Dumadaluyong ang rebolusyon sa Pilipinas sa gitna ng paglala ng pamalagiang krisis ng naghaharing sistema

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 26, 2014

Walang-hangganan ang ating saya sa pagdiriwang ng ika-46 na anibersaryo ng pagkakatatag ng ating dakila, maningning at mahal na Partido Komunista ng Pilipinas, ang rebolusyonaryong proletaryong taliba ng demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Binabati natin ang lahat ng ating mga kasama sa mga tagumpay sa pagbubuo ng Partido, ng Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front, sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, tunay na reporma sa lupa at pagtatatag ng baseng masa sa kanayunan (mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa) at sa pagpapaigting ng kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan.


Gaya ng dati, pinararangalan at iginagawad natin ang pinakamataas na pagkilala sa lahat ng ating rebolusyonaryong martir at bayani para sa natipong lakas ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusang masa mula nang itatag ang Partido. Espesyal na parangal ang iginagawad natin sa mga rebolusyonaryong martir at bayani nitong nagdaang taon. Ang kanilang puspusang pakikibaka at pinakamataas na sakripisyo ay inspirasyon sa atin na ibayong magpunyagi sa pakikibaka para sa ganap na tagumpay ng rebolusyon.

Inuulit natin ang ating pagbati sa Kabataang Makabayan, ang ating Liga ng Kabataang Komunista, sa pagdiriwang nito ng 50 taon ng paglilingkod sa proletaryado bilang taguyod nito at sa buong sambayanang Pilipino. Tuluy-tuloy ang ating pasasalamat para sa rebolusyonaryong edukasyon at pagsasanay ng mga kabataang manggagawa, magsasaka, estudyante at propesyunal na sumasapi sa mga rebolusyonaryong pormasyong masa at malao'y sa Partido Komunista ng Pilipinas.

Patuloy na dumadaluyong ang rebolusyon sa Pilipinas dahil sa lumalalang pamalagiang krisis ng bulok na naghaharing sistema ng malalaking komprador, panginoong maylupa at mga bulok na burukrata, na dominado ng US. Ang nagtatagal at lalong lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagpapalala sa lokal na krisis.


Nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang kapitalismo at dumaraming gerang agresyon


Ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay nagpapatuloy at lalong lumalala sa pagkapit ng US at iba pang kapitalistang kapangyarihan sa neoliberal na patakaran sa ekonomya sa ilalim ng Washington Consensus[1]. Hindi lamang ito bigo na lutasin ang dating problema ng istagplasyon[2], pinalalala pa ito.

Subalit pinananatili ng US at ng mga tagasunod nito ang patakaran dahil suportado nito ang pagkamal ng supertubo ng mga monopolyo burgesya at oligarkiya sa pinansya at hinahamak ang kasalukuyang antas ng rebolusyonaryong paglaban at minamaliit ang potensyal nito.

Kahit sa mga imperyalistang bansa, ang depresyon sa ekonomya at imbing kalagayang panlipunan ay labis na pabigat na sa mamamayan. Ang proletaryado at mga lahing may kulay[3] ang pinakanagdurusa sa disempleyo, pinababang kita at pagkaltas sa gastusing panlipunan. Lumiit na nang husto ang tinaguriang panggitnang uri.

Ang malaking burgesya ang nakikinabang sa mga pagsalba at pagpapalawak ng suplay ng salapi at pautang at patuloy itong nagtatamasa ng mga pagkaltas sa buwis, insentibo sa pinansya, liberalisasyon sa pamumuhunan at kalakalan, pribatisasyon ng mga ari-ariang pampubliko, deregulasyon ng mga restriksyon sa lipunan at kalikasan at denasyunalisasyon ng mga papet na ekonomya.

Ang pinakabatayan ng krisis sa ekonomya at pinansya ay ang krisis ng sobrang produksyon. Magkakasunod na bula sa pinansya ang nililikha ng malaking burgesya upang tabunan ang krisis sa ekonomya subalit palaging naglalaho ang mga ito at nagpapalala sa krisis. Mula nang mangyari ang malaking krisis sa pinansya _(financial meltdown)_ noong 2008, ang bula ng pampublikong pautang na nilikha sa pamamagitan ng simpleng pagpaparami ng suplay ng salapi at pautang sa mga pamilihang pampinansya ay labis na lumaki at nasa proseso na ng paglaho at pagdulot ng ibayong pagkawasak ng mga pwersa sa produksyon.

Dahil bigo silang palawakin at muling buhayin ang ekonomyang sibil, palaki nang palaki ngayon ang gastos ng US, EU at Japan sa _high-tech_ na produksyong pandigma. Pinangungunahan ng US ang mga alyado nito sa NATO at ang Japan sa pagpapalaki ng deployment ng mga pwersang militar ng US sa mga atrasadong bansa, laluna sa mga bansang prodyuser ng langis at kalapit ng China at Russia. Mistulang pinakakalat ng US at mga alyado nito sa NATO ang apoy ng mga gerang agresyon at kaguluhang sibil sa buong daigdig. Inuudyok din ng US ang Japan na talikdan ang pasipistang tindig nito.

Idinadahilan ng US at mga imperyalistang alyado ang "seguridad ng sariling bansa" at anti-terorismo upang yurakan ang pambansang soberanya at kalayaan ng ibang mga bansa. Ito rin ang idinadahilan nila sa pagtatayo ng imprastrukturang ligal at pulitikal para sa lokal na pasismo at militarisasyon.

Nilalason nila ang utak at sinasanay ang mga pulis at militar na ituring ang oposisyong pulitikal at paggamit ng kalayaan sa pamamahayag at pagtitipon, laluna ng mga lahing may kulay, bilang mga tanda ng terorismo. Sa US, ang paghuhusga ayon sa lahi ay nagreresulta sa laganap na karahasan ng estado laban sa mga African-American, kabilang ang pagpatay ng isang pulis sa isang African-American kada 28 oras. Dagdag dito, ang mga lalaking African-American, na bumubuo ng 6% ng populasyon ng US, ay tagibang na bumubuo ng halos kalahati ng mga nakakulong sa US.

Ang mga aping mamamayan at bansa ay nagdurusa sa matinding pandarambong sa ekonomya ng mga imperyalistang bansa kasabwat ang mga kliyenteng estado. Binibiktima sila ng pagkokonsumong tulak ng pautang, pagsalalay sa imported na manupaktura at pagkain, paghuthot ng mga hilaw na materyales at ng pamalagiang depisit sa kalakalan at badyet.

Sa kaso ng ilang mga atrasadong bansa kung saan ang mga estado'y naging magiit sa pambansang kalayaan dahil sa kahilingan ng mamamayan, ang US at ang mga imperyalistang katuwang nito'y naglulunsad ng mga gerang agresyon, tulad sa dating Yugoslavia, Afghanistan, Iraq, Libya at Syria. Naging pangunahing dahilan sa naturang mga gera ang kontrol sa pinagkukunan ng enerhiya at mga linya ng suplay. Patuloy pa rin ang US sa pagpapataw ng blokeyong pang-ekonomya at pangmilitar, pagbabanta at probokasyon laban sa Democratic People's Republic of Korea at Cuba.

Ang mga hakbang kamakailan ng administrasyong Obama tungo sa posibleng pagbabalik ng diplomatikong relasyon sa Cuba ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng mga paghihigpit ng US sa ekonomya at mga pakana nitong ibagsak ang kasalukuyang gubyerno at sistemang panlipunan ng Cuba. Ipinakikita nito ang kabiguan ng US na ihiwalay ang Cuba. Sa panig ng gubyerno ng Cuba at Partido Komunista ng Cuba, idineklara nila na patuloy nilang ipagtatanggol ang mga adhikain ng kasarinlan, pambansang soberanya at sosyalismo.

