Ang rebolusyonaryong proletaryado sa Pilipinas: Pagtatatag ng isang makatarungan at demokratikong lipunan

Ambag sa Fourth New World Summit. Brussels, Belgium

Coni Ledesma
International Spokesperson
Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan
September 20, 2014

Translation: Contribution to the Fourth New World Summit. Brussels, Belgium: The revolutionary proletariat in the Philippines: Building a just and democratic society

Magandang hapon, mahal na mga kaibigan at kasama.

Isang malaking karangalan sa akin na makadalo sa ikaapat na New World Summit – Brussels, at para magsalita sa seksyonng Progresibong Estado.

Nais kong pasalamatan at batiin sina Jonas Staal, Robert Kluijver, Younes Bouadi, ReneƩ in der Maur, Paul Kuipers, at lahat ng iba pang puspusang nagtrabaho para magtagumpay ang ikaapat na New World Summit na ito.

Sa araw na ito, tatalakayin ko ang progresibong estadong umuusbong sa Pilipinas sa ngayon.


Mahigit nang apat at kalahating dekada naming inilulunsad ang aming pambansang demokratikong pakikibaka. Nag-umpisa ang aming pakikibaka noong 1960s nang tukuyin ng isang Marxista-Leninista-Maoistang grupong pinamumunuan ni Propesor Jose Maria Sison ang katangian ng lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal, at isinulong ang pangkalahatang linya ng pambansang demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Noong 1968, muling itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas. Ipinalaganap ang isang Programa para sa isang Demokratikong Rebolusyong Bayan. Noong Marso 1969, itinatag ang Bagong Hukbong Bayan upang ipagtanggol ang mamamayan laban sa inhustisya at tiranya, at upang lumaban para maitayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan.

Mula noon'y itinatayo ang kapantay na estado ng mamamayan. Ito ngayon ay nasa 71 sa 81 prubinsya sa bansa.

Habang umiiral pa ang reaksyunaryong estado, tuluy-tuloy na lumalago ang demokratikong gubyernong bayan sa kanayunan. Itinatayo ang mga lokal na organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika. Ang mga komiteng pang-organisa sa baryo at mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo sa mga lugar na ito ay mayroong mga ispesyal na komite para sa organisasyon, ekonomya, depensa, katarungan, kalusugan, edukasyon at iba pa.

Nasa pundasyon ng gubyernong bayan ang mga saligang organisasyon ng mga manggagawa, manggagawang bukid, magsasaka, kababaihan, kabataan, mga bata, at mga kultural na aktibista. Bawat tipo ng organisayong masa ay gumagampan ng pangkalahatang gawain maging ng ispesyal na gawaing angkop sa mga kasapi nito.

Ang mamamayan sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa ang bumubuo sa baseng masa ng rebolusyonaryong gubyerno. Bumibilang ang baseng masang ito ng milyun-milyon, karamihan ay nasa kanayunan.

Hayaan ninyong isakongkreto ko ang ilang aspeto ng demokratikong Pilipinas na umuunlad sa nakaraang apat at kalahating dekada.

*Rebolusyonaryong reporma sa lupa*

Ang reporma sa lupa ang pangunahing nilalaman ng pambansang demokratikong rebolusyon. Ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka ang maksimum na layunin ng programa sa reporma sa lupa.

Sa kasalukuyang yugto ng aming pakikibaka, ipinatutupad namin ang minimum na programa sa reporma sa lupa, ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, at ang pagtatayo ng sistema ng mga mutwal na tulungan at palitan ng lakas paggawa sa hanay ng mga magsasaka. Napatataas na rin ang sahod ng mga manggagawang bukid at ang presyo ng mga produktong agrikultural sa bukid.

Sa mga lugar na malakas ang mga lokal na organo ng rebolusyonaryong gubyernong bayan, naipapamahagi na ang mga lupa o kinumpiska at sinasaka ng mga magsasaka o ng mga samahang magsasaka, laluna sa mga kasong wala na ang panginoong maylupa o takot nang balikan ang lupa. Sa ilang prubinsya, ilang daang ektaryang lupain na ang hawak ng mga rebolusyonarong magsasaka.

*Rebolusyonaryong Hustisya*

Isang mahalagang aspeto ng pagtatayo ng isang progresibong estado ay ang pagtukoy at pagtitiyak ng isang maayos na sistema ng hustisya.

May napaunlad nang sistema ng hustisya ang rebolusyonaryong kilusan na ipinatutupad sa mga eryang kinikilusan.

Para magbigay ng kongkretong halimbawa, sisipiin ko ang karansan ng isang kababaihang myembro ng Bagong Hukbong Bayan. Isinulat niya:

"Inilanaw ng Partido ang pantay na karapatan ng mamamayan tulad ng nakasaad sa mga dokumento nito hinggil sa pagtatayo ng isang Demokratikong Gubyernong Bayan. Isa pang kaugnay na dokumento hinggil sa pagtatayo ng Hukumang Bayan ang naggagarantiya rin ng pangangalaga sa kababaihan, laluna kontra sa panggagahasa.

