Patalsikin ang Kriminal na Rehimeng US-Aquino! Itayo ang Transisyong Gubyernong Bayan!

Karolus Montañes
Kabataang Makabayan-Timog Katagalugan
Pebrero 21, 2015

Matindi ang desperasyon ng rehimeng US-Aquino na takasan ang pananagutan nito sa madugong sagupaan sa Mamasapano na kumitil ng mahigit 60 buhay mula sa hanay ng PNP-SAF, MILF, BIFF at mga sibilyan. Habang patuloy na nauungkat ang tuwirang pakikilahok ni Aquino sa ilalim na rin ng pagmamando ng imperyalistang US sa tinaguriang “Oplan Wolverine,” itinigil ang isinasagawang imbestigasyon sa Kongreso. Sa isang pahayag na bumabaluktot sa nauna nitong pagtanggi sa partisipasyon ng Amerika sa nabulilyasong operasyon, ipinagtanggol ng Malacanang ang pagkilos ng mga pwersang Amerikano sa Pilipinas sa ngalan ng notoryus na proyekto ng “war on terrorism”. Sa gayon, habang patuloy na nailalantad ang mga kasinungalingan at panlilinlang ng rehimeng US-Aquino, lalo lamang lumiligwak ang dugo mula sa mga nakakuyom nitong palad.


Matinding balakid sa paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng madugong sagupaan ang mga manipulasyong iginigiya ng administrasyon ni Aquino ayon na rin sa dikta ng US. Sa gayon, isang mahigpit na kahingiang matalas na suriin ang trahedya ng Mamasapano sa konteksto ng imperyalismong Amerikano at sa patuloy na pakikibaka ng mamamayang Moro para sa kanilang karapatan, at puspusang ilantad ang sari-saring krimen ng sabwatang ito sa sambayanang Pilipino.

Pinatunayan ng kawalan ng sapat na koordinasyon sa operasyong inilunsad sa Mamasapano na ito ay nilikha sa udyok ng US bilang bahagi ng pandaigdigan nitong digma laban sa terorismo – isang militaristang ekspedisyong nakadisenyo upang isulong ang pampulitika at pang-ekonomiyang interes ng Amerika. Bagamat nakatungtong sa retorika ng pandaigdigang kapayapaan, iniluwal ng mahigit isang dekada ng paglulunsad ng mga madudugong operasyon ng digma laban sa terorismo ang pagkawasak ng sari-saring bayan sa iba't ibang panig ng mundo, pagkasawi ng milyun-milyong buhay at pagkamkam sa maraming bansa, partikular na sa Gitnang Silangan, bilang mga neokolonyal na teritoryong nasa ilalim ng geopulitikal na kontrol ng Amerika.

Bilang bansang nananatili sa neokolonyal na pananamantala ng US, patuloy na naisasangkot ang Pilipinas sa marahas na proyektong ito ng berdugong imperyalista sa pamamagitan na rin ng papet na rehimen ni Aquino. Bagamat isang maliwanag na paglapastangan sa soberanya ng bansa ang pakikialam ng dayuhang kapangyarihan sa mga patakarang pampulitika lalo't hinggil sa usapin ng pambansang seguridad ng Pilipinas, nananatiling sunud-sunuran si Aquino sa mga udyok ng US. Malinaw na nakahugis sa disenyo ng digma laban sa terorismo ang operasyong tugisin sina Zulkifli Abdhir alyas “Marwan” at Abdul Basit Usman na pawang kabilang sa “US terrorist list” at pinatungan ng pabuyang tinatayang aabot sa $9 milyon. Sa pagbabalangkas naman ng operasyon kasabwat si PNP Chief Alan Purisima na sinuspindi dahil sa katiwalian, tuwirang masasalamin ang desperasyon ni Aquino na mabigyang-lugod ang utos ng among imperyalista sa kanyang paglabag sa protokol ng koordinasyon na kalaunan nga ay naglundo sa mga isinabak na pwersa sa bangin ng kamatayan.