Sa udyok ng mga neokonserbatibo, sinisistematisa ng US ang engrandeng iskema para ipailalim ang buong mundo sa hegemonya ng US o Pax Americana sa buong ika-21 siglo gamit ang buong saklaw ng kapangyarihan nito, laluna sa paggamit ng superyor na high-tech na lakas-militar laban sa umiiral at potensyal na kalaban o mga palabang estado sa mga atrasadong bansa. Habang pinalulumanay ang ilang magagaspang na unilateralistang retorika, patuloy ang sinasabing anti-neokonserbatibong rehimeng Obama sa pagtutulak ng isang pandaigdigang kaayusang _unipolar_ na pinaghaharian ng US.

Ilang ulit nang ipinakita ng US kung papaano nito ginagamit ang kombinasyon ng mga kampanyang pambobomba at paghihigpit sa ekonomya upang pabagsakin ang isang estado at paupuin ang pangkat ng mga papet. Minamaliit nito kung papaano nakapagluluwal ang agresyong ito ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa kalaunan.

Hanggang kamakaila'y ipinagdiriwang ng US at mga imperyalistang alyado nito ang ganap na integrasyon ng China at Russia sa pandaigdigang sistemang kapitalista bilang kamatayan ng sosyalistang mithiin at pagpapalakas ng pandaigdigang kapitalismo. Subalit labis ngayon ang pag-aalala ng US na ang malalaking kapitalistang bansang ito'y humahamon sa hegemonya ng US at gumugulo sa pandaigdigang kaayusang dinisenyo ng Washington.

Dahil sa lumalakas na nagsasariling tindig ng Russia at China, lumalaki ang mga kontradiksyong inter-imperyalista sa malalawak na saklaw ng mga isyu: ekonomya, kalakalan, pinansya, seguridad at iba pa. Nagaganap ang panibagong hanayan ng mga kapitalistang kapangyarihan sa pangunguna ng China at Russia sa Shanghai Cooperation Organization (SCO) bilang blokeng panseguridad at sa BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) bilang blokeng pang-ekonomya.

Palaging patakaran ng pakikipagkasundo at pagpigil ang gamit ng US sa China. Subalit nitong nagdaang mga taon, mas nagdidiin ito sa pagpigil sa pamamagitan ng estratehikong pagpihit nito tungong East Asia at pagtutuon dito ng 60% ng pwersang nabal at 50% ng pwersang pangkati at panghimpapawid ng US.

Ang estratehikong pagpihit ng mga pwersang militar ay ikinokombina sa Trans Pacific Partnership Agreement kung saan sadyang di isinama ang China. Sa kasalukuyan, ang litaw na layunin ng US ay ipresyur ang China na isapribado ang mga empresang pang-estado nito at hikayatin ang mga tinaguriang pwersang maka-demokrasya na pahinain at itakwil ang Partido Komunista bilang awtoridad na nagbibigay ng lehitimong mukha sa paghaharing burgesya sa China.

Kasabay nito, ipinagpapatuloy ng US at UK bilang pinakamasugid na alyado nito sa NATO ang mga probokasyon laban sa Russia na sinimulan ng tinaguriang mga de-kulay na rebolusyon[4] sa mga bansang nasa hangganan nito. Pinatitindi nito ang mga probokasyon sa pamamagitan ng lantarang pag-udyok at pagpondo sa mga grupong _neo-Nazi_ sa Ukraine para ibagsak ang gubyernong Yanukovych at itatag ang isang masugid na maka-US at maka-NATO na gubyerno rito.

Ibinababa ng gubyernong ito ang turing sa mga etnikong Russian at mga rehiyon sa Ukraine na nagsasalita ng Russian at inuudyok silang igiit ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at ideklara ang sarili nilang mga republikang bayan. Pinalala pa nito ang sitwasyon nang lusubin nito ang naturang mga rehiyon sa Novorossiya at sisihin ang Russia sa _missile attack_ na nagpabagsak sa komersyal na eroplanong MH-17 ng Malaysia noong Hulyo. Ang gayong walang batayang akusasyon ang isinangkalan sa pagpapataw ng mga pang-ekonomyang parusa ng US at EU laban sa Russia at pagsususpindi sa Russia mula sa dating G-8. Kamakailan lamang ay naglabas ng resolusyon ang US Congress na halos nagdedeklara na ng gera laban sa Russia.

Bukod sa pamamarusa, hinihila ng US kakutsaba ang Saudi Arabia ang pandaigdigang presyo ng krudong langis upang malawakang idestabilisa ang Russia, Venezuela, Iran at Nigeria na pawang nakasalig sa pag-eeksport ng langis. Bumabagsak na ngayon tungong $50 bawat bariles ang presyo ng langis dahil sa sobrang suplay na mula 700,000 hanggang dalawang milyong bariles bawat araw sa pamamagitan ng pagtataas sa produksyon ng _shale oil_ ng US sa di pa napapantayang antas sa kabila ng mataas na gastos sa produksyon nito, at pagtanggi ng Saudi Arabia sa giit ng mga myembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na bawasan ang produksyon ng krudong langis para matigil ang pagbagsak ng presyo nito.

Ang mga probokasyon ng US at mga imperyalistang alyado nito laban kapwa sa China at Russia ay nagtutulak lamang sa dalawang bansa na magsama at magtanggol sa kanilang magkatugmang interes. Bumuo sila ng mga kasunduan hinggil sa kalakalan ng langis, gas at iba pang hilaw na materyales mula sa Russia at mga pagkain at produktong minanupaktura mula China at sa paglalatag ng mga tubo ng langis at riles para rito. Nagkaisa rin silang magdaos ng mga magkasanib na pagsasanay-militar, itatag ang BRICS Bank at gumamit ng salapi liban sa US _dollar_ para sa kalakalan.

Lubog pa rin ang US sa nilikha nitong mga kumunoy sa Middle East, Central Asia at Africa. Pinalalala at pinakukumplika nito ang labis na nitong pagkabanat bilang imperyalistang kapangyarihan sa pang-uudyok nito sa China o sa Democratic People's Republic of Korea sa East Asia at sa Russia sa bandang Europe.

Maling inaakala nito na lahat ng bansa sa EU ay susunod sa dikta ng US sa lahat ng pagkakataon. Ang ilang mayor na bansa sa EU ay nangangailangan ng langis at gas na kayang isuplay ng Russia at nag-aalangang maging sunud-sunuran sa muling binuhay na Cold War at sa palitan ng bantang nukleyar sa pagitan ng US at China. Sa anu't anuman, pinipilit ng US na mag-udyok ng gulo sa Eastern Europe at itali ang mga bansa sa EU sa balangkas ng NATO.

Ang matagalan at patuloy na lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay nagtutulak sa mga imperyalistang kapangyarihan na paigtingin ang kanilang tunggalian sa muling paghahati ng mundo. Bilang tugon sa lumalakas na banta ng agresyon at "first nuclear strike" ng US, naglulunsad din ang Russia ng sarili nitong mga ehersisyo upang ipakita ang sarili nitong lakas-militar at kakayahang nukleyar. Dapat magpalakas ang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado at mamamayan ng daigdig upang labanan ang mga gerang agresyon at inter-imperyalistang digmaang pandaigdig.

