Ka Naro

Sine Proletaryo
Disyembre 05, 2014



Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

“Bago lang kami sa erya,” ang paunang kwento ni Ka Naro. “Kararating lang namin noong Hulyo at nagsimula kaming i-integrate sa yunit dito noong Oktubre.”

Si Ka Naro, 34, ang lider ng isa sa mga platun ng BHB sa katimugang bahagi ng Samar na kabilang sa dumanas ng lupit ng bagyong Yolanda. Abala ang mga Pulang mandirigmang bumubuo ng platun nila Ka Naro sa pagtulong sa mga magsasaka sa pag-ani ng palay sa lupang pinagtulung-tulungang pagyamanin ng kanilang samahan pagkatapos ng bagyo.


Mahiyain man sa unang pagpapakilala, di maglalao'y bubuwelo si Ka Naro sa paggitara at pagkanta. “Nasa gawaing kultural ako noon. Nagtuturo ako ng mga kanta, sayaw at iba pa sa mga kabataan bilang paraan pagpapakilala ng rebolusyonaryong kilusan sa kanila. Ipinadinig niya ang kanyang mga kanta at ipinakita ang mga sayaw at dula na pinagkakatago-tago niya sa kanyang tablet computer.

Mahilig sa “kultural” ang mga residente sa kinikilusan nilang mga baryo. Kadalasan, ani Ka Naro, nagkakahamunan ang Hukbo at mga kabataan sa pasiklabang maghapon na tumatagal. Paramihan ng kanta at pagalingan ng mga sayaw-dula. Talo ang walang maihahandog o kaya'y nag-uulit ng mga presentasyon.

“Ang kabataan dito, halos buong linggong naghahanda ng mga presentasyon. Kada Linggo, may programang kultural na inter-sityo at baryo. ”

Di niya sukat akalain na ilang buwan lamang sa erya, daranasin niya ang delubyo ng Yolanda.

“Isang araw bago ang bagyo, nakadeploy kami pag-secure sa isang malaking miting at nabalitaan namin sa radyo na may paparating na bagyo at na ito ay napakalakas. Bandang hapon, diretso kaming nag-empake para lumipat sa isang kweba dahil narinig ng mga kasama na malakas talaga ang bagyo.”

Dalawang araw na tumigil sa kwebang iyon ang yunit ni Ka Naro.

“Kinabukasan, pagkatapos ng bagyo, nagdeploy ang kumand ng isang tim na lumabas para mag-imbestiga sa kalagayan ng masa. Isa akong nakasama sa tatlo-kataong tim.”

Paglabas nila sa kweba, nakita nila ang napakaraming natumbang mga kahoy, saging at iba pang pananim.

“Halos wala na kaming madaanan at hindi na namin makita ang mga daan. Para kaming mga baboy-damo na dumadaan sa ilalim ng natumbang mga kahoy at iba pa. Bumabaha ang mga ilog kaya hirap kami sa pagtawid.”

Gayunpaman, sinikap pa rin ng tim na makaabot sa target nilang baryo.

“Sa isang baryo na aming naabot ay nakita namin ang maraming natumbang mga bahay at may mga bahay na wala nang dingding at bubong. Mayroon kaming tinulungan na isang magsasaka na nagsisikap na ibalik sa dating pusisyon ang kanyang kumikiling na bahay. Ang pinakamalaking istruktura sa baryo nila, ang dancing hall na malawak, ay wala nang bubong.”

Nagtagal nang buong araw ang paunang imbestigasyon ng tim nina Ka Naro. Nilibot nila ang isang baryo at limang sityo.

“Gulong-gulo ang isipan ng mga tao, di alam kung ano ang gagawin. May mga biktima sa baryo na nababahala sa kanilang mga anak na nagtatrabaho sa syudad ng Tacloban.”

Dahil sa kawalan ng lahat ng klase ng komunikasyon–radyo, telebisyon o cellphone– maraming kwento-kwento ang lumaganap sa baryo. Matagal bago nila nalaman ang karumal-dumal na pangyayari sa Tacloban.

