Ka Binoy

Sine Proletaryo
Disyembre 05, 2014



Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

Walang namatay na taumbaryo nang dumaan ang Yolanda sa napuntahan naming mabundok na bahagi ng isang larangang gerilya sa Samar kumpara sa kapatagan at baybaying lugar. Ngunit ayon sa mga responsableng kadre sa eryang ito, maraming nasirang mga pananim at mga bahay ng mga taumbaryo. Nasira ang kalakhan ng mga niyog—ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mamamayan. Nagbabadya ang malawak na kagutuman sa lugar.

Dapat kagyat na gumawa ng hakbang ang Partido, Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga organisasyong masa na pinamumunuan nito. Dapat sama-samang kumilos ang mamamayan para harapin ang posibleng kagutuman. Inilunsad ang isang kumperensya ng mga Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) at gumawa ito ng plano para matugunan ang problema sa produksyon at kakulangan ng pagkain na ibinunsod ng superbagyo.


Ano ang naging papel ng “asosasyon” sa baryo pagkatapos ng bagyo?  May tinukoy ang mga responsableng kadre na dalawang lokal na kadre na pwedeng interbyuhin tungkol dito. Ngunit dahil nagpapatuloy pa rin ang mga pagkilos ng mga tropa ng Philippine Army, isa lamang ang agad naming nakapanayam.

Si Ka Binoy, isang lokal na kadre ng Partido at isa sa mga gumagabay sa “asosasyon” ay mahigit 60 taong gulang na. Ang “asosasyon” ang popular na tawag sa ganap na samahang masa (GSM).

Mahirap kumbinsihin ang mamamayan hinggil sa ilang panawagan ng Partido, ani Ka Binoy. Nakasanayan na ng mamamayan dito na isandig ang kanilang kabuhayan sa niyugan o kung hindi ay sa paghahanap ng trabaho sa labas ng baryo. Pero pagkatapos ng bagyo, hindi na nila ito pwedeng gawin, ani Ka Binoy. Wala nang mapuntahan ang mga tao.

Kaya nagkaroon ng mga talakayan ang mga kasapi ng GSM. Nabuo ang konsensus kung papaano nila dapat harapin ang nakaambang problema ng kagutuman. “Makakaya natin ito. Gawin natin ang iba't ibang paraan,” hikayat ni Ka Binoy sa kanyang mga kasama at sa taumbaryo.

Walang lupa sa lugar nila na maaaring mapagtamnan ng palay. “Naghanap na kami ng lupang maaaring gamitin na hindi nangangailangan ng renta. Naghanap kami ng may-ari ng lupa na sasang-ayon sa aming layunin,” sabi ni Ka Binoy.

Nagtakda sila ng mga kundisyon sa paggamit ng lupa—gagamitin ito sa loob ng limang taon at pagkatapos nito ay sasaluhin ng may-ari ang pagsasaka ng lupa.

Dahil sa nakasanayan na ng mga tao na iisang uri lamang ng pananim, kinailangang kumbinsihin nina Ka Binoy ang taumbaryo na subukan ang iba pang klaseng mga tanim bukod sa niyog. Yung pinakamabilis at pinakamadaling anihin (mga tatlong buwan). “Batay sa karanasan, tantya namin na ang unang dapat tutukan sa pagtatanim ay kamoteng kahoy, kamote at gabi. Pagdating ng anihan ng palay, aanihin din nila ang kamoteng kahoy at iba pang itinanim nila.

Gayunman, mas gusto pa rin ng mga tao na magbukas ng sarili nilang sakahan (hindi yaong komunal) at maghanap ng masasakahan. “Pero hinikayat namin sila na huwag muna ito gawin sa ngayon dahil 
unang-una, may kahirapan sila sa paghahanap ng sakahan, at kung makahanap man, ito ay tiyak na malayo na.” Nakumbinsi naman sila na tutukan muna ang komunal na pagsasaka dahil narito sa malapit ang karamihan ng mga magsasaka. Dagdag pa, mamomobilisa nila ang lahat pati ang mahihina tulad ng matatanda at maliliit na bata.

Bunsod ng walang pagod na pangungumbinsi at paglilinaw sa mga kasapi nina Ka Binoy, lumaki ang kasapian ng SOM. Noong wala pa ang trahedya dulot ng Yolanda, 107 lamang ang kasapi ng SOM. Pero mula noong Disyembre 2013 hanggang sa kasalukuyan (Oktubre), umabot na kami sa 182, ani Ka Binoy.   SP