Ka Randy

Sine Proletaryo
Disyembre 05, 2014



Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

Soft-spoken, tinitimbang ang mga salita, kalmado. Ito ang nabuong impresyon namin kay Ka Randy sa limang araw na kasa-kasama namin siya. Nalaman namin sa mga kasama na sa larangang ito, si Randy ang pinakamainit na kadre sa kaaway. Sa kanilang komite, siya na ang pinakamatagal nang kumikilos sa lugar. Popular siya sa masa at mga alyado.

Sa huntahan, bago matulog, nalaman namin ang ilang personal na datos. “56 anyos na ako, at malalaki na ang apat kong anak. Dati akong kasapi ng organisasyon sa simbahan, at dito nga ako namulat.”


“Nasalanta nang husto ng bagyong Yolanda ang buong Capiz, at bahagi ng Northern Iloilo.
Ang hakbang na ginawa ng Partido at Hukbo ay kaagad itong nagplano para harapin ang mga problema ng mamamayan. Naglunsad ng mga pulong, masmiting sa mga SPL at mga saligang organisasyong masa. Nakita ng Partido at hukbo na dapat agapan ang sitwasyon at magabayan ang masa.

Ang problema ay kung paano mabilis na maaabot ang malawak na masa, makapagplano paano sila makakikilos. Agad kaming nakipagkoordina sa mga kasama sa urban. Nagbuo kami ng plano ng pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta.

Sa organisadong masa, pinulong at binigyang oryentasyon sila para magtulungan. Dapat tulungan ang mga walang masilungang bahay, ang mga nasalanta. Sa kabuuan, umaabot sa sobra 8,800 plus indibidwal ang mga beneficiaries sa relief and rehab partikular lang sa Eastern Panay (EP), pitong bayan ng Capiz at bahagi ng Northern Iloilo, 49 na baryo. Pinakilos ang halos lahat ng maaabot na mamamayan.  ”

Paano aktwal na tumulong ang hukbo?

“Sa bahagi ng hukbong bayan, tumulong ito sa paggawa ng mga bahay... pagkumpuni ng mga nasira, pagtulong sa pagpapasigla ng produksyon...pagpapabilis ng trabaho. Sa pamamagitan ng masmiting, tinuruan sila hinggil sa grupong binuligay (pangkat sa pagtutulungan/bayanihan).

Sa gawaing militar, naglabas ang Partido ng kautusan na ikansela ang mga taktikal na opensiba. Itutok lahat sa pag-aasikaso sa mga nasirang bahay, pagbasbas ng mga pilapil, hakot ng mga hindi pa naaaning palay at mais, pagtulong sa pag-aararo, tulong sa pag-direct tanim (direct seeding sa mga palayan).  Tiniyak din ang seguridad ng masa at mga kasama sa pamamagitan ng patuloy na pagmomonitor sa bawat kilos ng kaaway. “

Sa bahagi ng reaksyunaryong estado, ano naman ang ginawa?
“Hindi nakita ng masa ang tulong nila sa mamamayan, kundi ang matingkad ang pagpigil nila na magkatulungan ang rebolusyonaryong kilusan at mga NGO's,..institusyon. Kanilang sinasaywar ang masa. Mas pinatingkad nila sa EP ang pagpaparami ng PDTs. Idineploy ang mga ito sa mga lugar na marami ang mga nabiyayaan ng relief and rehab. Pinatingkad nila ang kampanyang saywar, pananakot sa masa na demonyo ang BHB, may motibo umano sa likod ng pagtulong nila sa masa. 

Sinu-sino ang mga lider nila, sino ang nag-facilitate..., sino ang mga  benepisyaryo? Lahat ng panggigipit na ito ay naglalayong sindakin ang mamamayan. Nagpapatuloy ang mga operasyong militar, bumabase ang mga sundalosa mga sentro ng baryo, nagpapapirma sila kung sino sa masa ang nakatanggap ng tulong mula sa mga progresibong grupo.”