“Mga tatlong araw pagkatapos ng bagyo, nabalitaan namin na napakarami ng patay sa Tacloban. Nalaman namin ito mula sa mga kamag-anak na pumupunta sa Tacloban. Ang sabi nila mas maigi pang maglakad papunta roon kumpara sa nakasakay sa motor o sasakyan. Ito ay dahil pwede kang tumalon-talon sa mga patay na nagkalat sa daan o umiwas sa mabahong amoy ng naaagnas na mga bangkay. Kung nakamotor, siguradong mahihirapan ka sa pagmamaniobra.”

Pagkatapos ng inisyal na imbestigasyon ay nagsagawa ng sampling survey ang mga mandirigma sa mga baryo. Isinadokumento nila ang kalagayan ng masa at iniulat sa kumand ng kanilang yunit.

“Batay sa report ng aming team, nagdesisiyon ang pamunuan na ipagpaliban ang miting para asikasuhin ang kalagayan ng masa. Kailangan agad ng aksyon dahil obligasyon natin ito sa masa. Mga nangungunang problema nila ang kawalan ng pagkain, petrolyo at asin. Walang kuryente, patubig, walang medisina. Ligalig na ligalig ang mga tao.”

Agad na lumabas ang buong yunit ng BHB para tulungan ang mga taumbaryo. Inabutan nila ang karamihan sa mga eskwelahan o bahay na hindi nawasak.

“Naglunsad agad ang mga yunit ng Hukbo ng mass meeting. Pinagkaisahan ng mga yunit ng BHB at mga residente kung paano haharapin ang napakalaking problema. Tumulong ang Hukbo sa pagtatayo ng mga temporaryong kabahayan mula sa paghahakot ng mga kahoy, pagpapanday at iba pa. Tumutulong din ang Hukbo sa paghahakot ng mga palay na naroon sa mga sakahan para magamit laluna't  napakahirap ng mga daanan.”

Isang linggo bago naabot ng relief ang kinalalagyan nina Ka Naro. Ito ay kahit tatlong araw matapos ang bagyo, may nabalitaan silang namimigay ng relief goods sa bayan pero hindi pa mula sa gubyerno kundi mula sa ibang bansa.

“Matagal,” ani Naro. “Basta, matagal.”

Ang unang dumating na mga relief goods ay galing pa sa Balsa-Mindanao. Direktang pinangasiwaan ng Hukbo ang pamamahagi nito. Humango sila ng mga leksyon sa mga kaguluhang nabalitaan nila sa mga sentrong bayan na idinulot ng hindi magandang sistema ng distribusyon ng reaksyunaryong gubyerno.    
“Nabalitaan namin na mayroong nagtirigbasay (nagtagaan) dahil lang sa tubig. Kasi ang sistema ay hinuhulog lang mula sa helikopter ang pamimigay. Kaya nagkakagulo      ang mga tao.”

Pinangunahan ng Hukbo ang pagsasaayos at pag-oorganisa sa mga tao. Bukas na tinanggap ng taumbaryo ang iminungkahi nilang pamamaraan.    

“Doon sa labas ng sona, sa pamimigay ng relief ay hindi kinukonsidera ang dami ng myembro ng pamilya. Kung magbigay sila ng isang sakong bigas, kahit marami ang myembro ng pamilya, wala na silang pakialam kung magkasya ito o hindi. Sa kalagayan sa kabukiran, mas marami ang taong mahihirap kumpara sa mayayaman. Marami-rami ang mga pamilyang may maraming anak kumpara sa maliliit o wala.”

Kada-ulo, at hindi kada-pamilya ang ginawang sistema ng pamimigay ng Hukbo.

“Nabalitaan namin na pumunta rito ang mga pwersa ng US Army para sa relief operation. Totoo, marami ang nagliliparang mga eroplano nila pero ang amin lang naobserbahan, isang beses lang ito naghulog ng relief goods. At doon sila naghulog sa tatlong kabahayan na malayo sa baryo.”
   
Sa huling damage assessment ng yunit na kinapapalooban ni Ka Naro, umaabot sa 60% ng mga niyugan sa kanilang erya ang napinsala, 40% ng mga kabahayan ang nawasak at 100% ng mga pananim pangkonsumo tulad ng kamote, gabi, saging at balinghoy ang nasira. SP