Sa kabila ng malinaw na pananagutan ni Aquino sa madugong engkwentro ng Enero 25, patuloy niyang pinangangalagaan ang pansariling interes sa pamamagitan ng pagtutuon ng sisi sa PNP-SAF Commander na si Napeñas, pampulitikang manipulasyon sa mga imbestigasyon sa Kongreso at paglulubid ng mga kasinungalingan hinggil sa saklaw ng kanyang pakikilahok sa operasyon. Lalong nailalantad ang bulag na paninilbihan niya sa marahas na proyekto ng imperyalistang US dahil hinahabi niya ang kanyang pagtalilis sa responsibilidad sa retorika ng digma laban sa terorismo na nagsisilbing instrumento rin upang paypayan niya ang banta ng malawakang giyera sa Mindanao. Dito ay mababakas ang kawalan ng sinseridad ni Aquino na taluntunin ang prosesong pangkapayapaan.

Kaakibat ng pagbagtas ni Aquino sa mapanganib na landas ng malawakang giyera ay ang hindi pagkilala ng kanyang rehimen sa lehitimong karapatan ng sambayanang Moro. Sa loob ng ilang siglo, biktima ang pamayanang Moro ng marahas na kasaysayan ng diskriminasyon at pang-aapi na ibinunga rin ng neokolonyal na kaayusang patuloy na pinananatili ng estado. Patuloy na nagsisilbing madugong larangan ang Mindanao nang dahil sa malawakang militarisasyon na nakahugis sa mga proyektong kontra-insurhensya ng pamahalaan gaya ng Oplan Bayanihan na nagtatanggol din sa interes ng mga mapagsamantalang industriyang gaya ng pagmimina at pagtrotroso. Idinulot ng pagsalakay ng mga armadong pwersa ng gobyerno, kaalinsabay ng patuloy na panghihimasok ng mga dayuhang korporasyong pinoprotektahan ng estado, ang matitinding pagkawasak ng kanilang mga komunidad, at mararahas na paglabag sa karapatang-pantao. Sa banta ng malawakang giyera, iigting ang patuloy na pighati ng mga Moro at iba pang mamamayan sa Mindanao.

Habang patuloy ang pananatili ni Aquino sa puwesto, nananatili ang sari-saring krimen ng kanyang rehimen bilang opisyal na patakaran ng kanyang pamumuno. Ang madugong trahedya ng Mamasapano ay isang katibayan na walang anumang pagtatangka ang reaksyunaryong pamahalaang kumawala sa tanikala ng neokolonyal na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas ng US na patuloy na sumasaklot sa bansa sa malakolonyal at malapyudal nitong kalagayan. Bukod pa rito, nariyan din ang mga tiwaling patakaran gaya ng priority development assistance fund at disbursement acceleration program na nagsisilbi upang maging gatasan ng rehimen ang kabang-yaman ng bansa. Sa harap ng nararanasang panggigipit at pananamantala sa malawak na hanay ng sambayanan dahil na rin sa lumalawak na bangin sa pagitan ng mayaman at mahirap, higit na tumitindi rin ang pandarahas ng estado sa porma ng mga operasyong militar na lumulundo sa mga karumal-dumal na pagpaslang, sapilitang pagkawala at iba pang anyo ng paglabag sa karapatang pantao.

Makatuwiran ang patalsikin si Aquino. Sa panahong umaalsa ang galit ng sambayanang biktima ng patung-patong na krimen ng rehimeng US-Aquino, nararapat lamang na wakasan ang rehimeng nakabuntot sa interes ng imperyalistang dayuhan at hindi nakatuon sa layuning pagsilbihan ang malawak na hanay ng mamamayan. Higit kailanman, nararapat kumilos ang sambayanan upang itayo ang isang konseho ng pambansang pagkakaisa na binubuo ng mga kinatawan ng iba't ibang sektor partikular na yaong nagsisikap na patalsikin si Aquino at kikilos upang papanagutin siya at ang kanyang mga kasabwat sa kanilang pagkakasala sa sambayanang Pilipino. Subalit ang pagtatayo ng konsehong ito ay hindi ang matagalang kasagutan sa pundamental na suliranin ng lipunang Pilipino. Hakbang-hakbang nating ilalatag ang higit pang matataas na antas ng pakikibaka na tatalunton patungo sa inaasam na tagumpay tungo sa pambansang demokrasyang may sosyalistang tunguhin.