Ang masidhing krisis sa ekonomya at kaguluhan sa pulitika na iniluluwal ng mga kontradiksyong inter-imperyalista ay paborableng kundisyon para sa muling pagsulong ng mga kilusan para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Ang lumalaking peligro ng mga imperyalistang gerang agresyon at ang posibleng paggamit ng mga armas nukleyar sa inter-imperyalistang gera ay maaari at dapat labanan sa pamamagitan ng kilusang masa at rebolusyonaryong gera sibil sa lahat ng imperyalistang bansa at iba pang bahagi ng mundo.

Pagpapakatuta, korapsyon, pandarambong at brutalidad ang sumisira sa rehimeng US-Aquino at sa buong naghaharing sistema


Sa unang apat na taon nito sa poder, ang rehimeng Aquino ay ipinaghahambog ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryong tagapagtaguyod nito bilang simbolo ng "mabuting pamamahala" at "kapayapaan at kaunlaran." Ang layunin ng mga imperyalista at ng mga dilawang reaksyunaryo ay gawing napakaepektibo si Aquino sa panlilinlang sa mamamayan, sa ibayong denasyunalisasyon sa ekonomya at liberalisasyon sa operasyon ng dayuhang kapital at sa pang-aatake sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan.

Pinaboran ito ng mahabang "press honeymoon" o di pagpuna ng mga imperyalista, lokal na reaksyunaryong masmidya at "opinion poll survey." Subalit sa huling dalawang taon nito sa panunungkulan, dinagsa ang rehimen ng sigaw at pagkilos ng mamamayan para patalsikin ito. Ang todo-largang korapsyon ng rehimen, laluna sa paggamit ng sistemang _pork barrel_ at pagbibigay-pabor sa pamilyang Aquino-Cojuangco at mga kroni nito ay nalalantad na nang husto.

Binuhusan din ang rehimen ng _hot money_ o _portfolio investments_[5] mula sa mga _hedge fund_[6] ng US upang likhain ang ilusyon ng "himala sa ekonomya." Ang inilusyong 6.8% at 7.2% na paglago ng GDP[7] noong 2012 at 2013 ay bunga ng dayong _hot money_ na dumaloy sa pamilihan ng sapi at bono na kahit papaano'y sumuhay sa nakasandig-sa-import at sa lubog-sa-utang na pagkonsumo, kabilang ang makinang subalit mabuway na paglago ng pribadong konstruksyon.

Bigo ang bula na muling buhayin ang nakatutok-sa-eksport na malamanupaktura ng mga _semiconductor_, damit at sapatos at ang pag-aasembol ng mga kotse at mga kasangkapang pambahay, na nauna nang pinabagsak ng depresyon sa daigdig. Hindi nito binabago ang saligang katotohanan ng kawalang kaunlaran na nagtatali sa kalakhan ng lakas-paggawa sa kalagayang agraryo at malapyudal sa paglikha ng mga produkto at nagtataboy sa 20% ng populasyon na maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Ang mabilis na pagbagsak ng daloy ng _hot money_ ay bunga ng unti-unting pagbawas sa tinaguriang "quantitative easing" sa US (mabilis na pagpapalawak ng suplay ng salapi) at ng paghihigpit ng pautang sa China kung saan ang paglawak ng pampublikong utang at pribadong pagpapautang ay di hamak na mas malaki kaysa sa US. Ang depresyon sa daigdig ay tiyak na ibayong magpapahina at magpapasama sa ekonomya ng Pilipinas.

Ang pagkaatrasado ng Pilipinas ay pinalalala at pinalalalim ng patakarang neoliberal. Pinalalarga ng liberalisasyon sa pamumuhunan ang mga dayuhan at malalaking kumpanyang kumprador na kontrolin ang patakarang pang-ekonomya at pampinansya ng bansa upang dambungin ang lakas-paggawa at likas na yaman, makapagluwas ng hilaw na materyales at makaiwas sa pagbayad ng buwis. Ang walang habas na pagpapalawak ng nakatuon-sa-eksport na pagmimina, pagtotroso at mga plantasyon ay nagreresulta sa malalalang pinsala sa ekonomya at kapaligiran.

Sa denasyunalisasyon ng mga bangko at lokal na kalakalan, tiyak ang pagkopo ng mga dayuhan sa utang panlabas at kitang dolyar ng mga manggagawang kontraktwal sa ibayong dagat. Naaayon sa traydor na katangian ng rehimeng Aquino ang ipinapakana nitong pag-amyenda sa konstitusyon ng 1987 upang matanggal ang mga probisyon hinggil sa soberanyang pang-ekonomya, pangangalaga ng pambansang patrimonya at paghihigpit sa mga dayuhan kaugnay ng dayong pamumuhunan.

Pabor sa mga dayuhang bangko, mga kumpanyang multinasyunal at malalaking kumpanya ng mga kumprador ang pribatisasyon ng mga pag-aaring publiko na nagreresulta sa walang hanggang pagkakamal ng tubo at sa pagkabulok ng mga serbisyong panlipunan. Ang deregulasyon ng mga paghihigpit sa lipunan at kapaligiran ay nagreresulta sa sukdulang pagsasamantala sa mga manggagawa, kababaihan at mga bata at sa polusyon at pagkawasak ng kapaligiran.

Ang mga dayuhang korporasyon at malalaking kumprador ang pinakanakikinabang sa bulang likha ng dayuhang _hot money_ at paggastos sa _pork barrel_. Sa paghuthot ng kanilang supertubo, ibayo nilang pinagdarahop ang mamamayan na nagdurusa na sa mataas na tantos ng disempleyo, pinababang kita, kawalang-lupa at kawalang-tahanan, pumapaimbulog na halaga ng mga batayang produkto at serbisyo at ng pagkabulok ng mga serbisyong panlipunan at ng kapaligiran. Nagiging sanhi ang mga ito ng ibayong pagkaatrasado, paglawak ng depisit sa kalakalan at badyet at ng lumalaking panlabas at lokal na pampublikong utang.

Lubusan nang nalantad ang korapsyon ng rehimeng Aquino sa paggawa sa taunang badyet na binubuo ng mga bultuhang pondo na solo at arbitraryong pinagpapasyahan ng presidente alinsunod sa iligal na deklarasyon ng mga natitipid umanong pondo upang ito'y ibulsa at malustay. Mismong ang Korte Suprema, kabilang ang mga mahistradong itinalaga ni Aquino ang nagpasya na ang mga pamamaraang gaya ng Disbursement Acceleration Program at Priority Development Assistance Fund ay di konstitusyunal at iligal.

Pero pilit pa ring itinuturing ng rehimeng Aquino ang P2.6-trilyong badyet para sa 2015 at mga pondong wala sa badyet (tulad ng pondong Malampaya, kita ng PCSO at iba pa) bilang pondong pwedeng gastusin ayon sa personal na pagpapasya ng presidente. Walang hanggan ang korapsyon ng rehimeng Aquino. Tumatagos ito sa lahat ng mga kontrata ng suplay sa mga ahensyang sibilyan at militar ng reaksyunaryong gubyerno, sa pinansya at operasyon ng mga korporasyong pag-aari ng gubyerno, sa mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng programang Private-Public Partnership at sa ipinamumudmod na salapi sa ilalim ng Conditional Cash Transfer at PAMANA.

Hindi rin sinanto ng mga magnanakaw na burukrata at upisyal militar ang programang relief at rehabilitasyon para sa mga biktima ng superbagyong Haiyan/Yolanda at iba pang kalamidad. Ang talamak na korapsyon ay nalalantad bunga ng sigaw ng mga biktima, ng militanteng pagpupunyagi ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa at ng mga kontradiksyon ng rehimen sa mga karibal nitong paksyon sa loob ng naghaharing sistema.

