Magpapahintulot sa US ang Enhanced Defense Cooperation Agreement para palakihin ang tropa at magtayo ng mga base militar sa Pilipinas

Patatampukin ng Enhanced Defense Cooperation Agreement ang pulong nina Obama-Aquino sa Maynila

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines
Abril 24, 2014

Translation:  The Enhanced Defense Cooperation Agreement allows the US to increase troops and build military bases in the Philippines

Tinuturing na bilang isang mayor na pagsulong sa estratehikong pagtutulungan ng US at Pilipinas, ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay nagpapatampok sa pulong nina Presidente Obama ng US at Presidente Aquino ng Pilipinas sa Maynila noong Abril 28-29.

Inikutan ng EDCA ang pagbabawal ng konstitusyon ng Pilipinas sa mga base militar at tropa ng dayuhan at pinahihintulutan ang US na magpalaki ng tinatawag na pagrelyebo ng presensya ng mga tropa nito at magtayo ng mga base militar sa tabing ng mga awtorisadong pansamantalang pasilidad sa mga lugar ng armadong pwersa ng Pilipinas.


Ang diwang patriyotiko ng sambayanang Pilipino laban sa EDCA ay mabilis na tumataas. Naglabas ng mga pahayag ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at ang iba pang organisasyon na bumabatikos dito bilang paglabag sa soberanya ng Pilipinas at teritoryal na integridad. Nanawagan sila ng aksyong protesta ng masa laban sa rehimeng Obama at Aquino.

Tutol ang sambayanang pilipino sa mga base militar ng US. Nagpapaalala ang mga ito sa brutal na pagsakop ng US sa Pilipinas. Mahigit 10% o 700,000 ng populasyon ng Pilipinas ang namatay sa Gerang Pilipino-Amerikano na nagsimula noong 1899 at pormal na natapos noong 1902. Ang pamamaslang ay nagpatuloy hanggang 1913, kaya umabot ang mga Pilipinong namatay sa 1.5 milyon.

Sa mas kamakailangang kasaysayan, umigting ang pagkamuhi ng sambayanang Pilipino sa mga base militar ng US nang mahiwatigan nila na ito ang pangunahing rason ng pagsuporta ng US sa pasistang diktadurang Marcos mula 1972 hanggang 1986. Kung kaya, nagpasya ang mga nagbalangkas ng konstitusyon ng Pilipinas ng 1987 na ipagbawal ang dayuhang mga base militar, tropa at sandatang nukleyar sa teritoryo ng Pilipinas.

Gayunpaman, nanatiling buo ang US-RP Military Assistance Agreement ng 1947 at ang US-RP Mutual Defense Treaty ng 1951. Nilansag ang mga base militar ng US noong 1992 matapos magpasa ng resolusyon noong 1991 ang Senado ng Pilipinas na tumapos sa kontrata para sa mga base militar ng US. Simula noon, nagmaniobra ang US para ikutan ang pagbabawal at magkaroon ng US-RP Visiting Forces Agreement (VFA) noong 1998 para payungan ang taunang magkasamang ehersisyong militar ng US-RP.

Pinahintulutan ng VFA ang pagrelyebo ng mga pwersang militar ng US at ang kanilang mga operasyon saan man sa Pilipinas kahit gaano katagal upang sanayin at makaoperasyon nang kasama ang armadong pwersa ng Pilipinas at gamitin ang mga pasilidad nila; at panatilihin ang hurisdiksyon sa mga kasong kriminal, kabilang ang malalang krimen na kinasasangkutan ng mga tropa ng US.

Lubos na itinuturing ngayon ang EDCA na mas malala pa sa VFA dahil pinahihintulutan nito hindi lamang ang walang taning na pagdalas ng relyebo ng mga pwersang militar ng US kundi ang pagtatayo pa ng mga base militar ng US at mga istasyon sa mga lugar ng armadong pwersa ng Pilipinas, na nagbababa sa katayuan ng mga tropang Pilipino bilang mga gwardya lamang sa perimetro sa kapinsalaan ng Pilipinas.

Inaatasan ng US ang Pilipinas na paunlarin ang ilang kampo ng AFP at reserbasyon sa Palawan at Rizal para sa akomodasyon ng mga base militar. Gumagastos ito ng P1 bilyon upang paunlarin ang mga nabal na pasilidad sa Ulugan Bay at Oyster Bay sa Palawan para sa akomodasyon at serbisyo sa papadalas na trapiko ng mga barkong pandigma, eroplano at tropang pangkombat ng US.

