Edwin Nazarionda, aktibong intelligence asset ng 9th IDPA, pinarusahan ng kamatayan

Ka Ramona Caceres
Eduardo Olbara Command, NPA-Camarines Sur
Oktubre 6, 2014

Matagumpay na isinakatuparan ng isang tim ng BHB-Eduardo Olbara Command ang hatol ng hukumang bayan na kamatayan kay Edwin Nazarionda alyas Marjori. Ang parusang kamatayan ay iginawad noong Oktubre 3, 2014, alas 6:45 ng gabi sa mismong tapat ng Battalion HQ ng 42nd IBPA sa Mabaludbalod, Tigaon, Camarines Sur kung saan siya nakatira. Si Edwin Nazarionda ay naging espiya ng 42nd IBPA at aktibong intelligence asset ng 9th IDPA.



Kabilang sa mga napatunayang kaso ni Edwin Nazarionda laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang sumusunod:

1. Pag-eespiya -

> June 1, 2005 - Habang nakapaloob sa isang organisasyong masa sa Brgy. Idbak, Buhi, Camarines, Sur, itinuro niya sa tropang militar ang isang yunit ng BHB na pansamantalang nakahimpil sa Brgy. Kaubasan, Buhi, Camarines Sur. Sa labanang ito, nasawi ang isang kasama.

> Agosto 6, 2006 - Nakapasok bilang espiya ng kaaway sa isang yunit ng BHB na kumikilos sa bayan ng Buhi, ipinahuli sa 42nd IBPA ang limang kasama sa sityo Umlungan, Brgy. Makaangay, Buhi, Camarines Sur.

2. Nang makalabas na si Edwin Nazarionda sa rebolusyonaryong kilusan, itinuro niya sa tropang kaaway ang mga kasapi ng organisasyong masa sa mga bayan ng Bula, Sangay, Ocampo at Iriga City mula noong taong 2007.

Binabaluktot ng 9th IDPA ang datos sa pagpresenta kay Edwin Nazarionda bilang diumano'y "rebel returnee" at aktibong pinagsasalita sa mga SOT/PDT upang maghasik ng itim na propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusan. Nililinaw ng Eduardo Olbara Command na sa simula pa lamang ay espiya na si Nazarionda ng AFP na may misyong pasukin ang rebolusyonaryong kilusan.

Isinagawa ang special operation laban kay Nazarionda sa kabila ng malaking panganib na maaaring kaharapin ng mga operatiba ng NPA. Sa proseso ng paggawad ng kaparusahan kay Nazarionda ay nasugatan ang isang CAFGU nang manlaban ito.

Kaugnay nito, ipinapaabot din ng Eduardo Olbara Command sa mamamayan na makakaasa sila na matapang na haharapin ng NPA ang mga hadlang upang mabigyan ng katarungan ang mga krimen ng mga pusakal na kaaway ng mamamayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!