Maaaring asahan na ang korapsyon at iba pang katiwalian ng rehimen ay malalantad habang umiigting ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo kaugnay ng eleksyong presidensyal sa 2016. Gayunpaman, ang mga nagdeklarang kakandidato sa pagkapresidente ay hindi naghahapag ng anumang katiyakan na magkakaroon ng signipikanteng pagbabago sa katangian ng eleksyon at sa naghaharing sistema. Ang takbo ng eleksyon ay itatakda pangunahin ng malalaking tagatustos sa kampanya, ng mga dinastiya sa pulitika, ng paggamit ng rekurso ng gubyerno at manipulasyon ng de-kompyuter na sistemang elektoral.

Nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na ilantad ang pagkahuwad ng sistemang elektoral at batikusin ang pinakamasasahol na pwersang pulitikal, mga kandidato at mga lokal na mapagsamantalang uri na nagsisilbi sa imperyalismong US. Maaari rin nitong samantalahin ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo, gamitin ang patakaran at taktika ng pakikipagkaisang prente sa usaping elektoral, ilatag ang pinakamahahalagang isyu ng mamamayan at itaguyod ang programa at layunin ng pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Sa gayon, nasa mas mahusay na katayuan ang pinakapatriyotiko at pinakaprogresibong mga partido at kandidato na makapanalo ng mas maraming pwesto sa reaksyunaryong parlamento at lokal na gubyerno.

Taun-taon na lang isinusumpa ng rehimeng Aquino na wawasakin nito ang armadong rebolusyon sa ilalim ng disenyong-US na Oplan Bayanihan at nagpapakita ng kawalan ng seryosong interes sa negosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines. Sa ngayon, malinaw na hindi kayang wasakin ng reaksyunaryong armadong pwersa ang armadong rebolusyon kahit pa nagsasagawa ang rehimen ng lansakan at sistematikong mga paglabag sa karapatang-tao at kahit pa kaya nito sa pana-panahon ang dramatikong mga pang-aaresto at pag-atake.

Malayong mas malala ang rehimeng Aquino kaysa sa rehimeng Arroyo sa pagbibilanggo ng mas maraming mamamayan base sa mga gawa-gawang kaso ng rebelyon at karaniwang krimen na paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law at sa doktrinang Hernandez hinggil sa mga kasong pulitikal. Ibinilanggo rin nito ang 14 na konsultant pampulitika ng NDFP na paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees. Sa saligan, magkasinsama ang rehimeng Aquino at Arroyo sa pagpapahintulot ng iligal na detensyon, tortyur, ekstrahudisyal na pamamaslang, pwersahang pagpapalayas, pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at panunupil sa mga manggagawa at kanilang mga unyon. Inilalantad ng lansakan at sistematikong paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng Oplan Bayanihan na huwad ang ipinamamaraling kapayapaan at kaunlaran ng rehimen at itinutulak nito ang mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa na paigtingin ang paglaban sa iba't ibang anyo at paraan.

Taun-taon, nagkapagtitipon ang Partido ng lahatang-panig na mga tagumpay sa pagsasakatuparan ng pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sa kabila ng mapandigmang pusisyon ng rehimen sa armadong rebolusyon, ang NDFP, tulad ng Partido, ay lubos na mulat sa lumalalang krisis ng naghaharing sistema at patuloy na naghahanap ng posibilidad na maidaos ang negosasyong pangkapayapaan upang makapagkamit ng mga pakinabang para sa sambayanang Pilipino.

Ipinaghahambog ng rehimeng Aquino na mayroon itong maidedeploy na mas maraming pwersang militar laban sa mamamayan, sa Partido at sa Bagong Hukbong Bayan sa Mindanao bunga ng kasunduang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front. Sa katunayan, 60% ng reaksyunaryong armadong pwersa ay naiulat na idineploy na laban sa pwersa ng BHB sa Mindanao. Habang patuloy na naglulunsad ng lahatang-panig na armadong paglaban ang BHB sa Mindanao, determindao rin ang mamamayang Bangsamoro na isulong ang kanilang rebolusyonaryong armadong pakikibaka hangga't hindi iginagalang ang kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at sa lupang ninuno.

Mula nang mapaalis ang mga base militar ng US sa Pilipinas noong 1992 bunga ng pasya ng Senado ng Pilipinas na huwag nang pagtibayin muli ang US-RP Military Bases Agreement, tuluy-tuloy nang sinisikap ng US na muling ipakat ang mga pwersang militar nito sa Pilipinas sa iba't ibang tabing tulad ng mga magkasamang ehersisyong militar, pagsasanay sa magkasanib na operasyon, aksyong sibiko, tulong medikal, relief para sa sakuna at anti-terorismo.

Sa proseso, ipinakana nito ang Mutual Logistics and Support Agreement at ang Visiting Forces Agreement para makapagtambak ito ng mga pwersang militar sa teritoryo ng Pilipinas at makapagmantine ng mga forward station[8]. Ngayon, mayroon na itong Enhanced Defense Cooperation Agreement kung saan maaari itong magkaroon ng mga base militar sa tabing ng mga Agreed Locations sa loob ng mga base at reserbasyong militar sa Pilipinas. Ang mga ito ay malinaw na paglabag sa Konstitusyon ng 1987, partikular ang probisyon na nagbabawal sa mga dayong base militar. Produkto ang probisyong ito ng pakikibakang masa laban sa US at sa pasistang diktadurang Marcos.

Ginagamit ng rehimeng Aquino ang alitan sa karagatan ng Pilipinas sa China para ipagkanulo ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapahintulot na muling maitayo ang mga base militar at maipakat ang mga pwersang militar ng US sa Pilipinas kaugnay ng estratehikong pagpihit ng US sa East Asia.

Ang US ay isang di nagsisising mananalakay ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino mula pa noong 1899. Hindi ito masasaligan na ipagtanggol ang Pilipinas laban sa China bilang potensyal na mananalakay. Mas malaki ang interes ng US na makipagrelasyon sa China kaysa sa Pilipinas. Inamin na rin nito na hindi nito ipagtatanggol ang Pilipinas kontra sa China at katunaya'y hindi ito tumutol sa pagsakop ng China sa Panatag Shoal at ilang isla at bahura sa Spratlys.

Sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea, may karapatan ang Pilipinas sa eksklusibong sonang pang-ekonomya at sa extended continental shelf sa South China Sea. Sa pangmatagalan, ang pinakamabuting magagawa ng sambayanang Pilipino ay ang itaguyod ang pambansang soberanya, kamtin ang demokrasyang bayan, paunlarin ang ekonomya sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, kamtin ang katarungang panlipunan at itaguyod ang internasyunal na pakikipagkaisa para sa kapayapaan at kaunlaran.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tunay na pambansang kalayaan at industriyalisadong ekonomya, makagagawa ang Pilipinas ng sarili nitong mga modernong paraan ng depensa at mamamaksimisa ang diplomasya laban sa anumang banta o agresyon mula sa dayuhang kapangyarihan. Maaaring tanawin ng sambayanang Pilipino ang bago at mas maaliwalas na sosyalistang kinabukasan sa pamamagitan ng paglulunsad at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa imperyalismo at mga lokal na mapagsamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Mga tagumpay at tungkulin ng Partido sa gawain sa ideolohiya, pulitika at organisasyon


Ang pangmatagalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang pamalagiang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ay nagdudulot ng teribleng pagdurusa sa mamamayan sa usapin ng pagsasamantala at pang-aapi at nag-uudyok sa mamamayan na maghangad ng rebolusyonaryong pagbabago. Tinutugon ng Partido ang hangaring rebolusyon ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaigting ng pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong gawain upang ibayong paunlarin ang mga rebolusyonaryong pwersa at ang rebolusyonaryong kilusang masa.

