Pahugusin ang Kabataan at Mamamayan laban sa Rehimeng US-BS Aquino! Dakilain ang Makasaysayang Tradisyon ng Sigwa ng Unang Kwarto!

Karolus Montañes
Kabataang Makabayan -- Timog Katagalugan
Enero 30, 2015

Taong 1969. Sa gitna ng malawakang pandaraya at terorismo sa pambansang burgis na halalan, muling naiakyat sa pagkapangulo si Ferdinand Marcos. Lalong tumindi ang krisis ng lipunan at ang pang-aapi ng reaksyunaryong estado sa pamamagitan ng papatinding pasismo. Kasabay nito, hibang na nagtangka ang rehimen na linlangin ang mamamayan sa pamamagitan ng isang “state of the nation address.” Subalit ito’y nabigo. Sumiklab ang pagnanais ng mamamayan para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Nalinang ang pagkakaisa ng mga mag-aaral, propesyunal, manggagawa at magsasaka sampu ng iba pang mamamayan sa pananawagang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.



Pinasimulan ng kabataan, sa pangunguna ng Kabataang Makabayan, ang mga bugso ng paglaban na tumagal ng tatlong buwan mula Enero hanggang Marso 1970, na tumatak sa kasaysayan bilang Sigwa ng Unang Kwarto. Binigwasan nito ang kabulukan at kabangkarotehan ng naghaharing sistema sa pamamagitan ng papalaking daluyong ng mga protesta sa iba’t ibang panig ng bansa, na umabot sa 50,000 hanggang 100,000 sa Kamaynilaan. Ang mga aktibistang kabataan sa Timog Katagalugan ay nakalahok sa mga aksyon sa pambansang sentro, at nakapaglunsad din ng mga aksyong protesta sa Los Baños, San Pablo at Sta. Cruz. “Makibaka! Huwag matakot!” Ito ang sigaw ng kabataan, na sinaniban ng iba’t ibang uri at saray na namulat sa gitna ng krisis ng malapyudal at malakolonyal na sistema. Magiting nilang hinarap ang mersenaryong armadong pwersa ng reaksyunaryong estado. Marami ang nagbuwis ng buhay. Subalit higit na marami ang natutong lumaban. Pinatunayan ng yugtong ito sa ating kasaysayan ang nagpapatuloy na kabayanihan ng sambayanang Pilipino at ang malaking potensyal ng kabataan na umambag sa pagpupunyagi upang mapalis ang pagsasamantala at pang-aapi.

Kasalukuyan. Higit na nasasadlak sa pighati ang mamamayan sa ilalim ng pamumuno ng rehimeng US-Benigno Simeon Aquino III. Sa gitna ng matatamis na pangakong bibigyang-katarungan ang mamamayan mula sa pagsasamantala at pang-aapi ng nagdaang kinasuklamang rehimeng US-Gloria Arroyo ay naiakyat sa poder ang ngayo’y napatunayan nang papet, korap, pahirap at pasistang pangulong ito -- sa tulong ng malalaking pabor mula sa mga naghaharing uri at dayuhang amo nito. Namamayani ang korupsyon, pambubugaw sa mga banyagang dambuhalang korporasyon, kahirapan at inhustisya, pagsagasa sa pantaong karapatan at lansakang pagtalikda sa pambansang soberanya.

Sa hanay ng kabataan, damang-dama ang lantarang pagkakolonyal, komersyalisado at pasista ng sistema ng edukasyon; ang pagkakait na makapag-aral at makatamasa ng iba pang karapatan ang nakararami sa atin; ang pambabarat sa lakas-paggawa sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon at pambubugaw sa pamamagitan ng labor export policy; ang pagpapalayas sa mga lupa at tahanan at paglusaw sa kabuhayan. Tampok na tampok ang iisang karanasan ng kabataan at ng iba pang mamamayan. At tumatampok rin ang higit nating pagkakaisa.

