Ka Bryan

Sine Proletaryo
Disyembre 05, 2014



Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

Dumating si Ka Bryan sa gitna ng red alert sa pangatlong araw namin sa lugar. Nagkataong “sumabay” sa iskedyul ng Sine Proletaryo ang clearing operations ng tropa ng AFP na nakakampo sa prubinsya. Ilang araw ding umikot-ikot ang mga sundalo sa mga sityo at baryo na malapit sa binabasehan ng BHB. Minsan, sa isang maiksing panahon, dumaan sila sa isang baryong ilang minuto lamang ang layo mula sa aming kinalalagyan. Sa kabila nito, naisagawa ng tim ng mga inisyal na interbyu at pagkuha ng bidyo ng mga kasamang hindi nakatalaga sa mga pangunahing yunit palaban.   

Isa rito si Ka Bryan na tumatayong political instructor ng platun ng BHB at nangunguna sa gawaing rehabilitasyon sa larangang gerilyang iyon. Sumasaklaw ang platun nila ng mga erya na dumanas ng bagsik ng bagyong Yolanda.


Katatapos lamang ni Ka Bryan na asikasuhin ang pulong ng subseksyon ng Partido sa kabilang baryo. Kabilang sa pinag-usapan doo'y ang plano ng mga tagabaryo na lumahok sa kilos-protesta ng mga biktima ng bagyo sa Nobyembre 8.
Wala pang dalawang taon sa lugar si Ka Bryan. Pero, aniya,“ matagal nang kumikilos ang BHB dito. Noong dekada 1980, antas-munisipalidad na ang mga organisasyong masa dito.

Nang dumating sila sa larangang ito, pangunahing trabaho ni Ka Bryan ang muling pagtatayo at pagpapakilos ng mga ganap na samahang masa o mga “aso” (asosasyon) sa lokal na katawagan.

Isang linggo bago dumating ang Yolanda, “binigyan na ng pansin ng mga yunit dito na may paparating na malakas na bagyo,” sabi ni Ka Bryan. Pinaabot nila ang limitadong impormasyon sa mga baryo, bagamat wala pa rin silang ideya kung gaano kalakas si Yolanda.

Matapos ang bagyo, isa si Ka Bryan sa mga direktang namahala sa pag-alam ng pinsala, pagpapakilos sa Hukbo para tumulong sa pagbangon ng mga baryo at sa pamamahagi ng relief.

“Ilang linggo pagkatapos ng bagyo, inilunsad natin ang Party conference sa lahat ng Sangay ng Partido sa Lokalidad, o ang tawag dito ay BOP (batakan nga organisasyon han Partido). Isa itong kumperensya na binuo para talakayin ang papel ng Partido sa pagharap sa salanta ng bagyong Yolanda.”

Sa naturang kumperensya, nag-ulat ang mga Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) kaugnay sa kalagayan ng kanilang mga komunidad pagkatapos ng bagyo. Iniulat nila ang bilang ng mga nasalantang kabahayan, pananim at iba pang ari-arian ng mamamayan.

“Ito ang pinagbatayan ng ginawang plano para tugunan ang kanilang mga pangangailangan.”

Batid ng mga kasama na kung hindi maaagapan ang sitwasyon, maaaring magkaroon ng malawakang kagutuman sa lugar.

“Unang-una, tinugunan natin ang problema sa produksyon at problema sa kakulangan ng pagkain.” Pangunahing bahagi ng plano ang pagtatanim ng makakain na mga pananim tulad ng kamote at yaong mabibilis na maaani.

“Nakasalalay ang implementasyon ng plano sa ekonomya sa pagkilos ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka o sa mga 'aso', ” ayon kay Ka Bryan.
“Kailangan ng kolektibong pagkilos.”

Resulta ng planong ito, naitayo sa larangang gerilya ang mahigit 80 kooperatiba na may iba't ibang tipo, mula sa mahigit sampu lamang bago ang bagyo.

“Isa rito ang kooperatiba sa makinaryang pansakahan, katulad ng patubig, traktora at thresher. Tapos meron din tayong kooperatiba sa hayupan, may baboy, manok. Isa pa yung kooperatibang tindahan na siyang tumugon sa nagtaasang presyo sa mga batayang pangangailangan ng masa.”

Pero hindi simple ang pagpapatakbo ng mga kooperatiba. Maraming usapin ang kailangang bunuin at pag-isipan para lubos na mapakinabangan ang mga ito.

“Halimbawa,” sabi ni Ka Bryan, “mahal ang feeds at medisina para sa pagpapalaki ng baboy, kasi commercial ang breed ang mga ito. Maliit ang kita ng kooperatiba, ang kanilang return (sa puhunan).”

