Mga aksyong militar ng BHB sa isla ng Mindoro--Tagumpay!

Ka Higom Maragang
Lucio de Guzman Command- BHB Mindoro
Oktubre 27, 2014

Tagumpay ang isnayping operation ng isang tim ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)  sa nakakampong mga sundalo ng 4IB at para-militar sa Sityo Anahaw, Bgy. Panaytayan, Mansalay, Mindoro Oriental noong Oktubre 25, 2014 alas 7 ng umaga.  Nasugatan ang isang trainee na CAFGU sa nasabing operasyon.

Target ng operasyon ng BHB ang mga Peace and Development Teams [PDTs] ng Army sa lugar na tuloy-tuloy na nagsasagawa ng mga harasment /pananakot/pag-interoga/iligal na pag-aresto sa mga katutubong mangyan at mga magsasaka. Hindi na lamang sapilitang rekrutment sa mga CAFGU ang ginagawa ng mga sundalo kundi pati ang mga bata at mga binatilyo sa mga pamayanan na pinagkakampuhan nila ay pinagrerekorida at pinatutulog nila sa kanilang baraks   bilang pananggalang sa kanilang mga kalaban.  Ito’y malinaw na paglabag sa mga karapatang pantaong nasasaad sa Ikatlong Bahagi- Artikulo 2 ng CARHRIHL.

Isang araw matapos ang isnayping, ni-reyd ng isang tim ng BHB ang isang impormer ng Army sa parehong barangay.

Mula pa noong Marso 6, 2010  nang matagumpay na nadurog sa ambus ng BHB ang isang platun ng 23rd DRC  sa Panaytayan, Mansalay, kinampuhan at pinaglunsaran ng mga PDT’s ng 4IB ang mga sityo at pamayanan ng mga katutubong mangyan sa nasabing barangay.

Noong Oktubre 7, 2014 naman ay inisnayp din ng isang tim ng BHB ang higit isang platun ng 4IB na kabilang sa laking kumpanyang kaaway na nag-operasyon sa So. Alyanon, Bgy. Lisap, Bongabong, Mindoro Oriental. Sa isang putok na umaalingawngaw, nagkagulo at nagdapaan ang mga sundalong inisnayp na  pauwi  na sa kanilang kampo matapos ang halos isang linggong operasyon sa mga barangay sa interyor.

Samantala sa Mindoro Occidental  naman , noong Oktubre 11, 2014, alas 7 ng gabi  naglunsad ng magkasabay na reyd ang mga  pulang mandirigma sa mga security/armadong bantay ng pastuhan-asyenda ni Tamayo sa So. Sigman, Camurong, Abra de Ilog at sa bahay ng isang drug lord na si Antonio Roy Montenegro sa Bgy. Wawa,  Abra de Ilog.  Nakakumpiska sa dalawang reyd na ito ng  tatlong  malalakas na (3) baril kabilang ang  isang carbine, isang gauge-12 shotgun   at isang  Cal.22 rifle with scope.

Si Roy Montenegro ay kapatid ng isang heneral sa PNP, kapatid ng dating mayor at bayaw ng kasalakuyang mayor ng Abra De Ilog. Dahil sa kanilang koneksyon sa gobyerno at militar/PNP, bingi ang nasa kapangyarihan sa karaingan ng mamamayan na masugpo ang pagkalat ng droga sa  kanilang mga pamayanan.  Kaya dumulog sila sa BHB upang kamtin ang katarungan laban sa mapanira at anti-mamamayang negosyo ni Roy.

Nagsisilbing  babala ang reyd sa pamilya Tamayo na gumagamit ng karahasan at armadong grupo  sa panlilinlang at pagpapalayas sa mga katutubong Iraya upang palawakin ang saklaw ng kanilang lupain.  Babala din ito sa  mga nagbebenta ng  iligal na droga/shabu sa erya ng MAPSA [Mamburao-Paluan- Sta Cruz- Abra De Ilog]  sa kapinsalaan ng mga kabataan at iba pang nalululong sa pinagbabawal na gamot.