Kamatayan ni Noel Delgado, hudyat ng paglalansag sa bandidong grupo

Ka Samuel Guerrero
NPA-Sorsogon
Disyembre 6, 2014

ANG pagbaril kay Noel Delgado nitong Disyembre 1 ay parusa sa malulubha niyang krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at mga magsasaka sa ilang barangay sa Bacon District ng Sorsogon City. Ang pamamarusa sa kanya ay isinagawa ng mga operatiba ng New People’s Army sa Barangay San Juan kung saan siya naninirahan. Katatanggap lang namin ng ulat na namatay siya kahapon, Disyembre 5, sa isang ospital sa Sorsogon City.



Si Delgado ay dating kasapi ng NPA. Mula nang tumiwalag siya sa kilusan, napabilang siya sa isang grupong bandido na sangkot sa pagnanakaw ng kalabaw at iba pang hayop ng mga magsasaka at pagpapalayas ng mga tenante sa ilang sakahan sa Bacon District. Kasama niya sa grupo ang ilan pang dating gerilya at mga elemento ng militar, pulisya at CAFGU. Nagpapanggap silang NPA sa pagsasagawa ng kanilang mga krimen. Ginagamit din nila ang pangalan ng NPA para makapangikil sa mga kontratista ng iba’t ibang proyektong imprastruktura sa lugar.

Tinutugis pa ng NPA ang mga kasamahan ni Delgado sa panunulisan. Sisikapin ng rebolusyonaryong Hukbo na durugin ang naturang grupo bilang tugon sa daing ng mga magsasakang kanilang pinahihirapan.