Ang CBCP bilang tagapamagitan sa usapang pangkapayapaan ay isang kapangahasan - Sison

Prof. Jose Maria Sison
Chief Political Consultant
NDFP National Democratic Front of the Philippines

Translation: CBCP as peace talks mediator is presumptuous – Sison 


Panayam ni Roselle Valerio, Liberation International

Roselle Valerio: Sa isang pahayag na inilabas noong 10 Nobyembre 2014, nagsalita si Bishop Socrates B. Villegas, Presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines hinggil sa isang mungkahi na hiniling diumano sa CBCP na mamagitan sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH) at ng National Democratic Front of the Philippines. Hindi sinabi ni Bishop Villegas kung sino ang nagmungkahi. Nagmungkahi ba ang NDFP sa CBCP na mamagitan sa usapang pangkapayapaan?

Jose Maria Sison: Hindi kailan man humiling ang NDFP sa CBCP o sa Presidente ng CBCP na mamagitan sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GPH. Hindi nito pwedeng hilingin ang CBCP dahil mayroong malinaw na sekular na balangkas para sa negosasyong pangkapayapaan na inilatag ng The Hague Joint Declaration, na pirmado ng magkabilang panig noong 1992. Mataas ang pagpapahalaga ng NDFP sa modernong demokratikong prinsipyo ng paghihiwalay ng simbahan at estado.



RV: Sa nagaganap na negosasyong pangkapayapaan, ang Royal Norwegian Government ang Ikatlong Partidong Tagapagpadaloy. Walang nabanggit sa anumang naunang mga kasunduan hinggil sa isang "mediator" (tagapamagitan). Ano sa tingin mo ang magiging papel ng CBCP o ni Biship Villegas bilang isang "mediator"?

JMS: Si Arsobispo Villegas lang ang nakakaalam kung sinong nagsabi sa kanyang ikonsiderang gawing tagapamagitan ang CBCP. Marahil, ang termino ay pinaglaruan ng mga taong di alam ang kahulugan ng isang tagapamagitan sa isang negosasyong pangkapayapaan sa ilalim ng internasyunal na batas. Ang terminong "tagapamagitan" ay isang napakataas na termino para sa isang ikatlong partidong estado o ahensyang inter-estado na may kapangyarihan minsang, hanggang sa antas ng arbitrasyon ng dalawang partidong nasa digmaan. Maingat na maingat ang NDFP sa pagkakaroon ng isang tagapamagitan.

RV: Sa mensahe niya, inihayag ni Bishop Villegas na nakuha niya ang impormasyon sa panel ng GPH at sinuportahan niya ang pananaw ng panel. Ano ang komentaryo mo, sa palagay, na walang alam ang mga kinatawan ng NDFP na nasa Utrecht sa mga nangyayari sa bansa?

JMS: Dapat pasadahan ni Arsobispo Villegas ang pinakamapagkakatiwalaang mga pampublikong pahayag ng sentral na namumunong mga organo ng PKP at NDFP, at ng sentral na kumand ng Bagong Hukbong Bayan, na ang pamunuan ng rebolusyonaryong pwersa ay nakabase sa Pilipinas. Walang kinalaman ang Negotiating Panel ng NDFP at mga kasapi nito sa pamumuno at pangangasiwa ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Sa kabilang banda, awtorisadong gampanan ng Negotiating Panel ng NDFP ang tungkulin sa negosasyong pangkapayapaan at kung gayon, ay maaaring humingi sa BHB at iba pang rebolusyonaryong organisasyon sa Pilipinas ng impormasyon na makabuluhan sa pagtupad ng gayong tungkulin.

RV: Inaatake ni Bishop Villegas ang NDFP na hindi tapat sa negosasyong pangkapayapaan, sa pagsasabing ginagamit nito para sa sariling kapakinabangan ang mga tigil putukan at ang pases para makabyahe ang mga negosyador at mga konsultant. Ipinamamarali rin niya na walang subtansyal na ibinubunga ang neogsasyong pangkapayapaan. Panno mo tutugunin ang ganitong mga pahayag?

JMS: Kailangang mag-alam pa si Arsobispo Villegas tungkol sa takbo ng negosasyong pangkapayapaan. Maaari niyang simulang sa pakikipag-usap sa dalawang panig - sa GPH at sa NDF - at di sa isa lamang. Hindi naman kailangang sabay silang pulungin. Ang pinakamalala at pinakanakagugulat na bahagi ng kanyang pahayag ay ang sabihing walang makabuluhang ibinunga ang negosasyong pangkapayapaan, na mistulang walang katuturan ang mga nagawa ng magkabilang panig sa pagkakaroon ng mahigit sa sampung mayor na kasunduan, kabilang ang balangkas ng negosasyong pangkapayapaan, ang sustantibong adyenda, ang mga pamamaraan sa paggawa ng komprehensibong kasunduan, at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

RV: Gaano pa man ang pag-atake ni Bishop Villegas sa NDFP at sa rebolusyonaryong kilusan, maaari bang maging tagapamagitan ang CBCP sa negosasyong pangkapayapaan? Anong magiging papel na maaaring gampanan ni Bishop Villegas, ng Katoliko Romanong Simbahan, sa pagtataguyod ng kapayapaan sa bansa?
 

