Mensahe sa mga manggagawang Pilipino sa Mayo 1

Partido Komunista ng Pilipinas
Mayo 1, 2014


Translation: Message to Filipino workers on May 1

Ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rebolusyonaryong pagbati sa uring manggagawang Pilipino sa okasyon ng Internasyunal na Araw ng mga Manggagawa. Bigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay ang mga bayani ng kilusan ng uring manggagawa sa Pilipinas, mula kay Isabelo delos Reyes hanggang kay Crisanto Evangelista, mula kay Amado V. Hernandez hanggang kay Ka Bert Olalia at Crispin Beltran.

Lubos nating pahalagahan ang kasaysayan ng pakikibaka ng uring manggagawang Pilipino, ang mga sakripisyo at tagumpay ng nagdaang henerasyon ng mga manggagawa at ang kritikal na tungkulin na dapat isabalikat ng kasalukuyang henerasyon ng mga manggagawa upang ipagtanggol ang kanilang mga demokratikong karapatan at isulong ang kanilang demokratikong pakikibakang masa sa gitna ng walang habas na pang-aatake at ng malalang pagsasamantala ng malalaking dayuhang monopolyo kapitalista at ng kanilang lokal na mga kasapakat.



Buong higpit nating panghawakan ang susing papel na ginampanan ng mga manggagawang Pilipino sa pamumuno sa pambansang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino na naglalayong wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang malakolonyal at malapyudal na sistema at hawanin ang landas para sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Ang kagyat na pangangailangang isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon ay pinatatampok ng kasalukuyang kalagayan ng uring manggagawang Pilipino. Mabilis na tumindi ang pang-aapi, pagsasamantala at sosyo-ekonomikong kalagayan ng manggagawang Pilipino sa nakaraang tatlong dekada ng neoliberalismo at patakarang pleksibilisasyon sa paggawa. Pinabulusok pa itong higit sa ilalim ng pangmatagalan at nagpapatuloy ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo umpisa noong 2008.

Tuluy-tuloy na bumaba ang antas ng sahod relatibo sa tuluy-tuloy at matarik na pagtaas ng halaga ng pamumuhay. Ang nakatakdang minimum na sahod ay mas mababa pa sa kalahati ng arawang pangangailangan ng isang anim-katong pamilya para mabuhay nang disente. Ang batas sa minimum na sahod ay binalewala ng rehiyunalisasyon ng minimum na sahod umpisa pa noong huling bahagi ng 1980 at tahasang sinalungat ng Two-Tier Wage Policy ng rehimeng Aquino na nagtatakda ng napakababang "floor wages" (batay sa napakababang pagtaya ng gubyerno sa antas ng kahirapan). Ang pinakahuling panukala na inilabas ng burukrasya ni Aquino ay ang ganap na pagtatanggal ng batas sa minimum na sahod sa pamamagitan ng opsyunal na pagpapatupad rito.

Walang habas ang mga pag-atake sa demokratikong karapatan ng mga manggagawa ng patakarang pleksibilisasyon sa paggawa sa nakaraang tatlong dekada. Ang kasiguruhan sa trabaho, isang batayang karapatang ipinagtagumpay ng mga manggagawa sa pamamagitan ng masikhay na pakikibaka sa buong ika-20 siglo, ay ibinasura ng iba't bang patakaran, batas at praktika sa ngalan ng "pleksibleng plano ng pagpapatrabaho." Ang pagpapatupad ng kontraktwalisasyon sa paggawa ay itinakda ng RA 6715 o Herrera Law na nag-amyenda sa Batas sa Paggawa noong 1989.

Ang pinakalaganap at pinakamapang-api sa mga ito ay ang iba't ibang anyo ng "labor-only contracting" kung saan ang mga manggagawa ay naging mga permanenteng kontraktwal, na laging binabantaan ng pagtatanggal. Karaniwang tumatagal lamang ng lima o mas maikli pa ang mga kontrata sa trabaho. Ang mas batang mga manggagawa ay bulnerable lalo sa papalalang anyo ng "plesibleng" trabaho kung saan isinasailalim sila sa pinaka di-makataong kundisyon sa mga paggawaan. Kinabibilangan ito ng kaayusan sa pagitan ng mga iskwelahan sa pagsasanay at mga kumpanya kung saan ang mga estudyante are kinakailangang magtrabaho sa kakarampot na sahod o walang bayad hanggang makapagtapos. Sa ilang eskwelahan, ang mga estudyante ay inoobligang magbayad para sa kanilang "pagsasanay" sa mga pabrika, hotel, ospital at iba pang pinapasukan.

