Isa na namang sibilyan, pinaslang ng militar

Samuel Guerrero
Celso Minguez Commaand - NPA-Sorsogon
Disyembre 13, 2014

PINASOK ng tatlong sundalo ang isang bahay sa Barangay Bugtong, Barcelona, Sorsogon bandang alas-11:00 kagabi at pinagbabaril hanggang mapatay ang maybahay na si Susan Ernacio Cagalitan, 60 anyos, hiwalay sa asawa.

Ang mga salarin ay dumating sa lugar sakay ng isang motorsiklong laging nakikitang ginagamit ng mga sundalo ng Alpha Company ng 22nd IB na nakabase sa Sityo Bungsaran, Barangay Rizal, Gubat, Sorsogon. May mga nakarinig na tinatanong ng mga sundalo si Cagalitan kung nasaan ang kanyang asawa. Maya-maya pa ay umalingawngaw na ang mga putok ng baril.


Minsan nang sinadya ng mga sundalo si Cagalitan noong Marso 2014 matapos nilang makasagupa ang isang tim ng NPA sa tapat ng kanyang bahay kung saan napatay ang isang sundalo at nasugatan ang isa pa. Hinahanap din noon ng mga sundalo ang kanyang asawa na pinagbibintangan nilang myembro ng NPA. Ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Cagalitan na hiwalay na siya sa asawa.

Nakababahala ang padron ng pagbaling ng reaksyunaryong militar sa mga sibilyan kapag hindi nila matunton ang kanilang kalaban. Noon lamang isang linggo, walang awang pinatay sa bugbog ng mga sundalo si Samuel Dollesin, isang sibilyan, sa Barangay Lapinig, Gubat, Sorsogon. Militar din ang pinaniniwalaang pumaslang kina Federico Erivera, Jinky Estrada at Alan Figueras noong Oktubre.

Nais naming ipahayag ang pinakamariing pagkundena sa pasistang krimeng ito. Nakikiramay naman kami sa mga kaanak ng biktima.