Kamakailan lamang, tumindi ang galit ng mamamayan matapos na mapaslang ang mahigit 40 tropa ng SAF-PNP sa isang operasyon sa Mamasapano. Ang inutil na pamumuno nina BS Aquino, Roxas at Purisima ang siyang nagsubo sa kapahamakan sa mga tropang ito. Hindi rin sana nangyari ang insidenteng ito kung hindi dahil sa makasariling pagnanais nilang magpabango ng pangalang mantsado ng korupsyon at paglabag sa karapatan, at patunayang sila ay mga tutang handang laging yumukod sa ninanais ng US -- na siyang pasimuno sa pandaigdigang “gera laban sa terorismo” at siyang nangako ng milyon-milyong pabuya para tugisin ang “most wanted terrorists” sa listahan nito. Nang mabigo ang kanilang pakay, ngayo’y mala-Pontio Pilatong naghuhugas-kamay ang mismong commander-in-chief ng mersenaryong hukbo, naghahanap ng mapagbabalingan ng sisi at doble-karang nananawagan ng “kapayapaan.” Tumpak ang pagsusuri ng rebolusyonaryong kilusan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, na hindi matatamo ang kapayapaan sa Mindanao man o sa buong bansa hangga’t nananatili ang mapang-aping katangian ng reaksyunaryong estado na siyang kumakanlong ng mersenaryong sandatahan, at mga burukrata sa gubyerno at sa loob mismo ng sandatahang ito. Nais lamang nitong magbaba ng armas ang mga grupong lumalaban dito upang maging “mapayapa” para sa mga dambuhalang dayuhang negosyante ang isla ng Mindanao at ang buong kapuluan. Wala ito ni katiting na pagnanais na manaig ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Magpapatuloy ang pagdadalamhati ng mga mag-anak dahil sa pagdarahop at pagkasawi ng buhay.

Uhaw na uhaw na ang mamamayan sa makabuluhang pagbabago, at papalakas ang panawagang ibagsak ang rehimeng US-BS Aquino sa poder. Sa ilalim nito, ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas ay hindi na mapantayan sa lalim. At habang papalapit ang pambansang burgis na halalan, lalong lumalaki ang awang sa pagitan ng mga naghaharing paksyon na nagpapaligsahang maging numero unong tuta ng imperyalismong US.

Makatarungan ang pagpapatalsik sa rehimeng US-BS Aquino. Maling isipin na dahil papalapit na ang pambansang burgis na halalan ay hayaan na lamang nating maghintay ang mamamayan upang mapaltan ang numero unong papet. Nangangahulugan ito ng pagpapahintulot na magpatuloy pa si BS Aquino sa kanyang walang pakundangang mga krimen laban sa mamamayan. Mali ring isipin na dahil ang iba pang mga burukrata sa gubyerno ay tulad din naman ni BS Aquino sa pagkapapet, korap, pahirap at pasista ay hindi na tayo dapat mag-aksaya pa ng panahong patalsikin siya. Maliban sa isa itong anyo ng pagpaparusa sa sandamakmak niyang krimen laban sa mamamayan, nagsisilbi rin itong babala sa sinumang burukrata na hindi sila magtatagumpay sa pagsupil at panlilinlang ng mamamayan.

Ang pag-igting ng hidwaan sa pagitan ng mga naghaharing paksyon habang papalapit ang pambansang burgis na halalan ay nagbubukas ng papalaking oportunidad na lalo pang mahiwalay at mapatalsik si BS Aquino. Ang paglakas naman ng kilusang anti-Aquino ay nagtutulak lalo sa mga burukrata na humiwalay na sa kanya, at lalong nagpapalaki ng bitak sa loob ng naghaharing uri. Samantala, sa gitna ng mga panawagan para sa pagbabago ay lumalaki ang pagkakataong maihapag ng mga rebolusyonaryo at progresibo ang adhikaing magtayo ng isang council of national unity na siyang magsisilbing caretaker government na ang tungkulin ay tiyakin ang malinis at walang-pandarayang halalan matapos na mapatalsik si BS Aquino. Ang tagapangulo ng caretaker government na ito ay itatalaga ng isang council of moral regeneration na lilitaw mula sa kilusang masa.

Naganap ang Sigwa ng Unang Kwarto matapos ang marungis at madayang halalan. Hindi pa noon napatalsik si Marcos, na sa desperasyon ay nagpataw ng paghaharing militar. Subalit ang pinakamakabuluhang ambag ng Sigwa ay ang pagpapanday ng kapasyahang lumaban ng kabataan at mamamayan na kinalauna’y nagpabagsak sa rehimen ni Marcos. Marami sa atin ang hindi na lamang lumaban sa mga lansangan kundi nagbitbit na ng armas sa kanayunan upang doo’y simulan ang pagtatayo ng isang tunay na bagong lipunan. Dumadagundong ngayon sa buong bansa ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong digma, at patuloy ang pagsisikap ng mga rebolusyonaryo na abutin ang higit na mataas na antas ng digmang bayan upang sa nalalapit na hinaharap ay mapaltan hindi lamang ang naghaharing reaksyunaryong rehimen, kundi maging ang buong sistemang pinamamayanihan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Wala nang ibang makabuluhang pagdadakila sa alaala ng mga bayani at martir ng Sigwa ng Unang Kwarto kundi ang muling pagpapalakas ng daluyong ng paglaban ng mamamayang Pilipino -- at sa gitna nito, ang paghugos ng kabataan upang magiting na makibaka sa piling ng sambayanan, sa mga sentrong bayan man o sa kanayunan.