Pagkaraan ng tatlong dekada, halos 100% ng mga karaniwang manggagawa ay kontraktwal. Ang karaniwang mga manggagawa na nananatiling regular na manggagawa sa pamamagitan ng mariing pagtutol ay binabantaan pa rin ng pagtanaggal sa trabaho sa pamamagitan ng pwersang pagpaparetiro, duplikasyon ng trabaho at iba pang paraan.

Dahil walang habang na inaatake ang kanilang karapatang mag-unyon, tinatayang bumagsak na ang bilang ng mga manggagawang kasapi ng mga unyon ng di bababa sa 5% mula 15% noong 1980. Tinatarget sa mga tanggalan ang mga susing lider ng unyon ng mga manggagawa. Hindi iilan ang pinatay o isinailalim sa kriminal na paglilitis. Sa di tuwirang paraan, epektibong napahina ang karapatang mag-unyon sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon sa paggawa. Pinagbabawalan ng mga kontrata sa paggawa ang mga manggagawa sa pagsapi sa mga unyon at sa pagsasagawa ng mga kolektibong pagkilos.

Ang signipikanteng pagbawas ng lakas ng organisadong manggagawa ay naglagay sa mga Pilipinong manggagawa na maging mas bulnerable sa lumalalang pang-aapi at pagsasamantala, kung saan ang kanilang sosyo-ekonomikong kalagayan at ang katayuan ng kanilang demokratikong mga karapatan ay nasa pinakamababang antas kumpara sa nakaraang siglo.

Ang mga pag-atake sa mga manggagawang Pilipino ay itinakda na ibayong umigting sa mga susunod na taon habang patuloy sa paglala ang pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa sulsol ng American Chamber of Commerce, ng IMF at mga dayuhang bangko, binabalak ng rehimeng Aquino na ipwesto ang mga patakarang ibayong hihila pababa sa sahod para makipagkumpitensya sa China, Vietnam, Bangladesh, Thailand, Indonesia at iba pang bansa kung saan ang sahod ng mga manggagawa ay pinananatiling mababa para "makaakit ng dayuhang pamumuhunan" sa mga plantang nag-aasembol.

Gayundin, pinananatili ng rehimeng Aquino ang patakaran ng pagluluwas ng mga manggagawa. Para matupad ang layuning ito, pinasigla ni Aquino ang pagsisikap para mapalawak ang mga "eskwelahan sa pagsasanay" ng gubyerno at itransporma ang buong sistema ng edukasyon para makalikha ng mga batang manggagawa para sa pag-eeksport ng mga manggagawa. Ang mga batang estudyante ay sinasanay para maging barista, masahista, welder, kusinero, panadero, nars, at caregivers, hindi para sa pag-unlad ng lokal na ekonomya, kundi para ideploy sila sa US, sa Middle East at iba pang bansa. Ang tanging solusyon lamang ni Aquino sa malawakang suliranin ng kawalang-hanapbuhay ay walang ipinagkaiba sa mga solusyon ng mga rehimen sa nakaraang 30 taon.

May mahigpit na pangangailangang labanan ang mga neoliberal na atake sa mga manggagawang Pilipino at isulong ang kanilang aspirasyon para sa mas mataas na sahod, mas mabuting kundisyon sa paggawa at kasiguruhan sa trabaho. Ang pambansang demokratikong kilusan sa paggawa sa Pilipinas ay dapat magpunyagi sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawang Pilipino at kanilang mga pamilya.

Dapat walang pagod na magsagawa ng propaganda at edukasyon ang mga aktibistang manggagawa upang pukawin ang mga manggagawa at hikayatin silang maglunsad ng mga kolektibong pagkilos. Dapat walang humpay nilang ilantad ang kasamaan ng neoliberalismo at pleksibleng paggawa. Dapat nilang tulungan ang mga bagong henerasyon ng mga manggagawa, pag-aralan ang kasaysayan ng kilusang ng uring manggagawa sa Pilipinas at panghawakan ang mga aral upang gabayan ang kanilang kasalukuyang mga pakikibakang masa upang isulong ang kanilang demokratikong aspirasyon. Dapat nilang basagin ang ipinapataw na imperyalistang kultura ng takot, pagkasunud-sunuran, palasuko at maamo na naghahati sa mga manggagawa at naglalagay sa kanila sa mas matinding pagsasamantala at pang-aapi.

