Ka Nic

Sine Proletaryo
Disyembre 05, 2014



Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

“Bihira lang kasi ako mainterbyu, kaya medyo nahihiya ako,” sagot ni Ka Nic sa tanong namin kung nininerbyos ba siya sa harap ng kamera. Pangalawang kumander si Ka Nic ng Municipal Coordinating Unit ng Milisyang Bayan sa kanilang lugar. Saklaw ng kanilang la-king-kumpanyang yunit ang dalawang kulumpon ng mga baryo.

“Andito lang ako sa baryo, kasama ang pamilya ko, nang tumama ang bagyo.”

Pumwesto sila sa eskwelahan nang malaman nila sa pamamagitan ng radyo na parating ang malakas na bagyo, salaysay ni Ka Nic.


“Ang nagpa-ebakwet sa amin ay ang mga nasa pamunuan ng organisasyong masa, kasama ng mga lokal na konsehal at ang kapitan.”

Bilang pangunahing pwersang panseguridad, naglibot ang mga kasapi ng yunit milisya para palikasin ang mga residente tungo sa eskwelahan.
“Patuloy ang paghahakot namin ng mga tao,  ng mga bata at matatanda at kanilang mga gamit,” ani Ka Nic. “Nang lumakas na talaga ang hangin, pinapunta na namin sa eskwelahan ang lahat ng mga residenteng nakatira sa maliliit o marurupok na bahay.”

Malaki ang naging pinsala sa baryo nina Ka Nic. Maraming bahay ang nawasak. Nasira ang kanilang mga pananim, ang mga niyog, saging kamote at iba pa.

“Lahat nasira,” ayon kay Ka Nic. “May ilang puno ng niyog na natira pero lahat ng mga sakahan ay nawasak. Walang natira.”

Kinabukasan, agad na kumilos ang yunit milisya para sa pagkukumpuni ng mga sirang bahay.

“Sunud-sunod na ginawa ang mga masmiting para talakayin kung paano makakabalik agad ang mga tao sa kanilang mga bahay,” ani Ka Nic. “Habang nagkakaroon ng mga pulong, tuluy-tuloy lang ang gawaing pagre-repair.” 

Noong una, ayon kay Ka Nic, ipinapatong lang nila ang mga yero sa mga bubong para magkaroon sila ng masisilungan. Nang may dumating na mga trapal, pinalitan nila ang mga yero. Matagal bago magkaroon ng gamit pangkonstruksyon ang mga residente ng kanilang baryo.

“Nang dumating ang mga kasama, ibinalita nila na may paparating na relief,” kwento ni Ka Nic.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba't ibang yunit ng Partido at NDF sa iba't ibang bahagi ng bansa,  laluna sa Metro Manila at Mindanao, agad na nakapag-ayos ang Partido sa Eastern Visayas ng mga tulong panaklolo sa pinakaapektadong mga larangang gerilya.

“Kaagad kaming nagmiting. Napag-usapan na kailangan hakutin ang relief goods sa haywey” kwento ni Ka Nic.  “Sama-sama kaming pumunta.”

Bawat baryo na nakapailalim sa MCU ay nagpadala ng isang tim para maghakot ng pagkain para sa lahat ng mga residente. Magkasabay na pumunta at naghakot ang magkakatabing dalawa hanggang tatlong baryo.

“Mahigit isang daan kami,” sabi ni Ka Nic.

“Pagdating namin sa baryo, hindi dinala ng mga nagsipunta sa haywey sa kani-kanilang mga bahay ang relief goods. Ipinwesto namin ito sa plaza ng eskwelahan at doon pinaghati-hatian.”

Alinsunod sa nauna nang napagkaisahan ng mga organisasyong masa, yunit milisya at BHB, isinagawa nina Ka Nic ang distribusyon “por-ulo” (kada-tao) at hindi kada-pamilya. “Halimbawa, kung may sampung myembro ang iyong pamilya, makakatanggap ka ng malaki-laki kumpara sa dalawa lang. Hindi lang sa bigas. Ganoon din sa sardinas, gatas, kape.”

“Pantay-pantay,” dagdag pa ni Ka Nic. “Tumulong ang mga kasama sa pagrerepak.”

Ganito rin ang naging sistema ng hatian, kahit sa tulong pinansyal ng mga organisasyong mapagkawaggawa. Halimbawa rito ang isang dayuhang organisasyong namahagi ng tigtatlong libo sa pi-ling mga residente sa baryo ni Ka Nic. 

“Napag-usapan namin na dapat bawat isa sa mabibigyan ng cash ay magsesentro ng kalahati nito para gamiting puhunan sa pagtatayo ng kooperatiba.”

Unang nagdesisyon ang kanilang asosasyon na magtayo ng “coop store” o tindahan.

“Sa pangalawang pagrelis ng cash aid, napagkasunduan naming magsentro ng sangkatlo nito.” Ang naipong pondo ay ginamit nila para itayo ang kooperatiba sa babuyan at sakahan (production lot).

“Ang production lot namin ay nagmula sa isang naprendang lote,” ayon kay Ka Nic. “Tinamnan namin ito ng palay at nakapag-ani na kami.”
Pinagana ng asosasyon ang “tiriklosay” (suyuan o palitan ng paggawa).

“Tuluy-tuloy ang tiriklosay halos araw-araw ng ibat ibang grupo sa loob ng baryo,” ayon ka Ka Nic. “May timleader lang sa bawat grupo ng tiklos. Lumalakas ang tiriklosay kapag nagsisimula na ang pagbagnas (paghahawan) at humuhupa lang kapag nagtatanim na. Pagdating ng anihan, nag-aaraglayon (bayanihan o tulungan) ang mga tao.”

“Lahat ng kasapi ng yunit milisya ay nagtitiklos.” Kasabay ng tiriklosay at kabuuang pagpapatupad ng kampanyang pagbangon sa kanilang saklaw, abala rin ang mga myembro ng MCU sa pagpapalakas ng kanilang yunit.

“Di pa lang nagtagal ay nakapagtapos kami ng  treyning sa BKM (Batayang Kurso Pangmilitar) at CDX (command-detonated explosive) operation,” kwento ni Ka Nic. Sa gitna ng mga gawain nila sa bukid at organisasyon, regular din nilang isinasagawa ang pagpapatrulya sa paligit ng baryo laluna kung nasa loob nito ang mga yunit gerilya ng BHB.”

“Katulad ngayon,” sabi niya.  “May mga yunit ang MCU  na nakadeploy sa loob ng baryo at mayroon din sa labas na nagro-roving.”

“Bahagi ng gawain ko bilang milisya ang pagsama sa yunit kung kailangan nila ng giya sa erya,” sagot ni Ka Nic sa tanong ng kanyang mga partikular na gawain. Partikular sa mga araw na iyon, naroon si Ka Nic para tulungan ang yunit ng BHB sa pagmomonitor sa kilos ng isang kolum ng kaaway na nagsasagawa ng clearing operations sa baryong binabasehan ng Sine Proletaryo. Abot-tanaw lang ang nag-ooperasyong yunit ng AFP.

“Mainit na rin ako sa kaaway,” aniya, “kaya kung may operasyon, dumidikit ako sa mga kasama.  Minsan isang linggo na akong hindi umuuwi.” SP