Sa inisyal na pag-uusap ng “aso,” napagkasunduan nilang subukang sistemang “50-50” ang pakain—50% komersyal at 50% kaning-baboy na manggagaling sa baryo. Ito ay para maibaba ang gastos sa produksyon.

Hindi rin madali ang pagtatayo ng mga kooperatibang tindahan. “Kailangan mapagkaisahan muna kung saan, ilan at paano ang pamamahala ng mga tindahan.” Dahil hiwa-hiwalay ang mga sityo, may tendensyang magkani-kanya pa rin, imbes na isang malaking tindahan na lang sa sentro ng baryo. “Isa pa, ano ang gagawin sa kita ng tindahan? Ibabalik ba ito sa tindahan? Paghahati-hatian ba ng mga myembro?”

Sa tulak ng Hukbo, nagkaisa ang mga myembro na ilagak ang 50% ng netong kita sa bubuksan nilang komunal na sakahan. “Sa gayong paraan, magagamit ang pondo sa produktibong paraan.”

Isang malaking bahagi sa naitayong mga kooperatiba ang mga mutual-aid teams, o sa lokal na tawag, mga tiklos. Bahagi dito ang mga collective farm o mga production lot na binuksan para tugunan ang panawagan para sa pagpapataas ng ani.

“Lumawak at dumami ang lumahok sa mga aktibidad na inilulunsad kaugnay ng ating ginawang plano. Naging masigasig, masigla ang masa, dahil nga, iyon ang tumutugon sa kanilang mga pangangailangan at interes.”

Hindi lamang dumami, tumaas din ang kalidad ng pagkilos ng mga organisasyong masa, sabi ni Ka Bryan. “Hindi na lang maliliit na grupo kundi 'yung buong-buong asosasyon na ang kumikilos.”

“Nabigyang-sikad ng rehabilitasyon ang gawain ng Hukbo. Umaabot sa mahigit 40% ang paglawak ng eryang kinikilusan ng BHB kumpara noong wala pa ang Yolanda. Pero malawak pa rin ang erya na dapat abutin.”
   
Hindi tuluy-tuloy ang daan o yung pagpapatupad sa plano, ani Ka Bryan. Maraming problema ang nakaharap, liko at baliko sa pagpapatupad nito. Isa na roon ay ang epekto mismo ng bagyo sa pagsasaka.

“Kung dati, kailangan lang ng sampung tao sa pagsasaka ng isang normal na la-king sakahan, ngayon ay kailangan na ng dalawampu.”

Sa implementasyon ng plano, lumitaw ang pangangailangan ng koordinasyon ng magkakatabing mga asosasyon at sa mga baryo at sityo na wala pang mga asosasyon o nasa mababang antas pa ang organisasyon.

“Halimbawa, sa pagtukoy kung anong tipo ng mga proyekto ang gagawin sa isang barangay at sa kabilang barangay, hindi pwedeng sa isang barangay o kahit isang cluster ng mga barangay lang ang lebel ng pagpaplano. Kailangan ng mas mataas na antas, para di magkumpetensya ang mga proyekto, bagkus ay mag-complement sila sa isa't isa,” paliwanag ni Ka Bryan.

Lumitaw din ang mga usaping nangailangan ng pangkalahatang patakaran, at mekanismo para maipatupad ito.

“Halimbawa, may eksperensya sa isang barangay na kailangan nilang gumawa ng batas na magregulate sa pamasahe. Ito ay dahil dumadami ang binibiling mga aytem para sa tindahan ng koop nila o binibili para sa mga production lot o mga produktong dini-deliver sa merkado. Kailangang ma-regulate ang pasahe, kasi minsan, hindi nakukontrol. Masyadong tumataas ang pamasaheng sinisingil at lumilitaw ang kontradiksyon sa hanay ng masa.”

Ang mga kontradiksyong ito ay kailangang gawan ng patakaran o batas para maayos na maharap ang isyu ng pasahe. Kailangan ng magpapatupad nito, ng isang gubyerno.

“Bukod pa roon, marami pang ibang usapin na lumilitaw na nangangailangan ng pagtatayo na ng isang gubyerno kasi andun na ang mga rekisitos.”

“Naabot na ng mga organisasyong masa ang mataas na lebel ng organisasyon at aktibidad. Hinihingi na ng sitwasyon ang pagtatayo nito.

“Kaya sa susunod na mga buwan, o sa susunod na taon, maaasahan natin na meron tayong masisimulan. Maitatayo na nating muli ang komiteng rebolusyonaryo sa baryo,” pangako ni Ka Bryan. SP