Nagkaroon ako ng pagkakataon na lumahok at mamuno sa kondukta ng Rebolusyonaryong Hukumang Bayan para sa mga kaso ng panggagahasa.

Isang kaso ang kinasangkutan ng isang kasapi ng milisyang bayan sa baryo, na tumutulong sa BHB sa rebolusyonaryong pagtatanggol sa mamamayan laban sa mga pasistang pang-aatake at panlulusob. Lumapit sa amin ang kanyang hipag, na humihingi ng katarungan, na nagsasabing ginahasa siya nito. Noong una, mahirap paniwalaang siya'y nagkasala, dahil malumanay siyang magsalita at mabait. Mabuti rin ang katayuan niya sa milisya. Ipinagtanggol din ng siya ng kanyang asawa sa bintang.

Nag-organisa ang organisasyon ng Partido sa lugar ng isang hurado na binubuo ng mga respetadong residente sa baryo, at ng isang kinatawan ng sangay ng Partido sa lokalidad. Umuupo ako bilang kaspi ng hurado, na kumakatawan sa isang lokal na platun ng BHB.

Naging tinik ang kaso na lubhang humati sa masa sa baryo. Naging mapait na laban ito sa pagitan ng mga kamag-anak ng biktima, sa isang panig, at sa kabilang panig naman ay ang mga nagdududa sa akusasyon ng biktima.

Pero, habang tumatakbo ang paglilitis, ilang kababaihan ang dumulog din at nagsabing sila ma'y ginahasa o sekswal na hinaras ng lalaki ding iyon.

Sa huli, malakas ang mga ebidensya. Walang dudang nagkasala ang lalaki.

*Edukasyon*

Ang edukasyon, laluna sa mga liblib na lugar sa kanayunan, ay hindi naging pangunahing tutok ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas. Walang mga paaralan dito. Kung meron mang paaralan, kulang sa mga silid-aralan, libro, mesa at iba pang pasilidad. Totoo ito laluna sa mga lugar ng pambansang minorya. Ang kakulangan ng batayang edukasyon ay nagpapalala sa kalagayan ng kahirapan, kawalang-lupa at dislokasyon. Kung nakakapasok man ang bata sa paaralan, madalas silang nahihinto sa pag-aaral dahil kailangan nilang tulungan ang kanilang mga magulang sa agrikultural na gawain.

Inaako ng rebolusyonaryong kilusan ang responsibilidad ng pagbibigay ng edukasyon sa mga lugar sa nasa kanilang kontrol o impluwensya. Naglulunsad ng mga klase sa literasiya at numerasiya sa mga nakakatanda, kasunod ay ang mga kursong masa sa kalagayang sosyo-ekonomiko, pulitika at kultura, batay sa aming kongkretong panlipunang pagsisiyasat sa kanilang sitwasyon sa lokalidad. Inilulunsad ang mga klase minsan o dalawang beses isang linggo.

May naitayo na ring mga primaryang paaralan sa ilang prubinsya.

May binuksan na ring ilang segundaryong paaralan. Pinatatakbo ang mga paaralang ito sa prinsipyong ang pagpapaunlad sa komunidad ay dapat magsimula sa pagtitiyak ng ekonomya at kabuhayan ng mamamayan. Dahil kalakhan ng mga komunidad ng magsasaka at pambansang minorya ay nakasandig sa agrikultura, ang mga estudyante ay tinuturuan ng syentipikong paraan ng pagsasaka at paghahayupan. Sinasanay ang mga estudyante sa paglilingkod sa komunidad. Sinasanay din sila na maging mga tagapag-organisa sa komunidad.

Bilang bahagi ng kanilang pagsasanay, bago mag-umpisa ang klase, nagtatrabaho ang mga estudyante sa kanilang bukirin. Kaya ang pagsasanay nila ay isang integradong programa ng produskyon at edukasyon.

Kapag narating ng mga estudyante ang isang antas, nagiging mga instruktor na sila, na nagpapasa ng kanilang kaalaman sa mga batang estudyante. Ito ang nagpapaunlad sa diwa ng kanilang responsibilidad.

Ang pinakamalaking suliraning kinakaharap ng mga paaralang ito ay ang patuloy na militarisasyon sa kanayunan. Madalas na inookupa ng militar ang kanilang mga silid-aralan o hinaharas ang mga residente ng isang erya, na nakabubulabog sa kanilang pag-aaral. Minsan ay tumatagal ito ng ilang buwan. Subalit matapos umalis ang militar, patuloy ang mga klase.

