pagdeploy ng pwersa at kagamitan; at iba pang aktibidad na mapagkakasunduan ng mga Partido."

Ibinibigay ng seksyong ito ang awtoridad na isagawa ang buong saklaw ng posibleng mga operasyon ng militar sa loob ng kanilang mga kampo.

Taliwas sa kanilang naunang pahayag, walang probisyon ang EDCA na ang akses sa tinaguriang Agreed Locations (mga lugar na pinagkasunduang bibigyan ng akses ang militar ng US) ay igagawad "sa imbitasyon" ng Pilipinas. Ang soberanya sa mga lugar na ito ay isinusuko na sa US dahil ang mga pwersa nito ay binibyang awtoridad na gawin ang halos lahat na kakailanganin at nanaisin ng isang pwersang militar sa loob ng mga base militar nito.

Dahil sa karapatang magpusisyon at magdeploy ng mga pwersa nito at kagamitang pandigma sa loob ng lugar na kontrolado ng US, maaari at magsisilbi ang mga Agreed Locations na ito bilang lunsaran ng gerang agresyon nito at "gun boat diplomacy". Alalahanin kung paano ginamit ang Clark at Subic para ilunsad gerang agresyon nito sa Vietnam mula 1950 hanggang 1960 maging laban sa Iran noong 1970.

Malinaw na nilalapastangan ng EDCA ang soberanya ng Pilipinas habang hindi inoobliga ang US na humingi ng permiso sa gubyerno ng Pilipinas bago gamitin ang tinaguriang Agreed Locations bilang mga base para sa paglulunsad ng anumang operasyong militar ng dayuhan. Sa paglagda sa EDCA, pinahintulutan ng rehimeng Aquino ang Pilipinas na sumunod sa patakarang panlabas at militar ng US at isinuko na ang soberanong karapatan ng Pilipinas na independyenteng pagpasyahan ang patakarang panlabas nito.

Ibayong ibinubukas ng EDCA ang pintuan para sa akses ng US sa mga lupaing publiko at mga pasilidad, lampas sa tinaguriang Agreed Locations, gaya ng tinutukoy sa Artikulo III, Seksyon 2. Ibayong ipinahiwatig nito na ang gayong akses ay dapat ipagkaloob nang awtomatiko sa mga pwersa ng US kapag iminungkahi, na hindi nangangailangan ng naunang kasunduan o kaayusan.

Magbibigay-daan ito na gamitin ng mga pewrsa ng US ang mga kalsada, pantalan, at paliparan labas sa kampo militar ng AFP, kabilang yaong nasa Subic at Clark, maging ng anuman o lahat ng paliparan at pantalan sa buong bansa. Dahil hindi mismo tinukoy ng EDCA ang parametro ng "transit or temporary access," tila pinayagan na ang mga pwersa ng US na magtayo ng permanenteng akses sa mga pasilidad na ito sa pamamagitan ng sunud-sunod na operasyong paglipat kapag "iminungkahi" nito.

Sa tabing ng "humanitarian operations (makataong operasyon)", pinanatili ng US ang akses sa paliparan ng Tacloban at Mactan, maging sa mga lapagan at pwerto sa Guiuan, matapos lumahok ang mga pwersa ng US sa mga operasyong relief para sa bagyong Yolanda.

Ang lansakang pagkiling ng EDCA ay pinatampok din ng katotohanang ang akses ng US sa tinaguriang Agreed Locations ay ibinigay "nang walang upa o katapat na halaga," na mas malala pa kaysa sa nagdaang mga Military Bases Agreement ng 1946 na nag-oobliga sa US na magbayad ng taunang upa.

Ang mga probisyon ng EDCA na nagsasaad na ang mga titulo at pagmamay-ari sa mga Agreed Locations na imamantine umano ng Pilipinas ay isang hungkag na pormalidad. Pormalidad din lamang na ang lugar ay idinekelarang nasa ilalim ng awtoridad ng Pilipinas, habang sa isang probisyon (Art. III, Sek. 5), ang "maagap na akses" ng mga upisyal ng Pilipinas ay ibibigay sa kundisyong tugma ito sa 'pangangailangang pangkaligtasan at seguridad'.

Isa itong tahasang pang-iinsulto sa mga kumander ng base ng AFP na babawalang magsagawa ng 'sopresang pagbisita' para alamin ang mga aktibidad ng mga pwersa ng US sa loob ng tinagurian Agreed Locations na dapat ay nasa ilalim ng kanyang awtoridad.

