Mensahe ng Pagpupugay sa mga Martir ng Lacub, Abra

Martin Montana
Chadli Molintas Command, NPA - Ilocos-Cordillera Region
Setyembre 28, 2014

Tauspusong nakikidalamhati ang lahat ng mga Pulang mandirigma at kumander ng Chadli Molintas Command (CMC) ng New People’s Army (NPA) sa rehiyon ng Ilocos-Cordillera sa mga pamilya, kamag-anak, kababayan at kaibigan ng pitong martir na Hukbong Bayan sa Lacub - sina Arnold ‘Ka Mando’ Jaramillo, Recca Noelle ‘Ka Tet’ Monte, Brandon ‘Ka Sly’ Madranga, Robert ‘Ka Dawyan’ Beyao, Ricardo ‘Ka Tubong’ Reyes, Pedring ‘Ka Jess’ Banggao, at Robert ‘Ka Limbo’ Perez. Gayundin ng dalawang sibilyan, sila Engr. Fidela ‘Delle’ Salvador at Noel Viste, na walang awang pinaslang ng mga berdugong tropa ng 41 st IB. Hindi lubos na maisalarawan ang bigat ng ating pagluluksa dahil sa pagkamatay nila. Kasabay nito, iginagawad ng NPA Ilocos-Cordillera ang pinakamataas na pagpupugay sa kanila bilang mga tunay na bayani ng mamamayang pambansang minorya ng Kordilyera at ng buong sambayanang Pilipino. Sila ay mga simbolo ng katapangan at katatagan ng mamamayang nagsusulong ng pambansa- demokratikong rebolusyon.
Lumaban sila hanggang sa kanilang huling hininga. Inialay nila ang kanilang buhay sa pagsusulong ng maigting na pakikidigmang gerilya upang ganap na biguin ang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Noynoy Aquino, mapatalsik ang umaalingasaw na rehimeng ito at kamtin ang programa ng Partido Komunista ng Pilipinas na ilatag ang mga rekisito upang makamit ang estratehikong pagkakapatas ng ating digmang bayan.

Sa kabilang panig naman, mariing kinokondena ng CMC ang karahasang ginawa ng mga tropa ng 41 st IB sa pinaslang na mga kasapi ng NPA at mga sibilyan. Pinapatunayan ng mga testigo at mga resulta ng awtopsiya sa ilang biktima na sila ay ginamitan ng iba’t ibang anyo ng pandarahas bago tuluyang paslangin. Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang mga Hukbo ay buhay at sugatang nahuli ng mga militar ngunit imbes na gamutin ay tinortyur at pinahirapan hanggang tuluyan nilang pinatay. At kahit patay na ay patuloy pa ring dinahas at binaboy ng mga mersenaryong tropang militar ang mga bangkay. Ang dalawang sibilyan naman ay mga biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang. Si Engr. Salvador, isang aktibista mula sa isang NGO, ay arbitraryong hinuli, pinagbintangang NPA, at tinortyur bago pinaslang. Si Noel Viste ay isa sa mahigit dalawampung sibilyan na kinuha ng militar at sapilitang ginamit bilang mga giya at kalasag. Ang brutal na pagpaslang sa mga Pulang mandirigma at sibilyan ay lantarang paglabag sa CARHRIHL at mga pandaigdigang batas sa digmaan. Dagdag pa, nagpapatuloy ang matinding militarisasyon na naghahasik ng lagim sa Lacub at mga katabing lugar at nagdudulot ng maramihang paglabag sa kaparapatan ng mga sibilyan, gumagambala at nagsasapanganib sa tahimik na buhay ng mga mamamayan at malubhang nakakaapekto sa kanilang agrikultural na gawain at maliitang pagmimina. Ginigipit at pinaparatangan ang mga mamamayang hindi sumasang-ayon at tumututol sa mga ginagawa ng mga pasista at mapagsamantala.

Tinitiyak ng CMC na maigagawad ang rebolusyonaryong hustisya sa pinakamaagang panahon para sa mga biktima at mapaparusahan ang mga pasistang tropa ng 41 st IB para sa pinakahuling utang na dugo at sa humahabang listahan ng mga krimen nila laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng Abra.