*Kalingang Pangkalusugan*

Pabaya rin ang gubyerno ng Pilipinas sa pagbibigay ng kalingang pangkalusugan sa mamamayan na hindi kayang magbayad para sa kanilang pangangailangang medikal.

Inako na rin ng rebolusyonaryong kilusan ang responsibilidad na ito sa kanilang mga erya. Naglulunsad ang mga doktor at iba pang manggagawang pangkalusugan ng mga regular na misyon sa mga lugar na ito. Sinasanay ang mga residente sa mga baryo sa kalinisan, pangunahing kalingang pangkalusugan, at _preventive medicine_ (medisina para maiwasan ang sakit), maging ng paggamit ng _Western medicine_ (Kanluraning panggagamot), akupanktura at halamang gamot. Itinuturo rin ang mga simpleng pamamaraang medikal, kabilang ang pagsasagawa ng _appendectomy_ (pag-oopera para tanggalin ang _appendix_), pagtulong sa pagpapaanak, simpleng dental na mga pamamaraan, atbp.

*Likas na sakuna: Gawaing Relief at Rehabilitasyon*

Simula't sapul, ang mga rebolusyonaryong pwersa ang laging nauunang tumugon sa gawaing _relief_ at rehabilitasyon sa lahat ng uri ng natural na mga kalamidad at sakuna tulad ng baha, lindol, bagyo, pagguho ng lupa at putik sa kanilang erya. Ang mga boluntaryong pinamumunuan ng mga aktibistang kabataan at estudyante sa kalunsuran ay dagliang tumutugon upang magsagawa ng gawaing _relief_ sa mga apektadong lugar ng sakuna, laluna sa kanayunan, at namumulat sa kalunus-lunos at hirap na hirap na kundisyon ng mamamayan doon, maging sa pangangailangan ng rebolusyonaryong pagbabago.

Lumikha rin ang _global warming_ (pag-init ng mundo) ng walang kaparis na mas malalakas na bagyo at nagdulot ng malawakang pagkamatay, pagkawasak at pagkaubos ng mga pananim.

Ilan sa tatlong pinakamalalakas na bagyong tumama sa Pilipinas sa mga nakaraang taon ay ang Ondoy (internasyunal na pangalan: Ketsana), Pablo (Bopha) at Yolanda (Haiyan). Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa lugar na tinamaan ng bagyo ang pinakaunang nagsakatuparan ng gawaing _relief_. Sa pamamagitan ng karansan sa _relief_ at rehabilitasyon sa mga eryang ito, nasistematisa ang gawain at mahusay na ipinatutupad.

Komprehensibo ang _relief_ at rehabilitasyon. Ibig sabihin, kapag ang mga pangkat ay tumungo sa lugar na sinalanta, nagsasagawa sila ng gawaing _relief_, gawaing psychosocial at pag-oorganisa. Ito ang tatlong bahagi ng gawaing _relief_.

*Gawaing _Relief_:*

Ang mga _relief worker_ ay pumupunta sa mga pinakaliblib na lugar na hindi napupuntahan ng ibang pangkat.

Dala nila ang tiglilimang kilo ng bigas para sa bawat pamilya, sardinas at daing, sabon, tubig at damit.

Inoorganisa ang mga misyong medikal. Nagdadala ng gamot ang mga boluntaryong doktor, nars, manggagawang pangkalusugan. Kung kailangan, ginagawa ang mga menor na pag-oopera.

*_Psychosocial:_*

Matapaos maasikaso ang mga kagayat na pangangailangan sa pagkain, damit at masisilungan, ginagawa na ang _psychosocial_ na bahagi ng gawaing _relief_. Sa isang sesyon, tinitipon ang 30-50 katao na binubuo ng mga bata, magulang, lolo at lola. Isinasalaysay nila ang kanilang kwento, ibinabahagi ang kanilang karanasan, ipinapahayag ang kanilang dalamhati sa pagkawala ng kanilang minamahal. Isang buong araw na aktibidad ito. Para sa marami sa kanila, isang malaking alwan ang pagbabahagi ng kanilang kwento at pakikinig sa kwento ng iba na dumanas din ng parehong trauma.

*Pag-oorganisa:*

Ang ikatlong bahagi ng gawaing _relief_ ay ang pag-oorganisa. Sa pagtalakay sa mga sanhi ng natural na sakuna, at ng mga ugat ng problema, ay nakatutulong para patatagin ang mamamayan. Sa halip na kaawaan ang sarili, inoorganisa nila ang sarili upang igiit ang kanilang mga karapatan.

Pansamantala ang mga _relief teams_. Dapat tulungan ng taumbayan ang kanilang sarili. Sa Mindanao, matapos ang Bagyong Pablo, matapos hindi maipamahagi ng Department of Social Work and Development ng reaksyunaryong gubyerno ang mga _relief goods_ na dapat ay para sa kanila, nireyd ng taumbayan ang mga bodega at isinagawa ang pamamahagi ng _relief goods_. Organisado sila at may pwersa.

