Ka Concha

Sine Proletaryo
Disyembre 05, 2014



Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

Tubong Panay si Concha Araneta, ang tumatayong tagapagsalita ng CPP-NDF ng Panay. Isa siya sa mga nagpundar ng rebolusyonaryong kilusan sa isla.  “Noong YS ako, nakikita ko sa ilang pagtitipon si Louie Jalandoni. Tapos bigla na lang nawala at nabalitaan ko na nagpultaym na. Ah, kasama rin pala siya!”

Balingkinitan, maputi at  may-edad na, pero bakas pa ang gandang mestisa ng kanyang kabataan. Hindi maitago ng simpleng kasuotan ang kanyang mataas na uring pinagmulan, dahil sa makinis na kutis ng isang dating sosyal na kolehiyala. Pero mapagkalinga siya sa mga kasama at kabiruan niya sila.


“Lance, ano wala ka pa ring makitang karelasyon? Dapat kasi nakikisalamuha ka sa mga teritoryo nang makita ang iyong beauty..”, pagbati niya sa kasama naming nasa istap nila sa gawaing propaganda ng rehiyon. “Kayo ni Mayang, huh, hanggang ngayon hindi pa rin kayo nagpapamedikal-tsek-ap. Bigyan niyo ng panahon...” pasermon, pero magiliw niyang paalala sa dalawang kasama. Labis din kasi niyang ikinalungkot ang pagkamatay ni Ka Rita sa sakit, na ikinagulantang ng lahat. Kaya nag-iistrikto siya sa mga may nararamdaman sa katawan na dapat hindi basta-basta nagkakasya sa self-medication.

Matapos ang mga kumustahan, tinanong namin siya kung ano ang isusuot niya para sa interbyu. “Wala akong dala, akala ko walang video, usap lang. Kung alam ko, e di dinala ko sana ang spaghetti (dress) ko,” pabiro niyang sagot.

Hiniling namin sa kanya na bago ang interbyu, magbigay muna siya ng pangkalahatang oryentasyon ng rebolusyonaryong kilusan sa Panay. Nagpaunlak naman siya.
 
“Binubuo ang Panay region ng apat na prubinsya (Antique, Aklan, Capiz, at Iloilo) at isang subprobinsya, ang Guimaras. Diversified ang economy ng Panay: palay, isda, sugpo, tubo, mais at niyog ang mga pangunahing produkto. Antique ang mas hirap dahil di na mataba ang lupa. Ang Panay ang isa sa may pinakamalalaking produksyon ng palay sa buong bansa.

Pero matapos manalasa ang Yolanda, kalahati ng buong populasyon ay naapektuhan ang  kabuhayan. Ngayon, ang malaking bahagi ay nakaasa na sa inaangkat na bigas. Pinakamalawak na tinamaan ang Northeastern Panay: Aklan, Capiz at Northern Iloilo; Northern Antique. Capiz at Aklan ang pinakamatindi,” pagsisimula niya.

“Sa Estancia ang may pinakamaraming namatay, tapos sinundan pa ng oil spill mula sa Power Barge 103 ng NAPOCOR. Si Drilon nagkontrata. Mas tayo ang umasikaso sa masa sa relief at rehab. “

“Nang humambalos ang Yolanda ay nasa kalagitnaan kami ng paglulunsad ng kampanyang pulitiko-militar laban sa tuluy-tuloy at matinding mga operasyon ng kaaway sa isla. Itinigil namin ito at inatasan ang mga pwersa na ibigay ang ubos-kayang pagtulong sa mga nasalanta laluna na sa ating erya, mga sonang gerilya at mga komunidad na maaabot ng mga progresibo at demokratikong organisasyon.
“Agad naming tinutukan ang pag-abot pareho sa mga organisado o di-organisado, basta mga biktima sila batay sa kanilang pangangailangan. Kaya sa ngayon, ang kilusan natin ay hindi lamang sumasaklaw sa mga biktima ng Yolanda kundi pati sa iba pang mamamayan, laluna sa kabundukan. Inoorganisa at binibigyan ang mga biktima ng oryentasyon kung paano nila mapauunlad ang kanilang kabuhayan. Mapauunlad ang produksyon nila sa pamamagitan ng organisadong pagkilos at pagsalig sa sarili nilang paggawa at pagpupursige, sa higit na pagpapalakas ng sarili nilang pwersa. Kaya ang mga progresibong grupo at rebolusyonaryong kilusan lamang ang aktwal na nagbigay ng tulong sa masa. Ito ay sa pamamagitan ng paggabay sa kanila kung paano muling makakabangon sa pagkalugmok.

“Lubhang malaki ang naitulong ng pag-oorganisa sa masa pagkatapos ng Yolanda. Nakita nila na hindi sila pinabayaan ng Partido. “

Pagtutuloy niya: “After Yolanda, lumaki ang mga political mobilization natin sa Iloilo City, Kalibo, Capiz. Sa Roxas City, inabot ang 7,000, mula sa dating 1,500-2,000; may instance na 9,000. Grabe ang momentum sa isyu ng pork barrel, dahil napakakongkreto sa Panay ng korapsyon kaugnay ng Iloilo covention center, Jalaur dam at beautification project ni Iloilo City Mayor Mabilog, habang grabe ang kapabayaan sa pagtugon sa mga biktima ng kalamidad.

Sa break ng interbyu dahil sa ulan, pinaalala ni Ka Lance ang matagal na niyang inuungot na dapat simulan na ni CA isulat ang rebolusyonaryong kasaysayan ng Panay, habang malakas pa siya.

Sa katapusan ng interbyu, tinuunan niya ang rehimen: “Ang ginawa ng gubyernong Aquino—puro lamang pagpopostura—mga photo-ops palagi. Dumalaw si Aquino, gayundin si Roxas, sa Panay pero wala silang nagawa, walang resulta. Lahat ng eryang nauugnayan ng BHB ay walang nakuhang tulong mula sa gubyerno. Inutil ang gubyerno ni Aquino.” SP