Sigaw ng bayan, ihayag ang buong katotohanan tungkol sa namumunong papel ng US at ni Aquino sa operasyon sa Mamasapano--PKP

Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Pebrero 13, 2015


Translation: People demand full revelation of US, Aquino lead role in Mamasapano operation--CPP
 

Ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), iginigiit ng sambayanang Pilipino na buung-buong ihayag ang katotohanan tungkol sa papel na ginampanan ng militar ng US at ni Benigno Aquino III sa pagpaplano, pagpapatupad at kapalakan ng operasyon sa Mamasapano noong Enero 25. Sa nakaraang ilang araw, matamang sinusubaybayan ng sambayanang Pilipino ang mga pampublikong pagdinig na isinasagawa ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso na nag-iimbestiga sa insidente.

Noong Enero 25, halos 400 operatiba ng pulisya sa ilalim ng Special Action Force ng (SAF) ng PNP ang nagsagawa ng operasyon upang nyutralisahin si Zulkipli Bin Hir alyas Marwan na kabilang sa "listahan ng terorista" ng gubyerno ng US at mayroong patong sa ulo na $6 milyon mula sa pondo ng State Department ng US. Humantong ang nangyaring labanan sa pagitan ng mga pwersa ng pulisya at mga armadong mandirigmang Moro sa lugar sa pagkamatay ng 44 pwersa ng pulisya, 18 mandirigma ng MILF at ilang tauhan ng BIFF at di bababa sa limang sibilyan.



"Dismayado ang sambayanang Pilipino kung paanong purisgidong hinahandlangan ng ilang mga senador, kongresista at mga upisyal ng gubyernong Aquino at mga inimbitang tagapagsalita ang paghahayag ng namumunong papel na ginampanan ng gubyerno at militar ng US at ang sikretong pakikipagsabwatan nito sa matataas na upisyal ng gubyernong Aquino," anang PKP.

"Ang dating SAF kumander ng PNP na si Gen. Getulio Napeñas mismo ay tumangging ihayag ang lalim ng pagkakasangkot sa pagpaplano at pagpapatupad ng militar ng US at ng mga ahensya sa seguridad nito sa operasyon sa Mamasapano," pagdidiin ng PKP. "Hinayaan siya sa kanyang paggigiit na gumastos lamang ang SAF ng P100,000 sa isang operasyon na tiyak na nagkakahalaga ng multimilyong piso."

"Malinaw na mayroon siyang mahigpit na koordinasyon sa mga pwersa ng US nang ang umanong mungkahi niyang tulong para sa ebaksyong medikal sa Joint Special Operations Task Force (JSOTF-Philippines) ng US ay kagyat na tinugunan, kung saan nagpadala ng helikopter at tauhan ang militar ng US sa lugar," anang PKP. Sinasabi sa mga independyenteng ulat na nagpadala ng mga helikopter ang militar ng US upang ilikas ang mga sundalong Amerikano na napaulat na kabilang sa mga nasawi.

"Gayunpaman, ang mahigpit na pakikipagkoordina sa gubyernong US ay di sinasadyang nabunyag sa testimonya ni General Napeñas na ang pinutol na daliri mula sa napaslang na target ng pulisya para sa DNA ay kagyat na ipinadala sa mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng US na nakaabang sa General Santos City," pagdidiin ng PKP. "Gayunpaman, pinahintulutan siyang sagutin ang dahilan kung bakit nasa General Santos City na ang mga ahente ng FBI sa isang ehekutibong sesyon, bagamat malinaw namang nakitkita ng sambayanan ang katotohanan sa likod ng belo ng paglilihim."

"Malinaw ding nakikita ng sambayanang Pilipino na lihim na katrabaho ng mga sundalong US si Aquino mismo sa pagluluto ng operasyon sa Mamasapano," anang PKP. "Direktang nilapastanagn ni Aquino ang awtoridad ng mga upisyal ng pulisya sa pamamagitan ng kanyang paboritong alipures, ang suspendidong hepe ng PNP na si Dir. Gen. Alan Purisima, sa pagplano at pagsubaybay sa operasyon, na di ipinaaalam sa matataas na upisyal ng pulisya, ni sa mga upisyal militar at iba pang susing mga upisyal sa seguridad at depensa."

"Ipinaalam mismo kay Aquino nina General Purisima at Napeñas ang estado ng operasyon sa Mamasapano ilang araw bago ang operasyon," anang PKP. "Ang lumalabas, si General Purisima, kasama ng mga upisyal ng US, ang nagbigay ng balita kay Aquino noong umagang-umaga noong Enero 25."

"Binigyan din ng ehekutibong pribilehiyo si General Purisima nang hayaan siyang hingin ang pahintulot ni Aquino bago sagutin kung siya nga ang nagpabatid sa pangulo sa kalagayan ng operasyon sa Mamasapano. Gayunpaman, nagtagumpay lamang siya sa paglalantad kung gaano kalalim ang pagkakasangkot nila ni Aquino sa lihim na operasyon."

Hinihikayat ng PKP ang sambayanang Pilipino na ituluy-tuloy ang kanilang paggigiit na lubusang ihayag ang katotohanan, laluna kaugnay sa papel ng US sa pagpapakana, pagpopondo at pagpaplano sa operasyon, ang mga paglabag sa soberanya ng Pilipinas sa lihim na operasyon ng pulis, militar at mga ahensya sa seguridad ng US sa bansa at kung paano ito nakikipagkutsabahan sa taksil na mga upisyal ng gubyerno, pulisya at militar.

Sinusuportahan din ng PKP ang sambayanang Pilipino sa kanilang sigaw para sa pagpapatalsik kay Aquino at sa planong sampahan siya ng kasong kriminal sa paggamit ng kanyang walang kasupu-suportang mga operatibang pulis bilang pambala sa kanyon sa pamamagitan ng pag-atas sa kanila na maglunsad ng labanan sa loob ng teritoryo ng kalaban.