Tutulan ang mabigat na pagtaas sa lokal na presyo ng langis--PKP

Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Pebrero 18, 2015

Translation: Protest hefty increases in local oil prices—CPP

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga subsidyaryo ng malalaking dayuhang kumpanya ng langis sa pagpapataw ng sunud-sunod na pagtataas ng presyo sa linggong ito, na nagpataas sa lokal na presyo ng langis nang mahigit P3.50 kada litro kung kailan ang presyo ng langis ay dapat pa ngang ibaba nang halos ganoon din halaga.

Nananawagan ang PKP sa sambayanang Pilipino na iprotesta ang mabigat na pagtataas ng presyo ng langis. "Matatag at makatwiran ang batayan ng paninindigan ng sambayanang Pilipino sa paggigiit ng pagbabawas ng presyo ng langis sa harap ng patuloy na pagbulusok ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan."

Kahapon, nagpataw ang mga kumpanya ng langis ng panibagong mabigat na bugso ng pagtaas, pitong araw lamang matapos ang malaking pagtataas sa tinging presyo. Sa kabuuan, tumaas nang P3.45 kada litro ang presyo ng diesel, ng gasolina nang P3.65 kada litro at ang kerosene, nang P2.15 kada litro.

"Sa pagpapataw ng mabigat na pagtataas, tumatabo ang malalaking kumpanya ng langis ng dagdag na supertubo at nagbubunsod ng ibayong pang-aapi sa sambayanang Pilipino." anang PKP.

Mabilis na bumababa ang internasyunal na presyo ng krudo, na sa kasalukuyan ay nasa $55 kada bariles o halos 50% ng presyo nito na $108-110 noong Hunyo 2014. Noong Enero, bumulusok ang presyo ng krudo sa halos $45 kababa kada bariles. Tinataya ng mga internasyunal na ahensya sa langis na mananatili ang presyo nang mababa pa sa $60 kada bariles hanggang matapos ang taon.

Sinuporthan ng PKP ang panawagan ng iba't ibang sektor na ibaba ang lokal na presyo ng langis upang salaminin ang mga pagbagsak ng presyo ng krudo at iginiit na dapat nasa halos P22/litro lamang ang presyo ng diesel habang P27/litro naman ang gasolina.

"Dapat iprotesta ng sambayanang Pilipino hindi lamang ang kamakailang mabigat na pagtaas ng presyo ng langis, kundi maging ang pagkabigo ng rehimeng Aquino na tiyakin ang mas malalaking pagbaba sa presyo ng langis, ng pagbawas sa halaga ng elektridad, maging ng pamasahe sa tren at sa presyo ng batayang produkto," anang PKP.

"Sa halip, napagtaw pa ang rehimen ng mabigat na pagtaas ng pamasahe sa metro tren. Gayundin, tumanggi itong umaksyon laban sa malalaking kumpanya sa kuryente na nagtaas ng bayarin noong Enero."