Ang gawaing ito'y nagreresulta sa makabuluhan at matataginting na tagumpay. Nitong nagdaang mga taon, nakapagkamit ang Partido ng makabuluhang mga pagsulong sa iba't ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Napamunuan nito ang mga kumand ng Bagong Hukbong Bayan sa pag-abot sa bagong antas ng sustenidong pagpapalawak at pagmamantine ng inisyatiba sa paglulunsad ng malawak at maigting na pakikidigmang gerilya at pagbigo sa mga kampanyang panunupil ng kaaway. Patuloy itong nakapagtitipon ng makabuluhang mga tagumpay sa pagbubuo ng mga yunit ng milisyang bayan at pagluluwal ng inisyatibang masa sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.

Ang mga kadre ng Partido ay nangunguna sa pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika na may papalawak na saklaw ng awtoridad at responsibilidad. Ang mga kampanya at pakikibaka para sa reporma sa lupa ay inilulunsad sa papalawak na erya. Patuloy na tumataas ang antas ng pagpapatupad ng reporma sa lupa--nilulutas ang mga problema sa pagtatayo ng kooperatibang anyo ng produksyon, iniiwasan ang dominasyon ng mayayamang magsasaka, itinatatag ang mga sosyalistang-tipo ng relasyon at itinataas ang antas ng produksyon at pagpaplano ng ekonomya habang nagsusulong ng digmang bayan.

Ang panawagan para patalsikin ang rehimeng US-Aquino ay patuloy na lumalawak habang sumusulong ang demokratikong kilusang masa. Patuloy na lumalakas ang mamamayan sa kanilang paglalantad at paglaban sa kabulukan, pagpapakapapet, brutalidad at pagsisinungaling ng naghaharing rehimen. May sapat na batayan para sumulong nang malaki ang kilusang masa sa darating na isa o dalawang taon.

Habang pinamumunuan ng Partido ang pagtipon ng abanteng mga karanasan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan, pinamumunuan din nito ang paglulutas sa mga naiwang problema na kinakaharap ng mga pwersa sa ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain.

Dapat makapagpalawak at makapagpalakas nang makabuluhan sa susunod na mga taon ang Partido Komunista ng Pilipinas upang maisulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa bagong antas.

Bilang abanteng destakamento ng proletaryado, matatag na itinataguyod ng Partido at ibayong pinauunlad at pinalalaganap ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM). Tinitiyak nitong ang mga kadre at kasapi ng Partido ay nakatatapos ng pormal na batayan, intermedya at abanteng kurso ng pag-aaral ng Partido sa relatibong maiksing panahon. Ang mga pormal na kursong ito ay kailangan para sa pag-unawa ng Marxista-Leninista-Maoistang saligang prinsipyo at paraan ng pag-iisip.

Ang mga pormal na kurso ng Partido ay pantiyak na ang Partido ay ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang kasapian ng Partido ay humahalaw ng inspirasyon dito at kongkreto rin itong sukatan ng pagsisikap ng Partido na itaas ang antas ng proletaryong kamulatan ng mga kadre at kasapi nito. Sa araw-araw, ilampung mga pulong pag-aaral ang inoorganisa ng mga yunit ng Partido kapwa sa kalunsuran at kanayunan.

Ang mga organo, yunit at indibidwal na kasapi ng Partido ay hinihikayat na mag-aral ng rebolusyonaryong teorya at praktika lagpas sa itinakdang oras at nilalaman ng mga pormal na kurso ng pag-aaral. Ang teksto ng mga klasikong sulating MLM at mga artikulong teoretiko na gawa ng Partido ay madaling makuha laluna sa tulong ng internet. Ang Kagawaran sa Edukasyon ng PKP ay nakapaglabas din ng pinasimpleng mga teksto at tulong audio-visual sa iba't ibang lenggwahe sa Pilipinas para sa mga kasamang mas kaunti ang kasanayan sa pagbabasa ng mahahabang teksto sa dayuhang lenggwahe.

Dapat matalinong gamitin ng mga kadre sa lahat ng antas ng Partido ang Marxista-Leninista-Maoistang paraan ng pag-iisip upang suriin ang kanilang gawain, tukuyin ang mga problema at bumuo ng mga solusyon. Ang mga lider ng Partido ay dapat pana-panahong maglagom ng kanilang gawain upang tiyakin na ang antas ng gawain sa kani-kanilang larangan ay naitataas sa susunod na antas. Itinatakda ng batas ng pag-unlad na dapat magbantay ang mga kadre ng Partido laban sa istagnasyon at sikaping pana-panahong itaas ang kalidad ng kanilang mga gawain.

Ang rebolusyonaryong teorya ay dapat gamitin bilang dinamikong kasangkapan sa panlipunang pagsisiyasat, pananaliksik hinggil sa patakaran, paglalagom ng mga karanasan at pagpaplano upang lutasin ang kongkretong mga problema at itakda ang mga tungkulin sa rebolusyonaryong pakikibaka. Ang mga mayor na usapin na may pambansa at pandaigdigang kabuluhan ay dapat talakayin sa gabay ng teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Dapat mag-organisa at magdaos ng mga kumperensya hinggil sa gawain at teorya upang talakayin at resolbahin ang kagyat na mga usapin na may malaking epekto sa kondukta ng rebolusyonaryong gawain sa iba't ibang larangan at lugar.

Palagiang mapagbantay ang Partido at determinadong makibaka sa labis na nakasisirang impluwensya ng suhetibismo, modernong rebisyunismo, repormismo at oportunismo. Gaano man kaningning ang mga tagumpay at nakamit ng Partido, palagi nitong idinidiin ang absolutong pangangailangang manatiling mapagkumbaba at magpuna sa sarili upang patuloy itong sumulong.

Sunud-sunod na tagumpay ang nakamit sa pagsusulong ng pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Nabigo nito ang bawat estratehikong plano ng US at mga lokal na reaksyunaryo na wasakin ang makatarungang pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang inudyok ng US na pasistang diktadurang Marcos ay hindi lamang nabigong pigilan ang armadong rebolusyon, itinulak pa nito ang mamamayan na lumahok dito. Ginapi ng Partido at mamamayan ang lahat ng estratehikong kampanyang pinakawalan ng rehimeng Marcos at mga kasunod na rehimen para gapiin ang rebolusyon. Napatunayan nang bigo ang Oplan Bayanihan bago pa man magtapos ang idinidirihe ng US na rehimeng Aquino. Patuloy ang Partido sa matalino, mahusay at matagumpay na pagtangan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at nagkakaisang prente bilang mga sandata.

Sa absolutong pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay naging pinakamalakas na rebolusyonaryong hukbong naitayo sa kasaysayan ng Pilipinas. Tumatalima ito sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at pagtipon ng lakas hanggang mahinog na ang sitwasyon para agawin ang mga kalunsuran sa pambansang saklaw. Ang armadong pakikibaka ay nakasanib sa rebolusyong agraryo, na kinabibilangan ng minimum at maksimum na antas ng pagsasakatuparan, depende sa umiiral na sitwasyon sa isang lokalidad. Nakasanib din ito sa pagtatatag ng baseng masa sa pamamagitan ng paglilikha ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa ng iba't ibang uri at sektor ng mamamayan sa kanayunan.

