Kasuklam-suklam ang AFP sa pagmamalupit sa karelasyon ni Jennifer

Communist Party of the Philippines
October 26, 2014

Translation: AFP is despicable for badgering Jennifer’s fiancé

Kasuklam-suklam ang matataas na liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung paano pinagtutulung-tulungan at pinagmamalupitan si Mr. Marc Sueselbeck, ang karelasyon ng biktimang pinatay na si Jennifer Laude, at iginiit pa na idekara siyang “persona non grata” (taong itinakwil na makatuntong sa isang lugar) at palayasin sa bansa.

Ang chief-of-staff mismo ng AFP ang gigil na gigil kay Sueselbeck na noong Oktubre 21 ay inakyat ang bakod ng bakuran ng Joint US Military Advisory Group (JUSMAG) na kumakanlong bilang pansamatalang selda ng sundalo ng US na si Joseph Scott Pemberton, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Laude. Kasama ni Sueselbeck ang pamilya ni Laude at pumasok nang walang pahintulot sa bakuran kasama ang kapatid ni Jennifer na si Marilou.



Ang pag-akyat sa bakod ay malinaw na tulak ng labis na pagkadismaya matapos paulit-ulit na binalewala ng mga upisyal ng kampo ang samo ng pamilya Laude na alamin kung naroon sa bakuran si Pemberton. Napaulat na inilipat sa bakuran ng JUSMAG si Pemberton matapos idetine sa USS Peleliu. Si Laude ay kasama ni Pemberton ilang minuto bago siya natagpuang brutal na pinatay sa loob ng isang motel sa Olongapo City noong Oktubre 11.

Kaisa ng pamilyang Laude ang sambayanang Pilipino sa kanilang pagkadismaya. Pinagbawalan sila at ang kanilang mga abogado, maging ang imbestigador ng pulisya, na makita man lamang si Pemberton. Kahit ang pulisya ay hindi pinahintulutan na makapanayam siya o makuha man lamang ang kanyang fingerprint at sampol ng DNA.

Nasa kustodiya ng mga upisyal ng US si Pemberton at hindi pinahihintulutan ang mga upisyal ng Pilipinas na makalapit sa kanya. Ipinangangalandakan ng gubyerno ng US ang gayong awtoridad sa kanilang mga sundalong pinagsusupetsahan o inaakusahan ng krimen sa ilalim ng mga probisyon ng Visiting Forces Agreement na isang tahasang paglabag sa pambansang soberanya ng Pilipinas.

Nagpahayag na ng pagsisisi si Sueselbeck sa pagpasok nang walang pahintulot sa bakuran ng JUSMAG. Subalit mariing tinatanggihan ng AFP na pakinggan ang anumang paghingi ng paumanhin at nagpapakita pa ng tagibang na galit sa insidente.

Hindi na nga nagpahayag ng simpatya ang AFP at rehimeng Aquino para sa pamilyang Laude, bagkus ay sinusuyo pa ang militar at gubyerno ng US. Sinabitan pa nga ng medlaya ng hepe ng AFP mismo ang sundalong nagbabantay sa bakuran ng US para hadlangan si Sueselbeck na malinaw na pagpapakita ng paglapastangan sa mga Laude at pagpapakita ng katapatan at paglilingkod sa mga amo nilang militar ng US.