Talumpating binigkas sa Famine Walk, Co. Mayo, Ireland
Nakikibaka ang sambayanang Pilipino para sa soberanya sa pagkain, pambansa at panlipunang paglaya

Luis G. Jalandoni
NDFP Chief International Representative
Mayo 17, 2014

Translation: Filipino people strive for food sovereignty, national and social liberation

Mga Kaibigan, kapwa ko kalahok sa Famine Walk na ito

Sa Pilipinas, may maigting na pakikibaka para sa soberanya sa pagkain ang mga anakpawis na lumilikha ng pagkain subalit pinagkakaitan ng kanilang batayang karapatan sa pagkain, kalusugan at buhay. Ang mga magsasaka, manggagawa, pambansang minorya at mangingisda ay kabilang sa 70% ng populasyon na nakikibaka para mabuhay na kumikita lamang ng PhP100 o €1.70 kada araw. Hindi sapat ang kakarampot na halagang ito para sa batayang pangangailangan sa pagkain. Kapag nagkasakit, walang pera para sa gamot. Gayundin para sa pabahay at edukasyon.

Bakit ganito, sa isang bansang mayroong 9.7 milyon ektarya ng matabang lupaing agrikultural, yamang tubig na mayaman sa isda, mayamang rekursong mineral na ika-3 sa daigdig sa depositong ginto, ika-4 sa tanso, ika-5 sa nickel at ika-6 sa chromite.

Ang kalagayan ng gutom, kahirapan, sakit at kamatayan sa gitna ng kasaganaan, sa palagay ko, ay kahalintulad sa kalagayan ng mamamayang Irish sa panahon ng taggutom. Tulad ng tinukoy ni James Connolly sa kanyang librong Labour in Irish History, nakalikha ang mamamayang Irish ng sapat para sa buong populasyon sa panahon ng taggutom, sa totoo lang, mahigit doble. Sapat ang nalikhang butil at iba pang pagkain, subalit ineksport ito sa England. Idineklara ni Connolly ang taggutom na isang malaking krimen sa sangkatauhan ng administrasyong Ingles ng Ireland.

Ang kasalukuyang pakikibaka para sa soberanya sa pagkain sa Pilipinas ay pakikibaka laban sa mga nangangamkam ng lupa ng mga magsasaka at pambansang minorya. Ito ay pakikibaka laban sa programang Public Private Partnership ng gubyerno ng Maynila na ibinibigay ang mga lupain sa mga dayuhang korporasyon, kumpanya sa pagmimina at agribisnes. Pakikibaka rin ito laban sa Monsanto, Zeneca, Syngenta at iba pang korporasyon na nagnanakaw ng iba't ibang binhi ng mga magsasaka at ginagawang palaasa ang mga magsasaka sa binhing genetically modified. Ang kilusang magsasaka sa Pilipinas, na mayroong dalawang milyong kasapi, ay nakikibaka sa larangang ligal demokratiko. Nakikipagbuklod ito sa iba pang kilusan sa Asia na nasa Asian Peasant Coalition.

Milyun-milyon pang magsasaka at pambansang minorya ang nakikibaka sa kilusan para sa rebolusyonaryong paglaban. Nagpapatupad ang kilusang ito ng isang tunay na reporma sa lupa sa makabuluhang bahagi ng 71 prubinsya. Kabilang sa programa ang pagpapababa ng lupa sa lupa, pagpawi sa usura at pamamahagi ng lupa. Ito ang pinakamalaking kilusan para sa soberanya sa pagkain at pambansa at panlipunang paglaya.

Layon ng mga pakikibaka sa ligal na larangang demokratiko at rebolusyonaryong lihim na baguhin ang kasalukuyang mapagsamantala at mapang-aping sistema na pabor sa mga dayuhang multinasyunal at mga kasosyo nilang malalaking panginoong maylupa at malalaking negosyo.

Nagsimula ang ganitong di-makatarungang sistema nang sakupin ng Spain ang Pilipinas noong ika-16 na siglo. Inagaw ng mga mangongolonya ang mga lupain at pinuwersa ang mga magsasaka na magbayad ng tributo at isinailalim sila sa pwersahang paggawa at pagpapasundalo.

Naglunsad ng armadong pakikibaka ang sambayanang Pilipino para sa kasarinlan noong 1896. Nagtagumpay ang mga rebolusyonaryong pwersa at iprinoklama ang unang Republika ng Pilipinas. Gayunpaman, dumating ang US at sinakop ang bansa.