Ang mga rebolusyonaryonog martir ng Lacub ay mga modelo ng tunay na komunistang handang mag-alay ng buhay alang-alang sa interes ng proletaryong rebolusyong magpapalaya sa mga uring inaapi at pinagsasamantalahan. Ipinakita nila ang walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanan, gaano man kahirap ang kalagayan at gaano man kabigat ang mga hinihinging sakripisyo. Nagmula sa iba’t ibang uri ng lipunan, sila’y nagpanibagong hubog upang maging mahuhusay na tagapaglingkod ng sambayanan. Batid nilang walang ibang makapagbibigay ng maaliwalas na kinabukasan para sa mga tulad nilang nagmula sa inaapi at pinagsasamantalahang mga uri kundi ang pambansa-demokratikong rebolusyong may sosyalistang perspektiba na pinapamunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nakita nila ang katumpakan ng pagsusulong ng armadong rebolusyon at ang pangangailangang sumampa bilang buong-panahong mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Bilang mga Pulang mandirigma at tagapaglingkod ng sambayanan, ibinigay nila ang kanilang buong lakas, talino at panahon hanggang ang mismong buhay ang inialay upang maisulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Ito ang di matatawarang ambag nila sa pagkamit ng minimithi ng mga api at pinagsasamantalahang masa ng sambayanan na isang tunay na makatarungan, malaya at demokratikong lipunan.

Maging ang mga sibilyang pinaslang ay nagpakita rin ng katapangan sa harap ng pagpapahirap at panggigipit ng mga pasista. Ibinigay din nila ang kanilang makakaya para magsilbi sa bayan.

Hindi maitatakda ang mangyayari sa buhay ng isang tao, laluna sa digmaan. Kaya’t laging handa ang mga mandirigma ng NPA at iba pang mga rebolusyonaryo na magsakripisyo, buhay man nila ang kapalit, para sa dakilang layuning palayain ang sambayanan at ang bayan. Maagang nawala sa atin ang mga martir ng Lacub. Marami pa sana silang maiaambag sa rebolusyon. Pero walang armas at dahas na makakapigil sa mapagpalayang adhikain na pinagsilbihan at ipinaglaban nila. Aalingawngaw ito sa malawak na kabundukan at kapatagan. Ang kagitingan ng mga martir ng Lacub at iba pang reboluyonaryong martir ay hindi malilimot sa kasaysayan. Ito ay mananatili at magpapaalab sa damdamin at isip ng sambayanang lumalaban. Sila ay magsisilbing inspirasyon para sa pagpapatuloy ng digmang bayan hanggang makamit ang tagumpay.

Totoong malaking kawalan sa rebolusyonaryong kilusan sa buong rehiyon ang pagkamatay ng mga martir ng Lacub. Subalit itinuro sa atin ng apatnapu’t limang taon ng pagsusulong ng armadong rebolusyon na sa kabila ng mga negatibong pangyayaring katulad nito ay patuloy tayong susulong at lalakas hanggang sa tagumpay Dahil sa ilalim ng nagpapatuloy na tumitinding krisis ng sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal, lagi’t laging umiiral ang paborableng obhetibong sitwasyong magtutulak sa sambayanang Pilipino na magrebolusyon. Kaya’t ang pagluluksa sa pagkawala ng mga martir ng Lacub at iba pang mga martir ng rebolusyong Pilipino ay nararapat nating ibaling sa higit pang pagpapatibay ng makauring galit at katapangan laban sa mga kaaway ng sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan. Alalahanin natin ang kanilang kadakilaan at taos-pusong paglilingkod sa sambayanan. Humalaw tayo ng mga aral at inspirasyon mula sa maningning na kasaysayan ng paglahok nila sa armadong rebolusyon.

Ang pagkamatay ng mga martir ng Lacub ay kasimbigat ng maraming bundok Kordilyera; at sa mga bundok na ito, matatagpuan ang di masasaid na mga batis ng kagitingan.

Hamon sa ating lahat na tuloy-tuloy na magpanibagong hubog upang tularan ang katatagan, katapangan, pagiging mapagpakumbaba at mapagkasamang katangian nila. Ipagpugay natin ang kadakilaan nila sa pamamagitan ng pagpupursige na ipagpatuloy ang rebolusyonaryong pakikibakang pinag-alayan nila ng kanilang buhay. Nararapat nang sumampa sa Hukbo ang paparaming mga kadre at aktibista mula sa syudad at kanayunan at ialay ang lakas, talino at buong buhay sa paglilingkod sa sambayanan. Magsikhay tayong lahat sa pagluluwal at pagpapanday ng higit na mas marami pang matatapang at mahuhusay na pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan na magpapatuloy ng armadong pakikibaka upang ihatid ang rebolusyong Pilipino sa pintuan ng tagumpay at kamtin ang isang makatao, malaya at tunay na maunlad na lipunan.


Mabuhay ang mga alaala ng mga martir ng Lacub!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Higit na patatagin at palakasin ang ating hanay!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Sumulong sa estratehikong pagkakapatas!

Kamtin ang tagumpay!