*Rehabilitasyon:*

Ang sunod na yugto ay ang gawaing rehabilitasyon. Tinitipon ang mga yero, pako, _chainsaw_ (para pamutol ng mga nabuwal na puno para gawing tabla para sa muling pagtatayo ng mga bahay), martilyo at iba pang gamit sa konstruksyon. Magsisimula nang itayo ng taumbayan ang kanilang mga tahanan.

Ibinibigay ang mga binhi sa mamamayan. Sa Mindanao, matapos ang Bagyong Pablo, tinuruan ang mga tao ng mga teknika para sa sustenableng agrikultura upang tulungan sila sa kanilang katiyakan sa pagkain. Tinuruan sila ng integradong pagsasaka: pagtatanim ng palay, gulay, at pag-aalaga ng baboy. Tinuruan din silang lumikha at gumamit ng organikong abono. Sa huling yugto, sinisimulan ang programa ng pamamahagi ng kalabaw (bilang pantrabaho).

*Ang Usaping Kababaihan*

Mula nang mag-umpisa ang rebolusyonaryong kilusan, idinidiin na ang kahalagahan ng paglahok ng kababaihan sa rebolusyon. Hindi magtatagumpay ang rebolusyon kundi pakakawalan ang rebolusyonaryong potensyal ng kababaihan.

Ang mga kababaihan mula sa inaaping uri, tulad din ng kalalakihan, ay dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi sa ilalim ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Dagdag pa, dumaranas ang kababaihan ng pang-aaping pangkasarian at sa sistemang patriyarkal. Kung kaya ang MAKIBAKA, ang rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihan na kinabibilangan ko, , ay nagsasagawa ng mga proyekto kabilang ang pagmumulat sa hanay ng kababaihan at kalalakihan, pagbibigay ng suportang serbisyo sa mga kababaihan, pagpapaunlad ng kanilang produktibidad, pagtataguyod ng pantay na responsibilidad sa pag-aalaga ng bata, pagtangkilik ng demokrasya sa relasyon sa loob ng pamilya, pangangalaga sa karapatan sa reproduksyon, at pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng mga bata.

Ang MAKIBAKA ang nagtaguyod, nang buuin ang 12-Puntong Programa ng National Democratic Front of the Philippines, na dapat may papel ang kababaihan upang ilantad ang ispesipikong pang-aapi at pagsasamanatala sa kababaihan, sa kahalagahan ng partisipasyon ng kababaihan sa pakikibaka, at sa nagpapatuloy na tungkulin ng kababaihan kahit matapos ang pambansang tagumpay. Ito ay ika-11 sa 12-Puntong Programa.

Ang karapatan sa diborsyo ay isa sa mga karapatan na naganansya ng kababaihan sa proseso ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang Pilipinas ay isa sa bansa sa daigdig na di pinahihintulutan ang diborsyo. Subalit pinapayagan ito sa loob ng rebolusyonaryong kilusan.

Ginagarantiyahan din ang karapatan ng kababaihan sa kanilang katawan.

Noong kalagitnaan ng 1970, naglabas ang Partido Komunista ng isang dokumento hinggil sa Gabay at Tuntunin sa Pag-aasawa sa loob ng Partido. Noong 1998, pinaunlad ang dokumentong ito.

Kabilang sa probisyon sa pinaunlad na dokumento ay ang pagtanggal ng palugit na anim na buwan hanggang isang taon bago maging epektibo ang diborsyo.

Kinikilala rin ng dokumento ng 1998 ang karapatan ng indibidwal na kasapi ng Partido sa kanilang piniling sekswalidad. Ang saligang prinsipyo at mga tuntuning sumasaklaw sa kasal sa loob ng Partido ay inilalapat din sa kasal ng parehong kasarian.

Ito ay sing-aga pa ng 1998! Sa The Netherlands, kinilala ang kasal ng parehong kasarian noong 2001, at siyang unang bansa sa daigdig na gumawa nito. Ang progresibong estado sa Pilipino ay mas nauna kaysa The Netherlands!

*Kongklusyon*

Ang aming matagalang pakikibaka ay mahaba at mahirap. Nalagasan na kami ng mga kasama -- babae at lalaki -- na mga mapangahas, puspos ng insiyatiba, walang takot. Sa ilang taon, ang kapantay na estado ay umusbong karugtong ng mapang-api at magpagsamantalang estado. Ang estadong ito ay demokratiko at malaya.

Ang dating isa lamang pangarap, ay ibayong nagiging realidad. Ang mga taon ng mahirap na pakikibaka ay nagbubunga na. Nakikita ito sa buong bansa.

May buhay. May pag-unlad. Ang bagong Pilipinas ay isinilang at umuunlad.