Pagpapatuloy ni Ka Randy sa aktwal na pagtugon ng hukbong bayan:

“Mahigit isang buwan ang pagtulong ng Hukbo sa paggawa ng mga bahay. Kahit tapos na ang isang buwan ay patuloy pa rin pagtulong ng Hukbo, tuloy ang kanilang pagtatrabaho para sa masa para makarekober. “

Tinanong namin siya kung ano ang epekto nito sa masa? “ Na-appreciate nila nang husto ang tulong ng mga kasama. Lalong humigpit ang relasyon natin sa kanila. Sabi ng masa, kung wala ang Hukbo, walang makakarating na mga tulong mula sa mga NGOs—suplay, yero, iba pang kagamitan. Malaki ang papel ng Hukbo sa pagtulong  sa kanila para makaangat sa salantang dulot ng bagyo. Mas dikit, mas malapit ang relasyon ng Hukbo at masa.

Naabot natin ang mga organisado at maging mga di-organisadong masa. Noon, nagkakagulo ang mga tao, nag-aagawan ng yero, bawat isa ang umaako ng yero para lang may magawang bubong sa kanilang bahay. Tinulungan ng mga kasamang lutasin ang problemang ito at pinaliwanagan sila na hindi ito ang mayor na problema nila. Tinuruan silang magtulungan para malutas ang mga ito at harapin ang iba pang problema tulad ng mataas na pasahe sa mga produkto at mataaas na interes sa pautang.
Tinulungan silang maglunsad ng interbaryo na mga pagkilos sa antipyudal at nagtagumpay silang ibaba ang pletehan sa mga bagahe ng produktong ibebenta sa merkado.”

Sa usapin ng mga problema sa pagpapakilos sa masa. Ani Ka Randy:

“Syempre meron pa ring ilang kahirapan sa pagpapakilos sa masa. Kailangan pa ang dagdag na propaganda, ahitasyon sa kanila para sa kanilang kolektibong pagkilos. Hindi tayo dapat makontento  sa kung ano ang inabot nating tagumpay. Kailangang patuloy na pataasin ang kamulatan ng masa. Hindi dapat magpakasapat... maging kampante. Kailangan ang dagdag na determinasyon sa pagharap ng mga darating pang mga suliranin.”

Nakita na kailangang paunlarin pa ang lahat ng aspeto ng gawaing masa.

Ang bagyong Yolanda ay isa lamang sa mga problemang dumating sa buhay ng mamamayang Pilipino. Ang mayor na ugat ng mga  problema na dapat bunutin, ang tatlong “ismo”—burukrata kapitalismo, pyudalismo at imperyalismong US. Ito ang umaapi at nagsasamantala sa mamamayang Pilipino kaya dapat ibagsak at itatag ang rebolusyonaryong gubyerno ng mamamayan...”, pagtatapos ni Ka Randy.

Sa huling araw namin doon, ipinakilala niya sa amin ang kanyang anak na dalaga na nataong dumalaw sa kanila. “Aktibista rin siya at  aktibo sa pagtulong sa mga survivor ng Yolanda..”, pagmamalaki ni Ka Randy. “

Nasaksihan namin kung gaano kalapit ang mag-amang magkasama sa pakikibaka. Inilabas ni Ka Randy ang kanyang duyan at inalok sa anak na gamitin para makapahinga mula sa byahe. Nang kumakain na kami ng hapunan, hinintay ng anak na matapos si Ka Randy sa kanyang pinagkakaabalahan para makasabay ang ama sa pagkain.

Noong gabing yon, lumakad na kami at si Ka Randy ang naghatid sa amin sa baryo para tiyaking ligtas at sigurado ang aming lakad sa madaling-araw kinabukasan. Sabi namin, maiiwan niya ang anak doon sa loob. Sagot niya:

“Nauunawaan naman niya na kailangan ito ng gawain. Tsaka, sanay na siya na kahalubilo ang mga kasama sa hukbo nang tulad sa kapamilya.” SP