Determinado ang Partido na kumpletuhin ang yugto ng estratehikong depensiba ng digmang bayan at umabot sa tarangkahan ng estratehikong pagkapatas sa lalong madaling panahon. Ang panawagang sumulong tungo sa estratehikong pagkapatas ay nakapagpataas sa moral ng Partido, hukbong bayan at mamamayan. Masigla nilang ginagampanan ang kani-kanilang bahagi para kamtin ang mga rekisito upang abutin at paunlarin ang yugto ng estratehikong pagkapatas, tulad ng pagpapalawak at konsolidasyon ng kasapian ng Partido, mga yunit ng BHB at mga larangang gerilya at ang pagpapaigting ng digmang bayan para makasamsam ng mas maraming sandata, pandayin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pakikibaka, pagsanibin o pagsamahin ang mga larangang gerilya sa matatatag na baseng purok saan man posible at makatamasa ng mas malawak na popular na suporta, mas malaking teritoryo at mas malaking rekurso.

Lahat ng kumand at yunit ng BHB ay may kakayahang biguin at gapiin ang mga atake ng kaaway. Gayunpaman, para makabisa at mahusay na magamit nito ang estratehiya at taktika sa aktwal na mga labanan at mamantini ang pleksibilidad at inisyatiba laluna laban sa mga konsentrado at matagalang opensibang kontragerilya ng kaaway, kailangan ng mataas na antas ng determinasyon at internal na pagkakaisa, mayaman-yamang karanasan, kaalaman sa kaaway at sa sarili, mahusay na pagdedesisyon at higit sa lahat, malapit na ugnay sa masa at mahusay na mobilisasyon at paggamit sa suportang masa. At kailanman naglulunsad ng konsentradong atake ang reaksyunaryong hukbo laban sa isang kumand o yunit ng BHB, ang lahat ng iba pang kumand at yunit ng BHB ay mulat sa obligasyon nilang paigtingin ang sarili nilang mga opensiba upang samantalahin ang sobrang pagkabatak ng kaaway at suportahan ang kanilang mga kasamang inaatake.

Ang digmang bayan ay patuloy na nagkakamit ng mga breyktru sa ilang rehiyon sa Mindanao. Mula noong simula ng 2014, estratehiko nang nagpapakat ang AFP ng malaking tropa sa Mindanao sa tangkang pigilan ang pagdaluyong ng armadong pakikibaka. Gayunman, ang tumitinding mga atake ng kaaway ay binibigo ng mga Pulang mandirigma ng BHB na magiting, puspusan, mahusay at matagumpay na nakikibaka. Sa kalakha'y napanghahawakan ng BHB ang inisyatiba at dapat itong patuloy na maglunsad ng malawak at maigting na pakikidigmang gerilya upang idiskaril ang plano ng kaaway na pigilan ang pagsulong ng digmang bayan.

Sa ibang rehiyon, ang mga kumand ng BHB sa antas ng rehiyon at subrehiyon ay matagumpay sa paglulunsad ng koordinadong mga armadong kampanya na binubuo ng ilang maliliit na taktikal na opensiba kakombina ng ilang bigwas sa ulo ng kaaway. Nagpapalakas sila ng kanilang mga kakayahan na isustine ang ganitong mga koordinadong taktikal na opensiba sa isang panahon upang kamtin ang inisyatiba at biguin ang mga plano ng kaaway.

Sa kalakhan, ang digmang bayan ay sumusulong nang di pantay sa iba't ibang rehiyon sa buong bansa at sa iba't ibang subrehiyon sa loob ng isang rehiyon. Ang ibang erya ay humaharap sa mga abanteng usapin tulad ng pagsasanay sa mga kumander upang epektibong pamunuan ang mga platun, kumpanya at batalyon ng BHB, pagtataas ng kakayahan at inisyatiba ng mga yunit at kumand ng milisyang bayan, pagpapalawak at konsolidasyon ng mga lokal na seksyon ng Partido, pagtataas ng produksyon at pagpapaunlad ng sosyalistang-tipo ng relasyon sa produksyon sa mga erya ng reporma sa lupa, pagtatayo ng mga interbaryo o antas-munisipalidad na mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika, ibayong rebolusyunisasyon ng mga saligang organisasyong masa, pagpapaunlad ng sistema ng depensang sibil at pagsusustine ng mga serbisyong pang-edukasyon, pangkalusugan at pang-ekonomya sa panahon ng gera.

Ang iba nama'y dapat pang lumutas sa mga problema sa pang-intermedya at batayang antas na humahadlang sa pagsisikap na abutin ang kritikal na lakas at isustine ang bwelo ng pagsulong tungo sa mas mataas na antas. Kabilang dito ang pagtitiyak ng sustenidong pagpapalawak at konsolidasyon ng mga yunit ng BHB at pagtukoy sa tamang balanse ng gawaing militar at gawaing masa. May kaugnayan din ito sa wastong pagpapakat ng mga pwersa ng BHB at pagtatatag ng mga yunit ng milisyang bayan upang tiyaking nasasaklaw ang mga larangang gerilya nang hindi labis na binabatak ang mga yunit ng BHB at kayanin pa rin nilang mabilis na magkonsentra ng sapat na bilang ng pwersa upang maglunsad ng mga taktikal na opensiba o maglunsad ng maniobrang depensibo laban sa mga nag-ooperasyong tropa ng kaaway.

Sa bawat antas ng pag-unlad, tinitiyak ng Partido na ang armadong pakikibaka ay sumusulong kaakibat ng rebolusyong agraryo at pagtatatag ng baseng masa. Matitiyak ito sa pamamagitan ng napapanahong mga pulong paglalagom upang humalaw ng mga aral at makapagbuo ng plano ng pagsusulong sa tatlong aspeto ng digmang bayan.

Ang sentral na pamunuan ng Partido ay gumagawa ng maagap at makabuluhang mga hakbang upang lutasin ang mga agwat sa pagsusulong ng digmang bayan sa pamamagitan ng pagmomobilisa ng mga kakayahan at rekurso at pagpapaunlad ng iba't ibang paraan ng pagtutulungan upang suportahan at bigyang-sikad ang mga pagsisikap ng nahuhuli pang mga bahagi ng yunit ng Partido at kumand ng BHB.

Sa pagtangan sa sandata ng pambansang nagkakaisang prente, ang Partido ay pangunahing sumasalalay sa alyansang manggagawa-magsasaka at nagsisikap na pagkaisahin ang lahat ng patriyotiko at progresibong pwersa ng masang anakpawis at ng panggitnang saray ng lipunan laban sa imperyalismo at reaksyon. Ang pangunahing ekspresyon ng batayang alyansa ay ang absolutong pamumuno ng PKP sa BHB na sa kalakha'y isang hukbong magsasaka. Ang alyansang ito ay naipapakita rin sa pagsuporta ng kilusang masa sa kalunsuran na kalakha'y binubuo ng mga manggagawa at alyadong mga uri, sa mga pakikibakang antipyudal sa kanayunan; at gayundin, sa pagsisikap ng kilusang masang magsasaka na kumawing sa anti-imperyalista at demokratikong pakikibakang masa sa kalunsuran.

Sa pakikipag-alyado nito sa mga magsasaka, inilalapat ng uring manggagawa ang patakaran at mga taktika ng antipyudal na nagkakaisang prente. Nakasalalay ito pangunahin sa maralitang magsasaka at manggagawang bukid, kinakabig ang panggitnang magsasaka, ninunyutralisa ang mayayamang magsasaka at sinasamantala ang mga bitak sa pagitan ng naliliwanagan at mga despotikong seksyon ng uring panginoong maylupa.

Depende sa sirkunstansya, ang Partido ay maaaring magpalawak sa nagkakaisang prente upang samantalahin ang mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo at ibayong ihiwalay ang kaaway subalit dapat lagi nitong panatilihin ang kalayaan at inisyatiba.