Ibayong pinagngangalit ang sambayanang Pilipino ng pangako ng rehimeng Aquino sa US na amyendahan ang konstitusyon ng Pilipinas upang pahintulutan ang mga dayuhang mamumuhunan ng walang limit na pagmamay-ari ng mga lupain at negosyo. Nais din ng rehimen na kalugdan ni Obama ang pagkaaresto ng diumanong mga lider ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang patunay ng tagumpay ng Oplan Bayanihan, isang planong militar na nakabatay sa Counter-Insurgency Guide ng US.

Pinalamutian ng rehimeng Aquino ang EDCA bilang isang mayor na kontribusyon sa nagpapatuloy gera laban sa teorismo ng US at sa pagpihit ng US sa East Asia, na naglalayong magdeploy ng 60% ng mga pwersang nabal ng US at 50% ng sundalong panlupa at air force ng US sa rehiyon. Ipinaghahambog ng mga awtoridad ng US at Pilipinas ang EDCA bilang bahagi ng muling pagbalanse ng militar ng US para mapigilan ang China na bantaan ang mga katabing bansa at mapanatiling bukas ang South China Sea sa internasyunal na paglalayag at komersyo.

Ipiniprisenta ng US ang sarili nito bilang tagapagtanggol ng Pilipinas mula sa paghahari-harian ng China kung kaya nagganyak ang rehimeng Aquino na tutulan ang 9-dash line na pag-angkin ng China sa halos buong China Sea. Ang pinalaking imahe ng China bilang banta sa seguridad ng ibang bansa ay ginamit na katwiran sa ibayong pagyurak ng kapangyarihang militar ng US sa Pilipinas at ng ekspansyong militar ng US Asia-Pacific region.

Sa usaping ito, hindi tumutulong ang China upang bawasan ang pangamba sa pamamagitan ng aktwal na pag-angkin ng 90% ng South China Sea, kabilang ang malalawak na karagatan, at nagbabantang saklawin ang exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas hanggang 90% at 100% ng mga ito, na labag sa UN Convention on the Law of the Sea.

Suportado ng rehimeng Aquino ang pakana ng US na ipresyur ang China sa ekonomya sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa Trans Pacific Partnership Agreement (TPPA) na pakana ng US, isang malaking kasunduan sa malayang kalakalan na direktang nag-eetsa-pwersa sa China, at naghahapag sa US at sa pinakamalalapit na alyado nito ng 100% pagmamay-ari ng lupa at negosyo sa Pilipinas.

Samantala, nagmamantine ang US sa China ng dalawahang patakaran ng kooperasyon at pagpigil. Pinananatili ng US at China ang mahigpit na bilateral na relasyon sa ekonomya at kalakalan sa ilalim ng patakaran ng globalisasyong neoliberal. Malayong mas mahalaga ang kanilang relasyong pang-ekonomya at pampulitika kaysa sa pagitan ng US at Pilipinas. Nililinlang lamang ng rehimeng Aquino ang sarili sa pag-iilusyon na pinahahalagahan nang higit ng US ang relasyon nito sa Pilipinas kaysa sa China.

Ang pagpihit ng militar ng US sa East Asia ay hindi nangangahulugan ng pang-uupat ng pakikipaggera sa China sa malapit na hinaharap subalit tantyado na makahikayat ng tinaguriang liberalisasyong pulitikal sa loob ng China, pigilan ang pagsambulat ng ultranasyunalismo ng mga pulitikal na lider na Tsino at harangan ang Demokratikong Republikang Bayan ng Korea. Nilalayon ng TPPA na ipresyur ang China na ganap na ipribatisa ang mga empresang pag-aari ng estado at ibayong iliberalisa ang ekonomya pabor sa mga dayuhang mamumuhunan.

Hindi maisasalba ng pangangayupapa ng rehimeng Aquino sa US sa usapin ng ekonomya at seguridad ang papalaking reputasyon nito sa pagsasamantala, kawalang-kakayahan, korapsyon at panunupil. Patuloy na nakasadlak ang Pilipinas sa papalala at papalalim na krisis ng pandaigdigang kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema.

Laganap ang panlipunang ligalig at napipintong sumambulat sa malawakang aksyong protesta. Samantala, ang armadong kilusang bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya ay malinaw na sumusulong kasabay ng pambansang gerilyang opensiba ng Bagong Hukbong Bayan.