Panagutin ang pasistang 402nd Brigade sa pagpatay kay Brgy. Kapitan Nicasio "Angis" Precioso Sr.! Ilantad ang paglabag ng AFP sa kanilang SOMO

Omar Ibarra
NPA--Western Agusan Norte-Agusan Sur Subregional Command
Disyembre 22, 2014

Translation: Papanubagon ang pasistang 402nd Brigade sa pagpatay kang Brgy. Kapitan Nicasio “ANGIS” Precioso, Sr! Ibutyag ang kalapasan sa AFP sa ilang SOMO

Pananagutin ng Western Agusan Norte-Agusan Sur Subregional Command ang mga kriminal na  reaksyunaryong tropa sa ilalim ni Col. Roland Dumawa ng 26th IB at ng 402nd Brigade sa pagbaril at pagpatay kay Barangay Kapitan Nicasio "Angis" Precioso Sr. ng Balit, San Luis, Agusan del Sur kasabay mismo ng kanilang tigil-putukan. Disyembre 22, pasado alas-8 ng umaga, tatlong araw bago mag-Pasko nang patayin si Kapitan Angis sa Km. 2, Nuevo Trabajo, San Luis, Agusan del Sur. Dadalo sana siya sa Municipal Peace and Order Council Meeting (MPOC) noong araw na iyon para talakayin ang panggigipit ng mga yunit ng COPD sa mga baryo ng San Luis.



Si Kapitan Angis ay matatag na nanindigan para sa mamamayan ng kanyang barangay na mariing tumututol sa pagpondo ng tropang 26th IB sa kanilang lugar. Marami na silang masasamang karanasan noong nakaraan sa RSOT o COPD na ngayon tulad ng patayan ng mga tropa ng AFP gamit ang granada sa gitna mismo ng barangay noong 2005, paghagis ng granada sa bahay ng dating kapitang si Aber Precioso noong 2007, pagpapasurender sa mga residente dahil NPA daw, pagpatay kay Datu Mansubaybay Badbaran noong 2009 at di mabilang na mga kaso ng iligal na imbestigasyon, panghahalughog at iba pa.

Kaya sa bawat meeting na idinadaos ng COPD unit, palaging hinihiling sa kanila ni Kapitan na huwag magpondo sa gitna ng barangay. Mariin itong tinutulan ng COPD team at lumala pa ang kanilang pananakot at pang-iintriga at ginawa pang hamlet ang Barangay Balit. Walang habas ang kanilang iligal na panghahalughog, pang-iimbestiga, surbeylans, pagpigil sa malayang pagkilos ng mga tao at iba pa.

Noong gabi ng Disyembre 21, 2014, kinumpronta ng mga residente kasama si Kapitan Angis si Sergeant Villaganaz, CMO officer ng Alpha Company ng 26th IB, para sabihan na umalis na sila sa baryo dahil mayroon naman silang SOMO at pwede nang umuwi sa kanilang kampo. Iginiit din nila na di dapat mamasyal ang mga sundalo sa gitna ng baryo at huwag limitahan ang kabuhayan ng mamamayan dahil malapit nang mag-Pasko at Bagong Taon.

Kinabukasan, pinatay nila ang mahal na Kapitan ng Barangay Balit.

Matapos magpakita na mabait diumano, lumabas ang pangil ng kaaway!

Hinahamon ngayon ang lahat ng mamamayan na huwag matakot. Gusto ng kaaway na magtanim ng terorismo para maapula ang paglaban ng mamamayan sa COPD. Pero mas grabeng galit ang kanilang aaihin sa kanilang pagpatay sa mahal na Kapitan.

Walang maaasahang hustisya mula sa reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas para sa kamatayan ni Kapitan Angis. Ang mamamayan mismo, kasama ng New People's Army ang maniningil dito.

Pananagutin si Col. Roland Dumawa na siyang CO ng 26th IB. Pananagutin ang COPD unit na nasa Barangay Balit sa ilalim ni Sgt. Andres R. Villaganas at 2nd Lt. Alven T. Vernez. Pananagutin ang mga tirador ng Military Intelligence Battalion na siyang bumaril kay Kapitan Angis.

Nawalan ng isang matinong ama ng baryo ang Barangay Balit. Nawalan ng isang matatag na lider ang tribong Banwaon. Nawalan ang mamamayang Pilipino ng isang tunay na tagapaglingkod. Pero ang kanyang kamatayan ay magiging inspirasyon sa magiting at matapang na paglaban ng kanyang mga tagabaryo, ng kanyang tribo at ng buong sambayanang Pilipino hanggang sa tagumpay.

Tipunin ang tapang!
Hustisya para sa kamatayan ni Kapitan Nicasio Precioso Sr.!
Panagutin ang pasistang kaaway sa kamatayan ni Kapitan Angis!
Labanan ang Oplan Bayanihan hanggang sa ganap na kabiguan nito!
Makibaka, huwag matakot!