Pinakikilos ng Partido ang mamamayan sa mga kampanyang masa base sa pambansa, makauri o sektoral na interes. Ang mga pang-ekonomyang pakikibaka ay dapat ikombina at mulat na itaas sa antas ng pampulitikang pakikibaka upang tuluy-tuloy na palawakin ang abot sa masa habang itinataas ang kanilang militansya at kamulatang pampulitika at pamunuan ang kanilang pagkilos tungo sa wastong rebolusyonaryong direksyon. Ang mga patakaran at taktika ng pambansang nagkakaisang prente ay ginagamit para pagkaisahin ang mga organisadong pwersang pinamumunuan ng Partido, mga alyadong pwersa at ispontanyong masa. Ang progresibong kilusan ay nakapagtipon ng malawak at mayamang karanasan sa pagpapaunlad ng malalaki at makapangyarihang kilusang masa na nakasentro sa kalunsuran.

Ang reporma sa lupa at iba pang kampanyang masa ay isinusulong sa kanayunan upang imantine at paunlarin ang paglahok ng masang magsasaka at iba pang mamamayan sa demokratikong rebolusyon. Ang mga kampanyang ito ang pinakadahilan sa pag-iral ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika at siyang susi sa pagpapalawak at pagkokonsolida ng baseng masa. Kung pababayaan ang mga ito at ang pagpapakilos sa masa ay nililimita sa pagsuporta sa materyal na pangangailangan ng mga pultaym na yunit gerilya, magiging tigil at hihina ang baseng masa at ang mga organisasyong masa, organo ng kapangyarihang pampulitika at mga lokal na organisasyon ng Partido ay kadalasang nagagapi ng burukratismo at iba pang tendensya sa disorganisasyon.

Ang patriyotiko at progresibong mga pwersa ay nagsusulong ng mga kampanyang masa sa kalunsuran hinggil sa masaklaw na mga isyu upang itaas ang kanilang independyenteng lakas laluna sa hanay ng mga manggagawa, mala-proletaryado at petiburgesya ng kalunsuran at para samantalahin ang lahat ng pagkakataon na abutin ang pinakamalaking bilang ng mamamayan sa pinakamaiksing panahon. Ang kilusang masa sa kalunsuran ay dapat mahusay sa hayag at ligal na paraan ng pagpopropaganda, pag-oorganisa at pagpapakilos habang nagpupundar ng malalim, matatag at masaklaw na lihim na gulugod.

Dapat din itong magpakahusay nang husto sa paggamit ng patakaran at taktika ng pambansang nagkakaisang prente upang tipunin ang mga organisadong pwersang pinamumunuan ng Partido, mga alyadong pwersa at ispontanyong masa.

Ang patuloy na sumasahol na kalagayan ay nagtutulak sa mamamayan na maglunsad ng magkakasunod na papalaki at papalawak na mga pakikibakang masa. Di maglalao'y malalagpasan ng mga pakikibakang masa sa kalunsuran ang tindi ng inabot nito sa nagdaang tatlong dekada sa pagkakaisa ng iba't ibang mga sektor na isulong ang komun na kahilingan para ibalik ang pambansang minimum na sahod, itaas ang sahod at sweldo, ibalik ang katiyakan sa trabaho, ibaba ang presyo at itaas ang pampublikong alokasyon sa serbisyong panlipunan.

Ang mga lumalalang anyo ng imperyalistang pandarambong sa ekonomya at panghihimasok militar ay nagpapaalab sa diwang patriyotiko ng mamamayang Pilipino at ng kanilang determinasyong isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan.

Ang mga estudyante at intelektwal ay dapat malawakang pakilusin upang magsulong ng digmang propaganda laban sa linya sa pulitika, ideolohiya at pilosopiya na itinataguyod ng mga promotor ng imperyalistang neoliberalismo. Dapat manguna ang Partido sa mga pagsisikap na pagbalik-aralan ang kasaysayan ng kolonyalismo at agresyon ng US upang pag-alabin ang diwa ng patriyotismo sa kasalukuyang salinlahi ng mga kabataan.

Ang pangangailangang isulong ang anti-imperyalistang kilusang pag-aaral at opensiba sa propaganda ay idinidiin ng pangangailangang paigtingin ang panawagang ibasura ang mga tagibang na kasunduang militar tulad ng EDCA, VFA at MDT, wakasan ang presensyang militar ng US at kamtin ang katarungan sa mga krimen ng mga sundalong Amerikano laban sa mga Pilipino. Idinidiin din ito ng pangangailangang kontrahin ang agresibong propagandang imperyalista na isinasagawa bilang paghahanda sa pulong ng APEC sa Maynila sa darating na taon na may layuning palabasing may milagrong pang-ekonomya at tabunan ang labis na paghihirap at pang-aapi sa mamamayang Pilipino matapos ang tatlong dekada ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.

Nananawagan ang Partido sa sambayanang Pilipino na paigtingin ang kanilang pakikibaka para patalsikin ang rehimeng Aquino at paalingawngawin ang makatwirang panawagang panagutin ito sa lahat ng krimen nito laban sa mamamayan. Dapat isulong ng mamamayang Pilipino ang papaigting na mga pakikibakang masa upang makapagtipon ng sapat na lakas para patalsikin si Aquino sa poder.

Nais ng rehimeng Aquino at naghaharing sistema na dumaan ang mamamayan sa eleksyon bilang paraan ng transisyon patungo sa rehimeng kasunod ni Aquino. Tulad noong 2010 at 2013, pakikilusin ng imperyalismong US ang makinarya nito sa panghihimasok sa pulitika upang tiyakin na ang de-kompyuter na eleksyon sa 2016 ay papabor sa kandidatong pinili nito.

Sa proseso ng pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa lumilitaw at umuunlad ang mga aktibistang masa at organisasyong masa. Ang kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan ay nagsasanay, nagpapanday at nagpapaunlad ng mga lider masa at aktibista. Nirerekrut ng Partido bilang mga kandidatong kasapi ang pinakaabanteng mga aktibista na sumasailalim sa rebolusyonaryong edukasyong masa at tumatanggap sa Konstitusyon ng Partido at sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan. Natural lamang at sumasalamin sa kaayusang panlipunan na ang mga kandidatong kasapi ay nirerekrut mula sa hanay ng mga manggagawa at nakapag-aral na kabataan sa kalunsuran at sa mga magsasaka sa kanayunan.

Ang kasapian ng Partido ay malalim na nakaugat sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at may pambansang saklaw. Gayunman, di pa rin pantay ang pag-unlad sa organisasyon ng Partido. Dapat paramihin ang mga kasapi ng Partido upang magkaroon ng mas malaking puwang para sa pagpapakat ng mga kadre at kasapi ng Partido kung saan wala o kulang sila, laluna sa kanayunan.

Sa mga lugar ng ekspansyon, ang mga makaranasang kadre ay maaaring ikombina sa mga lokal na naghahangad ng rebolusyon. Ang mga nakapag-aral na kabataan na kasapi ng Partido at mga aktibistang masa ay sumasanib sa masang anakpawis sa pamamagitan ng pagkatuto sa kanila ng kanilang kalagayan at pangangailangan at pag-alam nila mismo kung papaano sila makapagsisilbi sa mamamayan sa rebolusyonaryong daan.

Dapat pawiin ang anumang ilusyon na ang kasalukuyang negosasyong pangkapayapaan sa reaksyunaryong estado ay hahantong sa mga komprehensibong kasunduan sa mga problemang panlipunan, sa ekonomya at pulitika bilang batayan ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Ang pinakamalaking hadlang sa negosasyong pangkapayapaan ay ang antinasyunal, anti-demokratiko at anti-mamamayang katangian ng reaksyunaryong gubyerno at ang kasalukuyan nitong mga upisyal na tumuturing sa negosasyon bilang paraan ng pagpapasuko at pasipikasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.

