Isinakripisyo ng rehimeng Aquino ang nilipol na tropa ng PNP sa dambana ng gera kontra terorismo ng US

Communist Party of the Philippines
January 28, 2015

Translation: Slaughtered PNP troops were sacrificed by Aquino regime in altar of US terror war
 

Ang 44 na espesyal na tropa ng Philippine National Police (PNP) na nilipol noong Enero 25 sa isang 12-oras na labanan sa mga tropa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay isinakripisyo ng mga susing upisyal ng PNP at ng rehimeng Aquino sa dambana ng gera sa terorismo ng US.

Ang operasyon sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao ay kinasangkutan ng halos 400 piling tropa ng pulisya at layon umanong dakpin si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at si Basit Usman, sinasabing mga upisyal ng Jemaah Islamiya. Kabilang ang dalawa sa "listahan ng US ng mga terorista" na may patong sa ulo na nagkakahalaga ng $7 milyon na ibibigay ng State Department ng US para sa neutralisasyon sa kanila.



Mayroon malakas na batayan para paniwalaang ang palpak na trabaho ay pinakana ng matataas na upisyal ng rehimeng Aquino sa panunulsol ng militar ng US. Malaon nang pinangungunahan ng militar ng US sa Pilipinas ang mga operasyong paniktik at kombat upang dakpin sina Marwan at Usman. Noong Pebrero 2012, pinakilos ng militar ng US ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maghulog ng "smart bombs" sa Jolo, Sulu at pagkatapos ay ipinagmayabang na napatay si Marwan, samantalang ang talagang napatay ay ang ilang lider relihiyoso at mga sibilyan.

Lumalabas na direktang nakikipag-ugnayan ang US kay Aquino. Lumitaw ang impormasyon na si Aquino mismo, na kaugnayan ang kumand ng militar ng US na nakabase sa Zamboanga, ang nagkokoordina ng operasyon kasama ang suspendidong hepe ng PNP na si Alan Purisima, na nagmobilisa naman ng kanyang pinagkakatiwalaan mga upisyal at tauhan mula sa Central Luzon at iba pang lugar para isagawa ang operasyon nang di ipinaaalam sa iba pang upisyal ng pulis at militar. Lumipad patungong Zamboanga si Aquino noong Sabado diumano, para bisitahin ang mga biktima ng pambobomba noong nakaraang linggo, subalit lumalabas na ito ay panabing lamang upang mamonitor mismo niya ang operasyon, hintayin ang resulta at direktang mag-ulat sa militar ng US.

Hindi rin nakipagkoordina ang rehimeng Aquino sa MILF, kung saan mayroon itong umiiral na kasunduan sa tigil-putukan, subalit pinaghihinalaan niyang kumakanlong kay Marwan. Isinagawa nito ang operasyon sa Mamasapano sa kabila ng panganib na madiskaril ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law at ng negosasyong pangkapayapaan sa MILF.

Matapos ang operasyon, ang pwersang militar ng US ang isa sa kauna-unahang nagpadala ng aset sa lugar upang kilanlin kung si Marwan o Usman nga ang kabilang sa mga napaslang sa nangyaring labanan. Lumitaw din ang impormasyon hinggil sa posibilidad na may mga kasamang sundalong Amerikano sa mga nasawi at isa sa layunin ng militar ng US kaya nag-aapurang makapunta sa lugar ay makuha ang mga bangkay ng mga sundalong Amerikano.

Maling-mali na ilarawan ang labanan bilang "mis-engkwentro". Ang pagdedeploy ng rehimeng Aquino nang halos 400 piling tropa ng pulisya ay patunay na inaasahan nito ang maigting na paglaban ng mga pwersa ng BIFF at MILF. Batay sa mga ulat, malinaw na inatasan ang mga tropa ng pulisya na maglunsad ng isang mistulang operasyong ng pagpapakamatay kabilang ang pagpasok sa mahirap na kalupaan at pagharap sa palabang armadong populasyon. Tila ang plano ay gamitin ang malaking bilang nito para gibain ang depensa ng BIFF at MILF kapalit ng pagsasakripisyo ng tropa nito sa pag-asang mahuhuli ang kanilang mga target sa proseso ng labanan.

Nakikidalamhati ang PKP sa mga pamilya ng mga pulis na isinakripisyo sa dambana ng gera kontra terorismo ng US. Nananawagan ito sa lahat ng upisyal at tauhan ng PNP na magsalita at manindigan laban sa rehimeng Aquino at sa mga upisyal ng pulisya nito na nag-atas ng operasyon sa Mamasapano at ilantad ang nagpapatuloy ng interbensyunismong militar ng US sa Pilipinas.

Inuulit-ulit ng PKP ang panawagan sa sambayanang Pilipino na wakasan ang presensyang militar ng US sa bansa at kagyat na pawalmabisa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang Mutual Defense Treaty maging ang lahat ng iba pang tagibang na mga kasunduang militar sa US na lumalapastangan sa soberanya ng Pilipinas.