21 armas nasamsam sa Paluan, Occidental Mindoro

Ka Higom Maragang
Lucio de Guzman Command- BHB Mindoro
Nob 7, 2014

Dalawampu’t isang (21) malalakas na kalibreng baril at iba pang kagamitang militar  ang nakumpiska ng mga Pulang mandirigma ng Lucio de Guzman Command (BHB-Mindoro) sa isinagawang reyd sa munisipyo ng Paluan, Occidental Mindoro kaninang  alas- 3 ng hapon, Nob. 7, 2014.   Kinabibilangan ito ng pitong M14 , labintatlong  M16 at isang 12-gauge shotgun, dalawang pistola at marami pang bala at gamit militar.

Napatay   sa humigit kumulang 20 minutong labanan ang 7 sundalo   at nasugatan ang 4  pa na  kabilang sa 76IB (PA), PNP- PSB, at PNP-MPS na noong panahong iyon ay nasa munisipyo ng Paluan.
Isinama sa pag-atras  ang alkalde ng Paluan na si Mayor Carl Michael Pangilinan ngunit matapos makausap at mababalaan hinggil  sa paglaganap ng  iligal na pagkakahoy, pangingisda at     iligal na gamot  ay  agad  itong pinauwi.  Ligtas namang  nakaatras ang mga NPA na wala ni anumang pinsala at walang anumang pinsala sa mga masa/sibilyan sa lugar.

Ang  76IB at  PNP-PSB  at mga Peace Development Teams (PDT’s)/COPD’s ay walang habas  na nilalabag ang mga karapatang pantao ng mga mamamayan lalo na ang mga katutubo habang nagsasagawa  ng operasyong militar sa mga barangay na sakop ng Abra de Ilog, Paluan at Mamburao, lahat sa Occidental Mindoro sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino.  Nagpapatuloy at di makakalimutan ng mamamayang Mindoreno   ang mga karumaldumal na mga krimen  at paglabag sa karapatang pantao (kabilang ang pag-aresto, pagtortyur at pagpaslang)  ng mga   nauna pang  mga batalyon ng Phil. Army na nadestino sa Mindoro tulad ng 16IB, 80IB, 68IB at iba pang  yunit ng PA at PNP [6SFC, 34SFC, 19SFC, 2SRC, 4SRC, 17SRC, 18SRC, mga engr’g Bn,  3rd SAF Bn]  sa panahon ng Oplan Habol Tamaraw sa pamumuno ng berdugong si Palparan at matapos ito.

Dapat hubaran ng maskara ang pagpapanggap ng  PA- AFP  at mga PDTs  nito  na “mabait” at  gumagalang daw sa karapatang pantao.  Dapat ilantad ang kanilang pagkukunwari at panlilinlang.  Dapat ilantad ang mga krimen ng PA-AFP at PNP laban sa mamamayan  at pananagutin ang mga responsable sa mga krimen na ito.

Papanagutin ang mga pasista at berdugong militar sa mga utang sa mamamayan!

Ilantad at Biguin ang Oplan Bayanihan!