Mga Elemento ng 22nd IB inambus ng BHB sa Pasacao, Camarines Sur

Ka Michael Robredo
Norben Gruta Command, NPA-West Camarines Sur
Nobyembre 30, 2014

Noong Nobyembre 15, 2014 siyam na elemento ng 22nd IB ang inambus sa Barangay Tinalmod, Pasacao Camarines Sur ng magkasanib na pwersa ng Bagong Hukbong Bayan at mga myembro ng Milisyang Bayan sa ilalim ng Norben Gruta Command-West Camarines Sur. Nagtamo ang mga ito ng 2 patay at 2 pang nasugatan. Nakasamsam ang rebolusyonaryong hukbo ng 1 carbin, 2 magasin sa M14, 7 magasin sa carbin at 1 granada.


Naganap ang pananambang bandang alas 10:15 ng umaga habang ang nasabing 1 iskwad ng 22nd IB ay naglalakad para sa isang hot pursuit operation bilang reaksyon sa pagparusa ng araw ding iyon ng rebolusyonaryong kilusan kay Victorino Abejoro isang elemento ng CAFGU. Ang labanan ay tumagal ng halos 30 minuto. Malapit lamang ang pinangyarihan ng labanan sa detatsment ng 22nd IB na nakabase rin sa Barangay Tinalmod, Camarines Sur. Subalit hindi nito nagawang sumuporta sa kanilang mga kasamahan, imbes ay nagpakawala ito ng maraming putok na di naman umalis sa kanilang kampo. Habang ang mga napalaban naman ay nagsitakbuhan at naiwan ang kanilang mga kasamahang namatay.

Kaugnay nito, Si Abejoro ay pinarusahan dahil sa mga kontra-rebolusyonaryong aktibidad at kasong pagpatay sa mag-asawang Bernardo Gata at Remedios Gata at kamag-anak nitong si Vicente Gata na mga taga Barangay Salvacion, Pasacao Camarines Sur noong taong 1996. Nakumpiska kay Abejoro ang 1 M16 (single shot), 4 na RPG at 2 kalibre 38.