Matagumpay ang pag-atake ng BHB sa PNP Station sa Alegria, Surigao del Norte

Maria Malaya
NDFP Northeast Mindanao Chapter
July 12, 2014

Pagbati sa mga yunit ng BHB sa Front 16 sa kanilang matagumpay na pagreyd sa PNP Municipal Station sa Alegria, Surigao del Norte. Nakakumpiska ang BHB ng walong M16 at marami-raming mga _hand gun_ at bala at nakadakip ng apat na pulis bilang Prisoners of War (POW).

Sugatan si PO2 Romero Beniga Dagsa at PO2 Reuben Casimero Salino, habang dalawang Pulang mandirigima ang magiting na namartir. Wala pang dagdag na detalye hinggil sa mga kaswalti sa labanan sa pagitan ng rumespondeng mga tropa ng PNP-AFP at BHB blocking force. Ikinalulungkot namin ang pagkakadamay ng isang sibilyang nasa loob ng PNP Station noong pagkakataong iyon. Pagsisikapan naming makatulong sa pagpapagamot sa kinauukulan. Nais naming humingi ng paumanhin sa perwisyo at pagkaantalang naidulot sa publiko.



Sa kabilang banda, sinasaluduhan namin ang mga kasamang magiting na nabuwal at nakikiramay kami sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Ang mga Municipal PNP Station ay bahagi ng pangkalahatang armadong instrumento ng panunupil ng estado kaya lehitimo itong target ng hukbong bayan--ang BHB. Bukod dito, ang pulisya sa Alegria ay hindi inosente sa pagkakasala sa usapin ng iligil na droga, pangingikil, pandarahas at iba pang nakagawiang gawain ng bayarang mga berdugo ng reaksyunaryong estado. Para maiwasan ang di kinakailangang mga kaswalti sa tauhan ng PNP, nananawagan kami sa kanila na sumurender agad sakaling umatake ang mas superyor na pwersa ng BHB.

Kinumpirma rin ng kumand ng BHB sa rehiyon ng NEMR na POW ngayon ang apat na pulis na sina PO3 Vic Calubag Concon, PO1 Rey O'niel Morales, PO1 Joen B. Zabala at PO1 Edito F. Roquino. Tinitiyak namin sa mga kamag-anak at kaibigan ng apat na POW na makatarungan at makatao silang tatratuhin ng BHB custodial force alinsunod sa mga Batayang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan at CARHRIHL. Dagdag dito, tinitiniyak namin na dadaan sa proseso ang imbestigasyon para alamin kung mayroon bang pananagutang kriminal o wala ang mga POW sa mamamayan at sa rebolusyonaryong kilusan.

Kung mapapatunayan na wala silang seryosong kasalanan, maaari silang palayain. Pero para mapabilis at mapadali ang proseso ng imbestigasyon sa posibleng pananagutan ng apat na POW, dapat itigil ang mga opensibong operasyon sa buong prubinsya ng Surigao del Norte at kanugnog na mga bayan ng Agusan del Norte.