Para sugpuin ang pakikibakang masa laban sa pananakop ng US, 1.5 milyong Pilipino o 20% ng populasyon ang namatay. Ipinataw ng US ang kolonyal na paghahari nito at itinatag ang sistema ng pagsasamantala at pang-aapi. Noong 1946, iginawad nito ang huwad na kasarinlan at pinagharian ang bansa sa pamamagitan ng mga sinanay nitong burukarata sa pakikipagsabwatan sa malalaking panginoong maylupa at negosyante.

Sa pamamagitan ng mga patakarang dikta ng US sa pamamagitan ng IMF, ng World Bank at ng World Trade Organization, sa pakikipagkutsabahan sa tutang mga gubyerno ng Pilipinas, pinagkaitan ang mga magsasaka ng kanilang lupa pabor sa mga kumpanyang multinasyunal tulad ng Dole, mga kumpanya sa pagmimina gaya ng Xstrata at Glencore, at mga kumpanya sa pagtotroso. Winawasak nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at pambansang minorya, at sinasalanta ang kapaligiran.

Habang tumatabo ng supertubo ang mga multinasyunal na ito at mga lokal na kasapakat nila, ang masang anakpawis ay pinakakaitan ng kanilang saligang karapatan sa pagkain, kalusugan, edukasyon at buhay.

Sa harap ng di-mabatang pagsasamantala at pang-aapi, lumitaw ang isang kilusan para sa pambansa at panlipunang paglaya simula noong huling bahagi ng 1960. Ang pakikibaka para sa soberanya sa pagkain ay nakapaloob sa pakikibaka para sa paglayang ito.

Ngayon, nais kong talakayin ang kaugnayang Irish dito. Tinutukoy ko si Jack Hynes, isang misyonaryo na namuhay at nagtrabaho sa Pilipinas, partikular sa isla ng Negros. Nakipamuhay siya sa maralitang mamamayan, pinag-aralan ang lenggwahe nila.

Kaisa siya nila sa pagharap sa militar na nagbanta sa kanila sa ngalan ng mga mangangamkam ng lupa. Nakiisa siya sa mga mangingisda sa pamamalakaya. "Nabubuhay sila sa bingit ng kamatayan," aniya, "dahil sa panganib na sinusuong nila."

Nang ipataw ni Marcos ang batas militar noong 1972, siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagdala ng pagkain at suplay sa mandirigma sa kabundukan. Naglunsad ng patakaran ng pagkubkob ang diktador upang ihiwalay ang mga pwersang rebolusyonaryo. Nakalusot sa pagkubkob na iyon sina Jack at ang kanyang mga kasama. Itinawid nila ang mga mandirigma sa linya ng kaaway. Sinagip ni Jack ang biktima ng tortyur at inilayo sila sa kapahamakan para sa kalingang medikal.

Ang mga rebolusyonaryong pinakatutugis ng diktadura ay nailigtas ni Jack sa panganib. Isinugal niya at ng kanyang mga kasamahan tulad nina Pat at Vinny Healey, at Donal MacDonald ang kanilang mga buhay upang tulungan ang mapagpalayang kilusan.

Noong kalagitnaan ng 1970, nilisan niya ang pagkapari at pinakasalan ang kanyang naging asawang si Lulu. Kasama ng kanilang mga anak, bumalik sila sa Ireland. Naging mabuti siyang haligi ng kanyang pamilya.

Patuloy siya at si Lulu sa pagtulong sa mapagpalayang kilusan ng sambayanang Pilipino. Sa pagkadakip kay Fr. Niall O'Brien at walong iba pa, na tinaguriang "The Negros Nine", naglunsad sina Jack at Lulu, kasama ng Grupong Pilipino-Irish, ng isang epektibong pambansang kampanya para sa pagpapalaya sa kanila.

Nang dukutin ang paring Redemtorist na si Fr. Rudy Romano noong Hulyo 1985, pinamunuan niya ang FIG sa paglulunsad ng isang 1-taong araw-araw na piket sa embahada ng US upang iprotesta ang pagdukot kay Fr. Romano.

Nang pumanw si Jack Hynes noong 2006, binigyan ng sambayanang Pilipino si Lulu ng isang nililok na kahoy na may nakaukit na, "Jack Hynes, Bayani ng Sambayanang Pilipino."

Bilang pagdakila sa kanya, at sa layuning panatilihing buhay ang pamana niya ng katangi-tanging pakikipagkaisa, inilulunsad naming mga Pilipino at ng mamamayang Irish ang "The Jack Hynes Solidarity Project," sa tulong ng AFRI. Sangkot si Jack sa Famine Walk (Lakad Kontra Gutom); naroon siya noong 1988 sa kauna-unahang Famine Walk. Lubos kaming umaasa na epektibong makatutulong ang Jack Hynes Solidarity Project sa pagbubuo ng isang matatag na pagkakaisa sa pagitan ng mamamayang Irish at ng sambayanang Pilipino.