Ang maganda sa usapang pangkapayapaan ay nagagawa ng NDFP na palaganapin ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan at makatulong na kamtin ang tagumpay ng rebolusyon sa katagalan o bago niyon ay makatulong sa pakikipagkasundo at pakikipagtulungan sa isang gubyerno na hindi pinamumunuan ng Partido pero nagtataguyod ng mga patriyotiko at progresibong patakaran upang harapin ang masidhing krisis dulot ng imperyalismo at reaksyon.

Samantala, walang ibang masusulingan ang Partido at mamamayan kundi ang magpunyagi sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na mapagsamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa. Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema ay nagdudulot ng teribleng pagpapahirap sa mamamayan subalit itinutulak din silang makita ang pangangailangan para sa armadong rebolusyon para sa pambansa at panlipunang paglaya ng bayan.

Buod ng mga kagyat na tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas


Sa paglalim ng krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, lalong lumalakas ang pagdaluyong ng rebolusyon. Dapat patuloy na samantalahin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang paborableng kundisyon upang isulong sa panibagong antas ang rebolusyonaryong kilusan. Dapat panghawakang mahigpit ng pamunuan at buong kasapian ng Partido ang sumusunod na mga tungkulin:

1. Matatag at puspusang palakasin ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon alinsunod sa papel nito bilang taliba ng proletaryo at rebolusyong Pilipino. Dapat tayong magpakahusay sa paggamit ng proletaryong teorya, kabilang ang mga aral na natipon natin sa sarili nating rebolusyonaryong praktika, bilang gabay sa pagsusuri at paglulutas sa kasalukuyang mga problemang kinakaharap sa pagsusulong ng ating mga rebolusyonaryong tungkulin.

2. Pamunuan ang sambayanang Pilipino sa pagkukundena sa rehimeng Aquino sa pagpapakatuta, korapsyon, pagsasamantala, brutalidad at pagsisinungaling nito. Dapat nitong suportahan ang mga pakikibakang bayan para patalsikin ang rehimeng Aquino bilang hakbang sa pagbabagsak ng buong naghaharing sistema o bago lumitaw ang isang patriyotiko at progresibong gubyernong transisyon. Dapat nating patuloy na epektibo, maagap at militanteng ipahayag at iabante ang pinakamatalas na kritika sa mga iskema ng rehimen, biguin at gapiin ang mga tangka nitong manlinlang at mamwersa, habang pinupukaw at pinakikilos natin ang mamamayan sa dambuhalang mga aksyong protesta at mga kampanya. Ang mayamang karanasan ng mamamayang Pilipino sa nagdaang mga pakikibaka at pagpapatalsik sa mga korap, papet at mapanupil na rehimen ay nagpapakita ng kawalang saysay ng simpleng pagpalit ng rehimen at ng pangangailangan ng rebolusyon para baguhin ang buong sistemang panlipunan.

3. Paigtingin at isulong ang digmang bayan tungo sa yugto ng estratehikong pagkapatas alinsunod sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat nitong kamtin at kontrolin ang inisyatiba sa pamamagitan ng paglulunsad ng paparami at sustenidong mga taktikal na opensiba na may pana-panahong malalakas na bigwas sa ulo ng kaaway. Dapat magbuo ng mga plano para palawakin ang BHB at milisyang bayan, itaas ang kanilang lakas pamutok at kakayahan sa usapin ng taktika at teknikang militar. Dapat lubos na biguin ang Oplan Bayanihan ng AFP. Hawak ng Partido ang absolutong pamumuno sa hukbong bayan sa paglulunsad nito ng pakikidigmang gerilya para magtipon ng lakas at pahinain ang kaaway sa buong bansa sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa.

4. Palawakin at konsolidahin ang rebolusyonaryong baseng masa sa kanayunan. Dapat tiyakin ang mabilis na pagpaparami sa mga ganap na samahang masa. Dapat itaas ang kakayahan ng mga kadre ng Partido at aktibista na palawakin at konsolidahin ang mga batayang organisasyon ng Partido, ang mga organisasyong masa, ang mga yunit sa sariling depensa at depensang sibil, ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang mga programa nito sa edukasyon, kalusugang publiko at reporma sa lupa.

5. Maglunsad ng malalawak na kampanya para sa reporma sa lupa at iba pang pakikibakang masa sa kanayunan. Pakilusin ang malaking bilang ng masang magsasaka sa mga pakikibakang masang inter-distrito, pamprubinsya, inter-prubinsya o panrehiyon.

6. Palawakin at konsolidahin ang mga organisasyong masa sa kalunsuran. Dapat abutin ang dramatikong ekspansyon sa bilang ng organisadong manggagawa at estudyante bilang susi sa pagpapalawak ng iba pang demokratikong kilusan. Dapat paunlarin ang kakayahan na maglunsad ng mga koordinadong pakikibakang masa sa pambansang saklaw. Dapat ilunsad ang iba't ibang kilusang masa sa malawak na mga isyu para isulong ang pambansang kalayaan at demokrasya. Dapat ilunsad at paigtingin ang isang anti-imperyalistang kilusang pag-aaral at digmang propaganda.

7. Itaguyod at gamitin ang patakaran at mga taktika ng nagkakaisang prente upang abutin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

8. Suportahan ang pakikibaka ng mga pambansang minorya para sa sariling pagpapasya, demokrasya at mga hakbang na nagtataguyod sa kanilang interes (affirmative action). Dapat nitong ipagtanggol ang karapatan ng minoryang mamamayan laban sa pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina at plantasyon at laban sa mga brutal na kampanyang militar para palayasin sila sa kanilang lupaing ninuno.

9Suportahan ang mga de-kontratang manggagawa sa ibayong dagat at iba pang Pilipino sa ibang bansa.

10Itaguyod at palaganapin ang proletaryong internasyunalismo sa mga partido komunista sa buong mundo at ang anti-imperyalistang pagkakaisa ng lahat ng mamamayan ng daigdig. Dapat aktibo tayong mag-ambag sa muling pagpapasigla sa mga proletaryong rebolusyonaryong partido pati sa malawak na anti-imperyalistang kilusan, laluna sa pagsasamantala sa nagtatagal na pandaigdigang depresyon at krisis ng monopolyo kapitalismo upang isulong ang pakikibaka at pagkakaisa ng proletaryado at mamamayan.

p. _________________________

fn1. Isang bungkos ng mga patakaran sa ekonomya na itinutulak ng US, ng IMF at World Bank na “solusyon” sa mga bansang dumaranas ng krisis.

fn2. Ang istagplasyon ay kalagayan ng ekonomya kung saan mababa ang tantos ng paglago habang mataas ang implasyon (o tantos ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin) at tantos ng disempleyo.

fn3. Mga mamamayang may lahing African, Asian o Latino.

fn4. Tinutukoy nito ang mga pag-aalsang binansagan ayon sa popular na kulay tulad ng “Rebolusyong Rosas” sa Georgia (2003) at “Rebolusyong Kahel” sa Ukraine (2004).

fn5. Pamumuhunan sa pamilihan ng sapi o mga pampinansyang instrumento

fn6. Grupo ng malalaking namumuhunan na pumapasok sa mga pamilihang pampinansya sa layuning makakuha ng malaking kita sa pinakamaikling panahon.

fn7. Gross Domestic Product o kabuuang nalikhang produkto at serbisyo ng isang bansa sa isang takdang panahon

fn8. Mga base sa mga estratehikong lugar para ilapit ang mga pwersa sa maaaring paglunsaran ng gera.