Mga Senaryo mula Ormoc City tungong Tacloban City

Sine Proletaryo
Disyembre 5, 2014


Download Yolanda: Mga Kwento ng rebolusyonaryong pagdaig sa kalamidad

Halos pare-pareho ang masasagap na mga eksena ng kamera—ang nakakalungkot na tanawin ng mga sira-sirang gusali na parang mga kalansay na kumakaway, nakahilerang “tent cities,” mga hindi nakukumpuning kalsada, mga estudyanteng pilit na pumapasok sa kanilang mga paaralan na sirang-sira ang mga bubong at natitibag na ang mga pader, mga karatula sa daan na humihingi pa rin ng tulong na pagkain, mga nakadapang puno ng saging at ekta-ektaryang putol na mga puno ng niyog na parang inatake ng pesteng cadang-cadang. Lalong napanot pa ng kalikasan ang dati nang kalbo na landslide-prone na kabundukan ng Leyte.

Hindi mo na talaga kailangan ng anti-gubyernong propaganda para magngalit ka sa kriminal na kapabayaan ng inutil na rehimeng US-Aquino.


Saan man mapadako, walang maririnig kundi ang mga kwento ng mga nakaligtas sa bagyo. Pero walang maririnig na kahit isa man lang na nagpasalamat sa gubyernong Aquino. Bakit nga naman sila magpapasalamat sa gubyernong manhid sa kalagayan ng mamamayan?

May ilang pagbabago na ngang makikita, ngunit karamihan sa mga ito ay paimbabaw lamang. Madarama mo pa rin ang lubhang kalungkutan at malalim na galit ng mamamayan sa gubyerno kapag nagsisimula na sila sa pagkwento ng kanilang mapapait na karanasan. Tiyak na aabutin pa ng ilang taon bago tuluyang mahilom ang mapapait na alaala ng Yolanda. Sino nga ba ang basta na lamang makakalimot sa trahedya noong Nobyembre 8, 2013?

“May mga 40 namatay dito,” sabi ng matandang lalaki na nagmamaneho ng traysikad na nirentahan namin habang kumukuha ng bidyo sa San Jose District sa Tacloban City. “May 100 katao ang namatay dito,” turo ng drayber sa dinaanan naming paaralang elementarya sa Fishermen's Village, isang lugar sa San Jose District. Sama-samang namatay sa loob ng paaralang ito ang mga guro, mga estudyante, kasama ang mga magulang nila. 

Tumaas nang hanggang sampung piye ang tubig nang magkasalubong ang alon mula sa dagat at ang flash flood mula sa kabundukan, kwento niya sa amin. “Dyan sa Astrodome na 'yan, libu-libong tao ang sumilong dyan. Akala nila ay ligtas sila roon, pero may ilang daan din ang namatay dyan.” Matatanaw namin ang malaking gusali ng Astrodome habang dumadaan kami sa pampang ng ilog ng Fishermen's Village.

Isa pang malungkot na kwento ng batang traysikad drayber sa San Jose District:

Bandang alas-9 ng umaga nang dumaan ang Yolanda at bigla na lamang bumaha. Tatlo silang magkakapatid na lalaki na tinangay ng malakas na alon. Lumangoy sila at nang dumaan sila sa isang basketball court ay kumapit ang drayber ng traysikad sa board nito. Hindi siya bumitiw dito hanggang sa humupa ang tubig baha. Pero hindi sinwerte ang dalawa niyang kapatid na lalaki. Tuluyan silang inanod ng malakas na alon at hindi na niya muling nakita ang mga ito.

Kapag makita mo ang barkong inanod ng alon paahon sa lunsod ng Tacloban ay masusukat mo kung gaano kalakas ang daluyong na tumama sa lugar na ito, na tinaguriang “Ground Zero.”

Wala pa ring permanenteng bahay sina Aling Rosa (hindi tunay na pangalan), utility worker ng isang lodging house. Nakaligtas siya at kanyang pamilya nang tumakbo sila sa mataas na lugar nang dumaan ang Yolanda. Nakatira lamang sila ngayon sa isang tolda, taliwas sa iniuulat ni DSWD Sec. Corazon “Dinky” Soliman na wala nang nakatirang “evacuees” sa “tent cities” dahil inilipat na silang lahat sa mga permanenteng tirahan.

Mahirap talaga ang kalagayan namin, kwento sa amin ni Aling Rosa. Aniya, “Romualdez Country daw kasi ang Tacloban.” Kawawa naman silang mahihirap. Nadamay sila sa away ng mga reaksyunaryong angkan ng mga pulitiko sa bansa—ang iringan sa isang banda ng mga pamilyang Aquino at sa isang banda, ng pamilyang Romualdez-Marcos.

(Naaala niyo pa ba na sa harap ng mga kamera ng telebisyon ay sinumbatan ni DILG Sec. Mar Roxas si Tacloban Mayor Alfred Romualdez nang humingi siya ng ayuda sa pambansang gubyerno? Malinaw na sinabi ni Roxas na hindi makakatikim ng ayuda ang Tacloban dahil ang meyor ay kabilang sa angkan ng mga Romualdez.)

Ni isang tulong na bigas o kape mula sa DSWD ay walang natanggap si Aling Rosa. Nabubuhay lamang sila sa tulong ng kanilang mga kakilala at sa kanyang pagtatrabaho bilang utility worker.  

“Puro lamang daldal ang Lacson na yan!” galit namang sinabi ng matandang traysikad drayber tungkol sa mga sinasabi ni dating Sen. Panfilo Lacson, ang Presidential Assistant on Recovery and Rehabilitation. SP