Dapat nilang gawin ang lahat para magtayo ng unyon, maglunsad ng pakikibaka para sa pagtataas ng sahod at mas mabuting kundisyon sa paggawa at magiit na ang gayong mga karapatan at kahilingan ay dapat ipagkaloob sa lahat ng mga manggagawa, regular man sila o manggagawang kontraktwal. Sa kabila ng malalaking kahirapan at todo-largang panunupil, nagkamit ang mga manggagawa ng mahahalagang tagumpay sa pagtatayo ng mga unyon at iba't ibang tipo ng mga samahan sa loob at labas man ng mga pabrika.

Ang mga komunidad ng mga manggagawa ay dapat magsilbing base para sa pag-oorganisa ng mga manggagawang may trabaho, ng mga walang trabaho at mga pamilya nila. Dapat walang pagod na magbuo ang aktibistang manggagawa at mga aktibista mula sa kilusang kabataan at estudyante ng mga organisasyon ng mga manggagawa sa mga komunidad upang magsilbi bilang pangunahing pwersa ng kilusang manggagawa.

Sa gayon, ang mga komunidad ng mga manggagawa ay moog ng kilusang manggagawa mula saa'y makapaglulunsad sila ng mga pakikibaka para isulong ang kahilingan para sa pagpapataas ng sahod, pagpapababa ng presyo ng pagkain at langis, mataas na alokasyon para sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, trabaho, industriyalisasyon at reporma sa lupa at labanan ang kroniyismo at korapsyon, pakanang pribatisasyon at iba pang patakaran ng rehimeng Aquino na nagsisilbi sa malalaking dayuhang negosyo, nagbebenta sa patrimonya ng bansa at nagsasadlak sa mga manggagawa at masang anakpawis sa pagsasamantala, pang-aapi at papalalang kalagayang sosyo-ekonomiko.

Kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino ang malalaking hamon. Gayunpaman, kaya itong malampasan. Subalit upang makasulong ng malakihan, dapat maging handa ang mga aktibista ng pambansang demokratikong kilusang manggagawa sa Pilipinas na magsakripisyo sa pagsasabalikat ng mahihirap na tungkulin ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawang Pilipino. Dapat tumulong ang mga aktibistang kabataan at estudyante upang maaabot ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawa at mga komunidad nila.

Krusyal para sa mga pwersang rebolusyonaryo at progresibo na isulong ang pambansang demokratikong kilusang manggagawa. Ang sustenidong paglakas ng kilusang masa ng mga manggagawa ay magsisilbi bilang susi sa pagpapalakas ng kakayahan ng demokratikong kilusang masa na ipagtanggol at isulong ang demokratikong aspirasyon ng mamamayan sa harap ng matinding liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon; at kumprontahin at itulak ang pagbagsak ng magkakasunod na reaksyunaryong rehimen at ng iba pa.

Hinihingi ng kalagayan ng pinaigting na imperyalistang interbensyon ng US at ang pinalaking presensya ng mga tropang panlabang Amerikano sa Pilipinas, na magkaisa ang mga manggagawang Pilipino sa ilalim ng bandila ng patriyotismo. Ipinapaalala nito sa mga manggagawang Pilipino ang namumunong papel na ginampanan nila sa pakikibaka laban sa kolonyalismo mula sa pag-uumpisa ng ika-20 siglo hanggang 1940s at ang pakikibakang inilunsad nila laban sa kolonyal na kontrol simula noon.

Gayundin, magsisilbi ang pagsulong ng pambansang demokratikong kilusang manggagawa sa pagsulong ng kilusang masa sa kanayunan at sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan, sa pamamagitan ng pagiging inspirasyon para sa pakikibakang masa at paglaban; at pagiging balon ng mga aktibista at kadre na magsisilbi sa pakikibakang masa ng mga magsasaka para sa reporma sa lupa; at bilang mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.