JMS: Wala itong batayan, kundi man isang lubos na kapangahasan para sa CBCP na isiping magiging tagapamagitan ito sa negosasyong pangkapayapaan ng GPH-NDFP. Ang ikinalulugod ang NDFP ay ang papel ng mga lider relihiyoso bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan na nagsisilbing moral na tagapag-ugnay at tagatangkilik ng negosasyong pangkapayapaan. Kaya, laging ikinalulugod ng NDFP ang gawain ng mga obispong Katoliko at iba pang relihiyosong lider sa Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP), sa Ecumenical Bishops Forum on Peace, at iba pa.

RV: Nagpahayag ng opinyon si Bishop Villegas na ang problema ay ang "nagnanaknank na insurhensya," at ang mga sosyalistang lipunan ay "di-praktikal". Ano ang reaksyon sa ganitong pananaw?

JMS: Ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya ay hindi problema kundi ang solusyon sa malaon nang suliranin ng dayuhan at pyudal na dominasyon. Matatag ang salalayan ng pakikibaka at may malaking kabuluhan at kahihinatnan. Nagsimula ito noong 1896 at magpapatuloy hanggang maangkin ang ganap na tagumpay.

Hindi ito mapipigilan o mahahadlangan ng anumang anti-sosyalista o anti-komunistang mga pahayag. Ang pangmatagalan at papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay muling lumilikha ng mga kundisyon para sa pagbangon ng makapangyarihang kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Reaksyunaryo ang sinumang mangangaral na ang kapitalismo ay walang hanggan at maaari lamang tanggapin at paunlarin.

RV: Sa papatapos na bahagi ng kanyang mensahe, tahasang ipinahayag ni Bishop Villegas na "hindi maaaring gumampan ng papel ang CBCP para magpasimula, magpatipon, mamagitan o mangulo sa isang usapan" sa pagitan ng mga kinatawan ng NDFP at GPH, at "sa kasalukuang sirkunstansya," ang "pag-uusp" na ito ay hindi maaaring maging bahagi ng eklesiyastikong tungkulin ng CBCP bilang isang kumperensya ng mga obispo. Ano ang panghuli mong tugon dito?

JMS: Ganap na sumasang-ayon ang NDFP na ang CBCP ay walang anumang kwalipikasyon na pumapel sa pagpapasimula, pagpapatipon, pamamagitan o pangungulo sa negosasyong pangkapayapaan ng GPH at NDFP. Kitang-kita ito sa paglalabas ng presidente ng CBCP ng pusisyon na sumasalamin lamang sa pusisyon ng GPH at naglalantad sa pagka-ignorante niya kahit sa batayang impormasyon tungkol sa negosasyon. Mabuti at alam ni Bishop Villegas angamga limitasyon ng CBCP sa eklesiastikong tungkulin nito. Sana alam na niya ito antemano para hindi na siya gumawa ng mga mapangahas na mga pahayag at tahasang pag-atake sa NDFP.

RV: Sa palagay mo, pareho ba sa pananaw ni Bishop Villegas sa negosasyong pangkapayapaan at sa tunggaliang panlipunan sa bansa ang pananaw ng pamunuan ng Simbahang Romanong Katoliko at kanilang nasasakupan? Ano dapat ang aktitud ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pagkumpronta sa reaksyunaryo at ignoranteng mga pananaw ng Simbahang Romano Katoliko  sa Pilipinas?

JMS: Ang pananaw ni Bishop Villegas ay sumasalamin sa konserbatibong katangian ng Katoliko Romanong Simbahan bilang institusyon na may pinagmulang kolonyal, na may substansyal na interest sa ari-ariang lupain at mga sapi sa korporasyon sa ilalim ng naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Subalit maaaring magkaroon ng iba't ibang pananaw sa hanay ng mga obispo, sa mga pastor, at sa mga taong relihiyoso sa pangkalahatan, dahil sa magkatunggaling hiling ng mga naghaharing uri at ng masang pinagsasamtalahan at inaapi na kabilang din sa simbahan.

Mabuti na sa loob ng Simbahan ay may mga lider at mamamayang inilalarawan ang mga sarili bilang Christians for National Liberation at nagpupunyaging magtatag ng isang simbahan na nagsisilbi sa mga pinagsasamtalahan at inaaping mamamayan at hindi sa nagingibabaw na dayuhang kapangyarihan, sa lokal na naghaharing mga uri at sa institusyunal na interes ng pag-aari ng mga lupain at sapi sa mga korporasyon at bangko.

Dapat maging matiyaga at mapanghimok ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagpapaliwanag ng kanilang pusisyon sa mga obispo. Maaari silang maghapag ng mga usapin sa sinumang obispo sa pamamagitan ng paghaharap ng mga datos at argumento, at nang may angkop na pagkilala sa kanilang relihiyosong paniniwala at pagiging sensitibo. Sa kasalukuyang panahon, nasaksihan na ng mamamayan kung paano maaaring maging reaksyunaryo ang mga lider simbahan habang ang iba nama'y progresibo. Nasasaksihan din nila kung papaanong ang paparaming bilang ng mga lider simbahan at relihiyosong mamamayan ay kumakatig para sa makatarungang landas ng pambansa at panlipunang paglaya.