Mensahe sa ika-50 anibersaryo ng Kabataang Makabayan

Rizalina "La Iza" Bonifacio
Kabataang Makabayan - Laguna
Nobyembre 30, 2014

Nakikiisa kami sa pagdiriwang ng limang dekadang kasaysayan ng Kabataang Makabayan o KM, lalo na ang mga pakikibaka, sakripisyo at tagumpay nito sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Hinahangad ng mamamayang Pilipino na ibagsak ang paghahari ng imperyalismong US (United States), pyudalismo't burukrata-kapitalismo at itayo ang isang tunay na malaya, demokratiko't maunlad na lipunan. Ang pagkakatatag ng KM noong Nobyembre 30, 1964 ay patunay na ang kabataan ang pag-asa ng bayan tungo sa layuning ito.


Libu-libong kabataan ang namumulat at kumikilos upang wakasan ang bulok na sistema. Taglay ang talas ng kaisipang proletaryo at kasigasigan ni Andres Bonifacio, aktibo silang lumalahok sa mga pakikibakang masa't aksyong protesta sa kalunsuran, at maging sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

Kinasusuklaman ng uring anakpawis at kabataan ang korap, pahirap at pasistang rehimeng BS Aquino. Walang-habas ang pagnanakaw nito sa bilyong pisong pondo ng bayan habang tumitindi ang kawalan ng lupa, trabaho, dagdag na sahod, tirahan, edukasyon at serbisyong panlipunan. Higit pang pinalalala ng Oplan Bayanihan ang mga kaso ng brutal na pamamaslang at pang-aabuso ng pasistang militar at kapulisan.

Sa pangunguna ng Bagong Hukbong Bayan, meron nang magtatanggol sa masang inaapi't pinagsasamantalahan, at para makamit ang katarungan. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo), patuloy na masasaksihan sa buong bansa ang umiigting na digmang bayan. Pakaasahan na ang kabataan ay magsisilbing balon ng mga rebolusyonaryo't pulang mandirigma ngayon at sa hinaharap.

*MABUHAY ANG KM AT SAMBAYANANG PILIPINO!
KABATAAN, SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!*