Ka Yeng

Sine Proletaryo
Disyembre 05, 2014



Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

Si Kasamang Yeng, 18 taong gulang, ay isa sa mga kabataang tumugon sa panawagan ng komiteng rehiyon ng Partido Komunista (PKP) sa Eastern Visayas na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) pagkatapos ng Yolanda. Pero hindi ganun kasimple ang dinaanan niyang buhay bago siya sumapi sa tunay na hukbo ng bayan.

Isa sa mga responsableng kadre sa hukbong bayan ang tatay ni Yeng. Noong apat na taong gulang pa lamang siya ay napatay ang kanilang ama sa isang labanan. Sa murang edad niya noon ay hindi niya maunawaan o matanggap ang trahedyang dumating sa kanilang pamilya. Sinundan ito ng pagkakasalbeyds ng death squad ni Gen. Jovito Palparan sa kapatid na lalaki ng kanyang ina.


Kahit silang mga bata na walapang kinalaman sa rebolusyonaryong kilusan ay ginigipit ng mga pasistang militar. Dahil sa mga harasment na ito, napilitang tumigil sa pag-aaral sa hayskul ang kanyang ate at naghanap na lamang ng trabaho sa Maynila. Patigil-tigil din si Yeng sa pag-aaral sa elementarya. 

Matatag na tinanggap ng kanilang ina ang mga personal na trahedyang ito. Isang araw, nagpaalam ang kanilang matandang kapatid na lalaki na sasampa na ito sa BHB. Susundan niya ang landas na tinahak ng kanyang martir na ama at isa pang tiyuhin. Malungkot noon si Kasamang Yeng dahil sa palagay niya ay tila nagkawatak-watak na ang kanilang pamilya.

Pero nabago ang lahat ng ito nang dumaan ang superbagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Sa pagsama-sama sa Auntie niya sa mga rali-protesta sa mga syudad ay namulat siya sa tunay na mga isyu tungkol sa Yolanda. Aktibo ang kanyang Auntie sa People Surge, ang alyansang organisasyon ng mga biktima ng Yolanda. “Kaya nakapagdesisyon akong magpultaym sa BHB dahil nakita ko ang pangangailangan dito,” sabi niya.

“Nakita ko mismo na kulang na kulang ang ayudang relief ng gubyerno. Makupad talaga. Limang araw muna ang lumipas bago makarating ang mga ayuda para sa mga biktima. Kaya narami ang nagugutom,” sabi ni Kasamang Yeng. 

Nang pasamahin siya nang kanyang Auntie sa mga rali ay nakita at narinig niya ang mga hinaing ng mga tao. Kailangan nilang mabigyan ng tulong na pagkain, bahay na matitirhan.

“Masaya ako sa pagsali sa mga pagkilos sa syudad dahil naramdaman kong tumutulong ako  hindi lamang sa sarili kong pamilya kundi para sa kapakanan ng lahat.” 

Iyon ang dahilan kung bakit nagdesisyon siyang magpultaym sa BHB nang makaabot siya ng 18 taong gulang noong Mayo 16. Una muna ay sumama si Kasamang Yeng sa 10-araw na programang integrasyon ng mga kabataan sa isang subrehiyon ng Samar. Hindi na siya umuwi nang matapos ang apat na araw na integrasyong iyon.

Noong simula ay nahirapan siyang intindihan ang mga salita ng mga kasama laluna
sa kalaliman ng mga ipinupunto nila. "Kaya
nag-aral ako tulad ng pag-aaral ko sa labas ng sonang gerilya. Inalam ko kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi nila.

Tungkol sa mga naranasan ko sa loob ng hukbo: "Minsan sa aming pagkain ay wala kaming ulam kundi asin lang. Pero nakita ko na ang mga kasama ay masaya pa rin. Kung sa paglalakad naman, laluna kung gabi, ang naranasan ko ay ang paglalakad sa dilim. Hindi kami gumagamit ng “ispat” (flashlight), kaya minsan natutumba ako, sabi ni Kasamang Yeng.

Natatawa na lang ako. Tuloy lang ang paglakad...sige lang, go lang.. dahil itong mga sakripisyo ay para sa kapakanan ng lahat. Naranasan ko rin ang pag-akyat sa mataas na bahagi tulad ng palanas (bangin). Hinihingal ako dahil sadyang mahirap itong daanan.

Naranasan ko na rin ang pagsali sa isang TO (taktikal na opensiba). Sa isang TO noon, may pangangailangan sa aming tim na makapwesto sa isang pusisyon para ma-outflank ang kaaway. Pero dahil katatapos ko
lang kumain nang tumakbo kami ay sumuka ako pagdating sa ibabaw ng mataas na
tereyn. Tuluy-tuloy pa rin ang aking pagmamaniobra.

Kailangan talaga ang mabilis na pagkilos at pagpupursige. Dapat matatag na magpursige kahit walang pagkain at walang flashlight sa paglalakad tuwing gabi.

Naranasan ko na rin ang pagbibigay ng pag-aaral sa hanay ng mga kabataan. Natutuwa akong makapagturo sa mga kabataan para mahikayat silang tumulong sa kilusan. Nakita ko na rin sa kanila sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga karanasan, ang hirap nilang kalagayan.

Pangarap ko talaga na maging mulat din sila sa kanilang kalagayan.

Noon, tulad din ako ng mga ordinaryong tinedyer  walang pakialam sa mga nangyayari sa paligid. Pero, ani Kasamang Yeng, narito na siya sa piling ng maraming tao na dapat turuang lumaban para sa kanilang kapakanan.  Masipag na nagbabasa si Yeng ng mga dokumento tulad ng HKKRP, Araling Aktibista, Eskom (Espesyal na Kursong Masa), mga isyu ng Ang Bayan at Larab (ang upisyal na pahayagang masa ng Eastern Visayas).

“Hilig ko talaga ang magbasa.”

Marami ang aking mga plano sa hinaharap. Magpapatuloy ako dahil gusto kong makatulong. Ikalawa, sa kanayunan din nanggaling ang aking mga kamag-anak. Kaya parang nasa dugo na namin ito. Magpapatuloy ako para maipakita ko sa aking mga kamag-anak na ako ay matatag at tumutulong sa masa. 

Ilang araw pagkatapos namin mainterbyu si Ka Yeng ay nagkita na sila ng kanyang kuya na si Kasamang Kiko. Ilang taon ding nawalay sa isa't isa ang magkapatid mula nang sumapi si Kasamang Kiko sa BHB. Nakatalaga noon si Kasamang Kiko sa ibang yunit kaya hindi agad sila nagkita ni Ka Yeng.

“Masayang-masaya ako dahil dalawa na kami ni Yeng ang magpapatuloy sa landas na iniwan ng aming ama,” sabi ng kuya ni Kasamang Yeng.

Sa ngayon, gumagampan si Kasamang Yeng ng gawaing pinansya at lohistika ng iskwad sa kinatalagahan niyang platun ng BHB. Dito niya ibinubuhos ang kanyang talino at tapang para sa kalayaan at hustisya na malaon nang ipinagkakait sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang inaapi at sinasamantalahang patriyotikong sektor ng lipunang Pilipino. SP