Taliwas sa pagsasabing nananatili sa Pilipinas ang awtoridad sa mga Agreed Locations, tinutukoy ng EDCA: (a) na mayroong di nalilimitahang akses ang mga pwersang US at mga kontraktor nito (Art. IV, Sek. 4) sa mga nasabing lokasyon sa lahat mga aktibidad na may kaugnayan sa papupusisyon at pag-iimbak ng mga kagamitang militar; (b) ang mga ipinusisyong kasangkapan, suplay at kagamitan ay "para sa eksklusibong gamit ng mga pwersa ng United States"; at ang US "ang may kontrol sa pag-akses at dispusisyon" ng mga kagamitang iyon at 'siya lamang ang may tanging karapatan' na tanggalin ang kagamitang iyon sa Pilipinas.

Paulit-ulit na ipinagmamalaki ng mga upisyal ni Aquino na ang mga istrukturang itatayo ng US ay awtomatikong aariin ng gubyerno ng Pilipinas. Gayunpaman, sa Art. V, Sek. 2, tinukoy na sa pagsasauli sa Pilipinas ng mga Agreed Locations, mayroong gagawing mga konsultasyon kaugnay sa "pagbabayad sa ginawang mga pagpapaunlad o konstruksyon" na ang ibig sabihin, maaaring maggiit ng kabayaran ang militar ng US para sa mga istruktura, kahit na ginawa ang mga ito para sa gamit ng mga pwersa ng US at walang silbi sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Art. VII, Sek 1, ibayong pinagkalooban ng gubyerno ng Pilipinas ang mga pwersa ng US ng pribelihiyo na gamitin ang tubig, kuryente at iba pang pasilidad sa kundisyong dapat ay tinatamasa lamang ng Pilipinas. Binibigyan na mismo ng EDCA ang mga pwersang US ng katayuang soberano sa pagkakaloob ng mga pribelehiyo na nakareserba para lamang sa gubyerno ng pilipinas.

Ibayong pinagkalooban ang mga pwersa ng US ng soberanong kapangyarihan sa Art VII, Sek. 2 na nagpapahintulot sa mga pwersa ng US "na mag-opereyt ng sarili nitong sistema ng telekomunikasyon" at gamitin ang ere nang "walang bayad". Taliwas dito, lahat ng mga opereytor ng radyo sa Pilipinas ay dadaan sa mahigpit na proseso ng pagkuha ng prankisa para gumamit ng at magbrodkas sa ere.

Tila ikinaliligaya ng mga papet na upisyal ng rehimeng Aquino ang mga pang-iinsulto ng kanilang imperyalistang amo.

Mayroon ngang probisyon na tahasang tinutukoy na ang mga kagamitang ipuwesto ng US ay hindi dapat magtaglay ng mga sandatang nukleyar (Art. IV, Sek 6). Gayunpaman, ito ay hungkag na deklarasyon dahil walang pamamaraan para tiyakin ng Pilipinas ang pagtalima, laluna sa harap ng umiiral na patakaran ng US na hindi nagkukumpirma ni tumatanggi sa presensya ng mga sandatang nukleyar sa kanilang mga barkong pandigma at jetfighter na may kakayahang-nukleyar.

Ang probisyong na EDCA na tinutukoy sa itaas na nagtatadhana ng eksklusibong akses ng US sa mga ipinwesto nitong kagamitan ay humahadlang sa Pilipinas na gumawa ng anumang hakbang para tiyakin ang pagtalima ng US sa konstitusyon ng Pilipinas ng 1987 na nagbabawal ng mga sandatang nukleyar.

Alalahanin natin na ang US ay dapat gumawa ng malinaw na pagtutuos ng mga sandatang nukleyar na ipinwesto nito sa Pilipinas sa panahon ng 1970 at 1980, na tinukoy sa mga upisyal na dokumentong na-"declassify" na gubyernong US.

Batay sa karanasan, hindi maaaring pagkatiwalaan ng sambayanang Pilipino ang gubyerno ng US na tumalima sa mga probisyon hinggil sa kalusugan at kapaligiran. Nang lisanin ng mga pwersa ng US ang Clark Air Base at Subic naval Base noong 1992, tumanggi itong bayaran ang paglilinis ng mga nakalalasong basurang iniwan nito. Inabot na ng mga nakalalasong basurang ito ang suplay ng tubig sa Clark at mga karatig na lugar.

Kamakailan lamang, tumanggi ang US na akuin ang pananagutan sa pagtatapon ng nakalalasong basura sa karagatan ng Subic noong Oktubre 2012. Mahigit isang taon na ang nakalipas, patuloy pa ring tumatanggi ang US na bayaran ang mga pinsalang sanhi ng pagsasadsad ng barkong pandigma ng US na USS Guardian noong maagang bahagi ng 2013 .